EDSA Seoul (Chapter 2)

NAGHINTAY si Lana roon sa EDSA station, nang maraming oras. Sa parehong lugar, sa parehong upuan. Dahil ang sabi ni James sa huli nilang pag-uusap sa telepono ay hintayin niya ito sa mismong araw na iyon, dalawang buwan pagkaraan ng huli nilang pagkikita. Hindi niya tinatanggal sa cellphone sa kanyang kamay, hinihintay ang pag-ring niyon, hinihintay ang tawag mula kay James. He’s just probably running late, or he’s planning to surprise her. Or –

Bzzz…bzzz…bzzz…

She immediately looked at her vibrating phone, and thought of James…”Hello, James? Where are you? I’m here at the station, where are you?”

“H-hello…is this Lana?”

“Y-yes…who is this?” Nagulat siya nang boses ng babae ang narinig niya sa kabilang linya.

“This is James’ mother. Lana…I don’t know how to tell you this but…”

“Ma’am, w-what happened?” Bakit siya tatawagan ng ina ni James? Pero hindi niya maintindihan kung bakit kakaibang kaba ang naramdaman niya.

“James…met an accident. He’s on his way to the airport when his car was hit by a truck…the doctors really tried their best to save him…but he might not be able to make it, Lana.” And then she heard James’ mom cry. “Before he passed on, he was able to ask me to call you and to tell you that he’s sorry for not keeping his promise…and that he loves you very much.”

Marami pang sinabi ang ina ni James pero hindi na iyon naintindihan ni Lana. James had an accident…he’s sorry…he loves her…and he’s gone – iyon lang ang paulit-ulit na tumakbo sa utak ni Lana.

James once said that her mom was thrilled to meet her in person because according to her, she made James a better man. Inalok siya nitong pumunta sa Korea para sa libing, at nagpasalamat siya para rito. Pero hindi niya iyon tinanggap. Hindi dahil sa hindi niya gusto, kundi dahil hindi niya kayang makita ang binata sa huli nitong hantungan.

James was not just her boyfriend. He’s more than that. He’s her best friend and now that he’s gone, she didn’t know how she could go on…

Bakit nga ba siya nakasakay LRT papuntang Edsa Station ngayon, pagkaraan ng tatlong taon?

Dahil hanggang ngayon kahit tatlong taon na ang nakararaan, aminin man niya o hindi, sa isang sulok ng kanyang puso ay umaasa pa rin siyang magku-krus ang landas nila ni James. Sa kung paanong paraan, hindi niya alam.

James made a promise that he’d be back, she promised to wait for him, and so she did. And she’s still waiting for a miracle here, at their favorite train station.

Gusto niyang magalit sa Diyos pero alam niyang mali, at wala na rin namang kahihinatnan. Iniisip na lang niya na may dahilan ang lahat, katulad ng parating sinasabi ni James. Siguro, may dahilan kung bakit nangyari ang mga nangyari – ang makilala niya ito, ang mahalin niya ito, ang masaktan siya dahil dito. Siguro, kinailangan niyang masaktan noon para hindi na siya mas masaktan ngayon. Siguro, nawala ito para patatagin siya, mas maging matapang siya – para sa kung sino man ang susunod na darating, mas kakayanin na niya ang mas maging masaya.

Mahigpit ang kapit ni Lana sa estribo ng tren na para bang may aagaw niyon. Tinitingnan niya ang bawat tao’ng pumapasok sa bawat bukas ng pinto, sa bawat estasyon, hanggang sa marating na nila ang Edsa Station.

Rush hour noon kaya hindi kinaya ni Lana ang sobrang dagsa ng tao. Naipit siya, halos mabitawan na niya ang bag, at halos madapa. Hindi niya kailanman nagustuhan ang halu-halong amoy ng iba’t-ibang klase ng tao at ang init na nagmumula sa mga katawan ng mga ito. Hanggang sa ilang sandali pa ay unti-unti nang nagdilim ang paligid at naramdaman na lamang niya na parang nahuhulog siya sa isang napakalalim na bangin.

OKAY ka na?”

Kumunot ang noo ni Lana at dahan-dahang idinilat ang mga mata. Sa simula ay malabo ang lahat, hanggang sa unti-unting luminaw ang kanyang paligid.

“Nahimatay ka kanina sa loob ng tren. Okay ka na ba?”

Nakahiga si Lana sa hita ng isang estranghero, at maraming mga mata ang nakatingin sa kanila. Nang iligid niya ang paningin, napagtanto niya na naroon sila sa paboritong upuan nila ni James, doon sa Edsa Station. Agad siyang umalis sa pagkakahiga sa kandungan ng binatang iyon, na nagpasakit ng kanyang sintido.

