A Filipino Platform of Good Stories

cropped-QUATTRO-LOGO-WITHOUT-BACKGROUND

Kailan Mali ang Magmahal (Chapter 10)

a woman and a man without face standing behind her

Author's Note

――*☆*――*☆*――*☆*――

“KUMUSTA naman ang bakasyon?” tanong ni Belinda sa nabungarang si Nancy. Pasipol-sipol pa ito habang nagluluto sa kusina. Bakit kaya ito masaya? Nakaramdam siya ng matinding galit nang maisip ang posibleng dahilan ng kasiyahan nito.

 

“Okay naman. Ikaw, kumusta ka rito?” tanong nito habang nakangiti.

 

Habang nakatalikod ay tinitigan niya ito mula ulo hanggang paa at napataas ang kilay niya pagkatapos. Ito ba ang ipapalit ng Papa niya sa kaniyang ina? Natural na sa paningin niya ay hindi hamak na mas maganda ang Mama niya rito. Bata lang ito sa edad pero hindi kalabisang sabihin niyang higit na mas maganda ang kaniyang ina kay Nancy.

 

“Ayos lang. Bakit, iniisip mo bang hindi ako maayos? Inaasahan mo sigurong nasa ospital ako, tama ba, Nancy?”

 

Natigilan ang babae at napalingon sa kaniya.

 

“Hindi ko alam ang sinasabi mo.” wika nito sabay talikod. Inisang hakbang niya ang paglapit dito at hinablot ang isang braso nito.

 

“Huwag na tayong maglokohan dito! Huling-huli ko kayo ni Papa noong isang gabi! Magkayakap sa dilim at tila sabik na sabik sa isa’t-isa! Ano ang ibig sabihin noon?!”

 

Lumarawan ang pagkagulat sa anyo ng kausap pero saglit lang iyon. Muli itong lumingon sa kaniya at napapailing na nagsalita.

 

“Gusto mong malaman ang totoo, Belinda? Bakit hindi mo itanong sa iyong ama? Baka may mas maganda siyang paliwanag sa bagay na ‘yan.” Dala ang bagong lutong ulam ay tumalikod ito at dumulog na sa hapag kainan.

 

“Wala si Papa kaya hindi ko pa siya makakausap sa ngayon pero hindi naman iyon importante! Ang kailangan nating pag-usapan ay kung bakit mo kami kailangang takutin at saktan samantalang ikaw ang may atraso sa amin? Ano ang pakay mo, Nancy? Ano?!”

 

“Wala akong atraso sa inyo! Wala akong kasalanan sa inyo…”

 

“Sinungaling!”

“Nagsasabi ako ng totoo! Wala akong kahit isang atraso sa inyo dahil ang totoo ay kayo ang may atraso sa akin!” Napaiyak ito pagkasabi noon.

 

“Kayo ang may atraso sa akin, Belinda dahil kinuha ninyo ang pamilyang para sana sa akin…sa amin ng Indang ko.” Lalong lumakas ang iyak nito at naging hagulgol. Siya naman ay nalito sa narinig.

 

“Kawaksi sa pamilya ng papa mo si Indang at sa hindi inaasahang pangyayari ay nagkagustuhan silang dalawa. Pero ano ang magagawa ng Papa mo sa kagustuhan ng iyong mga abuwelo na ipakasal siya sa iyong Mama? Nagpakasal sila noon sa kabila nang nagdadalantao na si Indang sa akin. Hindi naglipat-taon ay ikaw naman ang isinilang.”

 

“Hindi totoo ang sinasabi mo! Gumagawa ka lang ng kuwento para makaligtas ka sa mga kasalanan mo!”

 

“Wala akong kasalanan sa inyo, Belinda! Buong buhay ko ay iniukol ko sa pagsisilbi sa inyo…sa kagustuhan kong makasama ang Papa kahit sa ganitong paraan! Nang mamatay si Indang ay nagdesisyon akong hanapin kayo. Namasukan akong katulong para lang makita siya at kahit sa pangarap ay maramdaman kong may sarili akong ama! Pero hindi bato ang Papa, Belinda. Pinaimbestigahan niya ang aking pagkatao nang marahil ay mahalata niya ang kakaiba kong pagtrato sa kaniya.”

 

“Alam na ito ng Papa?” napailing siya ng ilang ulit. Hindi siya makapaniwala.

 

“Oo. Alam din ito maging ng Mama mo.”

 

Lalo na siyang napaiyak. Kung ganoon ay iyon ang dahilan ng espesyal na pagtingin ng kaniyang Papa kay Nancy. Kaya pala hindi iba ang turing ng mga ito sa dalaga. Napahikbi siya. Napakabuti ng kaniyang ina dahil inunawa nito ang Papa niya sa ganitong klaseng situwasyon.

