Lumipas ang oras at nakahanda na ang damit nila Daniella na dadalhin at sa mga oras na ‘yon ay naroon na sa eskwelahan ang mga estudyante.
Naka-upo na sa kanilang nakalaan na upuan si Bree at William, pero ng mapagawi ang mata ni William sa mga babaeng estudyante ay hindi niya napansin si Daniella na naroon at naka-upo. Kumunot ang noo niya at lahat ng naka-upo na babaeng estudyante na kaklase niya ay tiningnan niya, pero hindi talaga niya makita si Daniella. Nagsimulang tumugtog ang graduation march at umpisa na rin ng graduation ceremony, pero ang atensyon ni William ay na kay Daniella pa rin. Hindi siya maka-pokus kaya ginagawa na lang niya ang ginagawa ng mga kaklase niya. Ilang sandali pa ay natapos ang graduation march at ang sunod ay ang pagsasalita ng mga teacher, guess speaker, principal at mga estudyante na may honors. Natapos ang lahat ng ‘yon na hindi nakita ni William si Daniella at hindi rin niya narinig na tinawag ang pangalan nito kaya nagtaka siya ng sobra.
Natapos ang ceremony at ang ilan ay lumalabas na ng gate ng eskwelahan, pero si Bree ay hinanap muna si William para ibigay ang regalo ni Daniella. Nakita niya si William sa garden kung saan laging naroon sila Daniella at Bree at ang lugar na may moment si Daniella at William, napansin ni Bree na nakatitig lang ito sa isang upuan na laging doon ang puwesto ni Daniella.
Dahan-dahan siyang lumapit at pumantay ng tayo kay William. “Congratulations!” Bati niya.
Napalingon naman ito kaagad sa kanya. “Salamat!” May ibig pa sanang itanong si William, pero hindi nito masabi, nahalata naman agad ito ni Bree kaya siya na ang nag-umpisang magsalita tungkol kay Daniella.
“Hinahanap mo ba siya?”
Umiwas ng tingin si William, kaya maliit na napangiti siya sa naging reaksyon nito. “Tapatin mo nga ako William, tutal aalis na rin naman tayo sa eskwelahan na ‘to at sa nakikita ko ay hindi ka rin naman dito mag-aaral ng college sa lugar natin. Nagkaroon ka ba ng pagtingin kay Daniella?”
Natigilan si William at ilang beses pinikit ang talukap ng mata. “Hindi ka maka-sagot, simple lang naman ang sagot diyan, oo o hindi lang, pero bakit hirap ka pa atang pumili?”
“Dahil mahirap talagang pumili kung dalawa lang ang pagpipilian, dahil kailangan ng tamang oras at pag-iisip bago sumagot na alam mong tama ang naging sagot ko.”
Napakamot sa ulo si Bree sa sagot ni William. “Graduate na tayong lahat, pinapakita mo pa rin na ikaw ang naging Valedictorian ngayong graduation.” Napailing na lang siya. “Pero kung hinahanap mo siya at nagtataka ka, hindi talaga pumunta ng graduation ceremony si Daniella.”
“Bakit?”
Malungkot na tumingin sa kalangitan si Bree. “Sa oras na ‘to ay baka na sa eroplano na sila at paalis na.”
Kumunot ang noo ni William sa sinabi niya. “Paalis, eroplano?”
“Oo, ngayon ang alis nila papunta ng probinsya na kailangan ng eroplano o barko para makapunta doon.”
“Bakit hindi muna siya nag-attend ng graduation bago sila umalis?”
“Iyon kasi ang gusto niya, sinabi ko nga na baka puwede na pagkatapos na lang ng graduation, pero baka matagal daw ang ceremony at baka maabutan ang oras ng flight nilang dalawa ni tita.”
“Anong gagawin niya doon?”
“Doon na kasi siya mag-aaral ng college at hindi na babalik rito, kung bumalik man baka ilang taon bago siya makabalik.”
