“Ano ka ba naman, Nina! Ilang beses ko nang itinuro sa ‘yo kung paano basahin ‘yan, ah! Niloloko mo na yata ako, eh!” naiinis na tungayaw ni Edilyn sa limang taong gulang na kapatid. Naglalaro sila at siya ang titser habang si Nina naman ang kanyang estudyante.
“Hindi naman, ate, eh! Nakalimutan ko nga kung paano basahin!” himutok naman ng nakababatang kapatid nito.
“Mga apo, huwag kayong mag-aaway!” saway dito ng kanilang lolo na kanina pa nawiwili sa panonood sa mga apo na naglalaro.
” Si Nina kasi, hindi nakikinig habang nagtuturo ako Lolo!” nakalabing sumbong naman ni Edilyn.
“Apo, ang pagtuturo lalo na sa edad ni Nina ay kailangan ng malawak na pang-unawa. Kung pangarap mong maging guro, ngayon pa lang ay lawakan mo na ang iyong pasens’ya,” sermon ng matanda kay Edilyn. Napakamot naman sa ulo ang bata bago marahang naupo sa tabi nito.
“Lolo, sa dami po ng mga batang naturuan ninyo, lahat po ba sila ay natatandaan pa ninyo?” puno ng kuryosidad na tanong ng bata.
“Hindi naman lahat, apo. May mga naging malapit sa akin at sila ang mga natatandaan ko. Minsan kasi hindi maiiwasang magkaroon ka ng paborito lalo na iyong mga mababait na bata,” tugon ng matanda ba bahagya pang ginulo ang buhok ng apo.
“Eh sino po ang pinakapaborito ninyo sa lahat na tumatak po sa inyo?” Nakuha na ng tuluyan ang kuryosidad ni Edilyn. Idolo niya kasi ang kanyang lolo sa pagiging guro. Matagal itong nagturo at naging prinsipal pa sa kanilang eskwelahan kaya naman ang abuelo rin ang dahilan kung bakit nangangarap siyang maging guro paglaki niya.
“Ang pinakatumatak sa naging mga estudyante ko na hanggang ngayon ay hindi ko makakalimutan ay si Dayang,” lumamlam ang mga mata ng matanda ng sambitin ang pangalang iyon.
“Sino po si Dayang Lolo?” tanong ng bata. Kahit si Nina ay naupo na rin sa tabi ng matanda upang makinig sa ikukuwento nito.
Bumuntong hininga ang matanda bago tumanaw sa kawalan. Muling nanumbalik sa alaala niya ang batang naging parte ng kanyang nakaraan na hinding hindi niya makakalimutan. Nangyari ang lahat noong unang araw niya sa pagtuturo–taong 1973.
Isa siya sa mga boluntaryong guro na nagtuturo sa mga indigenous tribe na nasa liblib na pook at siya ay sa kabundukan nadestino.
Ilang ilog rin ang kanilang tinawid at talaga namang napakahirap pasukin ang munting komunidad ng tribong ito. Ayon sa mga kasama niya sa pag-akyat ng kabundukan ay dalawang guro na ang hindi nakatagal doon. Ang nauna ay hindi kinaya ang hirap ng buhay sa bundok at makalipas lamang ang dalawang linggo ay bumaba na ito at hindi na bumalik. Ayon dito ay hindi niya kayang turuan ang mga katutubo dahil sa ibang lenguwahe ng mga ito at idagdag pa ang hirap ng buhay doon. Kailangan kasing mamuhay din sila roon sa loob ng anim na buwang pagtuturo at para hindi mahirapan ang guro sa pag-akyat sa bundok.
Ang ikalawang guro na pinadala roon ng kagawaran ng edukasyon ay hindi na nagpakita pa at tanging diary na lamang ang naiwanan nito na nag-sasaad kung gaano kahirap ang buhay sa bundok. Isang buwan lamang ang itinagal nito at ni hindi na rin nagreport pa sa kanilang tanggapan.
Hindi na rin magiging mahirap sa kanya ang pagtuturo dahil natuto na kahit paano ang mga bata sa basic na tagalog. Nakauunawa na ang mga ito at siya man ay may kaunting alam na din sa dayalekto ng mga ito. May naitayong kubo hindi kalayuan sa mga bahay-bahay at iyon ang magsisilbing silid aralan na magiging tahanan din niya sa loob ng anim na buwan.
Sampung mga bata sa iba’t ibang edad ang kanyang tuturuan. Ang pinakamatanda ay dose anyos habang pito naman ang pinakabata. Halo-halo ang mga ito sa klase at sabay-sabay ang kanyang pagtuturo. Sa una’y masaya ang pagtuturo at matiwasay ang kanyang naging pamumuhay ngunit sa pagdaan ng ilang araw ay nakaramdam na siya ng pagkabagot dahil wala namang ibang mapaglilibangan doon.
