“SIR, hindi pa po sumasagot si Elmira pero puwede ko po naman siyang tawagan para—”
“No need. She’s no longer part of the company. Teka nga muna, akala ko ay naayos na ninyong lahat ang mga ‘yan bago siya umalis?”
Nahihintakutang napailing si Daisy sa mataas na tinig ng pagtatanong niya.
Halos tatlong araw pa lamang nang matanggap ng kompanya ang resignation letter ni Elmira. Isang araw lamang ang iginugol nito sa panahong wala siya sa kompanya upang ituro sa kaibigan ang mga dapat malaman sa paghalili rito. Subalit hindi kabilang doon ang confidential file ni Mr. Villena na tanging ito lang ang nakakaalam ng password. Ngayong kailangan niya iyon ay hindi niya alam kung ano ang gagawin.
“Kung talagang responsable siya ay hindi niya pababayaang mangyari iyan! Dapat sana ay isinalin niyang lahat sa’yo ang mga kakailanganin mong malaman sa pagtatrabaho bilang sekretarya ko!”
“Eh Sir, hindi po kasi sapat ang isang araw para maituro niyang lahat sa akin ang—”
“Exactly! She should have spent at least a week to delegate all these tasks to you! Napaka-iresponsable!”
Umangat ang tingin ni Daisy sa kanya. “Hindi po iyan totoo, Sir!” Napailing ito. “Napakaresponsableng tao po ni Elmira. Kanina lang ay tumawag siya sa akin para i-inform ako na magpapadala siya ng pambayad sa nahiram niyang pera sa ilang kasamahan namin dito. Kung iresponsable siya, ‘di sana ay hinayaan na lamang niyang hindi mabayaran ang lahat ng iyon.”
Marahas siyang napalingon kay Daisy na nakatayo sa harap ng kanyang table. “What did you say?” Inulit nito ang unang sinabi at lalo nang napakunot ang kanyang noo sa narinig. “Humiram ng pera si Elmira sa mga kasamahan ninyo dito?”
“Ano pa nga po ba? Hindi naman kalakihan ang sinusuweldo niya dito sa kompanya para maitulong sa pagpapaopera ni Kim, hindi po ba? Kung hindi ninyo alam ay nagkasakit si Kim, ‘yung anak ng Kuya niya—”
“Alam ko ‘yan,” wala sa loob na naisagot niya.
Napamaang si Daisy sa narinig. “Alam ninyo ang tungkol doon? Bakit wala kayong ginawa?” namimilog ang mga mata nito habang titig na titig sa kanya.
“Ano ba ang gagawin ko? Naipagamot niya si Kim nang dahil sa pera ng mama. Sa halip na ako ang tawagan niya upang hingan ng tulong ay ganito pa ang ginawa niya…”
“Ano po? Pera ng mama ninyo? Aba’y totoong nagpunta nga dito si Mrs. Perez kasama ang bruha ninyong asawa para bayaran si Elmira. Layuan daw kayo dahil magpapakasal na kayo sa Ariana na iyon!”
Natigilan si Conrad at nasalo ang ulo sa labis na kalituhan. “Naguguluhan ako, Daisy…Ang alam ko ay galing kay mama ang perang pinangpagamot niya kay Kim…”
“Naku, hindi po iyon tatanggapin ni Elmira! Grabe ho talaga ang ginawa ng nanay ninyo saka ng babaeng iyon sa kaibigan ko! Akala ko naman ay hindi ninyo alam ang lahat ng iyon.”
“Ibig mong sabihin ay nagpunta dito ang Mama kasama si Ariana? Tinangka niyang bigyan ng pera si Elmira pero hindi niya iyon kinuha? Imposible ‘yan, Daisy, dahil may litrato si Mama sa mismong opisinang ito kaharap si Elmira. Malinaw doon na tinanggap niya pati ng kuya niya ang perang bigay ng Mama. Paanong mangyayari ang sinasabi mo?”
Biglang lumiwanag ang mukha ng kaharap. “Naku, litrato ba sinabi ninyo, Sir? Sandali at bibigyan ko kayo ng marami niyan.” Bumalik ito sa table ni Elmira na kasalukuyan nitong ginagamit at sa pinakailalim ng patong-patong na folders sa file cabinet ay kinuha nito ang isang envelope. Muli itong bumalik sa table niya at saka inilatag ang mga larawang laman ng sobre.
