Book of Fate

Book of Fate (Chapter 54)

Naudlot ang pagsusulat muli ni Alexa ng biglang tumunog ang telepono niya. “Hello!”

“Hello! Alexa pabalik na ko diyan, tapos na ang bakasyon ko sa probinsya. Puwede bang magluto ka ng pagkain wala pa kasi akong kinakain diretso agad ang uwi ko diyan at hindi na ako bumaba sa bus para kumain sa daan.”

“Okay sige, walang problema. Ingat ka sa biyahe. Malapit ka na ba?”

“Oo mga one hour na lang siguro ang biyahe ko bago dumating diyan.”

 “Sige magluluto na ako.”

“Salamat!” Binaba na ni Lexie ang tawag sa phone at lumabas na ng kwarto si Alexa para humanap ng puwedeng lutuin.

 Sa paghahanap niya ng puwedeng lutuin, repolyo lang ang nakita niyang gulay, naisip niya na lagyan na lang ito ng sardinas na maanghang at konting tubig. Mahilig naman silang kumain ng gulay kaya kahit anong luto ay kinakain nilang dalawa ni Lexie. Nag-umpisa na siyang magluto para sakaling dumating si Lexie ay may luto ng ulam at kanin.

 Samantala habang bumibiyahe ang bus na sinasakyan ni Lexie ay biglang may malakas na tunog silang narinig. Ang gulong pala ng bus ay sumabog kaya kailangan itong palitan mabuti na lang at mabagal lang ang takbo nito at sa tapat pa ng isang maliit na karinderya ito huminto.

 Lumabas ang konduktor ng bus pero bumalik rin ito kaagad. “Pasensya na sa abala pero kailangan po naming palitan ang gulong ng bus at baka tumagal ng isang oras. Kaya kung gusto niyo pong lumipat ng bus ay puwede at yung mga gustong maghintay ay puwede muna kayong pumunta sa karinderya na nasa tapat.” Bumaba na muli ang konduktor kasama na ang driver.

 Si Lexie ay napiling maghintay dahil mahirap sumakay sa lugar kung saan sila huminto, halos magkakalayo ang mga bahay at mga puno ang mga nasa pagitan ng mga ito. Bumaba siya sa bus at nagtanong muna sa tindera kung puwedeng maki-upo. Pumayag naman ito pero ng nakita niya ang mga ulam nitong tinda ay nag-ingay na ang tiyan niya. Binalewala na lang niya dahil baka masayang ang effort ni Alexa at siya pa ang humiling kaya titiisin na lang niya muna.

 Sa paghihintay niya na nakaupo sa isang mahabang upuan ay may tumabi sa kanya halos magdikit na nga ang braso nilang dalawa. Kumunot kaagad ang noo niya pero hindi niya tinitingnan ang katabi niya dahil baka mamaya ay may binabalak pala itong masama kaya naging alerto siya kahit hindi halata.

 Nakita niyang tinanggal nito ang sombrero sa ulo kahit pa ang mata niya ay nakatingin sa harap.

“Kumusta ka na, Lexie,” saad ng tao sa tabi niya.

 Kumunot ang noo niya at dahan-dahan na lumingon sa katabi niya pero hindi niya kilala ang lalaki at sigurado siya na ang Lexie na tinutukoy nito ay siya dahil ngayon ay magkaharap na ang mga mukha nila.

“Ako?”

 Ngumiti ito sa kanya. “Oo.”

“Pasensya na pero hindi kita kilala.” At lumayo pa dito ng konti kaya may space na sa pagitan nila.

 Tumango-tango ito. “Ako kilala pa rin kita.”

 Nagtatakang muli siyang lumingon sa lalaki. “Paanong kilala mo ako, pero ako hindi naman kita makilala?”

“Ilang years na rin ang nagdaan kaya baka limot mo na rin ang mukhang ‘to.”

 Sa isip ni Lexie, “Gwapo siya at matangkad pero wala naman akong maalala na kilala ko siya base sa mukha niya?”

 “College batch mate mo ako.”

 “Talaga?”

 “Oo.”

 “Anong section ka?”

 “Section A, ako noon.”

“Bakit kilala mo ako kung ganon?” nagtataka niyang tanong.

“Ako ang secret admirer mo noon. May nagbibigay sayo ng sulat noon ‘di ba, nakalagay pa nga sa isang sobre.”

 Nanlaki ang mata niya sa natuklasan. “Ikaw ‘yon!” may kalakasan na sambit niya.

 Ngumiti ito na kita ang mga mapuputing ngipin. “Yes ako nga.”

“Hindi ko talaga alam kung sino ang nagbibigay ng sulat no’n ayaw naman rin sabihin ng tao na inuutusan mo na magbigay, kaya hindi ako makapaniwala na ikaw ‘yon at nagkita pa tayo ngayon.”

“Wala kasi akong lakas ng loob noon at napansin mo rin na huminto na ako ng malapit na ang graduation natin dahil feeling ko ay wala naman akong pag-asa. Hindi mo rin alam kung sino ako o mukha ko, pero sabi ko sa sarili ko puwede naman siguro na subukan ko muna sa pagbibigay ng sulat at baka puwede ka namang mahulog sa simpleng mga sulat na ‘yon o kaya magbigay rin ng sulat kung ano ang sagot mo, pero wala akong natanggap kahit isa simula 1st year college kaya huminto na ako.”

 Tumingin muna siya sa lalaki bago nilipat ang paningin sa lupa. “Gusto ko kasi ay ikaw mismo ang magbibigay. Sa ilang taon natin sa college bakit hindi ka nagkalakas loob na lapitan ako. Ang dami mo pang sinasabi sa sulat pero duwag ka naman para ipakilala ang sarili mo ng harapan.”