Gaya ng normal na eskwelahan ay nagsisimula ang araw nila sa pagtataas ng watawat at pag-awit ng pambansang awit. Limang araw na siya roon at napapansin niyang siyam lamang ang mga batang pumapasok. Taliwas ito sa listahan niya dahil sampu sana ang mga ito. Isang batang nasa edad labing dalawa ang hindi pumapasok at ito ay si Dayang. Kahit minsan ay hindi niya pa ito nakikitang pumasok na labis niyang ipinagtaka. Ayon kasi sa mga rekord ng mga gurong nauna sa kanya ay si Dayang ang pinakaaktibo sa klase.
Ipinagtanong niya ito sa mga bata kaya napag-alaman niya ang nangyari sa magulang nito. Kailan lang nang maulila ito dahil sa sabay na pagkalunod ng mga magulang sa ilog. Nakaramdam siya ng awa sa bata kaya naman nagpasama siya sa mga ito upang puntahan si Dayang subalit itinuro lamang siya kay Apo Arang, ang namumuno sa tribo na pinakamatanda rin sa lahat. Ang matandang Apo ang sumama sa kanya papunta sa kubo ni Dayang.
“Apo Arang, mag-isa lamang siya sa kanilang kubo? Wala po bang may gustong kumupkop sa kanya?” tanong niya nang hindi makatiis. May kasamang pagmwestra ng mga kamay upang kahit paano ay makatulong na lubusang maunawaan nito ang kanyang sinasabi.
“Ayaw Dayang tira iba kubo. Aming respeto kanya desisyon pero lagi namin siya dalaw,” tugon nito na hindi man maayos ang pagtatagalog ay naunawaan niya naman.
Muli siyang nakaramdam ng awa para sa bata. Katulad nito ay naulila rin siya sa mga magulang noong kinse anyos pa lamang siya. Kinupkop siya ng ilang kamag-anak at pinagpasa-pasahan. Sa huli ay pinili niyang tumayo sa sariling mga paa at nagsumikap upang makapag-aral hanggang maging isang ganap na guro.
Huminto sila sa tapat ng isang maliit na kubo. Nagsalita ang matanda na tila tinatawag si Dayang ngunit pangalan lang ng bata ang naunawaan niya. Sumilip ang isang batang babaeng payat, matangkad na may makapal at kulot na buhok, ang kutis nito’y itim dala na rin sa pagkasunog sa araw. Bantulot ang bata bago lumabas sa kubo at marahang naglakad palapit. Nag-usap sila sa kanilang dayalekto at base sa nakikita niyang ekspresyon ng mga ito ay pinag-uusapan ang pagpasok nito sa klase.
Matuwid na sumagot ang bata kay Apo Arang. Kaiba kaysa nang una niyang makita na tila ba nag-aalala. Ngayon ay tuwid itong nakatingin sa matanda habang nagsasalita. Makikita rito ang katapangan. Nag-usap sila sa dayalektong hindi niya gaanong maunawaan at sa huli ay umiiling na bumaling sa kanya ang matanda. Ang tanging naunawaan niya sa sinabi ng bata ay “Bakit pa ako papasok kung hindi rin siya magtatagal?”
Nakita niya ang pandidilat ng matanda bago siya inaya paalis. Ipinaliwanag nito ang sinabi ng bata na ayaw nang pumasok sa klase. Naging malaking dagok kay Dayang ang nangyari sa mga magulang niya. Nagmukmok ito at madalas nagsasalitang mag-isa. Hindi nito matanggap ang nangyari kaya naman inakala ng lahat na nawawala sa katinuan ang bata. Naging mapag-imbento ng kuwento at ang paraan lang ay huwag itong kokontrahin ngunit huwag ring paniniwalaan. Ayon kay Apo Arang ang kailangan nito’y gabay subalit itinataboy niya ang lahat ng nais tumulong at doon ay wala na silang magagawa.
Umalis sila sa kubong iyon na mabigat ang kanyang loob. Naisip niya ang mga katagang binitiwan ng bata at tanging naunawaan niya. Anong silbi na papasok pa ito sa klase kung hindi rin siya magtatagal? Siguro’y naging malaking dahilan rin ay ang mabilis na pagsuko ng mga guro upang sila ay turuan. Kaya naman ipinangako niya sa sarili na tatapusin niya ang anim na buwang pagtuturo niya doon. Hindi niya susukuan ang mga batang ang nais ay matuto dahil iyon ang tungkulin niya bilang isang guro. Titiisin na lamang niya ang pagkabagot at aaliwin ang sarili sa iba’t ibang bagay.
