Dare To Love You – (A Short Story)

NAPUNO ng tawanan ang silid nang ituro si Andrei ng pinaikot nilang bote ng beer. Napasimangot ito. Tatlong beses na siyang natuturo at pilit iniiwasan na tumanggap ng dare lalo pa’t alam niyang malala ang trip ng barkada. Tinuro siya ni Prince at pinagtawanan.

“Ikaw na naman, Drei! Pa’no ba ‘yan? Sinabi mo kanina na dare na ang susunod mong tatanggapin,” nakangising saad nito saka nilagok ang kalahating baso ng beer.

Napamura na lang si Andrei at sumandal sa silya. Maingay ang bar, maraming nagsasayawan at lasing na lasing na. Bahagyang madilim sa puwesto nila ngunit natatamaan paminsan-minsan ng disco lights kaya nakikita pa rin nila ang isa’t isa. Nasa gilid lamang sila ng stage at nag-iinuman.

“Drei, handa ka na? Medyo matindi itong dare ko sa’yo.” Umiling si Andrei sa sinabi ni Sebastian. Namumula na ang mukha nito at magulo na ang buhok.

“Siguraduhin mong illegal ‘yan, Baste.” Napatawa naman ang matalik na kaibigan.

“Para ka namang sira, hindi naman kita ipapahamak.”

Magkatapat silang dalawa, isang taon lang ang agwat nila. Mula pa hayskul ay magkaibigan na. Malaki ang pangangatawan ni Baste, pinaghirapan niya itong makuha. May kakaunting balbas na rin kaya napaghihinalaan na may katandaan na kahit na ang totoo ay bente-kuwatro pa lamang. Sa kabilang banda, simple lamang manamit si Andrei. Siya ang perpektong imahe ng isang tall, dark, and handsome man.

“Last beer na, ibig-sabihin ay last dare na rin natin ‘yan. Mag-a-alas kuwatro na rin, Baste,” paalala ni Mike. Siya ang pinakamatangkad sa grupo, criminology student kaya’t madali siyang makilala sa kanila dahil sa estilo ng buhok.

“Mabilis lang ‘to. Pero dalawang linggo ‘to, Drei. Kaya?” sabi ni Baste, tunog naghahamon.

Napuno ng pagtataka ang mukha niya. “Ba’t ang tagal naman n’yan? Baka kung ano na ‘yan, Baste.”

Nakangiti lang si Sebastian, pinagmamasdan ang reaksiyon ng kaibigan. “Syempre dapat challenging ang dare.” Nang hindi magsalita si Andrei ay nagpatuloy siya. “I dare you to fall in love with my little sister.”

Natigilan si Andrei. “Seryoso ka ba, p’re?” Kahit na sumeryoso na siya maging sina Prince at Mike ay nanatiling nakangiti si Sebastian. Tumango pa ito upang kumpirmahin na hindi siya nagbibiro. “Bakit sa kapatid mo pa?”

“’Yon ang dare, ba’t mo pa kinukuwestyon.” Tumagay ito sa kanila. “Two weeks, p’re. I will allow you to do anything you want. No bro code. Lapitan mo. Kausapin mo. Suyuin mo. H’wag mo lang sasaktan in any way.”

“Baste, bakit si Nikita? Alam mo namang hindi ‘yon gaanong lumalapit sa mga lalaki,” sabat pa ni Prince.

“Dahil ‘yon sa’kin.” Tiningnan niya si Andrei na hindi umiimik. Kahit na hindi nagsasalita ay nababasa pa rin niya ang kaibigan. Alam niyang naguguluhan ito. “May rason kung bakit ganito ang dare ko sa’yo, Drei. Ano? Deal?”

Nakatitig si Andrei sa mga palad ni Sebastian sa harap niya. Alam niyang imposibleng magkagusto siya sa kapatid ni Sebastian. Maganda ito, achiever din, ngunit may kakaiba sa babae kaya hindi niya masabayan. ‘Bahala na nga,’ isip niya.