 

“Bakit ngayon ko lang ito nalaman?” umiiyak na tanong niya.

 

“Dahil ayaw ni Papa na ipaalam agad sa inyo ang tungkol sa akin. Ang sabi niya ay hindi pa panahon, pero dahil hinihingi ng pagkakataon ay sinasabi ko na ito ngayon. Hindi ko alam kung bakit mo ako pinaghihinalaan ng masama, Belinda. Sa kabila ng hindi mo naman alam ang totoo nating ugnayan ay naging mabuti ka sa akin. Bakit ngayon ay bigla mo akong pag-iisipan ng ganito?” malungkot na sabi nito. Napailing naman siya.

 

“Patawarin mo ko kung ganoon. Hindi ko sinasadya. Ang buong akala ko kasi ay ikaw ang…”

 

“Honey?”

 

Hindi niya natapos ang sinasabi. Kapwa sila napalingon ni Nancy sa pinanggalingan ng tinig. Si Dante iyon na kadarating lang marahil.

 

 

“OKAY, so Nancy is out?”

 

“Oo.”

 

Bumuntong hininga si Dante at saka muling naupo sa bangkito. Matapos mag-almusal ay nagyaya na siyang magpunta sa bahay nito. Bahagya pa kasi siyang naiilang kay Nancy dahil sa mga ipinagtapat nito at nahihiya rin siya sa ginawang pagbibintang sa dalaga. Hindi siya magiging komportable kung ganitong naroon lang ito sa paligid.

 

“Hindi kaya mas naging malinaw ang motibo niya dahil sa galit na matagal na niyang kinikimkim? Hindi madali ang mamuhay nang wala ama at sa ganoon pang situwasyon, hindi ba?”

 

Napaisip siya. May punto si Dante. Kanina ay bakas sa mga mata ni Nancy ang matinding galit sa bahaging isinusumbat na nito ang pagkawala ng kaniyang Papa sa buhay ng mga ito. Hindi nga kaya rason iyon para saktan sila? Natural, kung mawawala sila sa landas nito ay malaya na nitong makakasama ang kaniyang Papa, sa paraang hindi ito nakikiamot ng sandali mula sa kanila.

 

“Sana naman ay hindi, hon. Oras na makausap ko si Papa at nalinaw ang mga bagay na ito sa kanila ay magsisimula kami ng bagong buhay…kasama si Nancy bilang isang totoong kapatid.”

 

“Sigurado ka ba?” tanong ni Dante habang masuyong nakatunghay sa kaniya.

 

“Oo. Matagal na itong dapat na ginawa ng Papa pero natakot siya sa posibleng maging reaksiyon namin ni Reynan. Ngayon ay panahon nang itama ang lahat.” nakangiti niyang tugon.

 

Tumango si Dante bilang pagsang-ayon. Maya-maya ay tumunog ang ring tone ng kaniyang cellphone at agad niyang kinuha iyon mula sa bulsa. Ang papa niya ang nasa kabilang linya. Saglit silang nagkumustahan nito at bago magpaalam ay sinabing malapit na ito sa village nila.

 

“Papa mo?” tanong ni Dante na tila nag-iba ang timpla ng anyo.

 

“Oo. Pauwi na sila. Malapit na daw dito sa village.”

 

“Kung gayon ay tara na.”

 

“Ha?” nagtatakang tanong niya rito.

 

“Ang ibig kong sabihin ay bumalik na tayo sa inyo. Mabuting datnan ka nila sa bahay, hindi ba? Mas mabuti kung ipakikilala mo na rin ako sa kanila.” nakangiti nitong sabi. Nakaramdam siya ng pagnanais na hagkan ang nobyo pero nang tangkang yayakapin niya ito ay bumitiw ito at nagpaalam na saglit na papanik. Bahagya siyang nagtaka pero sinikap na ignorahin na lang iyon.

 

Nang tumalikod ito ay tumayo na rin siya at naglakad-lakad palibot sa kabuuan ng unit. Isa-isa niyang sinilip ang mga kuwadrong nakasabit sa dingding. Mga larawan iyon ng tatlo noong maliliit pa ang mga ito. Nakakatuwa dahil mula pala pagkabata ay magkakamukha na ang magkakapatid. Kinuha niya ang isang kuwadro at pinakatitigan. Pilit niyang hinahanapan ng pagkakaiba ang mga iyon nang walang anu-ano ay biglang may nalaglag na piraso ng lumang larawan mula sa likod ng kuwadro. Marahil ay nakaipit lang doon at nalaglag nang hawakan niya iyon. Pinulot niya iyon mula sa sahig at tinunghayan.

