ISANG oras na siyang naghihintay sa Cyber Eve cafeteria pero walang Morris na dumating. Tinatawagan niya ito at tini – text pero hindi talaga ito sumasagot. Aalis na sana siya nang makita si Miller na papalapit sa kaniya. Dala ng kagandahang – asal ay nginitian niya ito at hinintay na makalapit.
“Hi! Long time, no see!” Hinawakan nito ang isang kamay niya at saka hinagkan. Bahagya siyang nailang pero hindi na lang niya binigyan ng malisya ang gesture na iyon ni Miller.
“Oo nga eh. Kumusta?”
“I’m fine. Akala ko talaga’y hindi na kita aabutan dito. I’m sorry for being late.” Napadiretso siya sa pagkakaupo nang maramdaman ang marahang pag – akbay ni Miller sa kaniya. Disimulado niyang inalis ang braso nito at saka bahagyang lumayo sa binata.
“Miller, please…May mga tao rito. Baka may masabing iba ang mga tao…”
Pagak na tumawa si Miller at saka muling umakbay sa kaniya.
“Bakit ka naman mahihiya kung talagang ako ang gusto mo hindi ba? Well, aaminin kong nasaktan ako nang tinapat mo akong si Morris ang gusto mo. Pero naisip ko namang may posibilidad na magbago ang isip mo at ma – realize mong ako talaga ng bagay sa’yo. At ngayong nangyari na nga, hindi na ako…”
“Wait…wait! Ano’ng sinabi mo? Naisip kong ikaw ang bagay sa akin? Who said that? I mean…no offense meant ha…pero boyfriend ko na si Morris. We’re still on and we’re happy together, Mill.”
Saglit na bumadha ang pagtataka sa anyo ni Miller pero saglit lang iyon. Madali nitong kinuha ang cellphone at agad na binuksan iyon at ipinakita sa kaniya. Nagsalubong ang kilay niya sa pagkamangha nang makita ang sariling pangalan na nasa screen ng cellphone ng binata. At nanliit siya nang mabasa ang mga sweet messages na naroon. Nakasaad din doon na inimbitahan niyang lumabas si Miller at ang oras na sinabi nito ay ang mismong oras na magkikita sila ni Morris!
Agad na tumahip nang mabilis ang dibdib niya. Kinuha niya ang sariling cellphone mula sa hand bag at saka inapuhap ang mensahe ni Morris na magkikita sila ng hapong iyon. Natatandaan niyang hindi ito sumasagot sa mga text niya gamit ang lumang numero nito pero gumamit ito ng ibang numero para yayain siyang lumabas at magpunta sa Cyber Eve ng hapong iyon. Bahagya nga siyang nagtaka nang hindi ito mag – offer na susunduin siya pero hindi na siya nagtanong. Tutal naman ay may sasakyan na siya. Masaya niya sanang ikukuwento sa kasintahan ang bonus ng deal nila ng tiyahin niya. Tiyak na matutuwa ito at baka matawa pa.
Natigilan siya nang mapagkompara ang mga numerong nasa Inbox niya at ni Miller. Iisa ang mga iyon! Kung gayon ay may iisang taong gumawa ng lahat! Nagtext ito sa kaniya upang sabihing magkikita sila ni Morris at nagtext din iyon kay Miller upang sabihing kakatagpuin naman niya ito. Sino ang taong iyon? At kung gayon, nasaan si Morris? Posible kayang nagpadala rin ng mensahe rito ang taong nasa likod ng lahat ng kaguluhang iyon?
“Mill, I’m afraid someone is making us trouble…” Napatingin siya kay Miller na ang takot sa kaniyang anyo ay hindi maikakaila. Napatango naman ito at napalitan ng pagkalito ang disappointment na nasa mga mata nito.
“I’m sorry, Chari. Hindi ko alam. Ang buong akala ko’y…oh well, we have to do something about it.” Ilang saglit pa ay lulan na siya ng sariling sasakyan at tinatahak ang daan patungo sa bahay ni Morris.