Kinabukasan, pagkatapos ng klase ay sumabay siya sa pag-uwi ng mga bata. Nais niyang makausap si Dayang. Pananagutan niya ito dahil isa ang bata sa naitalang magiging estudyante niya. Isa pa ay ayaw niyang may mapag-iwanan sa mga batang tuturuan niya. Gagawin niya ang lahat upang makuha ang loob ng bata at mapabalik sa klase.
Naabutan niya si Dayang na nakaupo sa likurang bahagi ng kubo at nagtatapyas ng kawayan. Pinatutulis nito ang dulo na gagamitin sa paghuli ng isda. Binati niya ito sa dayalekto nila at mabilis naman itong lumingon.
“Umalis ka dito! Hindi ka namin kailangan!” singhal nito na labis niyang ikinamangha. Hindi dahil sa pagsinghal nito, nagulat siya dahil sa diretsong pananagalog nito.
“Tama nga sila, napakabilis mong matuto. Isa kang matalinong bata, Dayang. Sayang kung hindi ka na mag-aaral.” Nakangiting naupo siya sa tabi nito.
“Umalis ka rito! Hindi ako babalik sa klase! Ayaw kong mag-aral! Ayaw ko sa ‘yo!” singhal nitong muli bago itinuloy ang ginagawa.
“Ano’ng gagawin mo sa kawayan na iyan?” tanong niya. Gusto niyang lumawig pa ang pag-uusap nila upang makuha niya ang loob nito.
“Hindi ka pakialam!” singhal nito kaya napangiti siya sa maling pananagalog nito.
“Dayang, narito ako para turuan kayo. Ipinapangako kong hindi ako tutulad sa mga naunang titser na nagsialis. Pangako ko na tuturuan ko kayo hanggang matapos ang anim na buwan.” Itinaas niya ang kanang kamay bilang pangako pero matalim na tingin lang ang iginanti ng bata bago itinuloy ang ginagawa.
“Dayang, alam kong nalulungkot ka dahil sa mga magulang mo.” Napahinto ang bata at nakita niya ang pagbalatay ng lungkot sa mga mata nito.
“Dayang, huwag mong sukuan ang pangarap mo. Kailangan mong matutong bumasa at sumulat. Kailangan mong matuto para hindi ka basta maloloko ng mga tao kapag may alam ka. Hindi ka nila basta maaapi,” aniya habang hindi rin maitago ang pait na kanyang pinagdaanan. Mahirap maging mangmang dahil lolokohin ka at aapihin. Iyon ang naranasan niya noong namatay ang mga magulang. Inabuso nila ang kanyang kabataan. Inalipin at inalipusta dahil para sa kanila ay wala siyang mararating sa buhay. Subalit naglayas siya sa mga kamag-anak na inampon lamang siya upang alilain. Nagpaalipin siya sa iba upang makapag-aral hanggang magtagumpay siya at ngayon ay isang ganap na guro. Ang edukasyon ang naging susi niya upang baguhin ang kanyang kapalaran. Ang karunungan sa edukasyon at karanasan niya sa buhay ang nagsilbing aral upang makamit niya ang kanyang pangarap. Ngayon ay hindi na siya basta maaapi ng kahit sino dahil hindi na siya mangmang.
“Alis na! Hindi ako papasok sa klase mo!” Tumayo ang bata at akmang aalis ngunit natigilan ito sa ginawa niyang pag-awit.
“Ang gabing payapa, lahat ay tahimik.
Pati mga tala, sa bughaw na langit.
Kay hinhin ng hangin, waring umiibig
Sa kapayapaan ng buong daigdig
Payapang panahon ay diwa ng buhay
Biyaya ng Diyos sa sangkatauhan,”
Tumigil siya saglit nang tumingin ang bata sa gawi niya. Alam niyang hindi naunawaan ni Dayang ang kanta ngunit ang himig nito ang humaplos sa puso ng bata.
“Kinakanta ‘yan sa akin ni nanay noong maliit pa ako. Paborito kong pampatulog pero katulad mo ay maaga rin akong naulila. Namatay sa aksidente ang mga magulang ko kaya kung mayroong makauunawa sa ‘yo dito, eh, ako ‘yon,” nakangiting paliwanag niya rito. Hindi kumibo ang bata, tumalikod lang ito habang hawak ang pantulos na kawayan.
