Screenshot_20211006-093406_Photos

Chapter 2: Guess the Title by Mysterious Charm27

NANGYAYARI na rin sa lupa ang iba’t ibang klase ng delubyo. Mga iba’t ibang paniniwala at pagrerebelde ng mga tao ay lumilikha ng digmaan sa iba’t ibang panig ng sansinukob. Malalakas na lindol at bagyo na nagdudulot ng malaking pinsala sa lupa at kapaligiran. Kahirapan na naging sanhi ng taggutom. Kumakalat ang mga iba’t ibang sakit. Nakita agad ni Hiraya ang mga sakuna na ito habang siya ay nakalutang sa ere. At ang lahat ng ito ay naranasan na rin ng mga tao. Lingid sa kanilang kaalaman, na ang lahat ng ito ay paghatol na sa kanilang mga nagagawang kasamaan. Muli, sumilay ang ngiti sa mga labi ni Hiraya. Tamang-tama ang kanyang pagbangon dahil alam niyang mas mabigat ang ipaparatang niyang parusa sa mga mortal na kailanman ay hindi pa nangyari sa lupa. 

Mabilis nawala ang malaking alon sa dagat at lumitaw ang imahe ni Aman Sinaya. Katulad ni Hiraya, parehas na mahaba ang kanilang buhok. Nakasuot sila ng mahabang puting bestida. May hawak din itong isang sandata– isang gintong sibat. Nawala din ang malaking buhawi, isang mabilis na kislap ang tumama sa isang puno. Lumabas ang anyo ni Amihan. Isang napakagandang ibon, na may gintong balahibo at pakpak. Walang ginawa sina Aman Sinaya at Amihan, kundi pagmasdan si Hiraya. Binabasa nila kung ano ang gagawin nito. Hanggang sa may narinig silang boses.

“Huwag kayong magkakamaling gumawa ng aksyon. Ang nakatakda na mangyayari sa mundo ay walang sino man ang pwedeng pumigil nito.”

“Bathala!” sabay pang bumulong ang isipan nina Aman Sinaya at Amihan. Tama ang naging kutob nilang dalawa. Hindi sila naniniwala na namatay ang pinakamakapangyarihan na Diyos sa lahat ng mga Diyos na si Bathala. Walang kamatayan si Bathala. Wala rin silang dalawa na magawa kundi ang sumunod, lalo na kung ito ay makakatulong sa pagpapalayas sa isang salot na katulad ni Sitan. Naging panatag din ang kalooban ni Aman Sinaya, dahil ang kanyang anak ay isang instrumento ni Bathala para sa paghatol. Iyon nga lang, hindi nila alam kung ano ang nakatagong lakas at kapangyarihan ni Hiraya.

Samantala, nagpatuloy ang naging labanan nina Apolaki at Mayari. Nang dahil sa lubos na galit at pagnanais ni Apolaki na maghari sa mundo, dinukot niya ang isang mata ng kanyang kapatid, na sa kalaunan ay pinagsisisihan niya rin ito. Nang makita niya na nasaktan si Mayari, napagtanto niya ang kanyang pagkakamali. Hindi malaman ni Apolaki kung ano ang kanyang gagawin. Hindi niya alam kung paano siya humingi ng tawad kay Mayari. Hanggang sa lumitaw si Bathala sa kanilang harapan. Walang imahe na nakikita, isang nakakasilaw na liwanag lamang.

“A–ama,” tanging sambit ni Apolaki at siya ay gulat na gulat. Lumapit si Bathala kay Mayari at sa isang pahid lang ng kanyang palad, gumaling ang sugat sa mata nito. Ngunit, hindi binalik ni Bathala ang paningin sa isang mata ni Mayari para ito ay mag-tanda.

“Ama, patawarin po ninyo kami! Kami ay naging hangal at sakim. Kinalimutan namin ang iyong aral sa amin. Patawarin po ninyo kami!” Lumuhod ang magkapatid sa harapan ni Bathala. Sila ay tumatangis. Ang pag-ibig sa puso ni Bathala ay walang hangganan, kahit kanino pa man. Lalo na sa kanyang mga anak. 

“Tumayo kayo riyan! Ang lubos na paghahangad sa isang bagay ay hindi mabuti. Ang pagiging sakim ay isang bitag sa inyong katauhan na dahilan ng inyong pagkawasak. Tingnan ninyo ang nangyari? Mas tinangkilik ninyo ang makasariling pagnanasa ninyo na sa tingin niyo ba ay may karapatan kayong manahin ang aking kaharian? Tandaan ninyo aking mga anak, walang sino man ang pwedeng umupo sa aking trono. Kayong mga anak ko ang nagsisilbi sa akin at Ako ang iyong magiging lingkod na kahit sa anong paraan ay hindi ko kayo pababayaan.”