SHE was frozen. Hindi niya inakalang ganitong eksena ang mabubungaran niya pagdating sa bahay ni Morris. Nang mapagtagni – tagni ang mga pangyayari ay saka niya na napag – alamang may isang taong ibig sumira sa kanila ng kasintahan. Kung sino man iyon ay hindi niya alam at kailangan niyang alamin. Madali niyang pinuntahan si Morris sa bahay nito upang ilahad dito ang mga nangyayari pero hindi niya ito inabutan sa ibaba ng bahay. Dahil walang kahit isang kawaksing makita sa paligid ay nagdesisyon na siyang hanapin ang binata. Pinanik niya ang ikalawang palapag ng bahay at nang makitang nakaawang nang bahagya ang unang pintong madaraanan ay may kaba sa dibdib na nilapitan na niya iyon. Itutulak na lamang niya ang pinto nang marinig ang tinig ni Morris.
“I’m sorry, Meg. I’m so sorry…” Pilit niyang pinakinggan ang tila anasan na iyon sa loob ng silid at kasabay niyon ay ang mabilis na pagtahip ng kaniyang dibdib.
“I love you, babe…” Nanlaki ang kaniyang mga mata sa pagkagimbal at naitakip na lamang niya ang isang kamay sa bibig. Ano pa ba ang kailangan niyang marinig? Mas importante pa ba sa narinig niya ngayon ang sasabihin niya kay Morris? Hindi pa man nakapag – iisip ay agad nang nagdesisyon ang mga paa niya. Nagmamadali niyang tinalikuran ang eksenang iyon at umiiyak na tinahak ang daan palabas. Sa pagmamadali ay hindi na niya napuna si Lola Isabel na nasa likod ng hagdan. Nagtatakang hinabol na lamang siya ng tingin nito.
“MEG, please. Stop this. Stop degrading yourself. I respect you a lot and you know that.” Hindi niya alam kung paannog papayapain ang umiiyak na dalaga. Dumating itong humahangos dala ang cellphone na ipinapakita sa kaniya. Nang tapunan niya ng tingin ang hawak nitong cellphone ay wala naman siyang nakita roon. Inis na pinindot iyon ng dalaga at saka tumawag sa kung sino. Ilang minuto rin ang nagdaan bago nito nagawang ipakita sa kaniya ang sinasabi nito. At nag – init ang mukha niya nang makita si Miller habang nakaakbay sa nakangiti niyang kasintahan. Hindi niya pinaniwalaan ang larawan at sinabi ritong hindi siya naniniwala sa mga litrato pero nang ilabas ni Meg ang recorder nito at iparinig sa kaniya ang tinig ng dalawang babaeng nag – uusap ay natigilan siya. It was Charisma talking to her aunt. Bahagyang magulo ang paligid at marahil ay nasa isang pampublikong lugar ang dalawa pero malinaw niyang narinig ang mga sinabi ng kasintahan. Paulit – ulit sa pandinig niya ang huling sinabi ni Charisma.
‘Yeah, of course. And I have a confession to make, Tita. Ang totoo kasi ay alam ko na ‘yan. Sinabi na sa akin ni Bimbim kaya ginawa ko talaga ang lahat para mapaibig si Morris.’
Kung gayon ay planado ang lahat. Nagsinungaling ito nang sabihin nitong kahit sinong lalaki ay maaari nitong iharap sa tiyahin. Siya ang totoong nasa pustahan ng mga ito. Siya ang subject ng deal ng dalawa. Ang paibigin siya ang tanging paraan para makuha nito ang matagal na nitong hinihiling na sasakyan sa tiyahin at kung sakali mang hindi ito magtagumpay ay ipakakasal ito ni Maita sa taong pinagkakautangan nito ng loob.
