“HUWAG mong sabihin sa `king pagtimpla lang ng kape ang alam mong gawin?” Nakataas ang kilay ni Partick nang itanong iyon kay Jenny.
Mag-iisang linggo na siya sa opisina pero walang ginawa ang lalaki kundi ang paharapin siya sa computer at magpagawa ng mga business letter na alam naman nitong wala siyang alam. Kaya ang nagyayari, nauubos ang oras nila sa pagtatalo at bandang huli ang gagawa rin niyon ay si Maya, ang isa pang secretary nito.
“Pinipilit kong gawin lahat, nagpapaturo na ko kay Ma’am Maya saka nag-aaral na rin ako sa bahay. Alam mo namang hindi ko forte ang ganitong bagay. Sana magkaroon ka naman ng konsiderasyon.” Padabog na inilagay niya sa lamesa ng lalaki ang kape nitong hindi sinasadyang tumapon pa sa papeles na pipirmahan nito sana.
Patay!
“Shit! Kahit kailan talaga.” Napatayo ito at ipinagpag ang papel na nabasa pero lalo lamang kumalat ang kape kaya tuluyan nang namantsahan ang dokumento.
“Hala, sorry.” Tarantang hinablot niya sa kamay ni Patrick ang papel kung kaya’t napunit iyon.
“Wala ka talagang alam na gawin. Sinasabi ko na nga ba, eh! Si Uncle lang ang mapilit! Nakakainis talaga. Maya! Maya!” Malakas na tinawag nito ang pangalan ng secretary na nasa labas.
Napatulala lang siya at pinasadahan ng tingin ang hawak niyang papel na ang kalahati ay hawak ni Patrick.
“Sir,” si Maya.
“Hingin mo uli sa Accounting Department `yong sa financial statement na ire-review at pipirmahan ko!”
Napatingin si Maya sa hawak niyang papel. Lalo tuloy siyang nakadama ng kahihiyan. Isang linggo na siyang walang matinong ginagawa sa opisinang pinapasukan. Wala siyang magawa. Ito ang hiniling ni Anson Lee sa kanya upang pagkabalik nito galing ibang bansa ay gagawin siyang personal assistant nito. Wala nga namang magdududa kung nagsimula siya habang nasa ibang bansa ang may-ari at kahit makita pa silang magkasama sa mga susunod na buwan.
“Get out!” sigaw ni Patrick sa kanya sabay turo ng pintuan.
“S-sorry.” Nakayukong tinungo niya ang daan palabas pero biglang pumasok ang lalaking nakasalamin. Kaswal lang ang suot nitong damit.
“Excuse me po, Sir Claus.” Nauna nang lumabas si Maya sa kanya.
“Wait! Your Patrick’ s girl, right?” tanong sa kanya ng lalaking kaharap kaya naman napalingon siya kay Patrick na ngayon ay lalong sumimangot.
“Ano po kasi—” Ngunit hindi siya pinatapos nito sa pagsasalita. Kinuha nito ang kanyang kamay at hinalikan ang likod ng palad niya.
“Im Claus, Patrick’s cousin,” nakangiting pakilala nito.
Nilingon niyang muli si Patrick.
“Ano na namang ginagawa mo rito? Busy kami,” masungit na sabi ni Patrick bago umupong muli at hinarap ang computer.
“Sungit! Nandito ako dahil nag-organize si Uncle Seb ng family gathering sa makalawa at hindi ka sumasagot sa mga tawag ko. Tutal, narito naman na rin ang girlfriend mo, pumunta kayo ha?”
Nginitian pa nito si Jenny kaya naman napaawang ang kanyang bibig at hindi malaman kung anong isasagot.
“Hindi siya sasama,” deklara ni Patrick.
“Ano ka ba? Man, bakit ang rude mo? Nandito na siya, alam na niyang may lakad ka. Saka ang sinabi sa `kin ni Auntie Del, nagkaayos na kayo, ah. Ang sweet n’yo nga sa party no’n. Itinuro kasi kayo ni auntie habang sumasayaw.” Mapanukso ang bawat katagang binibitiwan ni Claus.
