Picsart_22-12-15_20-39-26-958

 

Isang sulat ang iniabot ni Marife kay Alfred na pumukaw sa kuryosidad ng lalaki. Si Marife ay matalik na kaibigan ng asawa niyang si Beatrice. Matagal na niya itong kinamumuhian at ayaw sana niyang basahin ang sulat ngunit dala ng kuryosidad ay binasa pa rin niya ito.

Naupo siya sa mesang katabi ng kama bago iniladlad ang nakatuping sulat. Mabuti na lamang dahil abala si Cynthia sa kusina at nagluluto.

Oct. 27, 2020
Sa kinauukulan,

Limang taon na ang nakararaan ng ako ay mahatulan ng panghabang buhay na pagkabilanggo sa salang pagpatay sa aking anak na panganay. August 24, 2015 nang madatnan kami ng aking asawa sa tagpong hawak ko ang kutsilyong pumigtas sa buhay ng aking anak na si Arriane habang si Andrea ay nakatulalang nakaupo sa tabi ng kanyang ate. Kinse anyos sila noon ng mangyari ang malagim na trahedyang bumago sa aming buhay. Wala akong pinagsisisihan sa aking ginawa dahil sa pagmamahal ko sa aking anak. Ayaw kong mapahamak ang aking bunsong si Andrea kaya ko nagawa iyon. Nasuklam sa akin si Alfred at ipinakulong niya ako. Sa loob ng limang taon ay nangulila ako sa aking mag-ama dahil kailanman ay hindi nila ako dinalaw. Tanging si Marife lamang ang dumadalaw sa akin at nagbibigay ng mga litratong puro stolen shot. Nalaman kong ipinagamot ni Alfred si Andrea dahil sa tinamo niyang trauma at masaya ako dahil doon. Normal siyang nakikisalamuha at sa pamamagitan ng mga litrato ay nakikita kong maayos na ang buhay niya. Sa limang taon ko dito sa bilangguan ay hindi ako nawalan ng balita sa aking mag-ama sa tulong ni Marife. Masakit sa akin na malamang nagkakaroon ng ibang kasintahan si Alfred ngunit wala akong magawa. Tanging pag-iyak na lamang ang nagagawa ko tuwing bumibisita sa akin si Marife. Ilang babae na rin ang naging kasintahan ni Alfred ngunit hindi nagtatagal. Sa k’wento ng aking kaibigan ay bigla na lamang maglalaho ang mga ito o kung hindi naman ay kusang lumalayo. Ipinagpapasalamat ko iyon dahil tuwing may kasintahan ang aking asawa ay lubha akong nasasaktan at natatakot. Ikinatatakot kong mapahamak ang aking anak na si Andrea. Wala na ako sa bahay upang protektahan pa siya.

Ang tanging karamay ko sa loob ng bilangguan ay ang isa ko pang anak. Ang panganay kong si Arriane ay madalas magpakita sa akin na umiiyak. Nagsusumamo siya at nagmamakaawa habang duguan ang buo niyang katawan. Bumubulwak ang dugo mula sa sugat sa tapat ng kanyang puso. Dati ay natatakot ako at nababahala ngunit kalaunan ay nasanay na ako sa kanyang presensiya. Ang pangungulila ko ay naiibsan niya kahit alam kong isa na lamang siyang hindi matahimik na kaluluwa. Minahal ko si Arriane dahil anak ko rin siya at masakit sa akin ang mga nangyari, ngunit hindi ako nagsisisi sa aking ginawa! Mahal ko si Arriane ngunit mahal ko rin ang aking bunsong si Andrea.

