A Filipino Platform of Good Stories

cropped-QUATTRO-LOGO-WITHOUT-BACKGROUND

Just For Tonight (Chapter 13)

LUNA

TATLONG sunod-sunod na mga halik ang lumanding sa aking pisngi nang idilat ko ang aking mga mata.

“Good morning sleepy head,” nakangiting bungad ni Ley sakin.

Natuwa ako sa tinuran ng aking boyfriend. Hanggang kailan kaya matatapos ang pagiging sweet nito sa akin? Hanggang kailan kaya niya hanggang sabayan ang aking mood swing at ang depression ko?

Bukod sa ayaw kong masira ang umaga ni Ley ay gusto ko ring magpalambing dito kaya naman sinabayan ko na lang ang ginagawa nitong panlalandi sa akin.

“Good morning baby ko,” sagot ko rito sabay umakap ako rito.

“How’s your sleep, Love?” tanong nito habang hinihipo nito ang aking buhok.

“Totally fine, how about you baby?” sabay titig ko rito. Napangiti ako ng masilayan ang nakangiting mga mata ni Ley.

Si Ley iyong taong napakahirap iwanan at napakahirap saktan. Hinding-hindi niya deserve na masaktan. Ang katulad niyang lalaki na wagas magmahal ay nararapat lang na mahalin at maging masaya.

“I’m always fine, Love. Basta masaya ka,” Sinabayan pa nito ulit ng halik sa aking noo. Napahigpit tuloy ako ng yakap sa kanya.

Totoo nga ang sinasabi ng mga kaibigan at ka-batch ko kahapon sa kasal, napakaswerte ko raw sa nobyo ko at totoo ‘yon, napakaswerte ko nga sa kanya. Minsan napapatanong ako sa langit kung ano ba ang nagawa kong kabutihan at binigyan ako nito ng kasintahan na walang katulad magmahal at mag-alaga. Bukod pa roon ay sa lahat ng mga naging boyfriend ko siya lang ang hindi ako iniwan nang malaman nito ang aking karamdaman.

Totoo nga talaga na hanggat hindi ka sumusuko sa buhay at patuloy kang nananalig sa Diyos, tutulungan ka nitong maging masaya at malagpasan ang lahat ng mga suliranin mo sa buhay.

“Anong oras na ba? parang gutom na ako,” saad ko nang maramdaman kong medyo kumikirot ang aking sikmura.

Nang biglang humalakhak si Ley ng malakas na siya namang ikinangiwi ko.

“It’s almost 11, Love. Kaya talagang gugutumin ka,” may pang-aasar pa nitong wika.

“Hala siya, kaya pala,” Akmang babangon ako mula sa kama nang bigla akong nahilo. Napahawak ako sa aking noo.

Mabilis akong naalalayan ni Ley. “Napaano ka?” may pag-aalala nitong tanong.

“I don’t know, bigla akong nahilo,” hawak-hawak ko pa rin ang aking ulo. Umiikot ang paningin ko at pakiramdam ko, may kung anong mayron sa akng tiyan na gusto kong isuka.

“Baka napagod ka kahapon. Just rest, ako ng bahala, I will prepare food for you,” Saad ni Ley sabay pinahiga ako nito. “Anong gusto mong kainin, Love?” tanong nito.

“Anything spicy, masama sikmura ko,” sagot ko, napapangiwi pa ako sa sakit.

“Okay, wait here,” saad nito sabay tinungo nito ang ref.

 

Sausage, egg omelet at ramen ang hinanda ni Ley for brunch. Nag-toast din ito ng bread at nag timpla ng orange juice.

Mabilis kong nilantakan ang spicy ramen na para bang isang taon akong nag-crave dito.

“Thank you baby ko,” saad ko ng medyo bumuti ang pakiramdam ko gawa ng ramen.

“Sus! Kahit araw-araw pa kita handaan ng breakfast,” sagot nito matapos ay gumawa siya ng egg sandwich sabay hinain sa akin. “Kumain ka pa,” Alok pa nito sa akin, na siya namang ginawa ko.

“Love, nagtanong pala sa akin kahapon si Dante kung kailan ang alis natin, naghahanap na kasi siya ng kapalit ko,” tanong ni Ley habang gumagawa ng sandwich niya.

Napatigil ako sa pagsubo ng sandwich. So seryoso pala talaga si Ley na sasama siya sa akin sa Maynila? Ganoon ba talaga ako ka-deserving na ipaglaban at mahalin?