 

Napangunot ang kaniyang noo nang makita ang lumang larawan. Doon ay may tatlong lalaking magkakasama at isa roon ay tila si Dante. Ang nakapagtataka ay hindi naman si Jim at Abel ang kasama nito. Ang naroon ay dalawang lalaking tila mas maedad kay Dante at bahagyang may hawig lang sa kaniyang nobyo. Sa likod ng larawan ay nakasulat ang mga katagang ‘My Kids’ na nilagdaan ng isang nagngangalang Rosalia Imperial at sa ilalim niyon ay ang taong 1988. Sino ang mga iyon? Bigla ay tila mabubuwal siya sa pag-iisip. Abot-abot ang kabang biglang dumunggol sa dibdib niya. Naroon din ang pamilyar na kilabot sa kaniyang katawan na nagpangyari upang magtaasan ang kaniyang mumunting balahibo sa mga braso at batok.

 

“Hon…?”

 

Napatalon siya sa pagkabigla. Isang iglap lang ay naroon na si Dante sa kaniyang tabi at ibig niyang pangalugan ng mga tuhod nang makita kung paanong ang pagsuyo sa mga mata nito ay biglang nahalinhan ng poot.

 

“So, alam mo na pala?” tanong nitong lalo niyang ikinatakot. Sa wari niya ay hindi na ito si Dante. Ang tinig na naririnig niya ay singlamig ng yelo at tila hindi ang lalaking nagmamahal sa kaniya.

 

“Ano ang ibig sabihin nito?” sa pautal na tinig ay tanong niya. Unti-unting umaatras ang kaniyang mga paa habang patuloy naman sa pagsulong si Dante. Ang mga mata nito ay tila nag-aapoy na ngayon at nagbabadya ng galit.

 

“Hindi mo alam? Marahip bang intindihin ang larawang ‘yan, Belinda? Tingnan mong mabuti. Unawain mo kung sino ang mga ‘yan at kung ano ang kaugnayan nila sa akin.”

 

“Hon, you’re scaring me! Please stop it! Hindi na ito magandang biro…” Nahintakutan siyang lalo nang hindi magbago ang mapanganib na anyo ni Dante. Pakiramdam niya, sa ilang sandali ay magagawa siyang saktan nito.

 

“At sino ba ang nagbibiro? Hindi ko magagawang biro ang tungkol sa pamilya ko!”

 

“Sino ka bang talaga? Si Jim at Abel? Nasaan sila?”

 

“Gusto mo silang makita? Nandoon sila sa itaas. Sa dark room, Belinda. Doon mo sila makikitang dalawa. Kapwa nakasampay at walang buhay.” Tumawa ito nang pagak pagkasabi noon at agad siyang nilamon ng takot sa narinig.

 

“Dante, ano ba’ng nangyayari? Ipaliwanag mo, please…”

 

“Huwag kang magmadali, mahal ko. Sa ilang sandali lang ay makikilala mo na sila. Halika at sumama ka sa akin!” Hinablot nito ang kaniyang braso at napatili siya. Sapilitan siya nitong ipinanik sa hagdan patungo sa ikalawang palapag ng bahay.

 

“Huwag mo nang tangkaing sumigaw dahil wala namang makakarinig sa’yo dito, Belinda. Hindi ba at naghatid tayo ng pagkain sa mga kapitbahay kaninang bago tayo pumasok dito? Sigurado ako, sa mga oras na ito ay nahihimbing na sila at bukas na ang gising.”

 

Bago umalis ay pinabaunan sila ni Nancy ng ulam at dahil busog naman sila ay sinabi niya kay Dante na ibigay na lang nila iyon kay Aling Norma at Cely. Pumayag naman ito at nagkusa pa ngang ito ang magbibigay ng mga ulam. Iyon pala ay may lihim itong pinaplano sa mga kapitbahay.

 

“Tama na, Dante, please! Jim, Abel, tulungan n’yo ako!”

 

Isang malakas at mahabang pagtawa ang naging tugon ni Dante sa sigaw niya. Inabot nito ang buhok niya at hinatak mula sa likuran. Napatingala naman siya dahil sa ginawa nito.

 

“Huwag kang magmadali, Belinda. Makikita mo rin sila…”

 

Mahigpit siyang hawak sa braso ni Dante habang hinihila palapit sa isang silid. Kinakain man ng pangamba ang buong sistema niya ay wala rin siyang nagawa kung hindi ang sumunod dito. Nang marahas nitong buksan ang pinto ng kwarto ay napasigaw siya. Tinakpan niya ang mukha pero pagalit na inalis iyon ni Dante at itinuro sa kaniya ang loob ng silid. Marahan siya nitong itinulak palapit at saka nito binuksan ang loob ng isang cabinet.

 

 

 

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Kailan Mali ang Magmahal (Chapter 10)

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.