Dumaan ang isang buwan at muli na namang nakatapos ng isang istorya si Alexa, at ngayong araw ay muli siyang magpupunta sa publishing house upang iapply ang libro niya.
Nakangiti siyang lumabas ng bahay at tiningnan ang manuscript niyang dala saka naglakad patungo sa sakayan ng jeep. Isang oras din ang naging biyahe niya at sa wakas ay nakarating na rin siya sa isang publishing house.
Bumaba siya sa harap ng publishing house at tiningnan ito. “Sana matanggap na ‘to ngayon.”
Makikita sa mukha ni Alexa na gustong-gusto na niya na this time ay maging successful na ang story niya. Lumakad na siya at pumasok sa loob at naghintay ng ilang oras bago umupo sa isang upuan sa harap ng isang babae. Ibinigay niya ang hawak niyang folder na naglalaman ng mga pahina ng istorya na sinulat niya. Sinuri ito ng babae at binasa ang plot, characters, setting, genre at ang ilang chapters ng story. Habang ang mga kamay ni Alexa ay magkawahak dahil sa sobrang kabado sa magiging resulta, hindi kasi makikitaan ng kasiyahan ang mukha ng babae sa harap niya. Ang mga mata lang nito ang gumagalaw habang binabasa ang story.
Isinarado na nito ang folder at ibinigay muli sa kanya. “I’m sorry miss, not accepted,” seryoso nitong sambit.
“P-pero ma’am hindi po ba maganda ang pagkakasulat ko, puwede ko naman po siyang baguhin?”
Bumuntong-hininga ito. “Actually ang way mo ng pagsulat ay maganda ,pero sad to say common na ang story mo kaya hindi ko na maaaring tanggapin. This time our company ay naghahanap ng something na may imfact like a twist in the story, not a normal one even in a romance genre. Sa sobrang daming libro ngayon halos same na ang mga kwento nila katulad ng sayo, kaya naman kung gusto mo na ma-publish ang story mo ay kailangan gumawa ka ng kakaiba like mag-add ka ng twist para ma-excite ang mga readers mo but for now hindi ko matatanggap ang story mo. You also free to go back here to apply again. Thank you.”
Hindi na siya naka-sagot sa sinabing resulta at malungkot na umalis na lang siya sa building na ‘yon dahil inasahan niya talaga na kahit paano itong bago niyang nasulat na istorya ay matanggap na, pero bigo na naman siya at uuwi na namang bagsak ang mga balikat.
Kaysa umuwi kaagad si Alexa ay nagpunta na lang muna siya sa isang mall para mapawi naman ang lungkot niya ngayon.
Samantala si Lucas ang batang kasama ni Victor sa mahiwagang bahay ay pumapasok sa isang eskwelahan. Ito ay nagpapanggap bilang isang normal na tao at hindi pinapakita ang mga kaya niyang gawin katulad ng pag lutang sa ere. Ngayon ay kailangan niya na muling pumasok at mukhang may hinahanap ito.
“Nasaan na ba ‘yon? Late na ko!” Naghahanap ito sa paligid ng mga shelf ng libro ngunit hindi niya makita ang hinahanap niya.
Napagawi ang paningin niya sa table ng kanyang lolo at nakita na niya ang hinahanap. Isang libro na ginagamit niya sa eskwelahan ngunit sa pagmamadali ay hindi niya napansin na iba ang nadampot niyang libro at hindi ang libro niya sa eskwelahan.
Lumabas si Victor sa kwarto niya at muling pumunta sa kanyang table para muling magsulat sa mahiwagang libro pero sa pag-upo niya at pagbaling ng kanyang mata kung saan niya ito itinabi ay ibang libro ang nakita niya.
Kumunot ang noo nito. “Sandali— nasaan na ang mahiwagang libro, bakit ibang libro ang narito sa aking lamesa?” Hinanap ito ni Victor sa paligid ng lamesa maging sa mga drawer nito pero wala siyang nakita.
