“DUDE, hindi kaya nagkakamali ka ng pagsunod diyan sa kaibigan mo?”
Napatingin siya kay George – ang kaniyang pinsan at partner in crime mula pagkabata.
“Bakit mo naman nasabi ‘yan?”
“Tingnan mo ha, hindi mo man lamang kilala ang Charisma na ‘yan. Isang buwan lang akong namalagi sa Palawan at ngayon ay ikakasal ka na? Paano kung masama palang tao ‘yan? O kaya naman ay oportunista?” Hindi makapaniwalang wika ni George habang naglalagay ng yelo mula sa bucket patungo sa sariling baso nito. Nagsalin ito ng alak doon at saka naman isinunod ang sa kaniya.
“At sino naman ang nagsabi sa’yong pakakasalan ko siya nang totoo? I’m not the marrying type and you know that, pare. I just need to do this for Lola Isabel.”
Napatango si George at saka muling sinimsim ang alak na nasa goblet nito. Siya naman ay nilalaro – laro nang bahagya ang mga yelong nasa kaniyang baso.
“Alam ba niya ang plano mong ‘yan? Kung peke pala, hanggang kailan kung gayon ang kunwaring kasal na ‘yan?
“Puwedeng isang buwan, dalawa, lima o bumilang ng taon. Depende.”
“Depende kung magugustuhan mong mag – extend, ganoon ba?”
Tinapik niya nang malakas ang braso nito na nagpatawa rito nang malakas.
“Well, Chari’s beauty is exotic, pare. Kakaiba talaga at sinisiguro ko sa’yong hindi mo pagsasawaan. But once she open her mouth to talk, nawawala ang gandang iyon. I dunno. Perhaps, she’s just not really my type of girl. Ayoko ng maingay. Ayoko ng tipo niya na tila kahit tindera ng fishball sa kanto ay kilala.” Sinundan niya ng malakas na tawa ang sinabi. Bahagya siyang nagtaka nang sa sulok ng isip ay tila may munting tinig na kumokontra at nagtatanggol para kay Charisma.
“So very like my Britanny. Ganyan din si Brit kaya hindi kami magkasundo. And speaking of her, nakipagkalas na siya nang tuluyan sa akin kagabi dahil sa Cyber Eve na ‘yan. Ewan ko ba, mas gusto pa niya ang makipag – mingle sa mga miyembro ng site kaysa makipagkita sa akin.” Naiiling na sabi ni George. On and off ang relasyon nito kay Britanny at kahit sabihin nitong break na ang mga ito, alam niyang hindi naman magtatagal at magkakabalikang muli ang dalawa.
“Kaya naman pala nagyaya kang uminom, pare. Well ako, hindi ako magagaya sa’yo. Look at me. I’m free. Free from headaches, heartaches etcetera.”
Nagkatawanan sila dahil doon.
“But seriously bro ha, paano si Meg kung pakakasalan mo ang Eba na ‘yan? You’ve been dating for the past three months; akala ko tuloy ay siya na ang ihaharap mo kay Lola Isabel.”
“Si Meg? I don’t think so. If she’s thinking that she’s the only woman on earth, wait ‘til he meets Charisma. I’m dying to see how she’d bark once she saw her, dude.” Ngumiti siya nang makahulugan.
Si Meg ang unang babaeng sineryoso niya matapos ang hindi mabilang na pakikipagtaguan niya sa mga kabaro nito. Hindi naman sa mapaglaro siya. Hindi lang talaga niya maramdaman ang true love na sinasabi ng iba. Masaya na siyang makipagkaibigan sa mga babae at kung lumabis man doon ay sinisiguro niya sa mga itong hindi siya ang tipong para sa mga hopeless romantics.
Mahirap humanap ng ganitong klaseng babae dahil karaniwan na sa mga nakikilala niya ay talagang naniniwala sa pag – ibig. Their emotions were too intensed that he swore he couldn’t handle them. Pero iba si Meg sa mga ito kaya naman agad niyang nagustuhan ang dalaga. Unang kita pa lang niya rito sa telephone company na pinapasukan nito ay naakit siya agad sa kakaibang klase ng pagdadala nito ng sarili. She was too independent. Noong una ay wala silang nagiging problema pero nitong huli ay sukdulan na ang naging pagiging ‘independent’ ng dalaga. Nang lumaon ay hindi na niya magawa pang sakyan ang mga ibig nito.