“Deal.”

Sa buong buhay niya ay ipinapanalo niya ang bawat laban, ngayon lang niya tinanggap ang hamon na alam niyang una pa lang ay talo na siya.

 

LUNES na naman. Kung sa ordinaryong araw ay hindi nakakaramdam ng kaba si Andrei tuwing bumibisita sa bahay ni Sebastian. Ngunit iba ang lunes na iyon, pinagtitinginan siya ng mga tao nang makababa siya sa motorsiklo niya. Iyon din ang araw na makakausap niya si Nikita.

Unang araw ng Intramurals nila ngunit heto siya, kailangan niyang suyuin si Nikita upang mapapunta sa paaralan. Hindi ito mahilig sa mga public events, kahit na may additional points ay wala itong pakialam. Nais ng kuya niya na masubukan din ni Nikita ang makisama. Iyon ang unang goal niya.

Kumatok siya sa pinto. Ilang sandali pa ay bumukas ito, dumaan sa ilong niya ang mabangong amoy ng adobo. Kumalam ang sikmura niya kahit na katatapos niya lang mananghalian. Culinary Arts ang kurso ni Nikita, malayong-malayo sa Software Engineering na kinuha ni Andrei.

Nakuha ng atensyon niya ang nagbukas ng pinto. Maliit na babae, maputi, at mahaba ang buhok. May tatlong earrings ito sa kanang tainga at dalawa sa kabila. Nakasuot pa ito ng pajamas, halatang hindi pa naliligo. May suot na salamin at may hawak na sandok na may mga butil pa ng kanin.

“Nasa school na si Kuya, at ano ang gusto mong sabihin?” Medyo nagulat siya sa pagiging straight-forward ng babae. Sabi ni Sebastian, madaldal ito ngunit hindi naman pala sa lahat. “Anong pangalan mo?”

“Oh! I’m Andrei Disente.” Limang segundong nakatitig si Nikita sa kamay niya. Natuyo tuloy ang laway niya sa lalamunan. Hindi niya talaga naiintindihan ang mga titig ng babae. “Ako ang taster mo for two weeks.” Parang naging double meaning iyon nang sabihin niya.

Mahilig mag-experiment si Nikita, matagal niya na rin nitong hinihiling na magkaroon ng personal taster sa mga putahe niya. Hindi niya rin alam kung bakit kinapitan niya na rin iyon. Siguro ay tatapusin niya na lang din ang dalawang linggo total sa simula pa lang ay talo na rin naman siya. Isa pa, hindi siya uuwing dehado, mabubusog din naman siya.

“Pasok ka.”

Inaya niyang kumain si Andrei. Walang nararamdamang kakaiba si Andrei sa babae. Napakasimple lang nito. Nothing special. Wala siyang bagay na nahanap dito na mapapahanga siya. Maliban sa masarap nitong luto.

Sunod-sunod ang pagsubo niya at nanlaki pa ang mga mata. ‘Stop… No way. Ang sarap!’

Nakita iyon ni Nikita na napangiti na rin ng lihim. “Bilang tagatikim, kailangan ay alam mo ang basics. Mahilig ka bang magluto o mahilig ka lang kumain ng mga babae?”

Naubo si Andrei. “Huh? Babae? Anong babae?”

Nagtaka si Nikita. “Anong babae? Bakit may babae?”

Kapwa sila nagtaka. “Sabi mo mahilig kumain ng babae?” Nanlaki ang mga mata ni Nikita ay sinaboy ang baso na may kalahating tubig sa mukha ni Andrei.

“Bastos ka… Sabi ko putahe.”

Napanganga si Andrei. Basang-basa na ang mukha niya, tumutulo ang tubig sa leeg at kuwelyo ng suot niyang polo shirt. “Why did you do that? Now, I’m wet.”

