Diary of A-Ten-Year Old Marriage (Chapter 9B)

Bookmark (0)
Please login to bookmark Close

My BookmarksShare

  • No bookmark found

Author's Note

――*☆*――*☆*――*☆*――

SARADONG–sarado ang bahay na dinatnan ni Jessica at kung titingnan ito ay tila walang tao. Agad siyang nakadama ng lungkot nang mabungaran ang bakuran ng lugar. Hindi niya napigil ang humugot ng buntong-hininga.

Hindi tulad nang inaasahan na makalat ay napakalinis pa rin nito. Kung paano niya ito iniwan ay ganoon pa rin ang anyo ng maliit na hardin. Ang mga halaman ay unti–unti nang namumulaklak at hindi maikakailang well-trimmed ang mga ito. Kung ganito ang anyo ng hardin, paano pa kaya ang loob ng bahay?

Umantak ang sakit na nadarama niya sa dibdib. Nasasaktan ba siya na may iba nang nag-aasikaso ng mga bagay na dating kaniya? Na may ibang babaeng gumagawa na ng mga tungkulin niya para kay Derek? At marahil, hindi lang hanggang paglilinis at iba pang gawaing bahay ang kayang gawin ni Monique. Marahil ay may iba pa. Hindi niya alam kung saan nagbuhat ang sakit na sumigid sa puso niya. Ibig niyang pagtakhan kung simpleng inis lang ba iyon o ano. Sa huli ay hindi rin naman niya nagawang sagutin ang sarili.

Inihakbang niya ang mga paa at pinihit ang seradura ng pinto. Nakahinga siya nang maluwag nang bumukas naman iyon. Bumungad sa kaniya ang amoy ng kape ng paligid. Nang ilibot niya ang tingin sa kabuuan ng bahay ay hindi niya alam kung anong klase ng damdamin ang suma-puso niya. Guilt ba iyon? lungkot ot panghihinayang?

Mabilis siyang napatingin sa couch na sadyang pinihit patalikod sa pinto nang may tunog siyang narinig ng tila isang inuubo.

“Derek?” tawag niya.

Hindi na niya kinailangang ulitin ang pagtawan nang unti–unting sumungaw sa sandalan ng couch ang ulo ni Derek. Nang makita siya nito ay dahan–dahan itong bumangon.

“Ikaw pala. Napasyal ka?” tanong nito.

Napatitig siya kay Derek. Tila namayat ito sa paningin niya. Nagsisimula na ring tumubo ang balbas nito at maliliit na buhok sa paligid ng mukha. Pero bukod sa anyo ng lalaki, ang malamig nitong tinig ang higit na nakagulat sa kaniya.

“May sakit ka pala,” tugon niya.

“Oo, eh. Tinatablan din naman, Jess,” sabi nito sabay ngiti na hindi man lang umabot sa mga mata nito. “May sadya ka ba?”

Hindi niya alam kung paanong sasagutin ang tanong nito. Tama bang sabihin niya ang tungkol sa annulment sa panahong may sakit ito? Nanaig ang ibinubulong ng isang panig ng isip niya at nilapitan niya upang daluhan si Derek.

“Ano ang masakit sa’yo?” tanong niya rito nang tapikin niya ito upang dumapa sa couch.

“Errr…Jess…”

“Sige na, huwag ka nang mahiya. Ito ba? O banda dito?”

Ungol ang naging tugon ni Derek at sapat na iyong kasagutan para malaman niya kung alin ang masakit dito. Pinagbuti niya ang pagmamasahe sa likod nito at napapikit naman ang lalaki.

Habang nakalapat ang mga kamay niya sa balat ni Derek ay isang eksena ang agad na pumasok sa isip niya kung saan madalas itong gumawa ng ganoong klaseng tunog. Hindi sinasadyang namanhid ang kaniyang mga pisngi sa naisip. Ano ba ang nangyayari sa kaniya?

“Jess…” anas nito.