“Ganito po kasi… hindi talaga kami. Ano kasi eh—” Muli siyang tumingin kay Patrick na parang walang pakialam sa paligid upang humingi sana ng saklolo.
“Wala nang pali-paliwanag. Sige na, aalis na `ko, Pat. Basta hihintayin namin kayo doon, ha.” Binalingan ni Claus si Jenny. “Nice to meet you. Ano nga name mo?”
Napansin niya ang kakaibang tingin ni Patrick sa kanya. Hindi na ito abala sa kaharap na computer.
“Jenny,” tipid na sagot niya.
“Okay. Bye, Patrick and see you again, Jenny.” Kinindatan pa siya ni Claus bago ilapat ang pinto pasara.
Nang sumara ang pinto, nagulat na lamang siya nang makitang nakatayo na si Patrick malapit sa kinaroroonan niya at mataman siyang tinitingnan.
“So pupunta ka? Wala ka talagang kahihiyan. Nakakatawa lang dahil bakit ba ko pumapayag na maging kasangkapan n’yo ni Uncle para maitago ang relasyong n’yong dalawa.” Napapailing pa si Patrick sa kanyang mga sinasabi.
“Wala naman akong sinasabi na magpagamit ka, ah,” sagot naman niya.
“Wala nga. Pero gusto ko! Dahil gusto kong makita ang bawat galaw mo. Baka mamaya, nauto mo na si Uncle at magulat na lang ako na may kahati na pala ako sa mana.” Deretso ang tingin nito sa kanyang mga mata kaya naman siya na ang naunang umiwas.
“Huwag kang mag-alala. Wala akong balak pumunta sa kung ano mang gathering na `yan.” Akmang aalis na siya nang magsalita pa ito.
“Pupunta ka at kasama ako!” sabi nito sa maawtoridad na boses.
Whatever!
Nagulat na lamang siya nang isang umaga ay pinuntahan siya ni Patrick sa bahay. Sabado noon at wala silang pasok sa opisina.
“A-anong ginagawa mo rito?” matabang na tanong niya matapos ilapag sa lamesa ang juice na itinimpla niya.
“Thanks but no, thanks. Ayaw kong uminom niyan. Baka nilagyan mo ng lason at namatay pa `ko. Panalo ka na agad at magiging instant millionaire.” Inilayo pa nito ang baso ng juice na siyang ikinainis niya.
“Hindi ako ganoon kasama para patayin ka nang walang laban.” Bwisit!
“Mag-ayos ka na. Pupunta tayong mall dahil kailangan mo ng damit para mamayang gabi. Baka nakakalimutan mong may gathering ang pamilya ko ngayon.” Tumayo si Patrick at nginisihan siya.
“Sinabi ko nang hindi nga ako pupunta, `di ba? Hindi pa ganoon kakapal ang mukha ko,” sagot niya naman dito.
“Sasama ka dahil kung hindi, ka mas magiging interesado sa`yo ang mga tao ro’n. Nakilala mo naman na si Claus, malakas ang sapak n’on. Paniguradong kayang-kaya ka n’ong pasundan. Mamaya malaman pang si Uncle talaga ang—nevermind. Dalian moat ayaw kong maghintay nang matagal.” Lumabas na ito ng bahay.
Ano ba itong pinasok ko!
Napasabunot na lang siya sa sariling buhok at napapadyak pa.
SUOT ang kanyang jeans at pulang blouse na tinernohan ng sneakers ay lumabas na rin siya ng bahay matapos mag-apply ng simpleng makeup.
“Aalis na tayo?” tanong niya kay Patrick pagkabukas nito ng kotse.
“Oo, kanina pa nga dapat kung hindi ka lang natagalan,” reklamo naman ni Patrick.
Kina-career nitong taong `to ang pagiging masungit, eh! Ayaw naman niya sa `kin pero laging nakabantay. Akala naman niya talagang nanakawin ko lahat ng pera nila.