***
Kinabukasan, habang abala sa pagtuturo si Delfin ay bumungad ang bata sa pintuan ng kanilang kubo. Nakayuko ito at tila nag-aatubili sa pagpasok. Agad napangiti ang guro pagkakita sa bata
“Dayang, halika, pumasok ka!” sinalubong niya ito at marahang inakay papunta sa bakanteng upuan. Labis ang tuwa ng guro dahil sa wakas ay pumasok na rin ang bata.
****
“Titser, turuan mo po akong magsulat.” Nagulat siya ng lumapit ang bata sa kanya. Nagsiuwian na ang ibang mga bata pero si Dayang ay naroon pa pala. Hawak nito ang lapis at papel, kinakitaan niya ng pagpupursige ang bata na matuto at labis niyang ikinatuwa iyon.
“Dayang, ano’ng pangarap mo?” tanong niya rito. Umilap ang mga mata nito bago yumuko at mahinang tumugon.
“Pangarap kong makaalis dito,” sambit nito na labis niyang ipinagtaka.
“Bakit?” tanong niya pero umiling ang bata bago ngumiti.
“Nais kong maging guro katulad mo!” masiglang tugon na nito. Naging malaki ang pagbabago ni Dayang ng mga sumunod na araw. Naging masayahin ito at mas malapit sa guro. Lagi itong nagsasanay sa pagsusulat at kung minsan ay pagsasalita ng wikang tagalog. Matiyaga niya naman itong timuturuan. Kay Dayang niya natagpuan ang kapatid na pinapangarap niya dahil mag-isa na lamang siya sa buhay. Si Dayang naman ay itinuring nang isang ama si Delfin.
Minsan ay niyaya siya nito sa ilog. Walang klase noon kaya naman pinagbigyan niya ang bata. Nais niya itong malibang upang makalimutan ang trahedyang nangyari sa mga magulang nito.
“Ako naman po ang magtuturo sa iyo, titser! Tuturuan kita kung paano manghuli ng isda at mga hayop!” sambit nito habang hawak ang sibat at ilang pantulos na kawayan.
Matiyaga siyang tinuruan nito at natatawa pa tuwing wala siyang nahuhuli. Pinagmasdan niya ang bata nang ipakita nito sa kanya ang tamang panghuhuli gamit ang sibat. Hawak nito iyon sa dalawang kamay at bahagyang nakataas. Seryoso ang mukha nito at mariing nakatitig sa tubig. Nang makahanap ng tiyempo ay kaagad nitong itinusok ang pantulos sa tubig at nang iangat ay may nahuli nang isda. Ilang ulit rin niyang sinubukan hanggang sa unti-unti ay natuto siya. Nang gabing iyon ay inihaw na isda ang naging ulam nila.
“Titser may sasabihin ako sa ‘yo,” sambit ng bata bago naupo sa tabi niya. Nakaupo siya sa natumbang punong kahoy at nakatanaw sa nagkikislapang bituin nang lapitan siya nito.
“Ano ‘yon Dayang?” tanong niya. Laking pasasalamat din niya dahil sinasamahan siya ng bata na matulog sa kanyang kubo. Dati’y sobrang nababagot siya sa gabi dahil sa pag-iisa.
“Ahm… Titser, kasi–,” tila nag-aatubili ito. Palingon-lingon sa paligid at natigilan ng makita ang isang uwak na lumilipad sa malapit. Nakatingin lang ito sa palipad-lipad na ibon bago umiling at ngumiti.
“Salamat, titser kasi pakiramdam ko ay may pamilya ako ulit,” nakangiting sambit nito. Hindi niya mapigilang mapangiti at bahagyang guluhin ang buhok ng bata dahil sa tuwa. Tiyak na isa si Dayang sa hahanap-hanapin niya kapag natapos na niya ang anim na buwang pagtuturo.
***
Kinabukasan ay nagulat si Delfin nang magawi sa eskwelahan nila si Apo Arang. Humingi ito ng pahintulot na sila ay magkasarilinan na agad niyang pinagbigyan.
“Titser, pansin kong ikaw ay lapit loob Dayang. Nais ko lamang sabihin ikaw ingat. Si Dayang, galing imbento kwento. Mula mamatay magulang ay gusto na niya alis tribu.” Umiling-iling pa ang matanda bago nagpatuloy.
“Huwag maniwala kay Dayang. Gusto niya umalis tribu at tira bayan. Ayaw mga magulang niya kaya kung ano-ano imbento kwento para makaalis dito. Iyon dahilan bakit patay magulang niya. Kaya sobra siya lungkot dahil sisi niya sarili niya. Pero di pa rin nagbago. Patuloy imbento kwento para linlang niya tao. Mas mabuti Dayang dito tribu kasama kami. Mapanganib kanya tumira bayan. Kukutyain siya doon iba tao,” paliwanag nito. Nakauunawang tumango-tango siya sa Apo. Kahit baluktot itong managalog ay nakuha niya ang nais nitong sabihin. Tama naman ito dahil hindi pa alam ni Dayang ang kalupitan sa labas ng tribu. Kung paanong maliitin ng ibang tao ang mga katutubong tulad nila at hindi iyon makabubuti para sa bata.
