Untitled design (94)

Lost Soul (Chapter 8)

Dahil sa sobrang curious niya ay dahan-dahan siyang lumapit rito.

 “Natutulog ba siya?” tanong niya sa kanyang isip. “Pero natutulog ba ang isang kaluluwa?” Sabay tingin muli kay Natalia, pero bigla itong dumilat kaya napabalikwas siya ng tayo sa gulat.

 Kumunot naman ang noo ni Natalia nang makita si Miguel sa harap niya.

 “Anong ginagawa mo dito?”

 “Kung makapag-tanong ka bahay mo ‘to?!” Habang nanlalaki ang mata ni Miguel.

Nang napagtanto ni Natalia na isa nga pala siyang ligaw na kaluluwa ay ngumiti siya kay Miguel ng malaki.

 “Ay! Oo nga pala, sorry naman. Ang ibig kong sabihin ay bakit na sa harap kita?”

 “Natulog ka ba?”

 Nagsalubong naman ang kilay niya. “Oo. Bakit?”

 “Talaga? Natutulog din pala ang kaluluwa katulad mo.”

 “Sinubukan ko lang. Nag-work naman, kaya natutulog din ang kaluluwa.”

 Inayos na ni Miguel ang kanyang tuxedo, at handa na sanang umalis pero bunalik itong muli sa harap ni Natalia.

 “Tumayo ka na diyan isasama kita sa office ko.” At tuluyan ng lumabas ng bahay nito.

 Sinundan naman niya ito ng tingin. “Bilis naman. Hindi man lang ako nakapagpahinga ng matagal sa bahay niya.” Tumayo na siya at lumabas na din ng bahay at nakita niyang nakasakay na din ito sa sasakyan kaya naman ng bubuksan na niya ang passenger seat door ay tumagos lang ang kamay niya. Kaya sumenyas siya kay Miguel na buksan ang pinto.

 Binuksan ni Miguel ang pinto ng sasakyan habang nakakunot ang noo habang nakatingin sa kanya.

 “Bakit hindi mo nabuksan ang pinto? Nagawa mo ng humawak ng mga bagay ‘di ba?”

 Nagkibit-balikat siya. “Hindi ko rin alam, pero baka may time lang na puwede akong humawak ng mga bagay-bagay kaya ganon.” 

 “Bakit hindi ka na lang tuluyan na pumasok dito? Tumatagaos ka naman kahit saan.” Habang ang noo ay nakakunot.

 Bahagyang nanlaki ang mata niya. “Oo nga no, pero hayaan mo na. Maranasan ko man lang na may nagbukas ng pinto para makapasok ako sa loob ng kotse.” Ngiting-ngiti na sabi niya.

 Napailing na lang si Miguel, bago pinaandar ang kotse at tuluyan na silang umalis.

 Nang nakarating na sila sa isang building. Huminto sila sa tapat nito at bahagyang nagulat si Natalia dahil doon pa tumigil ang sasakyan sa harap mismo ng kumpanya ni Miguel.

 “Bakit dito ka nag-park sa harap?”

 Tiningnan lang siya ni Miguel at lumabas na ito. Nakita niya na binigay nito ang susi sa isang lalaki kaya naman lumabas na siya ng sasakyan at pinagmasdan kung paano sumakay ang lalaki at umalis dala-dala ang kotse ni Miguel.

 Si Miguel naman ng oras na ‘yon ay naglalakad na papasok ng building kaya dali-daling sumunod si Natalia, pero ng naabutan niya ito ay nagtanong siya kaagad.

 “Anong trabaho mo dito?”

 Tamad siyang tiningnan ni Miguel. “Ano sa tingin mo?”

 “Sa tingin ko secretary ka ng may-ari nito. Hindi ka naman magdadamit ng ganyan kung utility ka lang dito.”

 Kumunot naman ang noo ni Miguel. “Hindi mo ba napapansin na binabati ako ng empleyado dito ng good morning sir?”

 “Napansin ko, so anong connect sa pagiging secretary mo ‘yon,” inosenteng tanong niya.

 Mukhang hindi nagustuhan ni Miguel ang pagka-slow ni Natalia.

 “Pagpasok ko ng office doon mo na lang malalaman kung ano ang position ko dito, pero sa ngayon ay huwag ka munang magtanong dahil pinagtitinginan na ako ng tao.”

 Tiningnan naman niya ang paligid at napansin nga niya na nakatingin na kay Miguel ang ibang tao at tila naguguluhan kung bakit nagsasalitang mag-isa ito.

 Sumunod na lang si Natalia hanggang sa huminto sila sa isang babae na dinaig pa ang makeup artist sa kapal ng makeup sa mukha.

 “Jane. Coffee,” wika ni Miguel.

 Alam na ng secretary nito ang ibig sabihin no’n, kaya naman ngumiti ito ng pagkalaki sa boss nito bago pumasok sa loob ng opisina si Miguel, pero si Natalia ay nanatiling nakatingin lang kay Jane. 

 Habang nakahalukipkip ang braso ni Natalia ay nakatitig lamang siya sa secretary ni Miguel. 