He actually offered her marriage and of course, that was one thing that he would never tell George. Tiyak kasig pagtatawanan siya nito dahil tinaggihan siya ng isang babae. Hindi niya mapaniwalaan iyon noong una pero nang lumaon ay nagawa na rin niyang tanggaping hindi tipo ni Meg ang babaeng para sa kaniya. Magkagayunman ay hindi naman sila tuluyang naghiwalay nito. Sa tuwing kailangan siya nito at libre siya ay sinasamahan pa rin niya ang dalaga. Gayon din naman ito sa kaniya. Tila sila magnobyong walang malinaw na pising nag – uugnay.
“Alam ba ni Meg ang tungkol sa lambing na ‘yan ni Lola Isabel?” Umiling siya. Hindi na kasi niya pinagkaabalahang sabihin iyon dito dahil tiyak namang mababalewala lang ang effort niya. Hindi naman ito magkakainteres sa usaping iyon at malamang sa hindi ay baka pagtawanan pa siya ni Meg.
“So paano, tuloy na talaga ang kasal? No Meg anymore?”
“Just for the meantime, dude. I can still have her if she knows how to spell the word wait.” Ngumiti siya nang makahulugan kay George bago tuluyang sinaid ang laman ng kaniyang goblet.
HINDI maikakaila ang tuwa sa anyo ni Lola Isabel. Isinama ni Morris si Charisma sa kaniyang bahay upang personal na itong makilala ng matanda. Kagaya ng inaasahan ay masayang – masaya ang kaniyang abuela sa pag – aakalang matutupad na rin sa wakas ang kahilingan nitong makitang mag – aasawa siya. Ang ibig nito’y pag – usapan na agad ang kasal nila kaya mataktika na lamang niyang inililiko ang usapan upang hindi naman masindak si Charisma.
“Kailan ba talaga ang kasal, Morris? Huwag ninyo na sanang pagtagalin upang hindi na rin magtagal ang pagdating ng aking apo.” Wika ng kaniyang abuela habang nakangiti sa pagkakamasid kay Charisma. Ibig niya sanang mangiti sa kabila ng tensiyon at kaba dahil halatang hindi magkandatuto ang dalaga sa mga gagawin. Naroong maupo ito at tumayo o kaya naman ay pagsalikupin ang mga kamay sa kandungan nito.
“Don’t worry, ‘La. Iaayos agad namin ang mga detalye ng kasal. Sa US gaganapin ang kasal para makadalo ang mga kapatid ninyo.”
“What? Ayoko roon, apo. Pabibiyahehin mo pa ba ako sa edad kong ito? Hayaan mo silang magpunta rito, hijo. After all, you’re the only son of Jessie at natitiyak kong hindi nila babalewalain ang okasyong ito.” Tugon ng abuela niya na ang mga kamay ay walang awat sa pagkumpas habang ang mga mata naman ay nakangiti kay Charisma.
“Tama si Lola, Morris. Mas makabubuting dito na lang natin planuhin at ganapin ang…ang kasal para makadalo naman ang Tita ko.”
“Tita mo? Hindi lang Tita mo ang dapat dumating sa engrandeng kasal na ito, hija! Kailangan ay ang buo mong pamilya maging mga kapitbahay!”
Napaubo siya sa narinig. Buong pamilya? Kung sa nag – iisang Charisma ay sumasakit na ang ulo niya, dadagdag pa ba ang buong pamilya nito? Napailing siya.
“La, napag – usapan na namin ‘yan ni Chari. Ayaw niya ng engrandeng kasalan dahil napaka – private niyang tao, hindi ba honey?” Matiim ang tinging ibinigay niya kay Charisma. Sana lang ay makuha nito ang ibig niyang sabihin. Tumango naman ito bilang tugon bago nagsalita.
“Tama po iyon, Lola. Wala rin naman dito ang mga kamag – anak ko. Galing po ako sa Mindoro at naroon ang halos lahat ng kaanak ko sa magkabilang side ng aking mga magulang. Pinag – aral lang po ako ng tiyahin kong nakatira dito sa Maynila kaya heto at hanggang sa paghahanapbuhay ay namirmihan na po ako dito sa siyudad.”
Lumungkot ang anyo ni Lola Isabel.
“Ganoon ba? Kung gayon ay nararanasan mo rin pala ang hirap na dinanas ko noong araw. Makatapos lang sa pag – aaral ay pinili kong mapahiwalay sa aking mga magulang. Kung hindi dahil sa lakas ng loob ko, hindi kami magkikita ng aking si Ernesto.”
Hinaplos niya ang abuela sa likod at bahagyang inalo. Nami – miss na naman nito ang kabiyak na namayapa na noon pa mang paslit siya. Ni hindi na nga niya matandaan ang anyo nito. Nabubuhay lang ito sa mga kuwento ni Lola Isabel na itinanim sa isip niya.