***
Nang hapong iyon ay muling nagpaiwan si Dayang. Habang binabasa niya ang mga asignatura ng mga bata ay lumapit sa kanya ito hawak ang isang lampara at papel. Iniabot nito ang papel sa kanya na may malawak na ngiti.
“Marunong na akong sumulat, titser!” masayang sambit nito habang ipinababasa sa kanya ang nakasulat sa papel.
Lihim siyang napailing nang mabasa ang sulat. ‘Umalis ka na dito titser. Mapanganib. Aswang ang buong tribo,’ iyon ang nakasaad sa sulat. Akmang magsasalita siya ng sumenyas ang bata. Inilagay nito ang hintuturo sa tapat ng labi at umiling-iling. Bakas sa mga mata ang takot bago nito muling kinuha ang papel at nagsulat doon.
‘Maririnig ka nila. Nasa paligid lang sila, Titser,’ muli niyang basa sa sulat nito.
Naalala niya ang bilin ni Apo Arang at noong minsang tinanong niya si Dayang kung ano ang pangarap nito. Sa bata rin mismo nanggaling na gusto nitong umalis sa tribo. Muli ay nagsulat ang bata sa papel, napakabilis nitong matuto dahil na rin sa pagpupursige.
‘Isang linggo mula ngayon ay gaganapin na ang hating gabing pag-aalay. Ikaw ang iaalay nila, Titser, kaya dapat ka nang makaalis.’ Iyon ang nakasaad sa sulat.
May kumaluskos sa tapat ng kanilang bintana at mabilis na lumingon doon si Dayang. Lumipad ang isang paniki na mukhang sumabit doon. Nagbago muli ang mukha ni Dayang mula sa pagkatakot ay napalitan ng masayang awra.
“Titser, mahusay na ba akong sumulat?” tanong nito habang nakangiti.
“Oo, ang husay mo na Dayang! Mahusay na rin ang pananagalog mo kaya siguradong kapag napunta ka sa bayan ay hindi ka na mahihirapang makipag-usap sa mga tao,” sambit niya at pinag-aralang mabuti ang reaksiyon nito. Nagningning ang mga mata ng bata at lumawak ang pagkakangiti.
“Talaga po, Titser?” natutuwang tanong nito dahilan upang paniwalaan niya ang sinabi ni Apo Arang. Nag-iimbento ng kwento ang bata at nais siguro nitong sumama sa kanya kapag umuwi siya sa bayan.
Hindi doon natapos ang mga pangungulit ng bata sa kanya upang umalis na doon. Sa pamamagitan ng pagsulat ay sinabi nitong ang tribo ang pumatay sa mga magulang nito dahil sa salang pagtatraydor. Sinubukan daw ng mga magulang niya na patakasin ang gurong nauna sa kanya. Iyon ang guro na bigla na lamang umalis at hanggang ngayon ay hindi na bumalik. Hindi niya alam kung saan nakuha ng bata ang impormasyon upang makaimbento ng ganoong kwento. May parte sa puso niya ang gustong maniwala pero sa tanang buhay niya ay hindi pa siya nakaengkwentro ng aswang. Hindi siya naniniwala sa mga aswang o kahit anong elemento. Para sa kanya ay kathang isip lamang ang mga iyon.
“Titser, kailangan mo nang magmadali! Umalis ka na dito dahil tatlong araw nalang ay kabilugan na ng buwan. Mamayang gabi ay tatakas tayo!” giit ng bata. Halos pabulong lamang iyon. Dala nito ang sibat at ilang kawayan na pinatulis ang dulo.
“Dayang, hindi maganda sa bata ang nag-iimbento ng kwento,” mahinahong wika niya rito. Agad itong napailing-iling habang bakas ang takot sa mga mata nito. Luminga-linga ito sa paligid bago lumapit sa kanya at bumulong.
“Totoo, titser,” sambit nito bago lumingon sa paligid. “Naririnig mo ba sila? Ang mga huni ng ibon? Mga aswang sila, Titser. Nagmamasid sa bawat galaw natin at mahihirapan tayo kung gabi tatakas. Pagsapit ng umaga ay aalis tayo dito,” pabulong nitong sambit. Halata sa kilos na may kinatatakutan. Balisa ang bawat nitong mga mata na nagmamatyag sa paligid.