Napatulala sa kawalan si William. Kinuha naman niya ang box na regalo ni Daniella. “May gusto nga pala akong ibigay sayo. May babae kasi na hindi kayang ibigay sayo ito ng personal, kaya ako na lang ang inutusan para mag-abot.” Inabot niya ang box kay William at tinanggap naman agad nito.
“Akalain mo ‘yon, kaya niyang sabihin ang nararamdaman niya sayo, pero ang regalo na matagal ng pinag-ipunan at nakatago ay hindi niya kayang ibigay sayo. Minsan hindi ko rin alam kay Daniella kung ano trip niya sa buhay.” Tumingin siya ulit kay William. “Aalis na ako, ingatan mo sana ‘yan. Sinabi rin niya na kahit hindi kayo ang magkatuluyan ay sana ingatan mo ang munting regalo niya para sayo.” Tinapik niya ang balikat nito at tuluyan ng umalis.
Samantalang si William ay nakatitig pa rin sa box, pero ilang sandali pa ay dahan-dahan na niya itong binuksan at ang bumungad sa kanya ay ang necklace na may pendant na letter D at isang singsing. Kinuha niya ito at itinaas, tumama pa ang sinag ng araw na palubog na kaya may konting pagkinang na nakita.
Sa pagtitig niya sa kwintas ay naalala niya ang drawing ni Daniella noon na kwintas sa isang project nila. Kuhang-kuha nito ang details ng kwintas. Napapikit siya sa naalala at muling binalik ang kwintas sa loob ng box. “Hindi man naging maganda ang huling buwan natin rito sa eskwelahan, sana mabasa mo ang tunay kong nararamdaman at kung bakit ganon na lang ang kinikilos ko magmula ng nilipat ako sa class section mo, Daniella.” Tumingin siya sa kalangitan pagkatapos ay bumalik na sa gym.
Samantala na sa ere na ang sinasakyan na eroplano nila Daniella ng napansin ng nanay niya na nakatingin lang siya sa bintana ng eroplano at hindi makikitaan ng saya sa mukha nito. “Anak, sigurado ka bang okay ka lang?”
Tumango siya bilang sagot, pero napabuntong-hininga lang ang nanay niya. “Kailangan ko ata na gumamit ng C.r, puwede bang basahin mo ito. Alam mo naman na malabo ang mata ko, kaya ikaw na lang ang magbasa kung ano ang nakasulat.” Kinuha niya ang isang puti na sobre at mabilis na tumayo ang nanay niya papunta ng C.r.
“Masakit ba ang tiyan ni nanay?” tanong niya sa sarili niya, habang binubuksan ang sobre, pero ng binuklat niya ang isang papel ay kumunot ang noo niya dahil para sa kanya ang sulat. “Para sa akin pala ‘to.” Sinimulan na niyang basahin ang sulat gamit ang mata na hindi pa niya nakikita ang ibabang parte ng sulat dahil naroon ang pangalan ng nagbigay ng sobre.