Napatayo na si Niki. Natumba pa ang silya sa pagtayo niya. “Bastos ka ha! Anong link ang pinapanood mo?”

Naisip ni Andei na baka iyon ang link na sinasabi ng dalaga. “Hindi po kita maintindihan.” Sinubukan niyang tuyuin ang leeg gamit ang panyo niya.

“Hindi ba, babae lang naman ang nagsasabi ng gano’n. Sigurado akong nanonood kayo…” Tumawa ito saka itinayo ang silya at umupo muli. Normal itong nagpatuloy sa pagkain. Samantalang si Andrei ay hindi na malunok ang natira sa plato niya kahit na masarap pa. Kung hindi niya pa kilala si Sebastian ay iisipin niyang nasisiraan na ng bait si Nikita.

Buong araw ay wala siyang ibang ginawa kundi ang maging sunud-sunoran ng babae. Tatlong putahe ang niluto nito at ipinatikim sa kanya. Naglinis din ito ng bahay at siya ang pinagbubuhat ng mga mabibigat. Matapos ay naglaba rin ito at siya ang pinagsampay.

Hindi niya alam kung ano ang nagawa niya at pinarusahan siya ng ganito. Hayahay lang siyang lalaki sa bahay nila, nirerespeto ng mga kasambahay, hindi kailanman inutusan ng mga magulang na magsampay at maglinis. Pagod na pagod na siya nang sumapit ang ala cinco. Iyon din ang oras na dumating na si Sebastian.

Nanlaki ang mata nito nang makitang natutulog na sa sofa si Andrei, wala na itong pang-itaas at suot nito ang jersey shorts niya. Nilibot ni Sebastian ang paningin.

“What a miracle…” Nagkikintaban ang sahig,mga aparador at salamin. Amoy fresh din ang bahay nila. Amoy prito rin sa bungad ng kusina, naroroon ang kapatid niya. Nilingon niya ang kaibigang natutulog. May mga nakatuping damit sa paanan ni Andrei. Hindi mahilig maglinis at maglaba si Nikita at hindi rin naman sanay si Andrei sa ganoon kaya sino ang gumawa ng mga ito?

 

ISANG araw, lutang siyang umupo sa canteen kung nasaan ang barkada. Puyat na puyat siya dahil inabot sila ng madaling-araw ni Nikita sa pag-review. Isang beses sa buong college life niya ang hindi maka-attend ng intrams. Ngayon naman ay tinulungan niya pang mag-review ang babae dahil may special exam ito.

“Para kang patay na nabuhay, p’re. Ayos ka pa ba d’yan?”

“Ang putla mo. Busog ka naman kay Niki, ah?”

Umiling lang ito at tiningnan si Sebastian. “Ano nga ulit ang room ni Niki, Baste?” Ipinatong nito ang isang box sa mesa. Mamahaling brand pa ang nakalagay.

“Aanhin mo ‘yan?” usisa ni Prince.

“Nasira raw ang sapatos niya.”

Napuno ng asaran sa table nila.

“Naku! Ito na ba ang simula? Mukhang hindi ka matatalo sa dare niyo ha.”

“Pumapag-ibig si Andrei!”

“Seryoso, may P.E. sila in like” – sinilip nito ang relo – “thirty minutes.”

May narinig silang bumagsak sa katabi ng mesa. Nang lingunin ay nagulat silang apat, lalo na si Sebastian nang makita ang kapatid niya na naiiyak. Wala itong emosyon ngunit siguradong narinig nito ang usapan nila tungkol sa dare.

“Niki…”

Ngumiti si Nikita at lumapit sa table nila. “Thank you sa shoes. Here’s the payment.” Inilagay ni Nikita ang tatlong libo sa mesa. Naka-P.E. uniform siya, hindi niya rin akalaing maririnig niya ang usapan ng mga kaibigan ng kuya. Hindi niya ipinakita na nasaktan siya.