“Akala ko kasi walang pag-asa, kaya hindi ako nagkalakas ng loob para magpakilala.”

 “Alam mo bang na sa akin pa rin ang mga sobre na may laman na sulat mo noon.”

 Nagulat ang lalaki at biglang napalingon sa kanya. “Ang dami nga halos mapuno ang mga drawer ko sa sulat mo noon pero na sa isang box na ngayon na malaki nakalagay at maayos pa ang mga sobre.”

 “Ibig sabihin—”

 “Ikaw lang naman ang hinihintay ko noon na magpakita at magpakilala ng hindi dinadaan sa sulat, pero dumating ang araw na hindi ka nagpakilala at huminto ka na rin sa pagbibigay ng sulat ng hindi pa kita nakilala ng personal.”

 “Akala ko kasi—”

“Na hindi ko napapansin ang effort mo, mali ka kung ganon. Lahat ng sulat mo noon ay binabasa ko, excited pa nga ako pag may binibigay ang estudyante na inuutasan mo. Hindi naman ibig sabihin na hindi ako nagreply ay hindi ko napansin ang mga ginagawa mo, naisip ko noon na baka nahihiya ka lang kaya sa sulat mo dinadaan ang gusto mong sabihin sa akin at hindi ko itatago ang mga sulat mo kung balewala ka lang sa akin noon.”

 Natulala lang saglit ang lalaki sa nalaman niya. “Pero kumusta na ang buhay mo ngayon?”

 “Okay naman may trabaho, ikaw?”

 “Isang agent.”

 “Agent?”

“Ang serbisyo ko ay hanapin ang mga nawawala, mag investigate ng mga crime scene at iba pa, ganon na trabaho.”

 “Talaga? Ang hirap naman pala ng trabaho mo.”

“Medyo, pero masaya naman ang trabaho ko kahit delikado.”

 Biglang may tumawag kay Lexie sa phone at nakita niya sa name screen na si Alexa ito. “Hello! Alexa,” saad ni Lexie. Naging interesado naman ang katabi niya sa kausap niya sa kabilang linya. “Pasensya ka na, sumabog kasi ang gulong ng bus na sinasakyan ko at pinapalitan na siya ngayon. Sorry talaga.” Ilang sandali pa ay binaba na ni Lexie ang phone niya.

“Kaibigan mo?” tanong ng lalaki.

 Kumunot ang noo ni Lexie. “Oo si Alexa, hindi mo ba siya kilala?”

“Hindi e.”

 “Kung talagang admirer kita noon kilala mo rin dapat siya. Lagi ko siyang kasama sa tuwing lalabas ng classroom.”

 “Hindi ko siya masyadong napapansin noon.”

 “Sabagay, masyado kasing tahimik si Alexa noon at hindi talaga pansinin.”

 Naglakas ng loob ang lalaki na magtanong. “Anong apelyido niya kung ganon?”

 “Larson — Alexa Larson.”

 Tumigil ang mundo ng lalaki ng marinig ang pangalan at apelyido ng kaibigan nito.

“Glen ang pangalan mo ‘di ba?” tanong ni Lexie.

 Sa sobrang pagkabigla ay tanging pagtango na lang ang sinagot nito. “Magkasama ba kayo ngayon?”

 “Oo.”

 “Malapit lang ba ang lugar o bahay mo dito?”

“Isang oras na lang ang biyahe at na sa 143 Santiago St. na ako kung saan naroon ang bahay namin ni Alexa.”

 “Magkasama kayo sa bahay?”

“Oo hanggang ngayon.” Napansin ni Lexie na kumakaway na ang konduktor ng bus. Ibig sabihin ay kailangan na rin nilang bumalik sa bus. “Mukhang ayos na ang bus kailangan ko ng umalis. Nice seeing you again.” Ngumiti siya kay Glen at tumakbo na siya paalis. May sasabihin pa sana siya, pero hindi na niya ito naabutan.

“Kailangan ng malaman ni Jack kung saan matatagpuan si Alexa.” Kinuha niya ang cellphone niya at tinawagan si Jack. Nakailang ring bago nito sinagot. “Bakit ang tagal mong sagutin?!” tanong niya kay Jack.

“Sorry na sa labas ako at may business partner akong ka-meeting. Bakit napatawag?”

 “Alam ko na kung nasaan si Alexa.”

 Napahinto naman sa pagmamaneho si Jack sa sinabi ni Glen. “Talaga?”

“Oo malapit lang rito sa 143 Santiago St.”

 Ang kaba sa dibdib ni Jack ay lalo pang nadagdagan dahil mas malapit siya sa sinasabi nitong address. “Mas malapit ako ngayon sa address na sinasabi mo.”

“Kailangan ko munang mag-survey sa lugar na ‘yon para malaman kung nasaan ang bahay niya.”

“Sa tingin ko mawawala lang ang kaba at excitement ko pag naroon na ko sa lugar na ‘yon. Kailangan ko munang pumunta kahit hindi ko pa alam kung nasaan siya sa lugar na ‘yon.” Ibinaba agad ni Jack ang tawag sa telepono at mabilis na pinatakbo ang kotse niya papunta sa address na sinabi ni Glen.

 Habang si Glen naman ay tumakbo papasok ng kotse niya. “Ang kulit talaga, kailangan kong sumunod at baka sa sobrang kaba ay magkaroon pa ng problema,” saad niya at tuluyan ng umalis sa lugar na ‘yon.


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Book of Fate (Chapter 54)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.