“Hayan ang mga litratong nakita ko sa mga gamit ni Elmira nang magligpit ako kahapon, Sir. Mga kuha ninyo kasama si Ariana. Kaya marahil ay naniwala agad ang kaibigan ko na buntis nga ang babaeng ‘yan dahil sa mga larawang dala din niya mismo dito.”
Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita ang mga larawang iyon. Kuha nila iyon ni Ariana sa Canada noong may namamagitan pa sa kanila pero bakit tila nagmukhang bago ang mga iyon? Maging ang petsang naka-indicate sa ilalim ng mga larawan ay binago rin. Hindi pa niya nagagawang mag-adjust sa nararamdaman ay may inilapag naman si Daisy sa harap niya.
“O hayan pa! Mga diyaryong itinatago ni Elmira. Hetong isa ang nakapagtataka, Sir. Binuklat ko ang mga dyaryong nasa file ko. Nagtataka kasi ako na kahit isa sa mga ‘yan ay hindi ko yata nabasa man lang! At nagulat ako nang makita kong magkaiba ang mga pahayagan. Pareho naman ng pangalan ang mga ‘yan at pareho rin ng petsa, paanong magkakaiba ng laman, Sir?”
Napatingin siya kay Daisy at bigla ay tila nagliwanag ang lahat sa kanya. Unti-unti ay naunawaan na niya ang lahat. At hindi siya halos makahinga sa nadaramang pinaghalong tuwa at pagsisisi na nag-uumapaw sa puso niya. “Hindi ko alam kung saan nanggaling ang mga ‘yan at kung paano nangyari ang lahat ng mga ito pero isa lang ang titiyakin ko sa’yo, Daisy…wala akong ibang babaeng minahal at mamahalin pa ng higit sa pagmamahal ko sa kaibigan mo. Hindi rin totoong nagdadalang tao si Ariana at hindi ko kailanman pagtatangkaang bigyan ng pangalan ang babaeng iyan kahit sa ano pa mang dahilan.”
Nagliwanag din ang anyo ni Daisy sa narinig. Dali-dali siyang tumayo at mabilis na iniligpit ang kanyang mga gamit.
“Sir, bago kayo umalis ay may isa pa sana akong sasabihin sa inyo. Nag-apply po kasi ng loan noong mga panahong iyon si Elmira at si Laurice ang namamahala roon. Hindi ako sigurado pero baka sakaling makatulong…”
Nakinig siyang mabuti sa mga sinasabi ni Daisy. Mayamaya ay napakuyom ang kanyang palad. Hindi niya lubos-maisip kung paanong napagtulung-tulungan ng mga taong nasa paligid ang babaeng tangi niyang minamahal. At ang masakit tanggapin ay ang katotohanang hindi niya ito nagawang ipagtanggol laban sa mga iyon. Nagpasalamat siya kay Daisy at saka ibinilin ditong ipatawag si Laurice upang higit niyang malinawan ang lahat.
NASORPRESA si Conrad nang makitang magkasama at seryosong nag-uusap sa lanai ang kanyang mga magulang. Nagmamadali siyang umuwi doon upang kausapin si Ariana subalit ayon kay Manang Guada ay hindi pa ito nagagawi roon mula nang umuwi sa poder ni Joaquin. Hindi niya iyon alam dahil sa unit niya sa Makati siya parating umuuwi mula nang magbuhat sa Japan.
“Did I miss something here?” alanganing tanong niya sa mag-asawa. Hindi nalingid sa kanya ang magkahawak na mga kamay ng mga ito at bigla ang pagbaha ng tuwa sa kanyang dibdib dahil doon.
“What you see is what you get, hijo. Now, you get it?”
Sa unang pagkakataon ay nakarinig siya ng biro mula sa ama. Lumapit siya at iniabot ang kamay dito na tinanggap naman nito. “Congratulations, old man,” wika niya habang nakangiti rito.
“MARAHIL ay totoo nga ang sinabi mo na hindi ko lang magawang tanggapin na mahal ko pa ang mama mo. Napakarami na kasing nangyari at inakala kong mahirap nang itama ang lahat para sa amin.” Kasalukuyan silang nag-uusap ng ama habang umiinom ng paborito nitong alak.
“I told you. Well, I was actually expecting this to happen.”
