jpg_20211010_191156_0000

Guess The Title Of The Story by Mchay101 – Chapter 3

 

 

A bumpy journey is uncomfortable and rough, usually because you are travelling over an uneven surface.

 

Sampu,

Sampung metro ang nilakbay paliko-liko, 

Sampung pedal na lang malapit na sa ‘yo;

Hindi na maawat ang pintig ng puso,

Hinihingal, hindi na makahinga.

Miss na miss kita…

 

“Alyssa!” Tawag ko sa pangalan mo, pero parang hindi mo ako narinig. Mas binilisan ko pa ang pagpedal para mas malapitan ka.

“Hoy! Good morning! Ano tara?” Bati ko sa ‘yo ng makaharap na kita. Pero ni hindi mo man lang ako binati pabalik. Ang mas nakakapagtaka pa, hindi mo man lang ako tinignan. Nakayuko lang, at parang mas gusto mong kausapin ang lupa kaysa ako. Nakadama ako ng pag-aalala. Baka kasi may nangyari. Hindi naman siya ganito.

Tinanong ulit kita, “uhm, may nangyari ba?”

Kumawa ka ng mabigat na buntong-hininga at sa wakas tumingin ka na sa ‘kin na may blankong ekspresyon.

“Mauna ka na. Hindi ako magba-bike ngayon papuntang M.U., sasabay ako kay Matthew sa auto,” mainahon na sabi mo.

Kunot-noo, hindi ako sumagot agad. Umihip ang malakas na hangin. Nilamig ako bigla sa gitna ng tirik na araw. Kinabahan ako dahil sa malamig na trato mo sa akin.

“O-okay. Sige, alis na ako.” Pagsang-ayon ko na lang kahit pa naguguluhan ako. Nag-bike na lang ako palayo sa ‘yo habang puro tanong ang laman ng utak. Isa na rito ay ang may nagawa ba ako?

 

 

Onse,

Onse minuto akong na-late sa klase,

Wala sa isip habang pinagsasabihan ako ng prof ko sa MAPEH,

Dahil wala naman sa kanya ang utak ko.

Naiwan sa ‘yo, kasama ng mga sagot sa kanina pang mga tanong na sa akin ay gumugulo.

 

“Shibata!” Tawag ni Prof. Stanly sa ‘kin kasabay ng whiteboard eraser. Nagising ang natutulog kong diwa dahil sa ginawa niya. Naririnig ko na sa paligid ang maingay kong mga kaklase na pinagtatawanan ako.

“Prof?” Tanong ko habang nagkakamot sa ulo na parang tanga. Kasunod kong hinipo ang noo kong nasapol ng pambura.

“Gising ka na ba?! Mukhang naiwan mo pa sa bahay n’yo ang utak mo, ah? Late ka na nga, wala pa sa lecture ang atensyon mo,” pangalawang sermon ni prof. Sa ‘kin ngayong umaga.

Hays! Kabanas!

“Sorry, prof..” Paghingin ko ng tawad, bakas sa pagkatao ang pagkapahiya. Hindi ko na lang pinansin pa ang iba’t ibang bulong at kantyaw sa ‘kin ng mga kaklase kong para namang matatalino. Tahimik na lang akong umayos ng upo. Mamamaya ko na lang ulit iisipin si Alyssa.

Ipapahinga ko na muna ang utak kong kanina pa abala sa paghahangad sa kanya.

 

Dose,

Labindalawang oras na tayong hindi nagkita, hindi nagkakausap.

Labindalawang text messages, naharang yata sa alapaap;

Dahil ni isa wala kang sinagot, kahit tuldok wala akong natanggap.

Nasasaktan ako sa nangyayari, ang hirap ng magpanggap!

Trese’ng kibot,

Tatlumpong dahilan 

Tatlumpong paliwanag

Isa lamang ang hangad, ‘yon ay pagtanggap.

Sa alas dose ng hatinggabi tinawagan kita. Wala akong pakialam kong magising kita. Pagkatapos ng ilang ring sa wakas ay sumagot ka.

“Jas, ano ba naman… magpatulog ka—” may inis sa boses niyang sagot sa akin sa kabilang linya na pinutol ko.