Subalit sa muling pagdalaw ni Marife ay napag-alaman kong may bago nang kinakasama si Alfred at buntis ang babae. Buntis na ito nang iuwi ni Alfred kaya natakot ako para sa kapakanan ni Andrea! Wala akong ibang hangad kung hindi ang kapakanan ng aking anak. Siya na lamang ang nag-iisang maituturing kong yaman dahil patay na si Arriane. Si Andrea na lamang ang mayroon ako at kahit ikapahamak ko pa ay gagawin ko maprotektahan ko lamang siya.
Ang paniniwala kong iyon ay binago ni Arriane. Luhaan siyang nagsumamo sa akin, nanunumbat ng paulit-ulit! Ina ako at mahal ko ang aking mga anak. Handa ko silang protektahan ngunit patay na si Arriane. Wala na akong magagawa para sa kan’ya habang kay Andrea ay mayroon pa!

Ngunit nasukol ako ng mga nanunumbat na mata ni Arriane, nakita ko ang poot at galit sa kan’yang mga mata. Nakita ko ang kalungkutan at pagdurusa mula roon. Hindi ko na kayang tagalan pa ang mapanuri niyang mga mata. Napakalaki ng kasalanan ko sa aking anak panganay. Kung naging mabuti akong ina ay hindi sana namatay si Arriane. Kung nagabayan ko ang aking mga anak ng maayos ay hindi sana naging magulo ang aking pamilya at hanggang ngayon ay hindi ko pa rin magampanan ng tama ang aking pagiging ina! Marapat lang na makulong ako dahil kasalanan ko ang lahat! Subalit ang aking panganay ay humihiyaw ng hustisya! Tunay na katarungan ang isinisigaw niya. Nagsusumamo siyang iligtas ko ang buhay ng kanyang ama at bagong kapatid na nasa sinapupunan pa ng kinakasama ng aking asawa. Nais niyang ibunyag ko ang sikretong gusto ko na sanang itago hanggang sa hukay.

Anak ko rin si Arriane at panahon na upang maging ina naman ako sa kan’ya. Ibibigay ko na ang hustisyang matagal kong itinago. Inako ko agad ang krimen sa pagkamatay niya ngunit kahit kailan ay hindi ko siya magagawang patayin! Inako ko ang lahat upang protektahan si Andrea sa mata ng mga mapanghusgang tao! Gusto kong maging normal ang buhay niya kaya ng ipagamot siya ni Alfred ay inakala kong kasamang magagamot doon ang sakit niya. Akala ko ay magiging normal siya ngunit nagkamali ako. Ang gusto ko lang ay mabuhay siya ng normal at malaya. Bawat relasyon ni Alfred ay pinasubaybayan ko kay Marife, tinakot ang mga ito upang layuan si Alfred. Ang ikinabahala ko ay mas lumalala si Andrea dahil dalawang babae na ang napatay niyang nakarelasyon ng kanyang ama. Wala na ako sa bahay upang maprotektahan siya sa batas na uusig sa kan’ya. Wala na ako upang umako pa sa krimen na siya ang gumawa!

Oo, hindi ko pinatay si Arriane! Naging abala ako sa trabaho noon at iniiwan silang dalawa sa bahay sa pag-aakalang kaya na nila ang kanilang sarili dahil malalaki na sila. Hindi ko nakita ang nag-iibang ugali ni Andrea. Kung nasubaybayan ko lang sana siya ay baka naagapan pa ang sakit niya sa pag-iisip. Possessive si Andrea, selosa at ang gusto niya ay sa kan’ya lang ang atensyon. Huli na ng malaman ko iyon. Nadatnan ko siyang may hawak na kutsilyo sa kwarto nila ni Arriane at sinaksak niya ito! Hindi ko alam ang gagawin ko noon sa labis na pagkasindak. Nanlaki ang aking mga mata at itinulos sa kinatatayuan. Nang magawa kong kumilos ay dinaluhan ko si Arriane subalit wala na ang pintig sa pulso niya at nakita kong nakabaon ang kutsilyo sa tapat ng puso ng aking panganay. Umiyak ako, tila ako nawalan ng lakas. Nanikip ang aking dibdib sa labis na paghihirap habang kalong ko ang anak kong naliligo sa sarili niyang dugo.

