PAGMULAT ng mga mata ay agad na nanumbalik ang mga huling pangyayari sa isip niya. Isang mabigat na pagpapasya ang kaniyang ginawa. Hindi niya kayang saktan si Belinda kaya sa halip ay pinili niyang kitlin ang sariling buhay. Pero hindi na niya nagawang kalabitin ang gatilyo ng baril nang nauna nang nagpaputok sa likuran ang kung sino mang pangahas. Agad siyang natumba sa sahig sanhi ng dalawang bala na dumapo sa kaniyang balikat. Bago siya tuluyang nawalan ng malay ay nahagip pa ng kaniyang paningin ang nakatutok na baril ni Reynan sa kaniya.
Napangiwi siya sa muling pagsirit ng sakit sa kaniyang kalamnan. Tinangka niyang bumangon pero nananakit ang balikat niya sa bawat pagkilos na ginagawa. Inilibot niya ang tingin sa kabuuan ng lugar iyon pero kahit paanong isip ay hindi niya matandaan ang kubong iyon.
“Mabuti naman at nagkamalay ka na…”
Napalingon siya sa pinagmula ng tinig. Naroon at nakatayo si Belinda sa bungad ng pinto. Napayuko siya sa pagbaha ng guilt.
“Nasaan tayo? Anong bahagi ito ng…”
“Nandito tayo sa San Mateo. Dito tayo dinala ni Papa para kausapin ka nang sarilinan.” Pagkasabi niyon ay lumapit ito sa kaniya at inayos ang benda ng kaniyang sugat. Napaigik siya sa sakit nang magalaw iyon.
“Dante, nagkakamali ka sa ibinibintang mo kay Papa. Hindi siya si Vergara. Gayunman ay totoo ang sinabi mong hindi lingid sa kaniya ang krimeng ipinagawa ni Gonzalo.” wika nito habang nakatitig sa kaniya.
Napailing siya at napabuga ng hangin. “Hindi mo alam ang sinasabi mo, Belinda. Wala kang alam dahil sanggol ka pa nang mga panahong iyon.”
“Maaari nga pero ikaw rin naman, hindi ba? Nakita ko sa larawan na bata ka pa nang mga panahong iyon. Paano mo natiyak na isa nga si Papa sa mga salarin?”
Napaisip siya at pilit na binalikan sa isip ang masakit na pangyayaring iyon.
“Huwag, Vergara! Parang habag mo na!”umiiyak ang mama niya nang sabihin iyon.
“Maawa? Pagkatapos halayin ni Gonzalo si Marita, sa tingin mo ba ay magagawa ko pang makaramdam ng awang iyan?Pinagtangkaan niyang papatayin ang mag-ina ko kung hindi ako susunod sa mga pinagagawa niya, Geronimo! Magagawa ko bang isantabi ang kakayahan niyang sirain ang buhay ng pamilya ko?”
“Tutulungan kita, Vergara! Hindi ito ang solusyon sa problema mo kung hindi ikaw mismo! Maging matapang ka at harapin si Gonzalo! Kung hindi ay habampanahon ka niyang aalipinin at sa huli ay wala ka na lang magagawa!”
“Tumigil ka! Ano ba ang alam mo? Buong kabuhayan namin ay pag-aari na ni Gonzalo! Maging ang kaluluwa ko ay nabili na niya matagal na panahon na! Kaya wala nang halaga ang mga pinagsasabi mo ngayon, Geronimo! Mamamatay akong nasa ilalim ng demonyong iyon!”
“Huwag!”
“Binalaan kita, Geronimo, pero hindi ka nakinig. Matigas ang ulo mo. Ginagalit mo pa si amo kaya mabuti pang manahimik ka na lang!”
“Hayop ka, Vergara! Paano mong nagawa ito? May pinagsamahan tayo!”
“Hindi mo ‘ko binigyan ng pagpipilian! Sinabihan na kita pero patuloy ka pa rin! Walang halaga ang maikling samahang iyan kumpara kay Marita at sa aming anak!”
Narinig niya ang pagkasa ng baril at muli ay ang mapanganib na tinig ni Vergara. “Inilalagay mo sa panganib ang buhay ng aking pamilya, Geronimo, kaya pasensiyahan na lang tayo dahil uunahan na kita!”
“Huwag!”
Sunud-sunod na putok ang narinig niya at kasunod niyon ay ang pagbagsak ng katawan ng kaniyang mga magulang sa sahig.
Naihilamos niya ang palad sa kaniyang mukha. Hindi niya alam kung anong klaseng emosyon ang madarama ng mga sandaling iyon. Nasa ganoon siyang ayos nang biglang bumukas ang pinto ng kubo at iluwa niyon ang isang lalaking pamilyar sa kaniya. Sa likod nito ay ang mga magulang ni Belinda.
“Rodante?” bungad ng estranghero.