“Ayaw ko. Hindi kita titigilan hangga’t hindi mo sinasabi sa akin ang dahilan kung bakit iniiwasan mo ako maghapon,” may tampo rin sa tono ng boses ko.

Katahimikan. Wala akong ibang naririnig kundi ang mabigat niyang paghinga. Tinulugan niya ako? Naknam!

“Hoy, Aly! Mamaya ka na matulog, please? Kausapin–”

“Jas, bukas na… bukas.. Sa rooftop.. Sa M.U.” Paisa-isa niyang sabi pagkatapos ay ibinababa na niya ang tawag.

Napabuga ako ng marahas kasunod ng ilang ulit kong paglupasay sa ibabaw ng higaan.

Hindi na mahalaga kung paano niya ako kausapin ngayong gabi, ang mahalaga ay narinig kong muli ang boses niya, nagawa niya akong pansinin. At bukas… bukas ay aamin na ako. Aaminin ko na ang lahat. Makikilala na niya ang totoong Jasper Hotoki Shibata, ang alter persona ko na nagmamahal sa kanya. 

Katorse,

Nandito tayo sa ikalabing-apat na palapag habang sa atin lang ang mundo, tanaw natin ang lahat;

Habang kapwa tayo nakatayo ng harapan, inaangkin natin ang hangin—

kinakain tayo ng katahimikan.

O, aking paraluman, sabihin na bulong ng isipan,

Ilahad na ang nararamdaman.

 

“Jas, inaamin ko, hindi ko inaasahan ang naging confession mo noong nagdaang gabi,” panimula niya.

“Teyka, Confession? Ano’ng confession? Wala akong ginawang confession, dahil ngayon pa lang sana ako aamin.” paglinaw ko sa sinabi niya at itinuloy na lang sa isip ang huli kong linya.

“You did call me. You said goodnight and heard it clearly, nang sinabi mong mahal mo ‘ko.” 

Nabato ako sa kinatatayuan ko dahil naalala ko na. At ‘yon pala ang naging dahilan sa cold treatment na ginawa niya sa ‘kin.

“Ah, eh.. Wala sa planong ma-dial ko ang numero mo nang gabing ‘yon at masabi ko ‘yon sa ‘yo kaagad. Pero hindi ko rin ikakaila, oo, mahal nga kita, Alyssa.” pag-amin ko. Hindi ko alam kung saang parte ng mga buto ko sa katawan hinugot ang lakas ng loob para masabi ko ang nasabi ko. 

Ramdam ko pa ang magkahalong adrenaline rush at hiya nang sumagot ka.

“Maraming salamat sa pag-ibig mo, Jas, pero… pasensya ka na. Hindi ko kayang tanggapin. Hanggang pagkakaibigan lang ang kaya kong ibigay. At sa totoo lang, I’m already falling on someone, at balak ko na siyang sagutin.”

Parang sa sinabi niya, nakidalamhati sa akin ang langit. Mula sa pagiging maaliwalas kanina, ay naramdaman ko ang mamasa-masang lamig ng ihip ng hangin. Umaambon.

Napangiti ako ng mapakla at tumingala. Ito ang unang beses kong sinubukang magmahal, masakit pala talaga.

“Ayos lang. Naiintindihan ko at masaya ako para sa ‘yo. Isa lang sana ang gusto kong hilingin, Aly.”

“Ano ‘yun?”’

“Maging masaya ka parati, please..” hiling ko para sa kaligayahan mo at isang marahang tango ang naisagot mo sa akin kasunod ng mahigpit na yakap.

“Salamat,” bulong mo kasabay ng tuluyang buhos ng ulan. Pikit-mata kong dinama ang mga yakap niya  habang binubuo sa isip ang huling tula para sa kanya.

Kinse,

Labinlimang linggo kitang minahal at patuloy na mamahalin ng palihim;

Pait na nanunuot sa dibdib ay hahayaang hugasang ng ulan at unti-unting hahanurin.

Hinagpis ay isisigaw sa hangin

Para sa muling pagpapatuloy at bagong bukas

Mamahinga pansamantala, subalit hindi ito ang wakas.

 

 

 

Check back on last chapters: Guess The Title Of The Story by Mchay101 – Chapter 2

Guess The Title Of The Story by Mchay101 – Chapter 1

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Guess The Title Of The Story by Mchay101 – Chapter 3

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.