That was it. That was basically the reason why she did not give him up. Dahil siya ang alas nito para makuha ang ibig nito at matakasan ang kasal na ipinananakot dito ng tiyahin. How brilliant! Akala pa naman niya ay talagang nagkagusto ito noon kay Miller! Ngayon ay lumilitaw na tila palabas lang ang lahat. Naisip nito marahil na magseselos siya kung makikipagkita ito sa lalaki na siya ngang nangyari. It was so stupid of him to fall for a cheater like Charisma!
“Nakita mo na ang lahat. Ano pa ba ang ebidensiyang kailangan mo para maniwala kang hindi kayo kundi tayo ang para sa isa’t – isa, babe? Niloloko ka niya! She was dating you and going out with Miller at the same time! Ginamit ka lang niya para makuha niya ang gusto niya at iyon ay ang paibigin ka! Kapalit ng isang magarang sasakyan. Kapalit ng kalayaan niya mula sa probinsiyanong iyon. What else do you want to hear?” Histerikal na si Meg kaya hinawakan niya ito sa mga balikat at pilit na pinayapa.
“Meg, thank you so much for doing all these things. Kung totoo nga ang lahat ng ito ay malaki ang utang na loob ko sa’yo. Pero problema ko na ito. Problema na namin ni Chari. Huwag mo na sanang abalahin ang sarili mo sa’kin…” Mahirap para sa kaniya ang mga sinasabi lalo pa at may pinagsamahan naman sila ng dalaga pero wala siya na kondisyong makipag – usap rito. Lalo pa ngayong abala na ang isip niya sa mga natuklasan.
“Don’t you love me anymore, babe? How about our wedding? May mga plano tayo, hindi ba?”
“I hate to say this but…Meg, please…Alam mo simula pa lang ang uri ng pagtingin ko para sa’yo. I never said I love you and you knew it. Maging ikaw naman ay ganoon rin noon. About the wedding, you knew from the very start that it won’t happen. Alam kong alam mo iyon, Meg.” Napaiyak na nang tuluyan si Meg. Ilang sandali rin itong umiyak at wala siyang nagawa kahit man lamang ang payapain ito. Hindi nagtagal ay nakita niya ang abuela na nakatayo sa harap ng pinto at nagtatakang nakatingin sa kanila ni Meg.
“Ayoko sanang makialam pero hindi ko naiintindihan ang mga nangyayari, Morris. Kaya ba umiiyak si Charisma ay dahil inabutan kayong magkasama rito ni Meg? Pero bakit naman umiiyak din ang isang ito?”
Nanlaki ang kaniyang mga mata. Si Charisma? Nagpunta roon?
“ANAK, sigurado ka bang magpapakasal ka talaga sa lalaking ‘yan?” Napalingon siya sa ina na na hindi makapaniwala sa naging desisyon niya.
Ikatlong araw na niya sa Mindoro. Umuwi siya kasama ang tiyahin para takasan ang sakit na dulot ni Morris. Natatandaan pa niya ang naging hitsura ng kaniyang Tita Maita nang sabihin niya ritong gusto niyang umuwi ng probinsiya para makita ang pamilya. Lalo na itong nagtaka nang sabihin niyang handa na siyang magpakasal sa matandang lalaking si Juancho. Bukod sa makakatulong siya sa tiyahin na matubos ang kabuuan ng lupain nitong nakasanla sa mga Castillo ay matatakasan pa niya ang sakit na naranasan niya nang sumubok magmahal ng lalaki.
“Nay, mukha namang mabait si Juancho. Saka hindi pa naman siya katandaan. Malay ninyo, magka – apo agad kayo at matanggap n’yo na rin siya sa huli…” Bulong niya rito.
Napaantanda si Aling Mameng at kung hindi lang komplikado ang situwasyon ay malamang na matawa siya sa hitsura ng ina. Maging ang kaniyang Tita Maita at si Mang Celso na kaniyang ama ay nakasimangot din habang nakamasid sa nagtatabakong si Juancho. Nang tumayo ang lalaki at makita niyang palapit sa kaniya ay pinilit niyang ngumiti.