“Saan na napunta ‘yon ang pagkakatanda ko dito ko lang ‘yon inilagay pero bakit wala rito at ibang libro ang narito.” Ilang beses na niyang hinanap pero hindi niya pa rin nakita kaya naman huminto na lang ito at naupo muli. “Tatanungin ko na lang si Lucas mamaya baka nakita niya.”
Samantala si Alexa ay inaliw ang sarili sa pagtingin sa mga batang naglalaro sa palaruan sa loob ng mall . “Buti pa sila masaya lang at walang pinagdadaanan katulad ko.” Ngumiti siya sa isang batang lalaki dahil cute itong kumakaway sa kanya at ang tingin niya ay nasa 2 years old pa lang ito.
Nalibang siya sa mall at hindi niya na namalayang gabi na at mukhang uulan pa kaya naman bago pa umulan ay sumakay na siya ng jeep at bumiyahe.
Habang si Lucas ay pauwi na rin ay naisipan muna niyang pumunta sa isang simbahan kahit ito ay sarado na. Nakasanayan na ito ni Lucas dahil sa labas ng simbahan ay tahimik pag gabi, umupo siya sa isang upuan sa labas ng simbahan at may silong naman pero nang kukunin na niya ang libro sa loob ng bag niya ay biglang may tumatawag sa mahiwagang salamin na parang compact mirror. Sa hindi sinasadya nabitawan niya ang libro, pero hindi sa mismong bag niya bumagsak kung hindi sa gilid niya.
Binuksan niya ang compact mirror at lumabas ang mukha ni Victor rito. “Anong oras na Lucas hindi ka pa umuuwi?”
“Pasensya na lolo, napadaan lang ako dito sa simbahan.”
“Umuwi ka na ngayon may kailangan lang akong itanong sayo.”
“Sige po lolo.” Nawala na sa salamin si Victor at bumalik ulit ito sa babasagin na salamin na makikita ang repleksyon ng mukha ni Lucas.
Biglang nagsimula ng pumatak ang ulan kaya hindi na napansin ni Lucas ang libro na nahulog sa upuan at dahil nga nag-uumpisa ng lumakas ito ay tumakbo siya paalis at habang tumatakbo siya ay lalo pang lumakas ang ulan. Sa oras na liliko na ito sa isang eskinita ay makakasalubong niya si Alexa na tumatakbo rin, bumagal ang takbo nilang dalawa ng halos magdikit ang kanilang mga balat at ng nakalagpas na sila sa isa’t-isa, si Alexa ay napilitan na huminto sa labas ng simbahan dahil lumakas na ng todo ang ulan.
“Wrong timing din ang ulan ngayon. Nakikiramay ba siya sa kalungkutan ko,” sambit niya habang pinupunasan ng panyo ang mga nabasang bahagi ng katawan.
Ilang minuto na pero hindi pa rin tumitila ang ulan kaya naupo na lang siya sa katabi niyang upuan, pero habang hinihintay niyang tumila ang ulan ay napansin niya ang isang libro na nasa kanyang tabi.
“Libro?” nagtataka niyang sambit.
Kinuha niya ito at sinuri. “Ang ganda naman nito kahit luma na.” Binuksan niya ang libro at nagulat siya dahil walang nakasulat rito. “Pero bakit walang nakasulat? Ang luma na nito pero bakit blanko ang mga pages.”
Tiningnan niya pa ang lahat ng pahina pero wala talagang nakasulat. “Sayang naman ‘to puwede ko pang magamit, pero baka balikan ng may-ari.” Sa kakaisip kung kukunin ba niya ang libro ay sa huli ay nakapagdecide siyang kuhanin na lang dahil mukhang hindi na ito babalikan ng may-ari dahil gabi na. “Sorry sa kung sino man ang may-ari nito, kung hindi ko naman ito dadalhin pauwi ay baka itapon lang ng naglilinis ng simbahan.” Niyakap niya ito at tumingin sa kalangitan dahil tuluyan ng tumila ang ulan at tuluyan na siyang makaka-uwi sa bahay nila ni Lexie.
Pagpasok pa lang ni Lucas sa loob ng bahay ay nakita niya na ang kanyang lolo na mukhang may hinahanap sa mga lagayan ng mga libro.
“Narito na po ako!” sigaw niya.
