Ilang minuto namang nakatitig lang si Daniella kay Alexa at sa pakiramdam ni Daniella ay parang kilala niya ito.
“Pakiramdam ko may connection tayong dalawa sa isa’t-isa. Hindi ko lang masabi kung ano?”
Bumukas ang pinto at pumasok sa loob ng kwarto si Jack na nakatingin sa kanyang cellphone, kaya hindi pa niya nakikita si Daniella na nakatingin na sa kanya pagbukas pa lang ng pinto.
Ibinulsa ni Jack ang kanyang cellphone at itinaas na ang ulo niya pero saktong sa puwesto ni Daniella ito napatingin na agad na napakunot ang noo. “Ikaw?” saad ni Jack.
Nagtaka naman si Daniella rito. “Kilala mo ako?”
Lalo pang kumunot ang noo ni Jack. “Hindi mo ba ako naaalala? Ako si mushroom.”
Pinakatitigan siya ni Daniella. “Pasensya na, pero hindi ko po kayo kilala.”
Sa isip ni Jack, “Imposible, kailan lang kami nagkita sa isang mall, paanong hindi na niya ako kilala?”
Biglang pumasok si Lexie na parang may dalang hindi magandang balita. “Jack, kailangan nating mag-usap sa labas.” Tumingin siya kay Daniella. “Aalis ulit ako dito ka muna, sandali lang kami. “ Maliit na ngumiti siya kay Daniella.
Lumabas na ang dalawa at inalis muna ni Jack sa isip niya ang pagkikita nilang muli ni Daniella at lubos niyang pinagtataka kung bakit hindi na siya nito kilala.
Nagpunta sila sa isang waiting are na walang masyadong tao na naka-upo. Umupo silang dalawa at bumuntong-hininga si Lexie. “Ilang araw na lang at mag-iisang buwan na, at alam mo rin na nagbigay ng paalala ang doctor pag hindi nagising si Alexa sa takdang araw bago o pagkatapos ng isang buwan.” Tumango si Jack. “Kinausap ulit ako ng doctor at sinabi na wala silang naging update na may improvement kay Alexa kahit ang pag-galaw man lang ng ibang parte ng katawan wala rin silang nakita. Ang sabi ng doctor ay mas mahihirapan si Alexa na maka-recover pagkatapos ng isang buwan at ilang araw na lang ‘yon Jack.”
“Anong sinabi mo sa doctor?”
Nangilid ang luha niya. “A-ang sabi ko ay kahit ilang buwan pa ang hintayin ay okay lang basta mabuhay lang siya.” Tumulo ang luha niya na kanina pa niya pinipigilan.
Hinayaan na lang ni Jack na umiyak ito dahil wala rin naman siyang maisagot pa sa sinabi nito.
Samantala si Daniella ay tumayo mula sa pagkaka-upo at nilibot ang kwarto ni Alexa, pero napatigil siya ng may nagsalita ng mahina.
“L-lexie.”
Nilibot niya ang kwarto, pero wala siyang makita na tao tumingin naman siya kay Alexa pero nakapikit pa rin naman ito. “May multo ba rito?” Naglikot na ang mata niya dahil sa mahinang boses.
Ilang saglit pa ay may nagsalita na naman. “L-lexie.” Niyakap niya ang sarili at napatingin muli sa gawi ni Alexa at pinakatitigan ang talukap ng mata nito na gumagalaw na, kaya agad siyang lumapit rito. “Ikaw ba ang nagsalita?” tanong niya.
“Le–xie,” sambit ni Alexa at napahinga naman ng maluwag si Daniella.
Unti-unting minulat ni Alexa ang mata niya at sinasanay sa liwanag ng kwarto bago luminaw ng tuluyan ang paningin niya ng napagawi ang tingin niya kay Daniella.
“Sino ka?” tanong ni Alexa sa boses na bagong gising lang.
Hindi naman nakapagsalita pa si Daniella dahil pumasok ang nurse at ng nakitang gising na si Alexa ay tumawag ito gamit ang emergency call na nasa tabi ng higaan ni Alexa.
Habang na sa waiting area pa sila Jack ay narinig nila ang paging mula sa speaker na nasa ceiling ng hospital. “Calling Doctor Martinez, you need to go here in room 41!” At isang beses pang inulit ng nurse ang sinasabi niya.
Napatayo naman agad ang dalawa at agad na pumunta sa kwarto ni Alexa bago pa sila pumasok ay nauna ng pumasok ang doctor ni Alexa at ng nakita ni Lexie si Alexa na nakamulat ang mata ay bumuhos ang luha niya habang na sa isang tabi ng kwarto at hinihintay ang doctor na matapos sa pag-check kay Alexa.
“Her body is currently stable, but we will continue to monitor her for a few days to ensure there are no complications before she is discharged.” May sinulat ito sa patient file bago lumapit kay Lexie. “Ms. Lexie, the nurse will return to check the patient.” Ngumiti ito sa kanya bago lumabas ng kwarto kasama na ang nurse.
Mabilis na lumapit si Lexie kay Alexa at hinawakan ang kamay nito at makikita pa ang bakas ng luha sa pisngi niya. “Okay ka na talaga!”