“Hi, labs. Ano, puwede na ba nating pag – usapan ang tungkol sa petsa ng kasal?” Tanong nito habang ang isang braso ay pumulupot sa kaniyang beywang. Nakita niya ang akmang paglapit ng ama kaya sinenyasan niya ito.
“Eh, Juancho, puwede bang ipagpabukas na natin ‘yan? Gusto ko muna sanang makausap itong pamangkin ko at tila parang bagyo yata kung gumawa ng desisyon ngayon.” Napatingin siya kay Tita Maita na sige sa pagsenyas. Hindi kasi nito alam ang mga plano niya at nagulat pa ito nang makitang tumatao po sa bahay nila si Juancho. Saka lang niya ipinaliwanag dito na ipinatawag na niya ang lalaki para maisagawa na ang plano habang hindi pa nagbabago ang isip niya.
“Bakit naman bukas pa kung puwede namang ngayon na, hindi ba labs?” Sinupil niya ang pagsimangot at sa halip ay pilit na ngumiti at tumango. Langhap na langhap pa niya sa hininga ng lalaki ang amoy ng tabako nito.
“Tama siya. Ngayon na pag – usapan ang bagay na iyan at huwag nang pagtagalin pa.” Lahat ay napalingon sa pinanggalingan ng tinig at tila ibig niyang mahimatay nang makita si Morris sa entrada ng kanilang bahay. Nakayuko ito habang dumaraan sa mababa nilang pinto.
“M – Morris?”
“Sino naman ang isang ito?” Napatingin siya sa nagtanong na ina at pagkuwa ay sa kaniyang tiyahin.
“Ate, siya si Morris. Ang..ang…”
“Kaibigan po ni Tita Maita…halika, pumasok ka.” Hindi tuminag si Morris sa pagkakatayo at seryoso lang na tumingin sa kaniya. Nagpalipat – lipat sa kanilang lahat ang mga tingin nito pero nagtagal iyon nang dumako sa mga braso ni Juancho na nakapulupot pa rin sa kaniya.
“Magandang gabi sa inyong lahat. Narito po ako para bawiin ang sa akin. Pare, kung puwede sana, take your hands off my fiancée.” Napasinghap siya pero mas malakas ang naging pagsinghap ng mga tao sa kaniyang paligid partikular ang kaniyang ina.
“Fiancée?” Kusang umangat ang mga kamay ni Juancho at ipinamulsa sa pantalon nito.
“Huwag ninyong paniwalaan ang gunggong na ‘yan. Gumagawa lang ‘yan ng gulo pero ang totoo ay manloloko ‘yan.” Aniya. Bigla ay naalarma siya.
“Honey, please…hindi ba tayo puwedeng mag – usap?”
“Hijo, sino ka ba?” Nilinga niya ang ina para sagutin pero naunahan siya ni Morris.
“Ako po ang kasintahan ng inyong anak. My name is Morris, Ma’am.”
“Kasintahan? Kung gayon ay…Anak, ipaliwanag mo nga kung bakit biglang – bigla ay gusto mong makasal kay Jauncho. May kinalaman ba ‘yan sa inyong dalawa ng simpatikong binatang ito?” Napatingin siya sa ina, pagkuwa ay sa ama…kay Tita Maita at Morris.
“Nay, totoo pong kasintahan ko siya pero hindi na ngayon. Napakamanloloko ng taong ‘yan! Ilang beses na niya akong pinaasa at pagkatapos ay iniwan sa kawalan…”
“That’s unfair! Sino ba itong nakikipagkita pa rin kay Miller kahit pa may kasintahan na? Sino ba ang nanggamit para magkaroon ng pangarap na kotse at makatakas sa isang pinagtataguang kasal? Hindi ba ikaw?” Napaawang ang labi niya sa pagkamangha.
“At sino ba ang may babae sa kuwarto at nakikipaglambutsingan? Hindi ba ikaw? Sinungaling ka! Manloloko!” Nagsimulang mamuo ang mga luha niya.