“Ama, patawarin po ninyo kami!”

“Pagmasdan ninyong mabuti ang ginagawa ng mga tao sa lupa. Sa tingin niyo ba ay may pagkakaiba kayo sa kanila? Gusto niyo rin bang maranasan ang katulad ng naging hatol nila na hindi nila namamalayan?” dugtong pa ni Bathala, na sa kasalukuyan ay gumawa na ng aksyon si Hiraya. Bumilis nang bumilis ang tibok ng puso ng magkapatid, habang napapanood nila ang eksena.

May dalawang malaking bilog sa kamay ni Hiraya. Yari ang mga ito sa tubig at nagliliwanag. Mula ito sa inipon niyang enerhiya. Nagtabi sina Aman Sinaya at Amihan. Bumuo sila ng isang kalasag mula sa kanilang kapangyarihan para hindi sila maapektuhan sa anumang mangyari. Basta nakakasiguro silang isang matinding hagupit ang daranasin ng mga tao sa lupa. Seryosong-seryoso ang mukha ni Hiraya, habang nagmamasid siya sa sanlibutan.

“Ama!” tawag ni Apolaki kay Bathala. Siya ay nag-alala sa mga mortal. Alam ni Bathala kung ano ang nais iparating ng kanyang anak na lalaki sa kanya. Subalit hindi na iyon pinansin pa ni Bathala. Kailangan niyang iparanas sa mga tao ang sakit at hirap, upang ang mga ito ay mas lalong matuto sa buhay.

“Pagkatapos ng lahat ng ito, ikaw Apolaki ang maghari sa tuwing umaga. At ikaw naman Mayari ang maghari sa tuwing gabi. Bibigyan ko kayong dalawa ng pantay na karapatan sa pamumuno sa daigdig, iyan ang kapalit ng inyong pagsisisi,” huling wika ni Bathala at Siya’y naglaho. Alam naman nina Apolaki at Mayari, na kahit hindi sila humingi ng tawad sa kanilang ama, sila ay patatawarin. Dahil ang pagmamahal sa puso ni Bathala para sa kanila at sa mga tao ay walang hanggan. Katulad ng panonood nina Aman Sinaya at Amihan sa gagawin ni Hiraya, ganun na rin ang ginawa ni Apolaki at Mayari. Wala sa kanila ang pwedeng pumigil kay Hiraya, dahil ang paghatol ng Diyosa sa mga tao ang daan para magsisisi sa kanilang mga kasalanan. 

Pansamantala rin pinatay ng magkapatid ang liwanag ng araw at buwan, na naging sanhi ng kadiliman sa kalangitan. Nasilayan nila ang pagkakaiba ng mga tao. Ang iba ay nababalot ang liwanag sa kanilang mga katawan. Ang iba naman ay puro itim na usok. Isa lamang ang ibig sabihin– ang lahat ng may taglay na liwanag ay sila lamang ang maliligtas. Nagulo, nataranta, natakot, at nalito ang lahat ng mortal sa biglang pagkawala ng liwanag. Naramdaman din ito ni Sitan na isang delubyo ang mangyayari. Tinipon niya ang kanyang apat na alagad. Binalak nila kaagad na magtago, dahil alam ni Sitan na sa pagkakataon na iyon ay matatalo siya. Binalak niyang tumakas, upang magkaroon pa siya ng pagkakataon na maisakatuparan ang kanyang mga mithiin sa lupa. Matalino rin si Sitan. Ngunit, huli na ang lahat para sa kanya.

Ang isang malaking bola na gawa sa tubig na nasa kamay ni Hiraya ang naging rehas nila. Ibang parusa ang balak na igawad sa kanila. Samantalang ang isang bola naman ay ang sisira sa buong sanlibutan. Dahan-dahan na hinulog ni Hiraya ang bola na ito sa gitna ng karagatan. Hindi ito mabilis na bumagsak, tila ba’y nagsayaw muna ito sa hangin. Kung pagmasdan itong mabuti, para bang korte ito ng patak ng luha. At nang dumapo at lumubog na ito sa karagatan, animo’y may isang malakas na dinamita ang sumabog sa ilalim ng karagatan.

“Damhin ninyo ang luha ng mundo!” sigaw ni Hiraya. Kasabay nito ang pagtingala niya sa kalangitan at pagtaas ng kanyang dalawang kamay. Malalaking patak ng ulan ang nag-unahan na dumapo sa lupa. Lumakas nang lumakas ang hangin. Nabuo ang mga malaki at mataas na alon, na parang mga naghihimagsik na sundalo na gustong sugurin ang mundo. Malakas na lindol ang dulot nito. At tila ba’y may mga sarili rin itong mga paa. Kay bilis nitong gumapang sa karagatan para lamunin ang buong kalupaan.

 

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Chapter 2: Guess the Title by Mysterious Charm27

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.