Maliit na ngumti si Alexa, pero napatingin siya sa dalawang tao na hindi niya kilala. “Sino sila?”
Napatingin naman si Lexie kay Jack at Daniella. “Saka ko na sasabihin pag malakas ka na, sa ngayon kailangan mo munang mapalakas ang katawan mo para maka-uwi na rin tayo kaagad.”
Muli na namang tumingin si Alexa sa dalawa na nakatitig lang naman sa kanya, pero napatigil ng matagal ang tingin niya sa mata ng lalaki at muli rin niyang iniwas ang tingin.
Nagtaka naman si Daniella sa ginawa ni Alexa, kaya tiningnan niya si Jack at mahina na nagtanong. “Hindi ka rin niya kilala?”
Maliit na ngumiti si Jack. “Siguro, pero baka hindi na talaga.”
“Bakit kilala ka ba niya dati?”
“Oo, dati kaming magkaklase noong high school pa lang kami.”
“Pero bakit hindi ka niya matandaan?”
Bumuntong-hininga si Jack. “Ilang taon na rin ang lumipas at saka nalimutan niya na rin siguro ako ng nag-graduate kami noong highschool.”
“Friend ka ba niya?”
“Hindi.”
Kumunot ang noo ni Daniella. “Kung ganon ano siya sa buhay mo noon?”
Lumingon si Jack sa kanya. “Katulad mo na nagka-crush sa isag tao, pero may kaibahan lang tayo ng konti. Ikaw kaya mong sabihin ang nararamdaman mo pero ako dinadaan ko sa biro at pagpapapansin ang lahat pero mukhang nagresulta lang lalo sa hindi niya pagpansin sa akin.”
“Paano mo nalaman na may crush ako?”
Kumunot ang noo ni Jack at nagtataka talaga siya sa inaakto ni Daniella ngayon. “Wala lang hula ko lang. Tama naman ako ‘di ba?” Nagtataka man ay tumango lang si Daniella at tumingin muli kay Alexa na nagpahinga ulit.
Lumipas ang dalawang araw at okay na si Alexa at bumabalik na ang lakas nito, kaya may panahon na siya para makilala kung sino ang dalawang tao na nakita niya na hindi niya kilala.
Samantala muling nagpakita ang diyos ng tadhana kay Victor. “Oras na para tayo ay bumalik ulit kung nasaan si Alexa.” Tumango lang si Victor bilang sagot.
Sila Victor ay sa puwesto na hindi sila makikita ni Daniella lumabas at nakita nilang nakaupo si Daniella at Jack sa sofa habang nag-uusap. Alam na rin ng Diyos ng Tadhana ang gagawin ni Alexa, kaya tinaas nito ang kamay sa ere at pinitik ang daliri kaya huminto ang lahat pati ang pag-galaw ng kamay ng orasan, bukod tangi kay Alexa na ngayon ay naguguluhan dahil hindi na gumagalaw si Daniella at Jack, maging si Lexie na papasok ng kwarto.
“Kailangan mo na siyang kausapin, pero paalala lang huwag mong banggitin na makakasama na niya ang kanyang magiging kasama habang buhay dahil sa libro. At sabihin na kailangan na niyang sundan ang naputol niyang sinusulat dahil bukas na magaganap ang prom na nakasulat sa libro at hilingin mo na rin na tapusin na niya ang istorya dahil nakatakda na ang kapalaran nila ni Jack na mangyari.”
“Masusunod,” saad ni Victor. At tuluyan na umalis ang diyos ng tadhana.
Sa naguguluhan na si Alexa ay lumabas si Victor para magpakita, pero lalo pang naguluhan si Alexa sa nangyayari dahil sa kaharap niya ngayon. “Lolo?”
“Ako nga.”
“Paano po kayo napunta rito at bakit?”
Umupo ito sa upuan sa tabi ng higaan ni Alexa. “Mabuti naman ay okay ka na ngayon, pero pasensya na may kailangan tayog pag-usapan ngayon, kaya ako nandito.”
“Ano po?”
“Nabanggit ko noon na may nawawala akong bagay kung saan ako sumusulat ‘di ba?” Tumango si Alexa. “Ang bagay na ‘yon ay na sa iyo, Alexa.”
Gulat ang mukha ni Alexa na tumingin sa kanya. “Paano pong na sa akin?”
“Ang lumang libro na napulot mo ay pag-aari ko.”
Natigilan si Alexa sa sinabi nito. “P-pero teka, alam ko pong napulot ko lang ang libro, paano niyo po masisiguro na sa inyo ang napulot kong libro?”
“Dahil hindi ordinaryo na libro ang hawak mo Alexa may kapangyarihan itong taglay mo at sa lalong madaling panahon ay kailangan mo na siyang maibalik sa akin.”
“Kapangyarihan?” Nalilito niyang tanong.
Tumayo naman si Victor para kuhanin ang libro sa table sa tabi ng higaan ni Alexa kung saan nakalagay sa isang bag. Alam na ni Victor kung nasaan ito dahil siya ang tagapangalaga ng libro. Iniwan na ito ng tuluyan ni Lexie sa bag at hindi na inuwi pa sa bahay nila ni Alexa.
