NAGLALAKAD nang pauwi si Belinda pero malayo ang nililipad ng isip niya. Bakit kailangan pang makipagkita ni Dante kay Norisse gayong nagkakaunawaan na sila? Ginawa ba iyon ng lalaki para tapatin na ang kaniyang kaibigan o talagang nakikipagkita pa rin ito sa dalaga? Hindi niya kayang tagalan ang isiping iyon. Ang buong akala pa naman niya ay sunud-sunod na ang kaligayahan niya dahil sa pagdating nito sa kaniyang buhay. Hindi niya malilimutan ang gabing nagkaunawaan sila nito at hanggang sa mga sandaling iyon ay binabalikan pa rin iyon ng isip niya.
Nasa ganoon siyang pagmumuni-muni nang marinig mula sa malayo ang isang sasakyang mabilis na paparating. Gumegewang iyon sa daan at walang tiyak na direksiyon. At sa kilos at bilis ng sasakyan ay siguradong masasagasaan siya nito! Nanigas siya sa pagkakatayo at walang nagawa kung hindi ang mapapikit. Hinintay niya ang pagdating ng kamatayan pero nang inakala niyang humampas na sa kotse ang kaniyang katawan ay saka niya natagpuan ang sariling nakadapa sa damuhan. Sa likod niya ay nakadagan ang mabigat na katawan ni Dante.
“Dante!” nagigimbal na sabi niya nang alalayan sa pagtayo ng binata. Agad siyang yumakap dito at umiiyak na isiniksik ang sarili sa dibdib ng lalaki. Si Dante naman ay habol ng tingin ang kotseng papalayo na nakapagtatakang biglang naging maayos ang paraan ng pagpapatakbo. Nang mawala iyon sa kanilang paningin ay hinarap siya nito.
“What are you doing? Nagpapakamatay ka ba?” May galit sa tinig nito na lalo lang nagdagdag ng ibayong takot sa dibdib niya. Napalakas ang iyak niya. Dahil doon ay mahinahon na ang tinig ni Dante nang muling magsalita.
“I’m sorry, honey…I’m sorry. Natakot lang kasi ako sa posibleng nangyari sa’yo kung hindi ako dumating. Nakita lang kitang naglalakad dito at naisipan kong gulatin ka pero nagulat ako nang makita ko ang humahagibis na kotse. Paano kung…paano kung hindi kita nakita?” Naihilamos ni Dante sa mukha ang isang kamay nito, na tila ba naiisip ang posibleng kinahinatnan niya kung hindi ito dumating. Siya man ay nanlambot ang mga tuhod sa isiping iyon.
“SIGURO nga ay wala ako sa sarili kaya hindi ko agad napansin ang paparating na sasakyan.” Kiming tugon ni Belinda sa tanong ni Dante. Magkatabi sila sa pagkakaupo sa sofa ng kanilang bahay. Doon sila nagtuloy matapos niyang mahimasmasan.
“Anong siguro? Wala ka talaga sa sarili mo, hon! Malayo pa lang ay nagngangalit na ang sasakyan, dapat ay narinig mo iyon!”
Napangunot ang kaniyang noo. Nagagalit na naman si Dante at gaya ng dati ay mataas na naman ang tinig nito.
“Honey, can I ask for a small favor, please?” aniya.
Tumango ito.
“Can you please lower your voice every time we talk? Tinatakot mo ‘ko, eh…”
Napangiti si Dante at pabiro siyang dinunggol ng balikat. Napangiti naman siya sabay lingon dito. Kumilos ang kanang kamay nito at pumulupot sa katawan niya. Mahigpit siya nitong kinabig at hinagkan sa ibabaw ng ulo.
“Okay. Wish granted.” tugon nito sabay dampi ng magaang na halik sa kaniyang pisngi. Napailing siya. Dante was really handsome. A handsome and dangerous man with a boyish smile.
“Pero maaari bang huwag kang mag-iisip ng kung anu-ano kapag nasa daan? You almost had yourself killed!”
“Galit ka na naman?” nakangunot ang noong tanong niya.
“Siyempre ay hindi. Nag-aalala lang ako.”
Muli siyang humilig sa balikat nito at niyakap naman siya nito nang mahigpit. Kuntento na siya sa ganoon. Masaya na siya basta kasama si Dante. Marahil ay hindi na kailangan pang kausapin ito tungkol kay Norisse. Baka naman nakipagkita lang ito sa dalaga para ipaalam ang tungkol sa relasyon nila. Gayunman ay hindi niya magawang magtanong. Natatakot pa rin siyang hindi niya mawari.
“Hon, dito ulit ako matutulog?” tanong nito makalipas ang ilang sandali.
Tumango siya at tumingala dito. “Okay lang ba sa’yo? Bukas naman ay uuwi na si Nancy. May kasama na ‘ko rito.”
“Oo naman. Kung gusto mo ay hanggang sa isang linggo pa.” biro nito.
Napangiti siya sa puntong iyon pero nang maalala ang tungkol kay Nancy ay agad siyang natigilan.
