A Filipino Platform of Good Stories

cropped-QUATTRO-LOGO-WITHOUT-BACKGROUND
liham_book cover

Huling Liham (A Short Story)

 

PANGAKO ko sa iyo na walang ibang makakakita kundi ako lang dahil buburahin ko naman pagkatapos. Peksman, mamatay man ako!”

Iyan ang huling linyang sinabi ko sa kaniya. Huling litanya ko na kahit kailan hindi ko na matutupad. Na hanggang ngayon pinagsisihan ko pa rin, kulang ang buhay ko upang mapatawad niya ako. Ang hilig ko mangako, pero hindi ko naman naitutupad. Ako na yata ang isa sa mga walang kuwentang lalaki sa mundo. Hinding-hindi ko masisisi kung marami man ang magagalit sa akin pero isa lang ang hinihiling ko. Ang kapatawaran niya kahit gaano man katagal.

“Arturo! Naririnig mo ba ako?Lumabas ka alam kung nandiyan ka, h***p ka!” sigaw ng isang babae mula sa labas ng aming bahay.

Boses pa lamang ay kilalang-kilala ko na, siya ang tinuturing kong parang isang ina. Alam ko na kung bakit galit na galit ito sa akin, marahil nalaman na niya ang ginagawa kong kagaguhan sa kaniyang anak. Hindi kosiya masisisi kung mapapatay man niya ako. May malaki akong kasalanan sa kanila at sa Diyos.

“May problema ba sa anak ko?” narinig ko si Mama, habang tinatanong nito si Tita Belen.

Nasa kuwarto lamang ako at hindi iyon malayo mula sa kanila kaya naririnig ko sila.

“Nasaan ang h***p mong anak?” tanong ni tita na halatang may halong galit, marahil dahil na rin sa malakas nitong boses na halos pasigaw na.

“Ba—” hindi nakatapos magsalita si Mama nang biglang sumigaw ulit si tita. Na siyang ikinagulat ko at marahil ganoon na rin siguro si Mama dahil hindi ko na siya muling narinig na kumibo.

“Ginahasa niya ang anak ko!”

Gusto ko nang lamunin ako ng lupa dahil sa narinig kong rebelasyonmula sa ina ng aking kasintahan. Ginahasa, hindi ko alam kung matatawag ba iyong panggagahasa kung pareho naming kagustuhan iyon. Alam kung may mali akong nagawa pero kahit kailan hindi ko siya ginahasa.

“Hindi totoo iyan…” pautal-utal na pakiwari ni Mama, “alam ko hindi magagawa ng anak ko ‘yan. Baka nagkakamali ka lang mabait ang anak ko.”

“Masakit man pero panoorin mo ang bidyong ito!”

Hindi na ako mapakali nang marinig ko ang salitang ‘bidyo’ mula kay tita. Napanood na pala niya ang kumakalat naming bidyo ni Sara sa peysbok. Iyon ang pinagsisihan ko kung bakit kinunan ko pa ng bidyo, kung sino man ang nag-aplod marahil ay ang nagnakaw ng aking selpon. Agad akong nag-open sa‘laptop’ ng peysbok upang magpaskil sa ‘timeline’ ko nang “Please lang, huwag niyo na pong ipagkakalat iyong video. Kung maaari lamang kayo-kayo na lang manood, please lang po.Pakibura na po sobrang pinagsisihan na po namin kung bakit nagawa namin iyon#Respect #Depress #Guilty”. Maluha-luha kong pagta-type.

Ilang minuto ko lamang pinost ay marami na ang nagbigay agad ng komento at reaksyon. Marahil marami na rin ang nakakapanood dahil hanggang ngayon pinag-uusapan pa rin. May iilan ang nagtanggol saamin, pero mas marami ang humuhusga. Ano ba magagawa ko nasa Pilipinas ako kung saan marami ang mapanghusga. Agad ko hinanap ang ‘account’ ni Sara ngunit hindi ko na mahanap pa. Sinubukan kong tawagan ang numero niya gamit ang telepono ngunit hindi ko rin ito makontak. Para na akong baliw ngayon, pabalik-balik lumakad na para bang hindi mapakali.