Nang lingunin niya si Charisma ay naunawaaan niya ang isinesenyas nito. Gusto nitong ilabas ang matanda sa hardin kaya tumango na lang siya. Bumulong siya ng pasasalamat sabay ngiti rito. Tipid na ngiti rin naman ang isinukli ng dalaga kaya nalito siya nang may madama siyang tila masarap na pakiramdam na nanulay sa kaniyang sistema. Hanggang sa makatalikod ang dalawa ay nakamasid pa rin siya. Nasa ganoon siyang tagpo nang marinig ang isang pamilyar na tinig. Napalingon siya sa pinto.
His forehead creased upon seeing the visitor framed in his door. It was Meg.
“H – Hi…” He greeted her. He was not able to utter any word when she ran towards him and kissed him fully in his mouth.
PILIT man niyang inuutusan ang sarili ay hindi magawang bumaba ng mga kilay niya. Saglit lang siyang lumabas upang libangin sa hardin si Lola Isabel ay heto at may kalambutsingan na ang matinong si Morris.
Ang sabi ng matanda ay nauuhaw ito kaya nagboluntaryo na siyang kumuha ng tubig sa kusina. Pinabantayan na lamang niya ang matanda sa kawaksing nakasalubong niya sa hardin. Mabuti na rin iyon dahil kailangan sana niyang makausap si Morris. Alam niyang mabibigla ito sa desisyong nabuo niya pero wala siyang magagawa. Kailangan nitong marinig ang mga sasabihin niya. Mauunawaan naman nito marahil kung sabihin niyang natauhan na siya sa gulong pinasok niya at hindi pala niya kayang basta – basta na lamang magpakasal rito.
Pero siya ang nagulat nang makita itong nakaupo sa couch habang may babaeng nakakandong rito at nakahawak sa collar ng suot nitong polo. Magkukubli sana siya pero huli na dahil agad na siyang nakita ng babaeng iyon. Nagtataka ang anyo nito nang tanungin si Morris. Hindi naman agad nakasagot ang lalaki at sa halip ay sinenyasan siya upang lumapit. Sabay na tumayo ang dalawa habang parehong nakatingin sa kaniya.
“Ah…Meg, this is ahm…Charisma. Chari, this is Meg.”
Alanganin ang ngiti ni Morris habang ipinakikilala sila sa dalawa. Hindi nag – alok ng hand shake ang bisita nito kaya itinago rin niya ang kamay niyang kasalukuyan nitong tinitingnan.
“Babe, who is she?” Tanong nito kay Morris na awtomatikong napahaplos sa batok nito.
“She’s my…”
“His fiancée.” Siya na ang sumagot sa tanong na iyon. Tila bigla na lang naglaho sa isip niya ang planong kanina lang ay nasa utak niya. At ngayong nakikita niya kung paanong naging mabalasik ang anyo nito ay tila tuwang – tuwa naman siya ng lihim.
‘My kilay…bumaba ka na please…’
“Fiancée? Is this some kind of a joke, babe? What’s happening here?”
“Mukha ba akong nakikipagbiruan? My name is Charisma and I am the soon – to – be – wife of Morris. Honey, sino siya?” Kunwa ay tanong naman niya kay Morris sabay hatak sa kamay nito. Walang nagawa ang lalaki nang kusa niyang kunin ang kamay nito at iakbay sa beywang niya.
“Meg…I’m sorry but she’s saying the truth. I’m marrying her anytime soon. Hindi ko ito nabanggit sa’yo noon dahil alam kong hindi ka naman papayag sa ganitong klaseng…”
“Alam niyang hindi ka papayag na maging Maid of Honor ko kaya hindi ka na niya sinabihan. That’s it.”
‘Ang hudyo at may balak pa yata akong ipahiya!’
“Maid of Honor?!” Tila nawindang sa narinig ang babae at hindi ito makapaniwala sa naririnig. Lalo nang nag – angatan ang mga kilay niya sa inis.
“Honey, I know you need a lot of explaining here. Pupuntahan ko muna si Lola.” Kunwa’y hinaplos niya ang balikat ni Morris pero bahagya niya itong kinurot upang balaan. Makahulugan namang tumingin sa kaniya ang binata at saka kunwa’y tumango.
“Babe, can you please explain all these to me?” Narinig pa niya ang demanding na tanong na iyon ni Meg habang papalayo siya at hindi niya maiwasan ang makaramdam ng pagngingitngit sa dibdib.
Next to: CE Series: Charisma dela Serna (Book 1/Chapter 7)
Previous: CE Series: Charisma dela Serna (Book 1/Chapter 5)
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.