Sa isang linggo, nakahanap siya ng kaibigan kay Andrei. Akala niya tunay ang intensyon nito ngunit dare lang pala. Matapos kunin ang sapatos ay umalis lang ito diretso.

Napamura si Andrei at nawala lahat ng antok at pagod. Ang makitang kalmado lang si Nikita matapos ang narinig ay nakakatakot sa kanya. Expressive ang babae. Kung nagulat ito, talagang magugulat ito. Kung masaya ay nakangiti, kung malungkot ay yuyuko. Ngunit ngayon ay hindi niya na mabasa ang reaksyon ni Nikita.

“Hala, sayang naman ang cake…”

“Blueberry pa naman ang flavor.”

Nang makita ang pinag-uusapan ng mga nasa katabing table ay tuluyang na-guilty si Andrei at Sebastian.

‘Thanks for the shoes, D!’ – Chef N

Malaki ang ipinagbago ng babae matapos ang araw na iyon. Wala na ang multiple earrings nito. Nagpaputol na rin ito ng buhok at nagpalagay ng blue highlights. Umayos na ang dating rockstar na hitsura.

Humingi ng tawad si Andrei ngunit hindi na siya pinapansin ni Nikita. Natapos ang namagitan sa kanila kahit na hindi pa nagsisimula. Hindi na rin niya gaanong kinakausap ang Kuya niya na laging nagpapapansin sa kanya. Wala na silang ama, ang ina ay nasa Dubai at doon naghahanap-buhay.

Hindi siya tunay na masaya kahit na marami nang kumakausap sa kanya. Mas masaya pa rin ang buhay niya kahit na nag-iisa dahil tanggap niya kung sino siya. Iniyakan niya rin ang pagligpit ng mga poster ng Metallica sa kuwarto niya. Maging ang pagpalit ng mga kanta sa playlist niya.

Matapos ang huling klase, diretso siyang umuwi. Tahimik ang bahay. Nawala ang sigla mula nang hindi na bumibisita si Andrei. Sa kagustuhang ma-distract ay naisipan niyang magpatugtog ng mga kanta ni Taylor Swift at nagsimulang maglinis. Sinama niya na rin ang silid ng kapatid. Ngunit isang sobre ang napansin niya sa sidetable nito.

Nagtaka siya kung bakit may liham mula sa Medical Mission Hospital ang kapatid. Wala namang maysakit sa kanila. Ngunit nagkamali siya, ito pala ang dahilan kung bakit labis na namayat ang kapatid niya, kung bakit wala itong ganang kumain, kung bakit madalas ang pamumutla nito, at impit itong umuungol tuwing gabi.

May stage 2b lung cancer si Sebastian.

 

TUMUNOG ang cellphone ni Andrei, kasalukuyan siyang tumatambay sa tindahan malapit sa court kung saan mangyayari ang racing. Papalubog na ang araw, hinihintay lamang niya na dumilim na ng tuluyan. Napuno ng ingay ng mga makina at motor ang paligid, ang usok ay tila fog sa sobrang kapal. Kung wala siyang suot na face mask ay siguradong naubo na siya at nagkasakit sa baga.

Aaminin niyang unti-unti na siyang nasasanay kay Nikita. Kahit na kakaiba ito, wala itong inaapakan na ibang tao. Ginagawa lang ni Nikita ang mga bagay na nakakapagbigay ng saya sa  kanya. Kaya wala siyang dahilan upang layuan ito. Ngunit ngayon ay si Nikita na mismo ang lumayo.

Walang tingin-tingin, sinagot niya ang tawag.

“Hello?”

“Drei…” Napasilip siya sa caller at nakitang number iyon ni  Nikita. “Drei…” Narinig niya ang paghagulgol nito sa kabilang linya. Bagay na bago sa kanya. Bagay na nagpapasikip ng dibdib niya. Bakit ito umiiyak?