Wala silang imikan sa loob ng sasakyan hanggang sa makarating sila sa pinakamalapit na tindahan ng mga ballgown.
“Bakit dito pa?” mayamaya ay tanong niya nang makita kung saan sila pumarada.
“Mas disente ang mga damit dito, para magmukha ka naming tao kahit ngayon lang.” At nauna na itong pumasok sa loob.
Napabuga nalamang siya at umiling bago sinundan ang lalaki.
“Bakit kasi sumama ka pa?” tanong niya rito nang makitang namimili ito ng mga damit na naka-hanger.
“Baka kasi masyadong mahal `yong bilhin mo. Masyado ka nang malakas gumastos. Akala mo hindi ko napapansin na nag-uumpisa ka nang maging maluho?”
“Teka! Ano namang pakialam mo sa perang ginagastos ko? ha?” asar na tanong niya rito. Napatingin tuloy ang bantay ng boutique sa kanila.
“Huwag ka ngang maingay. Sumama ako kasi ayaw kong magmukha kang cheap. Tsk! Kahit hindi totoong idine-date kita ay ayaw kong makasama ang mukhang cheap na babae. O, isukat mo!” At padaskol na ibinigay nito sa kanya ang isang dress na naka-hanger pa.
Sa sobrang pagkabigla ay hindi niya ito nasalo dahilan upang bumagsak ito sa sahig. Dali-daling dinampot niya ito at pinagpagan.
“Bwisit!” Padabog na tinungo niya ang fitting room.
Asar na asar na nga siya sa `ki, panay parin ang insist niya na bantayan ako. Pakyu siya. Hindi ko siya nanakawan ng mana. Alam ko kung hanggang saan lang ako!
Panay ang mura niya sa isip habang isinusukat ang damit na napili nito. Nang tingnan ang sariling repleksyon sa malaking salamin ay namangha siya.
“Ay, putik!”Napatili tuloy si Jenny nang sunod-sunod ang pagkataok sa pinto ng fitting room.
“Bilisan mo nang makita ko. Kung hindi kasya, palitan natin!” sabi ni Patrick sa labas ng pinto.
“Nandiyan na!” sigaw rin niya rito.
Nang binuksan niya ang pinto ay napalingon sa kanya ang ilang bantay ng boutique.
“Ang ganda ni Ma’am!” bulalas ng isa.
“Bagay sa kanya!” komento pa ng isa.
Kaya naman tiningnan niya rin ang lalaking nakapamulsa lang at mukhang walang reaksyon.
“Sige, pwede na `yan. Halika na!” sabi nito sa kanya sabay talikod.
“Hoy, Patrick! Teka lang, huhubarin ko muna `to,” sigaw niya rito.
“Binayaran ko na `yan, ano pa bang inaarte mo? Baka ma-late pa tayo!” Iritableng lumingon ito sa kanya.
“Ngayon na ba?” maang na tanong niya.
“Malamang. Ang slow mo. Kita mo ngang nakaayos na `ko, `di ba?” Tumalikod na naman si Patrick.
“Okay ka lang? Naka-rubber shoes lang ako, `no! Palagay mo bagay `to?” Inis na sabi niya sabay nakarinig siya ng mahihinang tawanan sa buong boutique.
Napalingon tuloy muli si Patrick at tinignan ang kanyang mga paa. At sa unang pagkakataon ay nakita niya itong ngumiti.
“Hanep. Bagay, ah. Pink floral gown, partner ng sneakers,” komento nitong natatawa pa.
“Nakakainis ka.” Natawa na rin si Jenny.
“Joke lang. Halika na. Dadaan tayo sa bilihan ng sandals.” At hinila siya nito sa kamay.
Hindi niya alam kung bakit biglang bumilis ang tibok ng kanyang puso. Naramdaman niya rin ang panlalamig ng kamay. Hindi niya alam kung kamay ba ni Patrick ang malamig o ang buong katawan niya.
Ano `tong nararamdaman ko?
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.





One Response
Kitam nagsusungit sungitan si pat pero tipo ka niyan naunahan lang siya hahaha