“Dayang, walang aswang. Hindi sila totoo,” tugon niya sa mariing boses bago kinuha ang papel at lapis. Mabilis siyang nagsulat doon habang nakikiramdam rin sa paligid. Hindi niya maaaring ipagwalang bahala ang takot na nakikita sa bata. Sa ilang linggong pananatili niya sa tribo ay napag-aralan na niya ang ugali at gawi nito. Hindi ito sinungaling at mapag-imbento na ayon kay Apo Arang. Tingin niya ay ang matanda ang nagsisinungaling.. Ilang gabi niyang inaral at pinakiramdaman ang paligid. Hindi man siya naniniwala ay iba ang kutob niya.
‘Nagsasabi ka ba ng totoo?’ iyon ang isinulat niya sa papel. Ngumiti ang bata at ito naman ang nagsulat doon.
‘Totoo po. Kaya ako nag-aral magsulat ay upang mabalaan kita, titser. Tinuruan din kita kung paano gumamit ng sibat upang malabanan mo sila.’ saad nito sa sulat. May naramdaman siyang kumaluskos sa kanilang bubong kaya naman napakapit ang bata sa kanya. Hawak nito sa kabilang kamay ang sibat at tila ba ito matanda kung makiramdam sa paligid. Muli silang nakarinig ng kalabog sa bubong. Tila ba may bumagsak na malaking bagay mula roon.
“Titser, narito sila. Hindi pa ako ganap na aswang pero lalaban ako, titser. Ipaghihiganti ko ang aking mga magulang at ililigtas kita mula sa kamay nila,” sambit nito sa mariing boses. Napalayo sila sa haligi ng may kumalabog mula roon. Naririnig na rin nila ang ungol ng mga ito. Tila sila nasasabik at gutom na gutom at ang nais gawin ay sirain ang kubo upang makuha na ang kanilang pagkain.
“Titser, para ka lamang nanghuhuli ng isda. Kapag itinarak mo ay siguruhin mong tatamaan sila sa dibdib,” iniabot nito ang hawak na sibat sa kanya at kumuha naman ito ng mga pinatulis na kawayan.
“Dayang! Traydor ka katulad ng iyong mga magulang!” sigaw ng isang malaki at garalgal na boses. Tumalim ang mga mata ng bata at tumulo ang luha mula roon dahil sa labis na galit.
“Apo Arang, hindi masama ang aking mga magulang. Kayo ang dapat na mawala sa mundo!” sigaw ng bata bago tumalon at itinarak ang hawak na kawayan sa pawid na bubong. Nawasak ang bubong nito sa isang hawi lang ni Apo Arang na ngayon ay isang malaki at nakatatakot na nilalang. Mapula ang mga mata nito at napakakintab ng katawan na marahil ay sa ipinahid na langis dito.
Naramdaman ko na lamang ang paghila ni Dayang sa akin. Binuksan nito ang pinto kasabay ng paghugot sa itak na nakasukbit sa kanyang bewang. Tinaga nito ang nakaabang na aswang doon ngunit dahil bata pa ay hindi ganoon kalakas ang pwersang nagamit nito. Saglit lang ininda ng aswang at akmang sasakmalin ang bata. Agad niyang itinarak sa dibdib nito ang sibat bago niya itinulak. Muli siyang hinila ni Dayang lalo na nang makitang pababa na mula sa bubong si Apo Arang.
“Titser, bilisan mo!” sambit nito habang mabilis na binabaybay ang daan patungo sa masukal na gubat.
Napakaraming aswang ang humahabol sa kanila ngunit hindi nagpatinag ang bata. Gamit ang itak at ang hawak nitong kawayan ay buong giting itong lumaban. Hindi niya mawari kung ito pa ba ang labing dalawang taong gulang na batang estudyante niya. Ang musmos nitong kaisipan ay napupuno ng galit at paghihinagpis. Tila matagal na nitong pinaghandaan iyon subalit bata lamang ito. Kulang ang lakas para labanan ang mga halimaw ngunit nagagawa nitong sugatan sila dahilan upang umatras ang mga ito.
“Dayang, hindi dapat nangyayari ito! Hindi dapat!” sambit niya habang naluluha. Nakatingin kay Dayang at sa tulong ng liwanang ng buwan ay kitang-kita niya ang puting damit nito na kinulapulan na ng dugo.