 “Alam ko ang mga kinukuha dito ‘yong may potential sa kung anong position siya natanggap, pero bakit ang isang ‘to— “ Sabay tingin mula ulo hanggang paa. “Nasobrahan naman ata? Hindi na pang-secretary. Puwede siyang model ng makeup, model ng sexy na damit, at maging candidate ng isang beauty queen. Grabe kung maka-sway ng balakang, kulang na lang humiwalay na sa katawan niya.” Tumaas pa ng bahagya ang kilay niya.

 Nakita kasi ni Natalia kung paano ito maglakad, kahit sino man ang makakita ay iyon din ang magiging tingin sa secretary ni Miguel.

 Pumasok na lang si Natalia sa loob ng kwarto kung nasaan si Miguel. Nakita niya itong may binabasa na agad na papel kaya umupo na lang siya katapat nito. Napagawi ang mata niya sa isang pahabang kahoy na may naka-ukit na pangalan.

 Binasa niya ito gamit ang isip. “CEO Miguel Gonzaga.”

 “Ikaw pala ang CEO nitong building na ‘to?”

 Tila hindi naman nagulat na tanong ni Natalia kay Miguel.

 “Obvious naman kanina pa nung pumasok tayo dito. Kung simpleng empleyado lang ako dito hindi gagawin ng lalaki kanina na kuhanin ang susi ng kotse ko at humanap ng parking.”

 “Ganon ba okay.”

 Kumunot naman ang noo ni Miguel sa reaksyon niya.

 “Bakit ganyan ang reaksyon mo parang wala namang buhay? Hindi ka man lang nagulat kahit konti?”

 “Bakit kailangan ba lagi ang dapat na reaksyon ay nagugulat sa nalaman nila? Puwede namang maging kalmado, at least genuine. Minsan nga ‘yong iba daig pa ang alahas, peke naman.” Napaismid siya.

 Umiling-iling lang si Miguel sa mga pinagsasabi niya.

 “Dami mong alam. May pinagdadaanan kaya ‘yong dating ikaw kaya ganyan ang pinagsasabi mo?”

 Tinaasan lang niya ng dalawang kilay si Miguel at hindi na nagsalita. Ilang minuto lang ay may biglang kumatok sa pinto at biglang bumukas.

 “Here’s your coffee sir.”

 Napalingon naman dito si Miguel pero nag-iwas din agad ng tingin maliban kay Natalia na ngayon ay halos mag-isa na ang dalawang kilay sa sobrang salubong nito.

 “Kabog si ate, kung makapal na ang makeup kanina mas lalo na ngayon, at naloka ako sa labi niya parang kinagat ng bubuyog!”

 Habang binababa ng secretary ni Miguel ang tasa ng kape ay may kasama pang pag-pose ng katawan na hindi naman nakikita ni Miguel dahil nakatingin ito sa papeles.

 “Ano ‘to pictorial? Ganito na pala magbaba ng kape ngayon?” saad ni Natalia habang napapangiwi sa ginagawa ng secretary ni Miguel.

 “Anything else sir?” tanong ni Jane.

 “You can now go back to your work. Thank you.”

 Tila nadismaya pa ata ito ng pinababalik na siya sa kanyang area sa trabaho. Biglang may tumawag kay Miguel kaya lumayo muna ito sa kung nasaan sila.

 “Ang hirap naman niyang ma-seduce,” bulong ni Jane sabay irap pa nito.

 “Hindi ba niya alam na may girlfriend ‘yong tao?” Pumunta si Natalia sa likod ni Jane.

 “Ganda naman ng hair niya.” Hinagod niya ito mula taas hanggang sa dulo ng buhok ni Jane na ikinataas lahat ng balahibo nito sa katawan.

 “Bakit naging ganito ang pakiramdam ko sa loob?” Habang hinihimas nito ang dalawang braso, kaya naman hindi pa man nakakapag paalam kay Miguel na ito ay aalis na ay kusa na itong lumabas. Nakita naman ni Miguel na nagmamadaling lumabas ang secretary niya ng ibinaba na nito ang telepono.

 “Anong nangyari do’n?” tanong ni Miguel.

 Nagkibit-balikat siya. “Ewan, baka sasali sa pakapalan ng make-up,” sagot niya ng pabulong.

 “Ano?” litong tanong nito.

 “Baka bumalik na sa trabaho niya ‘yon ang ibig kong sabihin.” Sabay ngiti ng peke.

 Bumalik na muli si Miguel sa binabasa nito habang si Natalia ay paikot-ikot lang sa loob ng opisina pero kahit na sa papeles ang atensyon ni Miguel hindi naman niya maiwasan na tumingin sa pag-iikot ni Natalia dahil nahihilo siya.

 “Puwede bang maupo ka na lang. Nahihilo ako sayo!”

 “Ha? Naglalakad lang naman ako.”

 “Oo naglalakad ka lang pero pabalik-balik ka sa harap ko kaya nawawala ako sa focus habang binabasa ko ‘tong papel na ‘to.” Ilang guhit na ang nagpapakita sa noo ni Miguel.

 “Okay,” sagot niya, at umupo na sa sofa.


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Lost Soul (Chapter 8)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

One Response

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.