“Okay ka na ba?”

Dahan-dahan siyang naupo, pumikit at muling dumilat. Sa simula ay nakakunot ang noo ng binatang nasa harap niya pero ngumiti rin ito pagkatapos makasiguro na humihinga na siya nang maayos. Tumango siya.

“Hay salamat. Mabuti nagkamalay ka na. Hindi ko alam kung anong gagawin ko kung hindi ka pa nagising. Dadalhin sana kita sa ospital kaso…hindi ko alam kung paano kita bubuhatin,” natatawa nitong sabi. May dinukot ito sa bulsa at iniabot sa kanya. “Siya nga pala, nahulog sa ‘yo sa tren nung hinimatay ka.”

 “Salamat.” Mula sa kanyang wallet ay tiningnan niya ito. Simple lang ang suot nitong kulay puting polo shirt, at maong na pantalon. Kahit pa nakasalamin ito ay hindi maitatago ang maganda nitong mga mata.

Tumangu-tango ito. “Siguradong okay ka na, ha?”

“Oo, salamat.” The guy looked familiar. Napansin niya ito kanina sa loob ng tren, at paminsan-minsan niya itong nahuling nakatingin sa kanya. Sa totoo lang, hindi lang iyon ang unang pagkakataon na nakita niya ang binatang iyon sa tren. Madalas niya itong makita, simula nang halos araw-araw na siyang bumibisita sa estasyon na iyon.

 “Wala ‘yon. Teka, saan ka na ba nakatira ngayon? Hindi ka na ba sa Marikina umuuwi?”

“Teka, paano mo nalaman kung saan ako umuuwi? Kilala mo ‘ko?” lito niyang tanong. Bigla tuloy siyang kinabahan. Oo, guwapo ito, matulungin, pero paano kung stalker pala niya iyon, o kaya ay serial killer?

“Lana Santillan, hindi ba? Hindi mo ako natatandaan?” Napakamot ito sa batok. “Kung sabagay, chubby kasi ako noon, eh. Ngayon, medyo gumuwapo-guwapo na ko kaya naiintindihan ko kung hindi mo na ako makilala.”

“Sino ka ba?” tanong niya. May pagkamayabang ito, pero ‘yung tipo ng yabang na nakakatawa, hindi nakakaasar.

“Marco San Diego. Magkaklase kaya tayo ‘nung elementary. Madalas tayong magkatabi sa upuan, hindi mo ba naaalala?”

Ah, si Marco! “Marco…Pilyo?” kunut-noo niyang tanong.

“Ako nga!” Tumangu-tango ito at natawa. “Pero oy ha, tukso lang sa akin ‘yon, hindi naman talaga ako pilyo, eh. Ako nga ang parating nabu-bully noon.”

Siya naman ang tumangu-tango. Naaalala niya na madalas itong magsumbong sa adviser nila dahil sa pang-aasar ng mga kaklase dahil sa pagka-chubby nito.

“Mabuti na lang, nagsawa na lahat ng baby fats ko. Ngayon, iba na ang tukso nila sa akin, hindi na ‘taba! taba!’…’pogi! pogi!’ na, he, he.”

Tuluyan nang nawala ang sakit ng ulo at pagkahilo ni Lana. It was a nice feeling talking to someone familiar. Napangiti siya.

“Ayan, ngumingiti ka na. Sa tinagal-tagal, ngayon na lang uli kita nakitang ngumiti. Mas bagay sa ‘yo ang nakangiti.”

“Anong ibig mong sabihin?”

Umiling-iling ito. “Ah, eh…diba, kahit naman noong elementary tayo, bihira kang ngumiti?”

“Mabuti nakilala mo pa ako. Kailan ba tayo huling nagkita, graduation ng elementary? Ang tagal na no’n, ah.”

Napangiti ito. “Wala namang nagbago sa ‘yo, eh. Mahaba pa rin ang buhok mo, maputi ka pa rin, singkit pa rin ‘yang mga mata mo…maganda ka pa rin.” Inayos nito ang suot na salamin sa mata na para bang nagulat rin sa sarili. “Pati nga ‘yang height mo hindi nagbago, eh.”

Sinimangutan niya iyon. “Tse! Ikaw rin, hindi ka pa rin nagbabago, mapang-asar ka pa rin.”

“Nagsasabi lang ako ng totoo, he, he. Ah, may isa pang hindi nagbabago sa iyo.”

“Ano ‘yon?”