“Ito ang patunay kung bakit kailangan mo ng ibigay muli sa akin ang libro.” Pinatong niya ang libro sa hita ni Alexa. “Buksan mo ang pahina ng libro kung saang kabanata na may sulat na.”
Nagtataka man ay binuklat ni Alexa ang pahina, pero kinabahan siya at pa ulit-ulit na binuklat ang pahina ng libro pero wala siyang makita na mga salita na naisulat na niya. “Imposible?!”
“Delikado ang ginawa mo sa pagsulat sa libro, Alexa. Ang libro na ‘yan ay ang libro ng tadhana. Diyan sinusulat ang dalawang tao na kailangan ng magtagpo at magkatuluyan sa huli. Ang bawat salita na nakasulat diyan ay mawawala at mangyayari sa napili mong bida na tao sa iyong kwento.”
Lumikot ang mga mata ni Alexa habang nakatingin sa libro. “Ibig sabihin—”
“Ang istorya mo na nasulat ay nangyayari sa totoong mga tao.”
“Hindi ko maintindihan?”
“Lahat ng naisulat diyan ay ginagawa ng tauhan mo sa libro at parang may mga baterya ang kanilang likod na parang robot dahil ikaw ang nagkokontrol sa mangyayari sa kanila. At sa isang buwan na hindi ka nagsulat sa libro ay nagkaroon ng problema, kinuha ng libro ang bida mong babae at dinala kung nasaan ka at ang babae na iyon ay—” Tumingin siya kay Daniella na hindi pa rin gumagalaw. “Siya.”
Mabilis na tumingin si Alexa kay Daniella. “Siya ang bida kong babae sa libro?”
“Oo, pangalan niya ay Daniella, 16 years old, nag-aaral sa SHS, ang nanay na lang niya ang kasama niya ngayon at siya ang may crush kay William, base sa pagkakasulat mo sa libro ‘di ba?”
Hindi makapaniwala si Alexa sa narinig niya ngayon at sa sinabi nitong ang tauhan niyang babae sa libro ay kasama na pala niya ngayon. “Saan siya galing sa ibang mundo na katulad ng sa atin?”
“Parehas lang kayo ng ginagalawan na mundo, kami ang naiiba sa inyo. Kami ang mga immortal at kayo ay isang mortal lang na may hangganan ang buhay hindi katulad ko na kahit ganito ang itsura ay nagtatagal pa ako ng ilang taon.”
Tinitigan ni Alexa si Daniella at sinuri ang itsura nito at kuhang-kuha nga ang mga nilagay niya sa libro na katangian nito. “Ano na po ang mangyayari ngayon kung narito siya?”
“Sa ngayon ay nagkakagulo na sa lugar na kung saan siya nakatira at pumapasok na eskwelahan ni Daniella, kaya kailangan mo ng magsulat muli para magkaroon ng kadugtong ang kwento kung saan ka nahinto. At ang J.s prom na nakalagay sa libro ay magaganap na bukas, kaya kailangan mo ng magsulat ulit dahil iba ang mangyayari kung hindi ka magsusulat sa libro, pero paalala ko lang sa iyo, kailangan mo ng guluhin ang kwento mo.”
Kumunot ang noo ni Alexa. “Bakit po?”
“Dahil hindi pa alam ng Diyos ng Tadhana kung sila rin ba ang magkakatuluyan sa huli, kaya kailangan mo ng paguluhin at wakasan sa magandang wakas pero hindi sila ang nagkatuluyan sa huli.”
“P-pero bakit naman po ganon? Hindi po ba puwedeng wakasan na sila ang nagkatuluyan?”
Seryoso siyang tiningnan ni Victor. “Hindi ikaw ang magdidikta ng mangyayari Alexa, may nakalaan na nilalang para doon at ako ang isa sa tulay para mangyari ang kanilang nakikita sa kanilang balintataw. Nagkaroon ka ng kasalanan dahil ginamit mo ang libro ng tadhana kaya ang nagbabayad ngayon ay ang napili mong tauhan sa halip na tahimik lang naman ang buhay nila ng hindi mo pa hawak ang mahiwagang libro.”
Hindi siya nakapagsalita sa sinabi ni Victor. Binigyan siya nito ng isang ballpen. “Oras na para umpisahan ang naudlot mong kwento, babalik muli si Daniella sa kanila at makakalimutan ang nakita at narinig niya rito maging sa lugar niya ay magiging kampante at parang walang nangyari ,at sa muli niyong pagkikita ng wala ng libro na namamagitan sa inyong dalawa ay hindi ka na niya kilala. Tandaan mo hindi sila puwedeng magkatuluyan sa iyong kwento Alexa, maaari mong pagandahin ang wakas, pero huwag na huwag na nagkatuluyan sila sa huli, maliwanag ba?”
Tumango siya at mahigpit na hinawakan ang ballpen, bago pa man magsulat siyang muli sa libro ay kinuha na nito si Daniella papasok ng aklat.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.






One Response
Grabe naman ang tadhana kay dan🫂