HINDI makapaniwala si Michaela sa narinig mula kay Krissy. Ang ibig sabihin ay ito pala ang nagbigay ng librong kailangan nila upang magapi si Tonyo kay Tilda. Noon niya rin lamang nalaman na si Macoy pala ang kasabwat ni Krissy lingid naman iyon sa kaalaman nila Tilda, Jack at Rosela. Hindi niya maiwasan na mapangiti. Tama si Miguel at Mang Lucas; may mga taong makakatulong sa kanya…sa kanilang magkakaibigan upang makabalik sila sa totoong mundo. Ibayong pag-iingat at tiwala lamang ang kailangan.
And she was really glad at lumapit ang kanyang kaibigang si Krissy kay Tilda upang himingi ng tulong dito nang hindi nito alam ang gagawin sa librong nakita nito. Ngayong hawak na nila ang librong itim ng karunungan na makakatalo kay Tonyo ay mas malakas na ang puwersa nila.
Magkakausap silang pito upang planuhin ang mangyayari sa gabi ng pag-aalay. Silang tatlong bihag ni Tonyo ay pansamantalang pinakawalan ni Jack. Ibabalik na lamang nito ang ayos nila kapag malapit ng bumalik si Tonyo.
“Sandali lang ha,” nagtatakang sabi niya sa apat. “hindi ba at patay na oras na?” tanong niya sa mga ito. Napatingin siya sa kanyang orasang pambisig. Hinihintay niyang mawalan ng malay ang mga ito subalit hindi iyon nangyayari dahil halos sampung minuto na ang lumilipas pagkatapos ng alas-sais ng umaga pero nananatiling gising ang mga ito.
Nakangiting nagkatinginan ang apat. “Nahanap ko ang orasyon para manatili kaming gising. At maaari kaming matulog kung kailan namin nais,” nakangiting sagot ni Tilda sa tanong niya.
“May orasyon para manatiling gising ang mga taga-rito? Bakit hindi iyon ginagawa ni Tonyo?”
Huminga ng malalim si Tilda bago sumagot. “Apparently ay walang gagawa ng orasyon para sa kanya. Si Lucinda ay walang alam sa mga orasyon. Si Mang Lucas ay tumanggi noon sa nais mangyari ni Tonyo.”
Tumango-tango na lamang siya sa kanyang bagong impormasyon na nalaman. Pagkatapos niyon ay naging abala na si Tilda sa pagsasabi sa kanya ng mga dapat niyang gawin para sa importanteng gabi na kanilang pinaghahandaan. Mabuti na lamang pala at ang pinagkakatiwalaan ni Tonyo sa ngayon ay kaanib niya kung kaya natitiyak niya ang kanilang tagumpay para sa gabing iyon.
Ilang oras bago muling magising ang lahat ay muling ibinalik ni Jack ang pagkakadena sa kanilang tatlo. Pagkatapos ay umakyat na ang mga ito.
Nang muling sumapit ang oras ng paggising ng mga taga-Thalassa ay napansin ni Michaela ang pag-ilaw ng mga mata ng rebulto. Pagkatapos ay ang muling paglitaw ng tila portal. Maya-maya pa ay iniluwa mula sa kabila ng portal si Tonyo. Nakangising tumingin ito sa kanilang tatlo. Inismiran niya lamang ito na siyang ikinatawa nito ng malakas.
Bago ito tuluyang umakyat ay nakita niyang may niyuko ito sa ilalim ng rebulto. Nakahinga siya nang maluwag. Mabuti na lamang pala at naisipan ni Tilda na ibalik ang librong itim ng karunungan kung saan ito nakuha ni Krissy. Kung nagkataon pala ay malalaman agad ni Tonyo na nawawala ang libro. Matalino si Tilda. Alam nito ang galawan ni Tonyo. Siya pa naman ang unang kumontra sa nais nitong gawin na muling pagbalik ng libro. Mabuti at naging mapilit si Tilda. Ayon dito ay nabasa na nitong lahat ang kailangan nitong malaman. Tamang execution na lamang ang kailangan nilang gawin.
Nang sumapit ang gabi ay muli silang inilabas ni Krissy at Jack sa basement upang pumarada. At pagkatapos ng seremonya sa plaza ay muli silang ikinulong sa basement.