“Arturo!” natigilan ako sa ginagawa nang marinig ko ang boses ni Mama, nasa labas na ito ng aking kuwarto, “Buksan mo itong pinto!”

Wala na akong nagawa kung ‘di ang sundin si Mama. Dahan-dahan akong lumapit sa pinto habang lumakas nang lumakas ang pintig ng aking dibdib. Nang buksan ko ang pinto, isang malakas na sapak mula kay Papa ang bumulaga sa ‘kindahilan upang bumulagta ako sa sahig.

“Ta***t*do kang bata ka!” giitni Papa habang dinuduro ako, “Wala akong anak na-rapist!” dagdag pa nito.

“Wala kayong alam!” pakiwari ko habang unti-unting tumayo.

“Paano mo maipapaliwanag ang bidyo!”

“Napanood niyo nga pero hindi niyo pa alam ang buong kuwento. Alam ko mali ang ginawa namin, pero mas mali na husgahan niyo agad kami. Lahat naman tayo ‘di ba nagkakamali? Tao lang din naman kami.” Giit ko pa, hanggang sa hindi ko na napigilan ang bugso ng aking damdamin. Unti-unting pumapatak ang masagana kong mga luha.

“Pinagsisihan ko ang ginawa ko kay Sara pero hindi ibig sabihin na ginahasa ko na siya. Pareho kaming lango sa alak noon, pareho kaming hindi napigilan ang isa’t isa. Ngunit, ang kasalanan kolang naman hindi ako nakinig kay Sara. Itinuloy ko pa rin ang pagkuha ng bidyo namin habang nakikipagtalik pero maniwala man kayo o sa hindi. Binabalak ko talagang burahin iyon, pero ninakaw ang aking selpon noong pauwi kami galing sa motel.” Pagku-kuwento ko pa habang unti-unting umupo sa kama.

“May tiwala ako sa iyo, Arturo!” giit niTita Belen, “Kaya pumayag ako na isama mo si Sara, magbakasyon sa Tagaytay. Mahigit walong taon na kayo. Ngunit sinira mo ang tiwala ko, sana hindi na lang ako pumayag kung alam ko lang na ganito ang mangyayari!”

“Patawad po, pero lalaki lang din naman ako. At wala ako sa tamang pag-iisip noon dahil sa alak, patawad.”

“Huwag mong idadahilan ang alak! Kung mahal mo ang anak ko, kung may respeto ka sa kaniya. Kahit gaano ka pa kalasing noon mangingibabaw pa rin ang respeto mo kaysa sa lasing at libog!”

“Sinubukan ko po…”

“Pero anong nangyari? Itinuloy mo pa rin ang binabalak mo. Sinira mo ang buhay ng anak ko pati ang pangarap niya sinira mo! Kaya rati pa tutol na sana ako sa  pagmamahalan ninyo pero nagbanta si Sara na magpapakamatay, kapag sinubukan naming ilayo siya sa iyo. Arturo, anak…” hindi na rin napigilan ni Tita Belen ang umiyak, “Bakit mo ginawa ito?”

Hindi ko na alam ang isasagot pa. Mas lalong bumubuhos ang kanina ko pang mga luhang pumapatak. Kung magbubunga man ang naging kasalanan namin, buong puso ko naman paninindigan si Sara kasi mahal na mahal ko siya. Ang maling ginawa ko puwede ko pa naman maitama ‘di ba? Para saan pa na umabot kami ng walong taon  kung itong problemang ito susuko agad kami.

“Pananagutan ko naman ang anak niyo. Mahal namin ang isa’t isa kahit ano man ang mangyari ipaglalaban ko siya. Mahal na mahal ko si Sara.” Iyon lamang ang nasabi ko habang pinupunasan ang aking mga luha gamit ang magkabilang kamay.

“Ano’ng magagawa ng pagmamahal mokung sira na ang reputasyon ng anak ko. Idedemanda kita at gusto kong mabulok ka sa kulungan!”

“B-baka puwede natin pag-usapan ito?” giit ni Mama habang tumabi sa akin sa pagkakaupo.