Malalim na napangunot ang kaniyang noo sa pagkakatitig sa kaharap. Maging si Belinda ay natigilan din at nagpalipat-lipat ang tingin nito sa kanilang dalawa.
“Kuya…Kuya Ram?” hindi makapaniwalang anas niya. Hindi niya alam kung paano pero natukoy niyang ito ang kaniyang nawawalang kapatid.
Sa murang edad ay naunawaan niya ang nagaganap at agad na nagtatakbong palabas ng basement. Umiiyak na dinaluhan niya ang mga magulang at dalawang kapatid pero ano ba ang magagawa ng isang pitong taong batang gaya niya? Umiiyak na lumabas siya ng bahay upang maghanap ng mahihingan ng tulong at tama namang nakita niyang paparating ang nakatatandang kapatid ng kaniyang Mama. Agad silang humingi ng saklolo sa mga kapitbahay pero nang magbalik ay nawawala na ang katawan ng kapatid na si Ram.
Napaiyak ang tiyahin niya nang hindi matagpuan ang kaniyang kapatid. Marami ang nagsabing baka binalikan ito ng masasamang loob at tinangay. Kahit nang matapos na ang burol at libing ng mga magulang at ng kapatid na si Ricardo ay umasa silang matatagpuan si Ram pero wala kahit isang palatandaang buhay pa ito. Nakipag-ugnayan pa si Tiya Romina sa mga pulis pero tuluyan nang hindi nakita si Ram. Nang lumaon ay inisip na nilang patay na rin ito at marahil ay itinapon lang sa kung saan ng mga kumuha dito. Hindi niya inaakalang matapos ang mahabang panahon ay makikita niya itong muli.
“Ako nga, Rodante.” Lumakad itong palapit sa kaniya at mahigpit siyang niyakap. Hindi niya napigilan ang pagbukal ng mainit na likido mula sa kaniyang mga mata.
“Paanong nangyaring…”
“Buhay ako? Hindi nila ako napuruhan, bunso. At dahil nasa bandang ilalim ako ng mesa ay hindi mo ako nagibikan. Hindi ko magawang sumigaw para tawagin ka pero nang subukan ko ay nagawa ko namang ikilos ang aking mga paa…”
“Pero bakit ka lumayo at pinaniwala kaming patay ka na? Bakit ngayon mo lang naisipang magpakita sa akin sa loob ng mahabang panahon?” Hindi man niya ibig ay lumitaw na sumbat iyon sa pandinig ng kapatid.
“Patawarin mo ako, Dante. Pinalaki kami ni Papa, kami ni Kuya Ricardo na ang sentro ng isip ay nakatuon sa ganitong mga pangyayari. Buong buhay naming dalawa ay sinanay na niya kami sa pakikipaglaban kaya nang magawa kong tumayo sa kabila ng ilang tama sa katawan ay inisip ko agad ang maghiganti. Masakit pero iyon ang unang pumasok sa isip ko. Lumayo ako para mamuhay nang mag-isa dahil hindi ko ibig na makagisnan mo ang buhay na puno ng galit. Hindi kita gustong idamay sa planong pumasok sa isip ko kaya mas minabuti kong ituring n’yo na lang akong patay.”
“Pero gaya mo ay nagtanim din ako ng galit sa puso ko, Kuya. Hindi ko maaaring basta na lamang balewalain ang sinapit ng ating pamilya.”
“Alam ko. Hindi man ako lumalapit ay hindi ako kahit kailan lumayo sa’yo, Dante. Binabantayan kita mula sa malayo at alam ko lahat ng takbo ng isip mo.”
Namangha siya sa narinig. Kung gayon ay ito ang dahilan ng lahat. Ang pagkamatay ni Edmundo. Ang mga pananakot kay Belinda at sa pamilya nito. Ang patay na pusa. Ang pag-iingay ng mga sasakyan maging ang pagtatangka sa buhay ni Reynan. Gayundin ang pusang inihagis sa bintana ng bahay nina Belinda nang gabing magkasama sila nito ay pakanang lahat ng kaniyang kapatid! Bakit ba hindi niya naisip na mahilig si Ram sa pusang itim kahit noong maliliit pa sila? Hindi nga ba at hanggang sa pagtulog ay katabi nito ang mga alaga nitong pusa? Napailing siya. Hindi halos makapaniwala.
“Ikaw ang dahilan sa likod ng lahat ng mga insidente?” Hindi pa man ay alam na niya ang sagot sa tanong na iyon. Nanlulumong napayuko siya nang tumango ito.
“Patawarin n’yo sana ako, Belinda…” Yumukod ito sa dalaga at matapos ay lumingon sa mag-asawang nasa likod nito. “Isa sa mga darating na araw ay haharapin ko ang parusang nararapat para sa akin. Matapos iyon ay panatag na ang loob ko.”