Napalingon ito sa kanya at tumigil sa ginagawa. “Buti narito ka na dahil may kailangan akong itanong.”
“Ano po ‘yon?” litong tanong ni Lucas.
“Nakita mo ba ang mahiwagang libro ko, baka mamaya pinaglaruan mo ‘yon?” Pinaningkitan pa siya nito ng mata.
“Hindi po. No’ng binigay ko po sa iyo ‘yon noon ay hindi ko na po ginalaw ang libro.”
Nagsalubong ang kilay ni Victor. “Pero bakit nawala sa ibabaw ng lamesa ang libro? Doon ko lang nilagay sa gilid ng lamesa ko iyon, at ang nakapagtataka rito ay ibang libro ang naroon sa table ko.”
“Paano pong iba?”
Lumakad si Victor patungo sa lamesa. “Itong libro na ‘to.” Sabay kuha ng libro at hinarap kay Lucas.
Si Lucas ay nanlaki ang mata dahil ito ang libro niya. “Sa akin po ‘yan, naipatong ko po diyan pero may dinampot po akong libro diyan na dapat ay ‘yan pong hawak niyo.”
Nagkatitigan ang dalawa at mukhang na realize na ni Lucas na maling libro ang nakuha niya kanina. “Ibalik mo na sa akin ang libro Lucas.”
“Pasensya na lolo nagmamadali po kasi ako kanina.” Binuksan niya ang bag at hinanap ang libro, pero wala siyang libro na mahawakan sa loob ng bag kaya kinabahan na siya.
“Anong problema?”
Namutla ang mukha ni Lucas sa tanong ni Victor. “Parang nawawala po ata ang libro,” mahinang sambit niya.
“Ano! Hindi ko maintindihan lakas mo yung boses mo.”
Pumikit ng madiin si Lucas. “Parang — nawawala po ata,” sa nauutal na sambit ni Lucas.
Kinabahan na si Victor. “Anong nawawala hindi puwedeng mawala ‘yon dahil hindi ordinaryong libro ang kinuha mo Lucas?!”
“Pero ‘yon po ang totoo wala na po sa bag ko ang libro.”
Tumingala si Victor, kinakalma ang sarili. “Sa lahat naman ng puwede mong mawala ay ang libro pa ng tadhana, hindi mo ba alam na baka maudlot ang pagkikita ng mga taong nakasulat sa libro dahil sa kapabayaan mo!”
Yumuko si Lucas dahil alam niyang mali siya, pero habang nakayuko siya ay naalala niyang may naramdaman siyang bumagsak sa gilid ng upuan sa simbahan habang kinakausap niya si Victor.
“Mukhang alam ko na po kung nasaan ang libro.”
“Saan?”
“Nasa labas po ng simbahan doon ko naramdaman na may nahulog sa gilid ko habang nakaupo.”
“Kung gano’n kailangan na natin magpunta ro’n hangga’t hindi ka pa nagtatagal dito.”
Umalis sila at nagtungo na nga sa simbahan ngunit sa pagpunta nila roon ay walang libro silang nakita sa lahat ng upuan maging kung saan umupo si Lucas. “Nakita mo ba?” tanong ni Victor kay Lucas.
Umiling si Lucas. “Mukhang may nakakuha na sa libro lolo.”
“Hindi puwede Lucas, alam mong sagrado ang libro na ‘yon tanging ako lang dapat ang may hawak doon at alam mo bang may dalawang taong mauudlot na naman ang kanilang pagtatagpo dahil sa ginawa mo!” Pigil ang galit ni Victor sa kanyang apo.
“I’m so sorry lolo, h-hindi ko po sinasadya.” May munting kislap ang makikita sa mata ni Lucas.
Bumuntong-hininga si Victor at tumingin kay Lucas. “Sa ngayon ay umuwi na muna tayo at isipin kung paano mahahanap ang libro.” Lumakad na si Victor at sumunod naman agad si Lucas.
Samantala nakauwi na ng bahay si Alexa, pagbukas niya ng pinto ay tinawag niya agad si Lexie.