“Bakit?” tanong ni Dante nang mapansin ang naging reaksiyon niya.
“Naalala ko lang si Nancy. Kilala mo siya, hindi ba?”
Alanganin itong tumango at nagpatuloy siya sa pagkukuwento.
“Kawaksi namin siya dito. Katu-katulong ni Mama sa pagmimintina nitong bahay at ng garden.”
“Okay. Ano ang tungkol sa kaniya?”
“Isa siya sa pinaghihinalaan kong may motibo ng pananakot sa amin.”
“Ano ang ibig mong sabihin? Bakit naman niya gagawin iyon?”
Tinitigan niya si Dante at saka inilahad dito ang natuklasan niya. Bahagya itong nagulat.
“Kung totoo nga ang hinala mo, bakit niya kayo gugustuhing saktan? Ano naman ang mapapala niya?”
Nagkibit siya ng balikat. “Hindi ko rin nga alam. Baka gusto niyang masolo si Papa o kaya naman ay galit siya sa amin kaya niya kami gustong saktan.”
Napailing si Dante, matapos ay biglang nagseryoso.
“Dalawa na ang suspect mo at parehong babae?”
Tumango siya.
“Kung ipagbigay-alam na kaya natin sa mga pulis? Baka sa susunod ay mapahamak ka na…”
Naramdaman niya ang pag-aalala sa tinig nito at saglit siyang napanatag. Gayunman ay umiling siya sa huli nitong sinabi.
“Hindi ko rin alam kung ano ang dapat gawin. Natatakot akong palawigin ang mga pangyayari, hon. Paano kung makasama kay Papa ang lahat? Baka kung mapaano siya.”
May ilang saglit na hindi kumibo si Dante at hindi niya alam kung imahinasyon lang niya ang nasilip na galit sa mga mata nito. Marahil nga dahil sa ilang saglit lang ay napawi naman iyon at nahalinhan ng pag-aalala.
“Okay. Pero ipangako mo sa aking magiging listo ka sa lahat ng oras. Ipangako mong magiging ligtas ka, Belinda. Na hindi ka mapapahamak kung sakaling wala ako sa tabi mo.”
Tumango siya at umusal ng pangako. Bumaba ang mga labi ni Dante sa kaniya at tinugon naman niya iyon habang sa isip ay abot-abot ang pagsambit ng mga kataga ng pagmamahal para sa nobyo.
“BELLE!”
Ilang saglit na nagdalawang-isip si Belinda nang makitang papalapit si Norisse. Hindi niya sana gustong makaharap ito hanggang maaari.
“Kumusta?” wika nito nang ganap na makalapit. Kasalukuyan siyang namimili ng ilang groserya nang muling silang magkita nito.
“Ayos lang.” malamig na tugon niya. Siya ang tipo ng taong hirap sa pagkukunwari. Kung ano ang nadarama niya ay agad na mararamdaman ng kausap.
“Puwede ba tayong mag-usap saglit?” tanong niya rito.
Mula sa lupa ay napaangat ang tingin niya sa babae.“Tungkol saan?”
“Personal sana…”
Tumango siya at sumunod kay Norisse nang magpatiuna itong lumakad. Humantong sila sa isang kubling bahagi ng pamilihan. Walang taong nagagawi sa bahaging iyon dahil bukod sa dulo na ang pasilyong iyon ay mga lumang stocks pa ang naroon.
“I heard about you and Dante…” nananantiya ang tinig nito.
Hindi niya nagawang salubungin ang mga titig nito. Pakiramdam kasi niya ay may halong panunumbat iyon at kahit paano ay may simpatya pa rin siyang nadarama para sa dating kaibigan.
“Tungkol saan?”
“Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa, friend. Nagkakaunawaan na ba kayo?” diretsang tanong nito.
Sa halip na tumango ay napayuko pa siya. Malinaw sa kaniyang pandinig ang bahagyang panginginig sa boses ni Norisse.
“Huwag mo nang sagutin. Alam kong hindi naman magsisinungaling sa akin si Dante.” Napailing ito at hindi napigilan ang maihilamos ang isang kamay sa mukha. Tila ba napapagod ang anyo nito. “Akala ko pa naman ay seryoso siya sa’kin….hindi ko alam kung ano ang nagawa ko para manlamig siya.”
“Norisse…”
Umangat ang isang kamay nito na tila sinasaway siya sa pagsasalita.
“It’s okay. I’m okay, Belle. Masakit lang sa akin na matapos akong alukin ng kasal ni Dante ay basta na lamang niya akong bibitiwan. It’s not you, of course dahil kahit kaninong babae naman ay maaari siyang magmahal. It’s the way he handles relationship. Kung mamahalin mo siya ng totoo ay mag-ingat ka sana, friend. Baka maparis ka sa akin at maiwang nasasaktan kapag nakakita naman siya ng panibagong mamahalin.”
Malayo na si Norisse ay tila alingawngaw pa rin sa isip niya ang mga sinabi nito. Ganoon nga bang klaseng lalaki si Dante? Parang hindi yata iyon kayang paniwalaan ng puso niya.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.