Bumaling ako kay Andrea na hindi ko kinakitaan ng anumang emosyon. Nakaupo ito sa tabi ng ate nito habang unti-unting sumisilay ang ngiti sa kanyang labi. Lalo akong nagimbal sa sinabi niyang wala na siyang kaagaw sa atensyon namin ng Papa niya. Ang sabi pa niya ay ayaw nito ng kahati. Narinig ko ang ugong ng sasakyan ni Alfred, parating na siya! Hindi ko alam ang gagawin ko, ang tanging nasa isip ko noon ay nag-iisa na lang ang anak ko! Kailangan ko siyang protektahan. Hinugot ko ang kutsilyong nakatarak sa puso ni Arriane at iyon ang nadatnan ng aking asawa. Hindi ko na itinama ang akusasyon niya hanggang sa korte dahil ayaw kong mag-iba ang tingin niya kay Andrea. Nagbilin akong gabayan niya ang bunso namin ngunit nanlilibak na tingin ang isinukli niya sa akin. Alam kong kinamumuhian na niya ako ngunit wala akong pinagsisihan sa ginawa ko dahil nabuhay ng normal si Andrea. Subalit tama rin si Arriane, kailangang pagbayaran ni Andrea ang krimeng ginawa niya upang maitama ito at hindi na ito makapatay pa ng ibang tao. Isa pa’y binabalak daw ni Andrea na patayin ang bagong kinakasama ng kanyang ama kasama ang bata sa sinapupunan nito. Idadamay na rin daw ni Andrea ang ama nito dahil akala niya ay niloko siya ng kanyang ama. Ayaw nito ng may kaagaw at gusto nito ay kanya lang ang atensyon ng mga taong mahal niya. Nag-aalala ako kay Alfred. Sana ay paniwalaan niya ang anumang nakasulat sa papel na ito.

Sa kinauukulan, nawa’y buksan muli ang kaso ng anak kong si Arriane at ang dalawang babaeng naging kasintahan ni Alfred na hanggang ngayon ay hindi pa natatagpuan.

Sa ‘yo Alfred, nawa’y mapatawad mo ako. Mahal kita at sana ay mag-iingat ka.

Lubos na nagmamahal,
Beatrice Ventura

Nanginginig ang mga kamay na itinupi ni Alfred ang sulat ng asawa. Hindi niya alam kung magagawa ba niyang paniwalaan iyon dahil naging mabuti at malambing na anak si Andrea. Napapaisip siya dahil tama ang nilalaman ng sulat. Nawawala ang dalawang babaeng napa-ugnay sa kanya at hindi rin lingid na ayaw ni Andrea sa mga ito.

“Papa, kung ganon ay alam mo na ang sikreto namin ni Mama?” isang malambing na tinig ang nagpalingon sa kanya. Hindi niya namalayang nasa likod lang niya si Andrea. Ang nagpasindak pa sa kanya ay nakita niyang duguan ang kaliwang kamay nito pati na rin ang damit at mukha. Tila ba tumalsik dito ang napakaraming dugo!
Kinutuban siya nang maalala si Cynthia. Mabilis siyang tumayo ngunit itinulak siyang paupo ni Andrea.

“Wala na ang kabit mo, Papa. Kung hindi ka naman makontento na tayong dalawa nalang sa buhay na ito ay papatayin na rin kita! Tutal ay boto ka naman sa boyfriend ko ‘di ba? Mula ngayon ay siya na ang mag-aalaga sa akin!”

Inilabas niya mula sa likod ang kaliwang kamay at ipinakita ang talim ng kutsilyong may bahid pa ng dugo bago ngumisi.

“Goodbye, Papa!” Nanikip ang dibdib niya kaya napahawak siya dito. Ngumiwi na rin ang kanyang mukha habang sumisinghap sa hangin. Tutop ang dibdib ay napabaluktot siya sa sakit. Narinig niya ang paghalakhak ni Andrea habang nakatingin sa kanya.

“Hindi na pala kita papatayin dahil kusa ka nang mamamatay!” sambit nito at hinayaan ang ama na maatake sa puso at tuluyang mamatay.

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Liham

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

One Response

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.