Mas lalong hindi ko na alam ang gagawin. Gulong-gulo na ang pag-iisip ko dahil sa nangyayari.Ngunit sasagot pa sana ako nang biglang tumunog ang selpon ni Tita Belen dahilan upang tumahimik ang lahat.

“Bakit? Ano! Saan!”Iyon ang naririnig ko kay Tita Belen habang may kausap sa kabilang linya. Sa boses niya ay parang nagulat ito at hindi makapaniwala sa narinig. Tumingin saglit sa akin si tita habang ibinababa ang teleponong selular. Saka naman itong nagmamadaling umalis. Gusto ko sanang tanungin kung ano ang nangyari pero nangingibabaw ang takot ko na baka mas lalo lamang itong magalit.

“Pa?” tumingin ako kay Papa, “Ma?” wika ko rin sabay tumingin din kay Mama. Ngunit pareho silang walang kibo sa akin hanggang sa umalis si Papa na isinara ng malakas ang pinto.

“Ma?”

“Anak, gusto kong magalit sa iyo. Gusto ko kamuhian kita pero nangingibabaw ang pagmamahal ko iyo dahil anak kita.” Hindi na rin napigilan ni Mama ang umiyak, marahan ko na lang siyang niyakap habang humagulgol ng iyak.

“Ma, patawad. Sinira ko ang pangalan natin hindi ko na alam ang gagawin ko. Kahit kailan pinipilit ko maging mabuting tao at anak sa inyo pero lahat ng iyon hindi niyo nakita. Puro kasi kamalian ang nakikita ninyo sa akin ni Papa. Hindi na po ako masaya sa buhay ko tanging si Sara na lang iyong naging inspirasyon ko upang ipagpatuloy pa iyong buhay ko. Bakit ko naman sasaktan iyong taong alam kong mahalaga sa akin?” wika ko.

“Ikaw lang makakapagpabago ng buhay mo wala nang iba pa.Kagustuhan ang pagiging masaya. Maaari mong piliin ang maging masaya ngunit may mga magpapalungkot sa iyo sa buhay, pero nasa iyo kung magpapaapekto ka o hindi.Huwag mong isipinna wala kaming pakealam sa iyodahil hindi mo kami naiintindihan. Ayaw lang namin makita kayong sa maling landas kayo tumatapak, kumakayod kami sa pagta-trabaho dahil sa inyo na mga anak namin. At kahit kailan, hindi ko kayo nakakalimutan kahit sobrang busy. Sa tuwing nasa trabaho ako iniisip ko kung kumain na ba kayo. Kung okay lang ba kayo, kasi mahal na mahal ko kayo.”

MAKALIPAS ang tatlong-araw, mula noong araw na nabalitaan nila Mama ang nangyari ay wala na akong balita kay Sara. Pumupunta ako sa kanila nakikiusap na makita siya, ngunit parang mailap na ang tadhana sa amin. Ni madalashindiko siya naaabutan sa kanila, sabi ng katulong nila ay maaga raw umaalis kasama ang mga kaibigan nito. Saka hindi na raw itutuloy ang pagdedemanda ni Tita Belen basta’t huwag na raw ako muling magpakita pa sa anak nila. Sobrang sakit palagi akong nagmamakaawa sa kanila na makausap man lang si Sara, ngunit sobrang bato na yata ang puso nila dahil pakiramdam ko ay tinatago nila si Sara sa akin.

Hanggang isang araw, may isang sulat akong natanggap na siyang aking ikinaguho ng mundo. Isang sulat namakakaapekto ng sobra sa aking buhay. Isang sulat na kahit kailan nanaisin ko na huwag na muling mabasa pa. Ang taong naging dahilan ko upang ipagpatuloy pa ang buhay ay hindi ko na ulit masisilayan pa. Ang taong ito ang naging sandigan ko noong mga panahon na nahihirapan ako.

“Pinapaabot po pala ito ni Mam Sara sa iyo,” wika ni Aling Vicky ang kanilang katulong.

“Nasaan siya?” ang tanging tanong kohabang kinukuha iyong sulat.