“Himatayin ka pa rin!”

Pinalo niya ito sa braso, katulad ng ginagawa niya noon rito noong mga bata pa sila sa tuwing inaasar siya nito. Ilang beses na rin yata siyang hinimatay noong nasa elementarya sila, sa kalagitnaan ng flag ceremony.

“Oh heto, sandwich at tubig.” Inilagay nito sa kanyang kandungan ang mga iyon. “Kumain ka muna, tapos uminom ka ng gamot, nakakahiya na masyado kapag hinimatay ka uli,” sabi pa nito sabay abot ng isang tableta ng paracetamol. “Teka nga pala, saan ka na ba umuuwi ngayon?” pagkadaka’y tanong nito.

“Marikina pa rin.”

“Eh, anong ginagawa mo rito sa Edsa Station? Malapit rito ang trabaho mo?”

Ano nga ba ang ginagawa niya roon? Mahabang kuwento, kung pwede lang niyang sabihin. Nagkibit-balikat na lang siya. “Ikaw, saan ka na ngayon?”

“Marikina pa rin.”

“Malapit rito ang trabaho mo?” ulit niya sa tanong nito kanina.

At ito naman ang nagkibit-balikat. “Kung pauwi ka na, sumabay ka na sa akin. Mahirap na, baka himatayin ka na naman, walang sasalo sa ‘yo. ”

“Sige na, ikaw na ang knight in shining armor ang peg.”

“Kinikilig ka naman, feeling damsel in distress ka,” nakangiti nitong sabi.

Siniko niya ito pero natawa na rin siya.

“Ayan, dapat happy ka lang. Hindi bagay sa iyo ang nakasimangot, eh.”

Para kay Lana, isang hindi inaasahang pagkakataon ang muli nilang pagkikita ni Marco. Isang misteryo na hindi niya kailanman maipapaliwanag. Pero nagpapasalamat siya roon.

Tumayo na si Marco at tinulungan siya sa pagbibitbit ng dala niyang bag. “Simula ngayon, hindi ka na kailangang malungkot sa tuwing sasakay ka ng tren. Narito na ‘ko, parati kitang patatawanin. Sinisiguro ko sa iyo na simula ngayon, hinding-hindi ka na iiyak.”

Napatingin si Lana kay Marco. Magkatabi silang naghihintay ng pagdating ng tren, katulad ng karamihan. Hinintay niya ang punch line nito pero seryoso lang itong nakatingin rin sa kanya.

“Madalas kitang makita rito, sa tren. Kung hindi ka nakasimangot, parang kagagaling mo lang sa iyak. Ilang beses kong sinubukang lapitan ka pero wala akong lakas ng loob, eh. Sabi ko sa sarili ko, magkaroon lang ako ng pagkakataon, lalapitan kita, gagawin ko lahat para ngumiti ka uli. Kaya heto…”

Binigyan niya ito ng mapanuring tingin, na nginitian lang nito.

“Oh, baka naman sabihin mo, stalker mo ako, ha?” natatawa nitong tanong. “Nagkakataon lang talaga.”

Napangiti na lang rin siya at hindi na ito kinulit pa.

“Dumaan kaya muna tayo sa ospital bago umuwi?”

“H-huh? Bakit naman?” taka niyang tanong.

“Para makasiguro tayo kung okay ka na talaga. Aba, hindi p’wedeng may mangyaring masama sa ‘yo. Ngayon pa?”

“Bakit?”

“Ngayon pa na nagkita uli tayo,” mahina nitong sabi. “Ngayon pa na p’wede na kitang mahalin.”

Noon, ayaw na ayaw niyang sumasakay sa tren pero ngayon, naisip niya na sa LRT nagkakaroon ng kulay ang mundo niya. Doon sa LRT niya nakikilala ang mga taong nagiging malaki ang parte sa kanyang buhay at ang LRT ang nagbibigay sa kanya ng dahilan para mas mahalin at pahalagahan ang buhay.

Noon si James. Ngayon, si Marco. Sa parehong estasyon, sa parehong dahilan.

Ang kaibahan lang, ngayon, sigurado si Lana na ang kabanata ni Marco sa buhay niya ay ang simula ng isang magandang kuwentong pag-ibig na hindi lamang matatapos doon sa Edsa Station. At alam niya na nasaan man si James ngayon, masaya ito para sa kanya. After all, James promised to make her happy in any way possible.

And maybe, just maybe, Marco was the happiness that James had promised.

And Lana was actually hoping that her intuition was right.

~~

THE END


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

EDSA Seoul (Chapter 2)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

One Response

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.