“Nikita? Anong nangyari sa’yo?”

“Drei, sunduin mo ako. Kailangan ko nga kausap.” Suminghot si Nikita, naninikip ang dibdib niya. Hawak niya ang sobre. Ayaw niyang paniwalaan ang mga nababasa. Gusto niyang tawagan ang ina ngunit alam niyang hindi niya pa ito makokontak.

“Sige, papunta na ako.”

Nang marating ang bahay nina Nikita ay nagulat siya nang may babaeng yumakap sa kanya. Nang matingnan ng maayos ay si Nikita pala. Hindi niya ito nakilala.

Agad itong napaluha, bumigat ang damdamin ni Andrei. Alam niyang malaki ang problema nito dahil hindi si Nikita ang tipo na iiyakan ang maliit na bagay.

“Anong nangyari? Ha?” Hinawakan niya ito sa pisnge at tinuyo ang mga luha. “Niki, bakit?”

“Uuwi na si Kuya, umalis na muna tayo rito, Drei.” Kahit na nahihirapan sa pagsasalita ay naintindihan naman agad ni Andrei ang ibig nitong sabihin.

Dinala niya si Nikita sa park na pinakamalapit sa racing venue. Tuluyan nang dumilim, nagsisimula na ring umilaw ang mga tahanan na malapit sa park. Ang mga ilaw sa poste ay sunod-sunod na nag-ilawan. Malamig ang simoy ng hangin. Ngayon lang napansin ni Andrei na nakasuot lang ng sando si Nikita. Nakapambahay lang din ito.

Pinatay niya ang makina ng motor saka sinundan si Nikita. Umupo ito sa swing. Tinanggal niya ang suot na leather jacket saka ipinatong sa balikat ng babae. Lumuhod siya sa harap nito. “Anong nangyari, Niki?”

“Drei, may cancer si Kuya Baste…” Tumangis ito ng tahimik. Nais niyang yakapin at aluin ang babae ngunit tila nahilo siya sa narinig.

“Ano? Anong cancer?”

Inabot ni Nikita ang sobre na naglalaman ng diagnosis ni Sebastian. Napaupo sa lupa si Andrei. “No freaking way. Ba’t hindi niya sinabi?” Umiling si Nikita.

“Drei, ayokong mamatay si Kuya. Drei, paano na lang ako? All my life si Kuya ang nag-alaga sa akin. Sila lang ni Papa ang mga lalaking tumanggap sa akin bilang ako. I can’t afford to lose him. No!”

Isang oras ang makalipas, parehong nahimasmasan ang dalawa. Pinag-usapan nila kung paano kakausapin si Sebastian, kung ano ang mga sasabihin. Kung ano ang mga posibleng magawa nila upang maisalba pa.

Tumunog ang cellphone ni Andrei. Tumatawag si Prince.

“Drei, pumunta ka sa Mission Hospital!” Narinig niyang nagmamadali si Prince, maingay ang paligid at tila nagkukumahog ang mga tao. “Isama mo si Nikita, nandito si Baste ngayon! Bilisan niyo, pare.”

Wala na silang inaksayang oras, mabilis silang kumilos, pinaharurot ni Baste ang motorsiklo niya. Napapamura na lang siya at kinausap sa isipan si Sebastian. Hindi na maawat ang iyak ni Nikita nang marinig ang nangyari. Panay ang dasal nito.

Nang marating ang ospital ay nakita nila agad si Prince at Mike, umiiyak ang dalawa. Nakatayo sila sa labas ng emergency. Nang makita si Nikita ay nanlumo sila. Mahal na mahal ni Sebastian ang kapatid, saksi sila sa pag-aalaga nito. “Niki… Alam mo na ba?”

Tahimik lang na umiiyak si Nikita kaya si Andrei ang sumagot. Mamasa-masa pa ang mga mata niya. “Kanina lang namin nalaman…”

Isang gabi silang naghintay para lang matanggap ang masamang balita. He is gone. He is young but he didn’t survive. Walang pinipiling edad ang sakit na ito.