“Wait, ahm. Seryoso ka na ba talaga diyan, Ley?” tanong ko rito. Para kasing hindi nag-sink in sa akin ang sinabi nito.

“Oo naman, diba nasabi ko na sa ‘yo?” sagot nito. Mabilis ang pagkasabi nito at walang pag-aalanganin ang tuno ng boses.

“A-Ah. Ikaw? I mean ikaw kung kailan ka handa, anytime pwede na tayong mag-book ng flight,” kaagad ko namang sagot although hindi ako ganoon ka-convienced na desidido talaga si Ley na sumama sa akin.

“Sige, kakausapin ko muna si Dante,

at si Papa rin. Dadaan na lang ako sa bahay mamaya bago ako pumunta sa Cafe. Sabihan na lang kita pag-uwi ko,” mahinang tugon ni Ley.

Pagkatapos ay nanaig sa amin ang katahimikan habang inuobos namin ang natira sa pagkaing hinanda ni Ley. Marahil ay napapaisip na rin ngayon si Ley kung buo na nga ba ang pasya nito na sumama sa akin at magbagong-buhay sa Maynila. Sapagkat iyon din ang iniisip ko nang mga oras na iyon. Kung sigurado na nga ba siya sa susuungin nitong panibagong buhay.

Nang biglang kumirot ulit ang aking sikmura. Napaaray ako habang hawak ko ang aking tiyan.

“Napaano ka, Love?” sambit ni Ley sabay hawak nito sa aking balikat.

“I don’t like the smell of this sausage,” Mabilis akong napatakbo sa banyo dahil pakiramdam ko gusto kong isuka ang sausage na nakain ko. Mabilis ding sumunod sa akin si Ley sa banyo upang alalayan ako.

“Okay ka lang?” saad nito habang hinahagod nito ang aking likod.

Tumango-tango lang ako. “Parang panis ang sausage,” pagkuwa ‘y sambit ko.

“Ay, sorry,” mahinang wika ni Ley.

“Hindi ka ba mainit? baka sinisinat ka?” tanong nitong muli sabay hawak sa aking noo.

“I’m fine. Baby I wan’t coffee,” saad ko rito, parang kape na naman ang hinahanap ng sikmura ko.

“Okay, titimplahan kita ng kape,” saad nito. Sabay na kaming lumabas ng banyo.

“Love, okay ka lang ba talaga? Gusto mo bang hindi na ako lumabas? Dito na lang ako?” sunod-sunod na tanong ni Ley habang nagpapainit ng kape.

“I’m okay Baby ko. Wala ‘to, baka napagod lang talaga ako kahapon,” mahina kong tugon. Hindi pa rin mawala sa ilong at bibig ko ang amoy at lasa ng sausage.

“Uminom ka ng gamot at magpahinga na lang dito. Uuwi na lang ako ng maaga, okay?” saad nito.

“Uhm,” tipid kong sagot. Para kasing wala akong lakas at nahihilo rin ako.

“Okay na ba ang pakiramdam mo?” Nang mapansin ni Ley na parang sarap na sarap ako sa brewed coffee na tinimpla nito. Iwan ko nga rin kung anong mayroon sa kape at kahit kailan hindi ito nagkakamaling mapagaan ang kalooban ko.

“Uhm,” Sabay tango ko, “Salamat ulit baby ko at pasensya na rin sa abala.”

“Wala ‘yon, Love. Basta ‘wag ka lang mag-atubiling tawagan ako sakaling kakailanganin mo ako, okay?” Saad nitong muli.

Tumango lang ulit ako. Matapos ay nagbihis na si Ley sabay umalis pagkatapos nito akong bilinan ulit na mag-ingat, uminom ng gamot at ipaalam sa kanya kapag sumama ulit ang pakiramdam ko.

 

LEY

 

“Kuya?!” masayang bulyaw ni Liezl pagkakita nito sa akin sa may pintuan ng aming bahay. Mabilis itong yumakap sa akin ng mahigpit. “I miss you, kuya,” saad pa nito.

“Na-miss rin kita bunso,” Sabay tapik sa likod nito. “Sila Papa at Kuya?” tanong ko rito.

“Naroon po si Papa sa shop, hindi niyo po ba nakita? Si kuya Lester umalis po, may date na naman yata,” Matapos nitong kumalas sa pagkakayakap nito sa akin.

“Nandoon pala si Papa? Hindi ko napansin, hindi ako sumilip doon, eh. At ano? Si kuya may syota? Sino?” sagot ko rito.