“Siguro kung nababasa mo na ito ay graduate na tayo at hindi na rin natin alam ung saan tayo dadalhin ng panahon, pero gusto ko lang malaman mo na naging proud ako simula ng tinuruan kita at nakita ko ang pagbabago mo sa mga lesson na nahihirapan ka at hindi maintindihan. “ Tumigil siya sa pagbabasa at tiningnan kung may pangalan ba ng nagbigay, pero natigilan siya ng makita ang pangalan ni William sa hulihan ng sulat. Pinagpatuloy niya ang pagbabasa ulit. “Dito ko na lang rin sasabihin ang hindi ko masabi sayo ng harapan dahil sinubukan kong kontrolin ang bibig ko para hindi ko masabi ang lahat ng gusto kong sabihin. Alam kong may nararamdaman ka na sa akin noong first year high school pa lang tayo at napapansin na kita ng hindi mo alam, pero grabe ang kaba ko ng maging kaklase at maging tutor mo ako. Hindi madaling mag-mentain ng isang ugali Daniella at ‘yon ang lagi mong nakikita sa akin. Sinubukan kong iwasan, pero hindi ko rin naiwasan kaya gumawa na lang ako ng paraan para pigilan. Naging masungit, walang emosyon at walang pakialam ang naging trato ko sayo, pero ang lahat ng ‘yon ay hindi totoo. Aaminin ko may nararamdamn ako para sayo Daniella, pero hindi pa ito ang tamang panahon para doon tayo mag-focus dahil nag-aaral pa tayong dalawa, gusto ko pag-aaral muna ang isipin nating dalawa bago ang nararamdaman nating dalawa para sa isa’t-isa. ”
Tumulo ang luha niya sa mismong papel. “Kaya baka sa muli nating pagkikita ay kaya ko ng sabihin at baka puwede na, bago ko nga pala tapusin ang sulat ko ay may aaminin ako. Alam kong naramdaman mo lagi na may sumusunod sayo sa tuwing umuuwi ka pagnaglalakad, totoo na may sumusunod sayo at ako ‘yon, may kwintas kang suot ‘di ba at sigurado ako na nagtataka ka kumg sino ang naglagay, ako rin ang tao na ‘yon at kung iniisip mo na sa huling pag-uusap natin noong J.s prom ay si Charice ang kinampihan ko ay mali ka. Inilayo lang kita sa mas malaking magagawa ni Charice sayo at ayaw kong mangyari ‘yon, kaya huwag mong sabihin na balewala ka lang sa akin. Sa takdang panahon ay magkikita tayong muli at sigurdo na ako na puwede na tayong dalawa pag dumating na ang panahon na ‘yon. Nagmamahal, William.” Muli niyang tinupi ang sulat at binuhos ang lahat ng luha sa kanyang mata dahil sa nalaman.
Pumikit siya at sinabing, “Hanggang sa muli nating pagkikita— William.”
Nakatingin lamang sa malayo si Maria na abot pa rin ng mata niya si Daniella at nakita niya kung paano lumuha ng sobra ang kanyang anak. Inayos niya ang kanyang sarili at lumapit rito. “Nabasa mo na ba?” Tumango si Daniella at niyakap ang kanyang ina at muling umiyak sa balikat nito.
Sinarado ni Alexa ang kanyang libro pagkatapos isulat ang wakas ng kwento ni Daniella at William na puno rin ng luha ang mata.
Lumiwanag ang paligid at nagpakita ang Diyos ng Tadhana. “Maaari ko ng kuhanin ngayon ang libro, maraming salamat dahil inalagaan mo ang libro ko kahit pa nagamit mo ito na hindi naman dapat. Huwag kang lumuha sa iyong naging wakas sa kwento dahil hindi pa rito nagwawakas ang lahat ng istorya hangga’t walang matinding dahilan kung bakit. “ Kinuha na nito ang libro na nakapatong sa lamesa. “Pero kailangan mong makalimutan ang lahat.”
Itinaas nito ang isang daliri at nilagay sa noo ni Alexa. “Makakalimutan mo ang nangyaring ito Alexa, maging ang mahiwagang libro na natagpuan mo. Hindi ko aalisin sa isip mo ang kwento ni Daniella na ang pamagat ay “Book of Fate” pero hindi mo na ito maaalala na totoong tao sila at nakilala mo ang iyong babaeng bida. Mag-ingat ka at patuloy na sumulat ng iyong mga kwento galing sa iyong imahinasyon. Paalam.” Nasilaw sa liwanag si Alexa kaya napapikit siya at doon na rin naglaho ang Diyos ng Tadhana.
Nagpakita ang diyos ng tadhana kay Victor at inabot ang libro. “Oras na para sumulat muli sa libro.” Tumango si Victor at nag-umpisa ng tapusin ang magiging kwento ng pagkikita ni Jack at Alexa bago maging sila habang-buhay.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.