 

MAALIWALAS ang kalangitan, nagkukulay kahel ang paligid sa papalubog na araw. Walang masyadong tao sa pwesto nila. Isa sa mga paborito ni Sebastian ang karagatan. Napagdesisyunan ni Nikita at ng ina niya na i-cremate at iwan ang abo nito sa lugar na iyon.

Siyam na araw na pinagluksahan si Sebastian. Umuwi rin agad ang ina nito, wasak ang puso, hindi matanggap ang sinapit ng anak. Tatlong araw lang itong pinayagang umuwi, bumalik din agad sa Dubai. Si Mike, Prince, Andre, at Nikita na lamang ang kasama ng abo ni Sebastian. Yakap-yakap ni Nikita ang jar ng kapatid, maga ang mga mata at nagbabadya pa rin ang mga luha.

“Alam ko na kung bakit ako ang pinili niya, Niki. Nais niyang may maiwan na mag-aalaga sa’yo na pinagkakatiwalaan niya.” Hindi nag-abalang lumingon si Nikita kay Andrei na tumabi sa kanya habang pinagmamasdan nila ang kalangitan at payapang karagatan. Walang kaalon-alon, napakapayapa. “Kaya pala dalawang linggo lang ang palugit niya sa dare ko, dalawang linggo na lang din pala ang itinagal niya.”

“Biglaan sa atin ang lahat, pero matagal nang nagdudusa mag-isa si Kuya. Siguro ay oras na rin upang palayain natin siya.”

Tumango si Andrei. Nilingon ang dalawang kaibigan na nasa ‘di kalayuan. Nakasuot sila ng puti.

Naglakad sila sa mahaba-habang bridge patungo sa malalim na parte ng karagatan. Doon sabay silang nanalangin at dahan-dahang ibinuhos sa dagat ang abo ni Sebastian. “Rest in heaven, my Kuya Baste…”

Sabay na naglalakad pabalik sa buhangin si Nikita at Andrei. Panay ang lingon ni Andrei sa babae na tahimik lang. Mas lalo itong gumanda sa ayos ng maikling buhok. Bago pa sila makalayo, hinila niya ang babae. Tumingala si Nikita kay Andrei. Pinagmasdan ni Nikita kung paano siya lumitaw sa mga mata nito.

“Niki, I know I started everything with a dare. I did not regret it. Hindi ko alam kung kailan ang tamang oras para umamin pero gusto ko sanang malaman mo na nahuhulog na ako. And I will fall first so I could catch you when you fall with me.”

Ngumiti si Nikita. Hindi siya sigurado kung may pagtingin din ba siya kay Andrei. Ang alam niya ay masaya siya sa lalaki. Dalawang lalaki na ang nawala sa buhay ni Nikita, hindi pa ito handa na mawalan ulit and he understands her.

“Let’s meet again, Andrei, when I am fully healed and ready to open my heart again.”

Itinuro ni Nikita kay Andrei na hindi pinipilit at minamadali ang pag-ibig. Natutunan ito ngunit tulad ng exam, kailangang pag-isipang mabuti. Kailangang kilalanin muna ang sagot sa mga tanong bago ipasa, kilalanin muna nila ang isa’t isa bago magpatali. From there, Andrei knew that Sebastian’s dare to love Nikita is extended for a lifetime and so he will wait.


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Dare To Love You – (A Short Story)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

3 Responses

  1. Aww grabe napakasarap basahin ng short story na to kung sa 2 nauna kong nabasa ay puro hang dito napakasulit grabe package ang kwentong to maraming salamat otor i love it grabe pinaiyak mo ko na pinakilig sa igsi man nito natatak naman ang aral astig life is full of exam nasa tamang papili lang talaga ng tamang sagot para swak na tama ka

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.