“Sige na ho, mauna na ako.”

“Sandali lang puwede ko ba siyang puntahan?” hindi siya sumagot, bagkus ay ngumiti na lamang ito nang pilit saka nagmamadaling umalis palabas ng bahay. Sinundan ko ito pero mabilis siyang tumakbo kaya ‘di ko na ito naabutan. Hindi ko alam kung bakit ganoon ang naging kilos niya na pakiramdam ko ay may tinatago ito sa akin. Binalewala ko na lamang iyon, at bumalik ako sa loob ng bahay saka tinungo ang aking kuwarto. Umupo ako sa kama, saka ko binuklat ang papel upang basahin ang sulat ni Sara para raw sa akin.

 

“Mahal kong Arturo,

 Kumusta kana?

  Bakit ginawa mo iyon?

 Nagtiwala ako sa iyo. Ngayon ay wala na akong mukhang ihaharap pa sa mga tao. Lahat sila hinuhusgahan ako pati mga magulang ko ay galit sa akin. Ilang beses akong nagmamakaawa sa iyo na huwag natin ituloy pero nagpupumilit ka sa akin. Pumayag ako dahil mahal kita at ayaw ko na sa iba mo pa hanapin. Nagagalit lang ako dahil kinunan mo pa ng bidyo na kung saan marami ang nakakapanood. Pero okaylang iyon, pinapatawad na kita. Kung nabasa mo itong sulat ko marahil ay wala na ako. Nahihirapan na ako hindi dahil sa hinuhusgahan ako. Kung ‘di nahihirapan na ako sa buhay ko. Ilang beses akong nagtapang-tapangan, ni minsan nakikita ninyo akong ngumingiti pero ang totoo nahihirapan na ako. Mahirap mabuhay kung pakiramdam mo ay hindi ka na masaya sa buhay mo. Bata pa lang ako hindi na ako masaya sa lahat ng bagay. Ni minsan sinisisi ko ang pamilya ko, kasi kahit kailan hindi ko naman naranasan na isang pamilya kami. Ni minsan hindi ko naramdaman na mahal nila ako. Trabaho lang ang lagi nilang inaatupag, pero ako na anak nila hindi maalagaan. Sinisisi ko rin ang Diyos na wala nang ibang ginawa kung ‘di bigyan ako ng problema. Sobrang nagpapasalamat ako sa iyo, dahil nakilala kita. Ikaw ang nagbigay sa akin ng pag-asang mabuhay noon. Gusto ko nang tapusin na ang buhay ko siguro kapag wala na ako saka lang nila makikita iyong halaga ko. Pagod na ako mahal, salamat kahit papaano minahal mo ako. Salamat kahit paano naging masaya ako.Salamat dahil kahit papaano nakilala kita.Salamat.

 

            Hanggang sa muli nating pagkikita.

 

Lubos na nagmamahal,

Sara”

 

Nakita ko na lang ang aking sarili na pinupunasan ang mga luhang bumabagsak, hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon ko sa nabasa ko. Pero ang napansin kolang nakita ko ang sarili na nagmamadaling lumabas ng bahay at tumatakbo. Ang nasa isip ko lang ay gusto ko siyang makita. Na hindi totoo ang mga nabasa ko. Hanggang sa ilang oras akong tumatakbo ay napansin kong nasa harap na ako ng bahay nila Sara. Marami ang tao sa loob, marami ang nagsusugal. Nakita ko si Tita Belennakaupo ito habang nakatingin sa mga taong naglalaro, mugto rin ang mga mata nito.

“Sara, gusto ko sanang makita kita ulit. Natatakot lamang ako na baka mas lalo lamang magalit sina tita sa akin. Ito tatandaan mo mahal na mahal pa rin kita.” Agad muling pumatak ang aking mga luha pero kasabay nito ang pagbagsak din ng ulan, “Aalis na ako, siguro hindi pa oras para magpakita ulit ako.”

“Bakit wala ka bang plano makita si Sara?” napalingon ako sa likod ng marinig ko ang boses ng isang lalaki.