ANG GABI na pinakahihintay ng buong Thalassa…ang gabi ng pag-aalay. Taon-taon ay ginaganap ang gabi ng pag-aalay. Ito ay ginagawa ni Tonyo upang handugan niya ng pasasalamat ang kanyang dakilang hari na siyang nagbigay ng kapangyarihan sa kanya…ang makapaghasik ng paghihiganti at sa pagkakaroon ng immortal na buhay. At sa gabing iyon ay masisilayang muli ng buong taga-Thalassa ang pinakamakapangyarihang hari na siyang dahilan kung bakit takot lahat sa kanya sapagkat tanging siya lamang ang may kakayahan na tawagin ito. At nakita at alam naman ng mga ito ang kapangyarihang taglay niya.
Sa pagkawala ng alay mula sa mga kamay ni Lucinda at pagkamatay ni Lucinda ang akala niya ay tuluyang mapupurnada ang gagawin niyang pag-aalay sa kanyang pinakamakapangyarihan at dakilang hari. Hindi pa nangyari minsan sa kanya na matakasan ng alay kung kaya nangamba at nagambala talaga siya sa ilang araw na hindi pa napapasakamay niya ang alay na si Michaela. Mabuti na lamang at nalaman ni Jack ang nagtaksil sa kanya at napasakamay nito ang alay. Kung nagkataon ay haharapin niya ang isang malaking problema sa gabing iyon. Dahil kapag wala siyang naialay para sa kanyang hari na siyang nagbigay ng kapangyarihan sa kanya ay mawawala ang kapangyarihang ilang taon niyang tinatamasa sa mundong kanyang binuo. At kapag nangyari iyon ay katapusan na niya. Iyon ay nasusulat sa librong itim ng karunungan. At walang sino man ang nakakaalam niyon maliban sa kanyang kanang-kamay na si Lucinda. Si Lucas ay hindi sinasadyang mabasa nito ang sagradong librong iyon para sa kanya. He tried to convince him na pumanig ito sa kanya sapagkat marami itong nalalaman na orasyon na pangontra sa kanya subalit matatag ang paninindigan nito kahit pa pinaslang niya ang apo nito. Mabuti na lamang din at nahuli ni Lucinda na ninanakaw noon ni Lucas ang librong itim. Dahil kapag napasakamay iyon ng taong alam basahin ang librong iyon at ng alay ay magiging katapusan na niya rin.
ILANG MINUTO bago sumapit ang gabi ng pag-aalay ay pinaliguan at binihisan si Michaela nang kulay puting cloak. Ayon kay Rosela ay simbolo daw iyon na siyang ang magiging alay para sa gabing iyon. Ang kanyang kakambal at si Alex ay nauna ng kinuha ni Jack at dinala sa may plaza.
“Nasaan si Krissy?” tanong niya kay Rosela.
“Nasa plaza na. Ngayong gabi din gagawin ni Krissy ang ritwal upang ganap siyang maging kaanib ni Tonyo. Ngayong gabi ay magiging kabiyak na siya ni Tonyo,” sagot ni Rosela sa kanya.
She sighed. Alam niya ang ritwal na gagawin ni Krissy mamaya. Sinabi nito sa kanya. Iyon ay kailangan nitong kuhanin ang puso ng dalawa at kainin. Pero nangako si Krissy na hinding-hindi nito gagawin ang bagay na iyon sa kanyang kakambal at sa kaibigan nilang si Alex. She sighed again. Kaya naman, mag-uumpisa ang palabas nila mamayang gabi sa ritwal pa lamang na gagawin ni Krissy.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.





4 Responses
Sino ang makakaligtas, sino pa ang magbubuwis ng buhay, magtatagumpay kaya sila sa mga plano nila, ano pang mangyayari enebe kinikilig ako sa magaganap otor 😝
Grabe ha, hanep yung bilis ng bawat ganap kaya eto na malapit na matapos
malapit na itong matapos ramdam ko hahaha…lalong nakakaexcite ang magiging ganap hhahaha
ito na malapit na ang kanilang paghaharap…ano kaya ang mangyayari?