“Opo, si ate Selena. Opo nandoon si Papa sa shop, gusto niyo po sabihan ko siya?” Akmang lalabas si Lez sa bahay para pumunta sa shop.

“Huwag na Lez, ako na lang ang pupunta,” pigil ko rito. “Bili na lang muna tayo ng meryenda?”

“Ako na lang mag-isa ang bibili, kuya, dito ka na lang,” saad nito, “Tamang-tama, kuya nagbukas ang milktea-han nila kuya Alvin, buy one take 1. Mayroon din silang pizza at fries, ang sasarap!” excited nitong saad.

“Sige, ikaw na,” Sabay dukot ko ng isang libo mula sa aking wallet at inabot kay Lez. Masaya niyang inabot ang pera at tuwang-tuwang lumabas ng gate.

Sumunod na rin ako sa kanya upang puntahan si Papa sa shop.

“Pa,” saad ko habang nakatayo sa pintuan ng shop.

Napalingon agad si Papa sa tawag ko. Abala ito sa paglilinis ng shop. Napansin ko rin ang karatolang may nakasulat na “For Rent”, nakalapag ito sa may lamesa kasama ng martilyo at pako.

“Ley!” May tuwang biglang naipinta sa hitsura ni Papa nang makita ako. Binitiwan nito ang dala niyang basahan, matapos ay pinagpag nito ang kanyang mga kamay sabay inalok sa akin ang kanang kamay nito upang ako ‘y kanyang kamayan.

Inabot ko naman ang naghihintay niyang palad sabay nag-shake hand kami.

“Kumusta, Pa? Si Kuya? Totoo bang may syota na siya?” Matapos naming magkamayan.

Natawa agad si Papa sa tanong ko.

“Ayos naman ako, Ley. Ah si Lester? Ayon umalis kasama ng syota niya,” Saad ni Papa habang pinapagpag ang isang silyang yari sa plastic. May ngiti sa labi nito na para bang natatawa siya sa katotohanang may syota si kuya. “Maupo ka, Ley,” Sabay abot nito sa silya.

“Salamat,” Kinuha ko naman ang silya sabay nilapag at naupo na rin ako rito.

“Ikaw, Ley kumusta ka naman?” tanong nito sabay naupo na rin ito sa isa pang de-plastic na silya.

“Ayos lang din ako, Pa. Sinong syota ni kuya?”

“Si ano, si Selena, iyong anak ni Pareng Julio at Isang? Cashier sa may J. Antonio pharmacy?” Pagsasalaysay nito.

“Ah, siya? Oo kilala ko yon, mabait yon. Ka-batch ‘yon ni kuya. Crush pa nga niya si kuya dati sa high school, eh.” sinabayan ko na rin ang tawa ni Papa.

“Kaya pala,” tugon ni Papa habang tatawa-tawa pa rin ito. “Oo mabait ‘yon, hindi na nga bumabarkada ang kuya mo, puro siya Selena,”

Sabay kaming napahalakhak.

“Kailan pa ‘yan?” pagtataka kong tanong.

“Aba ‘y bago lang, wala pangang dalawang linggo. Simula ng ligawan iyon ni Lester hindi na siya nagluluko. Mabuti na lang at katulad ni Selena ang nahanap ni Lester. Tinutulungan nga niya itong makahanap ng trabaho sa mall at mga fast food,” Saad pa ni Papa.

Nagtawanan ulit kami.

Pareho yata kami ni Papa ng iniisip na kadalasan babae talaga ang nagmamanipula sa buhay ng isang lalaki. Kapag napunta sa isang lalaki ay babaeng maluko, asahan mong walang patutunguhan ang magiging buhay ng lalaki kahit gaano pa siya kagaling. Kapag sa matino naman siya napunta, asahan mong magiging maganda ang kinabukasan niya kahit hindi pa siya ganoong magaling sa buhay.

“Mabuti naman at tinutulungan na rin ni kuya ang sarili niya, magaling naman talaga si kuya dati pa, makakaahon din siya,” saad ko.

“Baka nahiya na rin siya dala ng siya ang panganay pero siya pa ang hindi nagtitino. Nakatulong din ang pag-iwas mo sa kanya, dahil kahit papaano ay natauhan na rin siya,” mahinang tugon ni Papa.

“Maiba tayo, Pa. Ano palang nangyari dito?” tanong ko kay Papa. Sabay hawak ko sa karatolang may naka-print na “For Rent”.