“Lexie nandito na ko!” may kalakasan niyang sambit habang hinahanap sa loob ng bahay si Lexie pero maging sa kwarto nito ay wala rin. “Nag-over time na naman siguro ang babae na ‘yon.”
Ibinaba niya muna ang gamit niya maging ang librong napulot niya sa lamesa ng kwarto bago pumunta ng kusina at magluto ng hapunan.
Pagkatapos kumain ay nagbihis lamang siya ng pantulog at nag-antay ng isang oras bago mahiga, pero ilang minuto na siyang nakahiga at nakapikit ang mata ay hindi pa rin siya dalawin ng antok. Dumilat siya at saktong sa gawi kung nasaan ang libro niyang napulot nag-landing ang paningin niya.
Tumayo siya at sinuri ito. “Sino kaya ang may-ari nito?” Binuklat niya ang libro at sa sobrang ganda ng mga pahina ay parang nahuhumaling siyang sulatan ito. “Pero baka balikan ito ng may-ari.” Sa huli napag-isipan niya rin na sulatan ang libro dahil parang hinahatak talaga siya nito para sumulat.
“Ano naman kayang istorya ang puwede kong isulat rito?” Habang ang ballpen ay pinaglalaruan niya sa kamay habang nakatingala ng biglang may naisip siyang idea. “Tama! High School story katulad ng nangyari noon sa akin at kukuha ako ng idea sa naranasan ko noon.” Nakangiti niyang saad sa naisip niya.
Noon kasi ay may nagustuhan Si Alexa na isang lalaki hanggang maka-graduate sila. Lihim siya na nagpapapansin sa lalaking na ‘yon pero hindi naman niya maka-usap ng harapan o masabi ang nararamdaman niya at kasama na doon ay isa pang lalaki na lagi siyang inaasar sa tuwing sinusubukan niya na kausapin ang nagugustuhan niya, pero hanggang sa maka-graduate na sila ay hindi pa rin niya nasabi. Siguro ay hindi talaga sila ang para sa isa’t-isa noon kaya nabalitaan niya na lang na kasal na ito ngayon. Pero sa isang lalaki na naging kaklase niya ay wala na siyang naging balita.
“Maganda naman ang istorya ko noon, iibahin ko na lang ang mga scene, characters name, attitude at hindi ko na isasama ang iba kong na encounter na tao. This time ang gagawin kong katangian ng bidang babae ay matapang at walang hiya sa katawan at kayang sabihin ang nararamdaman niya, at ang bidang lalaki naman ay isang gwapo at madalang lang ngumiti at tahimik. Magsasama na lang ako ng ibang characters base sa gusto kong isama. Some scene ay isusulat ko na lang base sa imagination ko not totally my story.” Hinanda na niya ang libro at binuklat ito sa unang pahina at ang pamagat ng istorya ay, ” Book of Fate”
Sa isang papel ay sinulat muna ni Alexa ang magiging characters niya.
Si Daniella ang bidang babae na may ugaling kayang sabihin ang lahat sa taong gusto niya kahit pa hindi nito napapansin ang ginagawa niya. Siya rin ay mapagbirong babae at masayahin.
William ang bidang lalaki. Ang nagugustuhan ni Daniella, may ugaling tahimik pero madalang ngumiti sa ibang tao.
Charice ang karibal ni Daniella kay William dahil ito ay may gusto rin sa binata at ito rin ang hadlang sa kung paano makukuha ni Daniella ang pag-ibig ni William.
Bree ang kaibigan ni Daniella na handang ipagtanggol siya kay Charice sa tuwing may binabalak ito na masama.
Napangiti siya habang tinitingnan ang papel. “Okay na siguro ang characters ko, puwede ko na siyang umpisahan.” Idinikit niya ang papel sa pader at hinawakan na ang ballpen upang mag-umpisa na sa panibago niyang istorya.
Sa oras na gumalaw na ang kamay ni Alexa para sumulat ay ‘yon na din ang umpisa ng istorya ni William at Daniella.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.






One Response
Ang astig nung kwento nakakasabik hahaha pero dagil may service aq maya nalang ulit haha bookmark q muna next chap