IT WAS a very fine day. Pero kasalungat iyon nang nararamdaman ni Zak nang mga oras na iyon habang binabaybay ang daan ng Dipaculao, Aurora. Halos may pagmamadali ang pagmamaneho niya. Kailangan niyang bilisan.
Nang mag-ring ang cellphone ay agad niyang kinonekta ang tawag sa wireless earbuds na suot sa tainga. It was his bestfriend, Exequiel.
“Hello. Ex. I’m on my way already,” bungad nya.
“Make it fast, Zak. Kung ayaw mong mawala sa ‘yo si Tiffany, bilisan mo! Nakasalalay sa ‘yo ang future naming dalawa.”
“I know, I know. Hindi ko rin naman hahayaang mapunta sa ‘yo si Tiffy. Kaya do everything you can to delay the wedding. Kung kinakailangang magkunwari kang nag-e-LBM, gawin mo, Ex!”
He immediately ended the call afterwards. Marahas siyang napabuntong-hininga. He and Tiffy were high school sweethearts. Pinaglayo pero muling pinagtagpo ng tadhana. Kaya lang pilit pa rin pinaglalayo. Hindi kasi siya ang gustong ipakasal ng mga magulang nito sa kanya kundi ang walang kasing babaero niyang kaibigang si Exequiel.
Tinapakan niya ang accelerator at binilisan pa ang pagpapatakbo. Kaya lang nang papaliko na siya sa kurbada ay may isang truck na pagewang-gewang. Sinubukan niyang ibuwelta pa ang sasakyan pero masyado na siyang huli dahil na rin sa mabilis na takbo niya. Narinig na lang niya ang nagkikiskisang gulong at naramdaman ang pagsalpok ng mukha niya sa manibela.
NAGPALINGA-LINGA si Zak. He was like in paradise. Nakarating ba siya sa venue ng kasal nina Ex at Tiffy? Napakaganda ng ayos ng garden. He tilted his head. Garden? Hindi naman garden wedding ang pinlanong kasal para sa mga ito kundi beach wedding.
“Zak…”
Naibaling niya ang tingin sa nagsalita. Was he seeing an angel? Natigilan siya nang makita ang pakpak nito na tila nananadya pang tumiklop, wari bang sinasabing nakakita nga siya ng anghel. Napahawak siya sa ulo at inalala ang nangyari. Oo nga pala, sumalpok siya sa isang truck.
“Am I dead?” wala sa sariling tanong niya. Napatingin siya sa katawan. Pero bakit wala siyang pakpak? Sa impyerno ba siya mapupunta?
Humagikgik ang anghel na kaharap. Namangha siya. Tunay palang kay sarap pakinggan ng hagikgik ng isang anghel.
“Hindi pa ito ang katapusan para sa iyo, nilalang,” kapagkuwan ay seryoso nitong sabi.
“Ibig bang sabihin ay hindi pa ako patay? Pero ano ang ginagawa ko rito? Na-comatose ba ako at naglalakbay ang espíritu ko?”
“Nasa pagitan ka nang pagkabuhay at kamatayan, Zak. Pero bibigyan ka Niya ng pagkakataon na mabuhay kung magagawa mo ang misyon na iaatas Niya sa iyo. Gusto mo pa bang mabuhay, Zak?”
Sunud-sunod siyang napatango. “Kailangan ako ni Tiff. Nagmamakaawa ako. Kailangan ko pang mabuhay.”
Luluhod sana siya nang pigilan siya nito. “Ibabalik Niya ang oras, isang buwan buhat ang aksidente, Zak.” Hinila pa siya ng anghel sa isang fountain na nasa gitna ng mala-paraisong hardin na iyon. Hinaplos ng kamay ng anghel ang ibabaw ng tubig. Isang babaeng nakasuot ng traje de boda ang umiiyak ang lumitaw roon.
“Siya ang iyong misyon, Zak. Siya si Irene Dimacuha. Nasa kanya ang susi upang magpatuloy ang iyong buhay. Kung magawa mong ibalik ang paniniwala niya sa pag-ibig, makakabalik ka sa mga mahal mo sa buhay.”
“At paano kung hindi ko magawa?”
“You have to accept whatever your fate will be after the accident, Zak.”
NAPABALIKWAS ng bangon si Zak. Habol niya ang hininga. Mabuti na lang at panaginip lang pala!
Pupungas-pungas na inabot niya ang cellphone na nasa ibabaw ng bedside table. Alas singko pa lang pala ng umaga. Akmang babalik na siya uli sa paghiga nang makita niya ang nakarehistrong petsa sa aparato. July 14, 2023.
Naikiling niya ang ulo. Hindi ba dapat ay August 14 na? Iyon ang nakatakdang kasal nina Ex at Tiffy. At ano ang ginagawa niya sa kuwarto gayong ang naaalala niya ay naaksidente siya? Napatingin pa siya sa katawan. Walang kahit anumang palatandaang nanggaling siya sa isang malagim na aksidente.
Ang ibig sabihin lamang niyon ay…So, it was really true? Totoo ang pagkausap ng isang anghel sa kanya!
Naghahadaling bumangon siya at agad na nagtungo ng kusina. Malamang ay gising na si Manang Rosa.