“Ah, ‘yan? Hindi nag-renew si pareng Toni, biglaan nga, eh. May nahanap daw siyang pwesto na mas malapit sa may mercado.”

“Ganoon ba, Pa?” Tanong ko rito. Tumango lang si Papa.

Bumuntong-hininga ako nang biglang nabuo sa aking isipan na ibalik na lang ulit namin ang shop, total naman nagtitino na si kuya. Pwede naman kaming manghiram muna ng kahit kaunting puhunan at magsimula sa maliit.

“Huwag niyo na lang po ito parentahan, Pa,” saad ko na biglang nagpakunot ng noo ni Papa.

“Paano?” may pagtataka sa boses nito.

“Huwag niyo na ito parentahan kako, ibalik na lang natin ang autoparts shop, kausapin niyo na lang si kuya total tumino naman,” saad kong muli.

“Aba ‘y matutuwa diyan ang kuya mo, anak. Kaya lang saan naman tayo kukuha ng puhunan?” Tanong agad ni Papa.

“Isanla na lang natin ito, Pa. Marami naman kayong kumpare na mapagsasanlaan. Iyon ang gawin niyong puhunan. Ako na lang ang bahalang maghanap ng pangtubos. Kalahati o isang taon ang sanla. Pag-iipunan ko na lang iyon.” Saad ko kay Papa.

“Saan ka man kukuha ng perang pangtubos, anak?” kagaad ulit na tanong ni Papa.

“Sasama po ako kay Luna sa Maynila, Pa.” tipid kong sagot.

Napatingin sa akin si Papa. Hindi ito kaagad nagsalita. Alam kong nabigla siya sa desisyon ko kaya hindi ito nakapagbigay kaagad ng komento.

“Kailan?” tipid nitong tanong. Medyo humina ang boses nito.

“Kukuha na kami ng ticket. Pasensya na ho kung biglaan, matagal ko na itong plano actually hindi ko lang naipaalam agad sa ‘yo kaya pasensya ho talaga,” saad ko kay Papa na nakatitig pa rin sa kawalan. Alam ko ang nasa isip nito. Iniisip niyang kung hindi siya nagpabaya, marahil hindi ganito ang naging kinabukasan namin ni Kuya. Hindi siguro kami nagpapakapagod ngayon upang kumita ng ikabubuhay namin.

“Pa, ganoon din naman ang mangyayari kahit nagtapos ako. Sa labas din naman ako magtatrabaho, aalis din naman ako rito,” paliwanag ko rito. Kahit naman ako pa rin ang masusunod sa desisyon kong umalis at tumungo sa Maynila, gusto ko pa rin ma-convienced si Papa na kaya kong panindigan ang desisyon ko.

“Hindi naman kita pinipigilan, Ley. Basta ba mag-iingat ka,” mahinang tugon ulit ng Tatay ko.

“Salamat, Pa. Hayaan niyo at kapag nakaipon ako agad, uuwi kami rito kaagad ni Luna,” saad ko ulit.

“Walang problema sa akin anak, basta mag-ingat ka lang,” pagbibilin nito.

Ilang sandali dumating si Lez dala ang meryendang binili nito. Sabay nakahinga ako ng maluwang dahil mabuti na lang at naputol ang usapan namin ni Papa. Ayaw ko rin kasing maging emotional ang usapan namin tungkol sa pag-alis ko.

Pagkalapag ni Leizl sa binili nitong meryenda ay sabay-sabay namin itong pinagsaluhan habang pinag-uusapan ang tungkol kay kuya at sa kanyang syota. Kwento ni Leizl simula raw nang magkagusto si kuya kay Selena lagi na itong may pera, lagi nga raw niyang binibigyan si Leizl ng pera. Iniingganyo raw kasi ito ng nobya niyang maghanap-buhay, at dahil magaling naman si kuya sa sasakyan maraming car shop at car repair ang kumukontrata sa kanya para sa kanyang serbisyo. Si kuya kasi ang nagmana kay Papa pagdating sa hilig nila sa sasakyan.

Natuwa naman ako sa aking nalaman tungkol kay kuya. Mapapanatag akong iwanan sila dahil alam kong hindi magpapabaya si kuya na suportahan si Papa at Lez. Ang paglalasing lang talaga ni Papa ang inaalala ko, medyo nakakaamoy pa rin ako ng kaunting amoy alak mula rito, pero alam ko naman na kapag naibalik ulit namin ang shop, maaring matigil na ito sa pag-iinom.

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Just For Tonight (Chapter 13)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.