“P-pero…”

“Sige na, pumasok ka na. Basang-basa ka na rin nang ulan.” Wika ni tito habang nakadungaw ito mula sa loob ng kotse, “Sumunod ka na agad sa loob.” Iyon na lang ulit sinabi niya saka muling nagpaandar ng sasakyan. Hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa marahan na rin akong pumasok. Hindi ko narinig iyong makina ng sasakyan ni tito dahil dala na rin siguro ng aking nararamdamang sakit, at marahil ay hindi ko narinig dahil na rin sa ulan.

Mas lalong lumakas ang pintig ng dibdib ko nang nasa tapat na ako ng pinto. Nakita na rin ako ni tita pero tumingin lang ito sa akin saglit, hindi ko na rin iyon pinansin dahil marahil galit pa iyon. Sa pagpasok ko ay pansin ko agad ang puting kabaong nito na napapalibutan ng maraming bulaklak. Pero bumuhos ang luha ko nang makita ang larawan ni Sara na nakapatong sa kabaong. Hindi ko alam gagawin sa mga oras na iyon, tulala lamang ako habang sunod-sunod ang mga luha. Hindi ko makakaya na masilayan siya na nasa loob ng malaking puting kahon.Unti-unting humahakbang ang mga paa ko pero mas lalo rin bumuhos ang mga luha.

“Mahal?” ang mahina kong tawag nang nasa tapat na ako. Pinagmamasdan ko ang kanyang mukha bakas pa rin nito ang kanyang kagandahan, “Daya mo naman bakit mo ako iniwan. ‘Di ba aayusin pa natin ang problema natin, akala ko ba mahal mo ako. Bakit iniwan mo ‘ko?” sunod-sunod kong tanong nito habang sunod-sunod ang pagpatak ng luha.

“Mahal, sorry. Sorry kasi sinaktan kita. Sorry kasi hindi kita sinunod. Sorry kasi ang dami-dami kong kasalanan sa iyo.” Hindi ko na napigilan ang sarili ko humagulgol na ako nang iyak saka ko niyakap ang kabaong nito, “Mahal, bakit ikaw pa. Bakit ikaw pa ang nandiyan, bakit hindi na lang ako. Hindi mo-deserve diyan, pakiusap bumangon ka na. Mahal na mahal naman kita e, kung may problema ka puwede mo naman ako makausap. Hindi naman tamana kailangan mong wakasan iyong buhay mo. Kung nadapa tayo, puwede naman tayong bumangon. Bakit tayo magpapaapekto sa sasabihin ng iba, kasi may pagkakataon  naman ipakita sa kanila na hindi sa lahat ng pagkakataon, tama sila.”

Makalipas ang isang taon, unti-unting humilom ang sugat sa puso ko. Hanggang ngayon masakit pa rin ang biglaang pagkawala ni Sara, pero unti-unti ko na lang tinanggap na hindi na siya babalik pa. Ngunit kahit kailan hindi siya mawawala sa puso ko, ang aming mga pinagsamahan ay mananatiling nakaukit sa puso at isipan. Hindi siya mapapalitan kahit kailan. Pero tatandaan natin nabuhay tayo hindi para bumitaw at bumigay, kung ‘di para lumaban at matuto sa mga problemang kinakaharap.

May nabasa ako na, “Walang gaanong kailangan para magkaroon ng masayang buhay, dahil nasa loob mo ang lahat ng ito; sa iyong paraan ng pag-iisip.”

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Huling Liham (A Short Story)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

One Response

  1. Tama lahat ng tatahakin mo choice mo kung ano dapat at tamang piliin sadja lang na sa sarili lang siya nakadepende at di niya pinaniwalaan na ang Ama ang tangi mong magiging sadalan sa anumang maranasan sa buhay na ito, isa yan sa nalimutan ko nung sobrang lugmok ako na pagkitil na din sa buhay ang naisipan ko pero dahil may mga anak nga pala ako di ko na solo buhay ko at pasalamat ako may mga magulang at mga kapatid aq na anjan nung matindi ang depression ko dahil sa ginawa ng asawa ko kaya salamat Ama, sa buhay na iyong pinagkaloob kaya laban lang💪😘

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.