“Naiintindihan ko ang damdamin ninyong magkapatid. Sana ay matagpuan ninyo ang kapayapaan sa inyong mga puso sa kabila ng mga nangyari.”
Nagtatakang napatigin siya kay Belinda. Nagtatanong ang mga mata rito.
“Inilihim ni Papa ang tungkol kay Vergara, Dante. Kambal silang dalawa at lingid iyon sa aming magkapatid. Sa murang edad ay nalulong ito sa droga at masasamang gawain. Kinupkop ito ni Gonzalo kaya hindi naging madali para dito ang umalis sa poder ng matanda. Si Papa naman ay walang magawa kahit alam nito ang gawain ng kapatid.”
Sa puntong iyon ay napalingon siya kay Delfin, ang taong matagal na panahong inakala niyang si Vergara.
“Hindi ko masikmura ang ginawa ng kapatid ko sa pamilya mo kaya isang gabi ay sinubukan kong pigilan siya. Tinakot ko siyang isusuplong sa mga kasama namin kung hindi siya kusang susuko pero nakipagbuno siya sa akin. Tinangka kong agawin ang baril na hawak niya pero isang aksidente ang nangyari. Napatay ko ang aking sariling kapatid, Dante.”
Nangilid ang luha ng matanda at napaiyak naman si Belinda at ang ina nito.
“Hindi ko mapatawad ang sarili ko kaya ilang araw matapos ang aksidente ay binaril ko ang sarili kong kamay. Halos ay mamatay ako sa sakit pero itinanim ko sa isip kong kulang pa iyon sa sinapit ni Vergara.”
“Kung gayon ay isang pagkakamali ang lahat ng ito. Nagtanim ako ng hinanakit at galit sa maling tao. Hindi ko yata mapapatawad ang sarili ko…” Inilibot niya ang tingin sa tatlo at matapos ay yumuko.
Naramdaman niya ang haplos ni Belinda sa kaniyang likod. “Dante, hindi pa huli ang lahat. Handa akong samahan kang ayusin ang buhay mo. Magkasama nating haharapin ang lahat ng pagsubok na darating. Kahit ano. Basta magkasama tayo ay hindi ako mangangamba…”
“Patawarin mo ako, Belinda. Idinidikta ng isip kong saktan ka noon pa pero iba ang ipinipintig ng puso ko. Maraming pagkakataong naisip kong gawan ka nang masama para makaganti sa inaakala kong maysala pero sa tuwina ay nangingibabaw ang damdamin ko para sa’yo. Patawarin mo ‘ko sa lahat ng kasalanan kong nagawa sa’yo at sa iyong pamilya.” umiiyak na sabi niya.
Nang lumapit si Belinda at iabot ang mga kamay sa kaniya ay mabilis niya iyong kinuha at hindi napigilan ang sariling umiyak doon. Iniyakap niya ang mga bisig sa dalaga at tila batang nagsiksik sa katawan nito.
“Alam mo ba kung gaano kahirap magmahal sa isang tulad mo, Belinda? Pakiramdam ko ay parati akong may ginagawang mali. Hindi ako makatulog sa gabi at hindi ko magawang mabuhay nang normal dahil sa inaakala kong maling pag-ibig ko sa’yo.”
Napaiyak ang dalaga at mahigpit na napayakap sa kaniya. Pagkatapos ay masuyo siya nitong hinaplos sa mukha at sa nangungusap na titig ay nagsalita.
“Mahal din kita, Dante…at mahal ko ang lahat sa’yo. Minahal kita bilang ikaw, bilang si Jim man o si Abel. Hindi ka nagtagumpay na linlangin ang puso ko kahit minsan dahil sa kahit anong katauhan ay makikilala ka nito. Mahal kita at handa akong harapin ang lahat alang-alang sa pagmamahal na iyon…”
Mga katagang napakasarap sa puso. Mga salitang walang kapantay ang sayang hatid. Nang bumaba ang mga labi ni Dante at lumapat sa mga labi ni Belinda ay nadama nila kapwa ang katuparan ng pag-ibig na iyon. Pag-ibig na mangingibabaw sa gitna man ng poot o hinanakit. Pag-ibig na kumikilala sa pinakanatatago mang katauhan ng bawat isa. Dahil ang pag-ibig ay mapagmahal…maunawain at mapagbata. Marunong itong kumilala ng mali dahil palagi itong nakahandang magtama. Mapagtiis dahil nakahandang manatili sa gitna ng pagdurusa.
Nang magtama ang paningin ng dalawa ay kapwa sila nakadama ng kapanatagan. Alam nila kapwa, buhat sa araw na iyon ay magiging isa na lamang alaala ang masakit na kahapon. Wala silang hindi makakaya kung kasama nila ang isa’t-isa, patuloy na iibig, magmamahal at magbabata’…
WAKAS
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.