“Titser, isa akong aswang. Sa malaon ay magiging pagkain ko rin ang tao kung titira ako sa tribong ito. Ayaw ko titser, dahil simula pa lamang ay pinayuhan na ako ng aking mga magulang na ang pagkain namin ay mga hayop at hindi tao. Sila ay hayop titser, masahol pa sila sa hayop! Pumapatay sila ng walang awa. Kahit mabuti o masama ay wala silang pinipili kaya marapat lamang sa kanila na mamatay!” sambit nito habang lumuluha. “Ako na lamang ang tanging paraan upang matigil na ang kasamaan nila. Ito ang pangako ko sa aking mga magulang,” wika nito bago siya hinila at nagpatuloy sa pagtakbo. Muli silang sinalubong ng mga aswang at wala siyang nagawa kung hindi ang lumaban.
“Titser ililigaw ko sila. Dadalhin ko sila sa aking bitag.” Hinawakan siya nito sa braso at mabilis na hiniwa iyon. Agad niyang nahila ang brasong sinugatan nito at agad na nagtanong.
“Anong ginagawa mo!” nanlalaki ang mga matang tanong niya sa bata. Ang nakuhang dugo sa sugat niya ay ipinahid nito sa katawan bago mahigpit na tinalian ang sugat niya ng kapiraso ng telang nagmula sa damit nito.
“Titser, maghiwalay tayo. Dadalhin ko lang sila sa inihanda kong patibong para sa kanila!” Akmang tatalikod na ito ngunit natigilan at muling humarap sa kanya.
“Titser, salamat po sa lahat. Tumakas ka at iligtas ang sarili mo. Sa ilog tayo magkita kung palaring makaligtas ako. Titser, salamat sa lahat!” sambit nito at mahigpit na yumakap sa kanya. Pipigilan niya sana ito ngunit mabilis na itong nakatakbo palayo.
“Dayang, bumalik ka! Dayang!” Sinundan niya ang bata ngunit hindi niya kabisado ang gubat. Madilim pa ang paligid kaya hindi niya alam kung saan ito hahagilapin. Patakbo na lamang niyang tinunton ang daang tinatahak na ayon kay Dayang ay papunta sa ilog. Ito ang tatawirin nila at pagkalagpas doon ay malapit na sila sa bukana ng gubat.
Pinagpatuloy niya ang pagtakbo at may mangilan-ngilang aswang humaharang sa daraanan niya. Ngayon niya lubos na naisip ang mga bagay na itinuro ni Dayang sa kanya. Tinuruan siya nitong manghuli ng hayop pero higit pa pala roon ang nais nitong ituro sa kanya. Ilang saglit pa ay rinig na niya ang pagaspas ng ilog kaya naman mas binilisan niya ang pagtakbo. Ang piping dalangin niya ay sana madatnan doon si Dayang at ang kaligtasan nito. Ngunit pagdating sa ilog kung saan sila madalas mangisda ay hindi niya ito natagpuan. Nais niyang lumusong na subalit naalala niya ang bata. Hindi siya maaaring umalis doon nang hindi ito kasama. Nakiramdam siya sa paligid kung may aswang na biglang susulpot subalit payapa naman ang lugar. Naupo siya at sumiksik sa malaking ugat ng puno upang itago ang sarili. Hapong-hapo man ay nakiramdam pa rin siya sa takot na anumang sandali ay may aatake sa kanya. Hindi na niya alam kung gaano siya katagal sa pinagkukublihan dahil naalimpungatan na lamang siya nang may maramdamang kumaluskos. Mas isiniksik niya ang sarili sa ugat ng puno habang hawak ng mahigpit ang sibat na pangdepensa niya sa mga aswang.
“T-Titser…” narinig niyang sambit ng bata. Kaagad siyang lumabas sa pinagkukublihan dahil sa tuwa na malamang nakaligtas ito. Subalit agad naglaho iyon nang makita niya si Dayang. Gumagapang ito at naliligo sa sariling mga dugo. Pinilit nitong ngumiti nang masilayan siya.
“Nagtagumpay ako. Umaga na,” sambit nito at mula sa pagkakadapa ay tumihaya ito. Agad niyang nilapitan ang bata na ngayon ay labis ang panghihina.
“Nagtagumpay akong linlangin at pahabulin sila. Natakasan ko sila upang tuparin ang sinabi kong magkikita tayo rito.” napaubo ito at kitang kita sa mga mata nito ang paghihirap.
“Dayang, huwag ka nang magsalita! Dadalhin kita sa hospital!” kaagad niyang binuhat ang katawan nito at sinimulang lusungin ang ilog.
“Titser, salamat na tinuring mo akong anak. Bukod sa magulang ko ay ikaw lang ang nagmahal sa akin.” Napaiyak na siya ngunit pinilit niyang suungin ang umaagos na tubig sa ilog. Nais niyang iligtas ang batang napamahal na sa kanya. Ang batang nagligtas sa kanyang buhay. Hindi ito maaaring mamatay dahil marami pa itong pangarap na nais tuparin.