“Nag – usap lang kami ni Meg. I was taking an afternoon nap when she arrived. Pinasok niya ‘ko sa silid ko pero nag – usap lang talaga kami. Huwag ka ngang malisyosa diyan…”
“Ah ganoon! Ako pa itong malisyosa! Kung makita mong may lalaki sa kuwarto ko at marinig mong nagbabato ng I love you sa akin, ano ang iisipin mo? Naglalaro lang kami? Ayos lang iyon sa’yo?”
“Hindi! Kaya pare, kung pwede ay tumabi ka nang konti. You’re crowding my girl.” Humakbang si Morris palapit sa kaniya. Hinawi nito ang nakanganga at hindi makapaniwalang si Juancho. Nakamasid lang ito maging ang lahat sa pagpapalitan nila ng mga salita.
“Honey…hindi totoo ang mga narinig mo. Okay, Meg was there. She was asking me to marry her but how am I supposed to do that kung ikaw itong mahal ko?” Hindi na niya napigilan ang pagbalong ng luha. Tila ibig na namang maniwala ng puso niya sa naririnig pero tama bang payagan na naman niyang mangyari iyon? At pagkatapos ay ano? Iiyak na naman siya sa huli?
“Kung totoong mahal mo ‘ko, bakit hindi ka nagpapakita sa akin? Hindi mo man lang ako tinatawagan o tine – text man lang…”
“Dahil nasaktan ako sa nalaman ko. Pinuntahan ako ni Meg isang araw para ipaalam sa akin na ginamit mo lang ako. Your conversation with your aunt was recorded. Narinig ko doon na sinadya mo akong mahulog sa bitag mo para makuha mo ang price ng deal ninyong dalawa. Of course, I was hurt. Hindi muna ako nagpakita sa’yo pero hindi naman talaga kita matitiis. Ang kaso ay may sumunod pa doon. The day you saw Meg in my room, it was the same day that she showed me your pictures with Miller. Nagkita kayo sa Cyber Eve at sweet na sweet sa isa’t – isa!”
“That’s a big lie! Kung gayon ay alam ko na ang tao sa likod ng kalokohang ‘yan! Walang iba kung hindi ang Meg mo! Sinadya niyang i – text si Miller at nagkunwaring ako para makipagkita sa Cyber Eve. Siya rin ang nagtext sa akin na kunwaring ikaw para magpunta naman ako roon ng hapong iyon!”
“Ako? Paano kitang iti – text gayong sinadya ko ngang tiisin ka dahil talagang masama ang loob ko.”
“Kita mo na! ‘Yang babaeng ‘yan talaga ang gumawa ng lahat! Sinadya niyang sirain tayong dalawa para malaya ka niyang makuha sa’kin! Bruhang iyon!” Nalaglag ang luha niya at masuyo iyong pinahid ni Morris. Nang mapatingala siya rito ay hindi na ito nag – aksaya ng oras at kaagad siyang niyakap.
“I’m sorry, honey. Hindi man lang kita binigyan ng pagkakataong magpaliwanag. I should have trusted you.”
“’Yan ang dapat nating gawin dalawa buhat ngayon. Dahil sa relasyong ito ay tayong dalawa lang ang kasali. Tayong dalawa lang, nagkakaintindihan ba tayo?”
Isang halik na inabot din ng ilang sandali ang naging tugon ni Morris doon. Kung hindi pa tumikhim ang kaniyang ama ay nunca na pawalan siya ng kasintahan.
“Hijo, nawiwili ang nguso mo ng kahahalik sa anak ko. Pakakasalan mo ba ‘yan?”
Sunud – sunod na tango ang ginawa ni Morris.
“Pakakasalan ko po ang anak ninyo kahit kailan at kahit saan.”
Sa labis na katuwaan ay nayakap niya ito. Nang tingalain niya ang lalaki ay nakita niya ang katapatan ng damdamin nito sa kaniya.