“O hijo, ang aga mo yata?” bungad nito.
Sandali siyang na-distract sa bango ng sinangag na niluluto nito. He gathered his senses. Lumapit siya sa matanda. “Manang, anong pets ana ba ngayon?”
Napakunot-noo ito sa kanya. “July 14, hijo. Bakit? May nakaligtaan ka bang business meeting? Ang bata-bata mo pa, nag-uulyanin ka na yata.”
“Kasi ho…” Napapahaplos siya sa batok. “Hindi ho ba ngayon ang kasal ni Tiffy?”
Mas lalong namantal ang noo nito. “Sa isang buwan pa iyon, Zak. Ano’t tila gusto mong hilahin ang oras, eh samantalang n’ong nakaraan lang ay ayaw mong sumapit ang araw ng kasal ni Tiffany. ”
Hinilut-hilot niya ang sentido. Bumalik ngang talaga ang oras sa isang buwan bago ang kasal niña Tiffany at Ex. Naalala niya ang pahayag ng anghel.
Siya si Irene Dimacuha. Nasa kanya ang susi upang magpatuloy ang iyong buhay.
Saan lupalop niya hahanapin si Irene?
“WE HAVE IDENTIFIED five Irene Dimacuha living in the Philippines, Sir Santillan.”
Inisa-isang tingnan ni Zak ang folder na nilapag ng inupuhan niyang private investigator. “Sino sa lima ang ikinasal—” Natigilan siya. He tapped his fingers on the table. Kung pagbabasehan niya ang nakita niyang senaryo sa fountain, mukhang hindi natuloy ang kasal. “Sino sa lima ang naudlot ang kasal?”
“Dalawa sa kanila Sir ang hindi natuloy ang kasal. Ang isa, hindi sinipot ng groom sa kasal. Ang isa naman, bago pa man ang araw ng kasal ay naaksidente ang groom. Namatay ‘yong lalaki kaya hindi na natuloy ang kasal.”
Nakasuot ng traje de boda ang ipinakita sa kanya ng anghel. Maaaring iyong una ang hinahanap niyang Irene Dimacuha. Magkasabay silang napatingin ng imbestigador sa gawi ng pintuan nang padaskol iyong bumukas. Iniluwa niyon ang frustrated na si Tiffy.
“I’ve been trying to reach you,” untag nito. Napahinto ito nang makita ang kasama niya sa opisina.
Napatingin siya sa h-in-ire na private investigator at saka tumango. “I will just contact you if I need further information. Thank you.”
“Who’s that?” nagtatakang tanong ni Tiffany nang makaalis ang lalaki. Dumako na rin ang tingin nito sa mga folder na hawak niya na naghahadali naman niyang ipinasok sa drawer. “Ano ba ang pinagkakaabalahan mo at busy na busy ka yata? Wala ka na ba talagang gagawin, Zak? Hahayaan mo na lang talaga ko na makasal kay Ex? I don’t want to marry him!”
He expelled an exasperated sigh. “Then why not have a talk with your Mom? Sabihin mo sa kanya na hindi mo mahal si Ex. That I am willing to marry you kahit ilang simbahan pa, Tiffy.”
Ito naman ang bumuntong-hininga. Umupo ito sa couch doon. “Are you saying na wala rin akong ginagawang move para pigilan ‘tong kasal namin ng bestfriend mo? Ilang beses ko nang kinausap si Mama.”
“I have given you an option to elope with me pero ayaw mo, hindi ba? Takot kang itakwil ng mga magulang mo. Feeling mo hindi ka secured sa akin dahil nagsisimula pa lang itong business ko. Dahil hamak na mas mayaman ang pamilya mo kaysa sa akin o sa pamilya ko.”
Hindi ito makapaniwalang napatingin sa kanya. “Iniisip ko lang na puwede nilang pabagsakin ang negosyo mo, Zak. So paano tayo kapag nagkaganoon?”
“Hindi mo kasi kakayanin ang simpleng buhay na kasama ako, Tiffy. Iyon lang iyon.”
Marahas itong tumayo. “Walang patutunguhan itong pag-uusap natin. Ewan ko sa ‘yo, Zak!” Pagkaraan ay pabalabag itong lumabas ng opisina niya.
Naisuklay ni Zak ang mga daliri sa buhok. I am on the verge of death, Tiffy. Sa totoong oras, maaaring kasal na nga ito sa bestfriend niya. Naikuyom niya ang mga palad. Pero hindi niya iyon hahayaang mangyari. Kailangan niyang makita si Irene Dimacuha.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.






2 Responses
Di ko type ugali nung Tiffy halata na ayaw lang Niya mabuhay sa hirap kasi if gusto Niya si Zak haharapin Niya anuman Ang consequences na magaganap pero swerte si Zak if si Irene Dimacuha Ang tunay na para sa kaniya 🥰
Palagay q Ang tunay na Irene dimacuha na dapat Niya tulungan ay Yung tao na namatayan Ng groom Hindi Yung iniiwan sa ere? Well tignan natin kung sino nga bang Ire.ne dima.cuha Ang dapat Niya tulungan