“Titser, hindi ko na kaya…”
“Dayang! Huwag kang magsalita ng ganyan! Makakarating tayong dalawa sa bayan ng buhay!” giit niya subalit umiling lamang ito at napaubo. Nagtagumpay siyang maitawid ito sa ilog at saglit niyang inilapag upang pawiin saglit ang pagkahapo. Akmang bubuhatin niya itong muli ng pigilan siya ng bata.
“Titser, masaya na akong ligtas ka,” sambit nito. Tumingin ito sa mga mayayabong na dahon ng puno at mula doon ay sumisilip na ang araw. “Hindi na sila makapagbabagong anyo dahil umaga na.” Ngumiti ito bago tumingin sa kanya. “Matatagalan ka lang po kung isasama mo pa ako. Baka ngayon ay papunta na rin sila dito para dakpin ka…”
“Hindi kita iiwan Dayang! May pangako akong tutuparin ko ang mga pangarap mo! Nangako akong kukupkupin kita pagdating natin sa Bayan. Ako ang ituturing mong ama!” giit niya bago humagulgol. Muling umubo ang bata at may kasama na itong dugo. Nanghilakbot siya sa nakita at wala sa loob na nahaplos niya ang pisngi nitong inaagusan na ng pulang dugo.
“Giniginaw ako titser. Inaantok ako.” Niyakap niya ang bata at pinangko sa mga bisig.
“Dayang, lumaban ka!”
“Inaantok ako, titser. Maari mo po ba akong kantahan?” tanong nito sa paos at nanghihinang boses. Napatango-tango siya bago pinilit ang sariling kumanta habang nakatunghay sa batang ngayon ay nasa mga bisig niya.
“Ang gabing payapa, lahat ay tahimik.
Pati mga tala, sa bughaw na langit.
Kay hinhin ng hangin, waring umiibig
Sa kapayapaan ng buong daigdig
Payapang panahon ay diwa ng buhay
Biyaya ng Diyos sa sangkatauhan.” Naramdaman niya ang paglungayngay ng ulo ni Dayang. Nakapikit na ang mga mata nito. Wala na ang bakas ng sakit at pagdurusa dahil payapa na ang mukha nito habang nakahimlay sa kanyang mga bisig.
Hindi niya napigilang mapahagulgol ng malakas habang yakap ang batang nagligtas sa buhay niya na ngayon ay wala ng buhay.
***
“Nakakatakot naman po ang kwento ninyo, Lolo!” naiiyak na sambit ni Nina.
“Nakakaiyak nga eh!” naluluha namang sambit ni Edilyn. Si Delfin ay hindi rin mapigilang maluha habang inaalala ang batang pinagkakautangan niya ng buhay. Si Dayang na nagsakripisyo para sa kanyang kaligtasan.
“Ano pong nangyari pagkatapos, Lolo? Namatay ba lahat ang mga aswang?” puno ng kuryosidad na tanong ni Edilyn.
“Hindi, Edilyn. Alam ni Dayang na hindi niya kayang patayin ang mga katribo dahil malalakas sila. Marahil ay nagpahabol lamang siya upang mapunta sa kanya ang atensyon ng mga ito at nang mahuli siya ay doon pinahirapan. Hindi ko alam ang nangyari ngunit alam kong ginawa niya ang lahat upang ako ay mailigtas. Isinuplong ko sa otoridad ang buong tribo ngunit pagdating namin doon ay wala na ang mga ito. Maaring lumipat ng lugar upang pagtaguan ang kanilang nagawang krimen. Si Dayang naman ay inilibing sa Tribo katabi ng labi ng mga magulang niya.”
“Nakakalungkot lolo pero masaya na rin dahil kapiling na niya ang mga magulang niya.” nakangiting wika ni Edilyn na agad niyang sinang-ayunan.
Nakakalungkot man ang kinahinatnan ng buhay ni Dayang pero alam niyang masaya na ito sa kabilang buhay dahil kapiling na nito ang mga magulang.
Wakas
Payapang panahon lyrics by Regine Velasquez
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.






4 Responses
Kakaiyak ang kwentong ito.😭
Thank you po. 🥰
Napakaganda talaga ng mga likha mo otor JB da best talaga 🥰👏👏👏 salamat po more kwento pa ayyyiii abang abang ako sa new release mo salamat po, kay buti ng loob ni dayang sana lumawig ang ganitong kwento yung may love story sa dulo hahaha salamt ulit 😘
Ang ganda Ng kwento matalino at mabuting tao c dayang.