Napahinto siya nang maramdaman ang pagkilos ng isang libreng kamay ni Derek. Humantong iyon at pumisil sa ibabaw ng kaniyang hita. Dapat ay tumayo na siya at magalit dito pero sa halip ay pinabayaan niya lang ito sa ginagawa. Na tila ba may kahungkagan siyang nadarama na napunan nang mga sandaling iyon. Funny, but true.

Naputol lang ang eksenang iyon nang makarinig siya ng isang tinig na tila sa isang babae. Tinatawag nito si Derek. Hindi nagtagal ay lumabas buhat sa kusina ang may–ari ng tinig na iyon. May dala itong palanggana na tila kinalalagyan ng tubig. Agad na nanlisik ang mga mata nito pagkakita sa kaniya.

“Ano ang ginagawa mo rito?!” malakas na sigaw ni Monique.

Mabilis siyang napatayo at lumaylay sa sahig ang kamay ni Derek.

“Ikaw, ano ang ginagawa mo rito?”

Mabilis na lumapit si Monique at galit na hinarap siya. “Kung dati ay may karapatan kang tanungin ako nang ganyan, ngayon ay wala na dahil isa ka na lang bahagi ng nakaraan ni Derek!” maanghang nitong sabi.

Tumingin siya sa ngayon ay nakatayo nang si Derek. Tila litong–lito rin ito sa mga nangyayari.

“Ah, ganoon ba? Puwes ay huwag ka nang mag–alala dahil naparito lang naman ako para ipakipag–usap sa lalaking ito ang tungkol sa annulment namin! Ano, masaya ka na?” ganting sigaw niya.

Nang balikan niya ng tingin si Derek ay hindi niya mahulaan ang damdamin nito. Hindi niya tuloy alam kung sang–ayon ba ito o tutol sa annulment. Si Monique naman ay tila nasiyahan sa narinig. Tuwang-tuwa ito na magiging malaya na ang lalaking pinaghihirapan nitong makuha!

“Mabuti kung ganoon. Bilisan mo ang pakikipag–usap kay Derek at nang makaalis ka na agad!” dugtong pa nito.

“Eh kung ikaw na kaya ang umalis? Nakasasagabal ka lang dito eh!” asik niya.

“Hindi siya maaaring umalis.”

Mabilis siyang napalingon sa nagsalitang si Derek. Blangko ang ekspresyon nito pero nakatutok ang tingin nito kay Monique. “Narito na siya buhat kahapon para alagaan ako. Hindi mo siya puwedeng basta na lamang paalisin, Jessica.”

Nasaktan siya sa narinig. Higit sa pagkapahiya sa harap ni Monique ay nasagi ni Derek ang sensitibong bahagi ng damdamin niya dahil sa ginawa nito. Ipinakita lang naman nito na balewala na siya at higit na mahalaga na para dito ang babae nito. Dahil doon ay lalo siyang nagpuyos sa galit. Pilit ang ngiting hinarap niya si Derek at taas ang noong nagsalita rito.

“Sa tingin ko ay hindi pa tayo puwedeng mag–usap sa ngayon, Derek. Ayoko rin kasi ng mga aali–aligid na butiki kapag pinag–usapan na natin ang tungkol sa annulment natin. Magpagaling ka at saka na lang tayo magkita,” malamig niyang sabi sabay tali-kod.

Lumakad siya palapit sa pinto pero hindi niya napigil ang sarili nang madaanan sa isang tabi si Monique. Tinabig niya ang hawak nitong palanggana at tumapon sa buong mukha at katawan nito ang laman niyon. Agad na humakbang si Derek para hagipin ang braso ni Monique kaya hindi na siya nito nagawang habulin. Kahit paano ay gumaan ang loob niya sa kapangahasang ginawa.


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Diary of A-Ten-Year Old Marriage (Chapter 9B)

No time to Collect Free Denaro Coins?

Click Here

One Response

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Need Help?