“Mahal din kita. At mula sa araw na ito ay hindi na ako papayag na may pumagitan sa ating dalawa. Mahal na mahal kita.” Kusa na niyang inabot ang mga labi nito.
“Teka, ano ba ito? Pinapunta mo ako rito para panoorin ang proposal ng bisita mo, Charisma?” Napangiwi siya nang makita ang tila maiiyak na si Juancho. Nakadama siya ng bahagyang awa rito.
“Errr…Juancho…Ikaw na sana ang bahalang magpapasensiya sa anak namin. Mangyari kasi ay nagkatipos iyan noong araw kaya pabago – bago ng isip eh. Ikaw na ang bahalang magpasensiya ha.” Sa wakas ay nagsalita na rin ang kaniyang ama. Iiling – iling na bumaba ng kanilang bahay ang susukot – sukot na lalaki.
EPILOGO
MATAPOS ang isang buwan ay ikinasal din si Morris at Charisma. Maid of Honor si Jaja at Best Man naman si George. Si Miller ay naging bahagi rin ng Entourage pero hindi si Meg na sa labis na kahihiyan sa ginawa nito ay napilitan nang mangibang – bansa. Sa telepono na lamang siya kinausap nito at doon na rin ito humingi ng tawad na buong puso naman niyang ibinigay dito. Tumayong Ninang sa kasal ang kaniyang Tita Maita at sa wakas ay napapayag naman si Juancho na pumareha rito. Nagsilbing emcee naman sa reception si Britanny at Lei. The wedding ceremony was perfect. Kumpleto ang mga mahal nila sa buhay kabilang ang kaniyang mga magulang at si Lola Isabel. Matapos ang kasal ay dumiretsto sila ni Morris sa hotel suite na regalo ng abuela nito.
“Bakit mo naisipang puntahan ako sa probinsiya namin kung sa pagkakaalam mo ay may kasalanan ako sa’yo?” Nakaunan si Charisma sa isang braso ni Morris habang ang huli naman ay masuyong nakatingin sa kaniya na tila ba minememorya ang bawat linya ng kaniyang mukha.
“Simple. Mahal kita. May kasalanan ka man o wala, totoo man ang narinig ko o hindi ay gusto kong sa’yo manggaling iyon. I don’t know. Hindi ko matiis ang sarili ko na hindi ka makita.”
“Ang tawag diyan honey, head over heels.” Natawa siya pagkasabi niyon.
“What’s that?” Tanong nitong tila nalilito.
“Head over heels. Meaning, dead na dead ka sa’kin.”
“Ah, ganoon pala ha…” Kiniliti siya nito at inararo ng halik na buong puso naman niyang tinugon. Saglit pa ay seryoso na itong nakamasid sa kaniya habang ang mga kamay ay nakasapo sa kaniyang mukha.
“I love you, hon. Hindi kita pinaibig dahil sa Ferrari. Bonus lang iyon kahit itanong mo pa kay Ninang. Ang totoo ay ako nga ang napaibig mo. Sobrang mahal kita na hindi ko makakayanan ang mabuhay nang wala ka…”
“Kaya ka pala nagtangkang magpakamatay at pinili mong magpakasal kay Ninong Juancho.” Isang malakas na halakhak ang naging tugon niya sa sinabi ng asawa. Walang pagsidlan ang tuwa niya sa puso at kung hindi pa yumuko si Morris upang selyuhan ang mga labi niya ay hindi niya marahil hihintuan ang pagtawa.
Previous: CE Series: Charisma dela Serna (Book 1/Chapter 9)
Next on Cyber Eve:
Type ninyo ba si Miller? Kung ganoon, join na sa bidding! Sa ngayon ay $1 pa lang naman ang pinakamataas na nag-bid to take him out. Too high? Join the website and collect the gills na lang hekhekhek…
Until then…
Yesha Lee / Amor Filia
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.