Sumilay ang ngiti sa mga labi ng ama. Ngiting kaydalang niyang makita. “Masaya kami ng mama mo noon. Kahit naninibugho ako kay Joaquin ay saglit siyang nawala sa pagitan namin nang ipinasya ng mag-asawang manirahan na sa Canada. Subalit may isang pangyayaring bumago sa pagtitiwala ko sa iyong ina. Isang panahon ng tag-init ay umuwi ng bansa si Joaquin kasama si Ariana. Nahuli ko siya mismo sa loob ng pamamahay ko, anak…” Inihilamos muna nito ang mga palad sa mukha bago nagpatuloy sa pagsasalita. “Galing ako sa farm noon nang datnan ko kayong naglalaro ni Ariana sa hardin. Kinabahan ako nang hindi ko makita ang iyong ina at si Joaquin sa sala. Halos ay mapatay ko ang lalaking iyon nang abutan ko sila sa lanai…hawak niya sa balikat ang iyong ina at hindi ako tanga upang hindi makuha ang ibig sabihin noon! At hindi man umamin ang dalawa ay natanim na iyon sa isip ko, anak. Naghinala akong palihim silang nagtatagpo ni Criselda sa mga panahong umuuwi siya rito at kasabay niyon ay ang hinalang hindi ka akin.”
Siya naman ang napangiti nang mapait sa ipinagtapat ng ama. Naunawaan niya ang hirap ng loob na pinagdaanan nito. “Kaya pala ganoon na lamang ang trato ninyo sa akin,” aniya.
“Narinig kong minsan sa telepono ang pag-uusap ng dalawa tungkol sa iyo. Ang sabi ni Criselda ay kinukumusta ka lamang ni Joaquin dahil sa mga pagtatanong ni Ariana subalit hindi na ako naniwala roon. Forgive me, Son. Hindi ko dapat pinagdudahan ang katapatan ng mama mo.”
Tumango siya upang maiparating dito na nauunawaan niya ito.
“Sinikil ko ang damdamin ng pagiging isang ama nang dahil lang sa isang maling akala. Kinalimutan kita at pinaniwala ko ang aking sarili na si Agustin lang ang aking anak. Hindi mo naman siguro ipagtataka iyon sapagkat kamukhang-kamukha ko ang iyong kapatid samantalang ikaw naman ay kawangis ng iyong ina.” Kumilos ang kamay nito at itinapik sa kanyang balikat.
“I’m sorry, Son. I hope there’s still a room for me in this family.”
“Ikaw ang haligi ng pamilyang ito, Papa at hindi mababago iyon ng kahit anong pangyayari. Pero papaano ninyo natiyak ngayon na isa nga akong Perez?”
Muling ngumiti ang matanda at buong kaaliwang tumingin sa kanya. “May mga bagay sa mundo na hindi na kailangan ng anumang patunay. Nang matauhan ako sa mga sinabi mo ay sinubukan kong pakinggan ang damdamin ko at agad kong natiyak na iisang dugo ang dumadaloy sa mga ugat natin.”
Napangiti siya. Nag-uumapaw ang saya sa dibdib sa mga salitang narinig buhat sa ama.
“SINASABI ko na nga ba at hindi mo ako matitiis. How are you, Darling?” Walang pagmamadaling lumapit si Ariana kay Conrad. Tinangka siya nitong hagkan sa mga labi subalit umiwas siya.
“May importante akong sadya sa iyo Ariana, kaya ako naririto. Magbihis ka para makapag-usap tayo ng maayos. Nasaan si Joaquin?”
Saglit na itong natigilan sa nahimigang tono niya. Ni hindi kasi niya pinag-aksayahang tawagin ng may paggalang ang ama nito.
“Wala pa siya pero parating na iyon. Come, we still have time to do it.”
Nang muli nitong tinangkang dumikit sa kanya ay hinawakan na niya nang mahigpit ang mga braso nito. “Paano mong nagawang paikutin si Elmira sa mga kamay mo, Ariana? I could kill you for this!” Nagngangalit ang kanyang mga ngipin sa pagpipigil ng matinding galit. Kung pakikinggan niya ang idinidikta ng isip ay mapapatay niya ang babaeng ito.
“Ano ba ang mga sinasabi mo? Nasasaktan ako!” Nagwala ito habang patuloy sa pagsigaw.
“Simula pa lang iyan ng matitikman mo sa akin kapag hindi ka nagsalita! Anong klaseng kahayupan ang ginawa mo kay Elmira? Paano mo nakuhang magtagni-tagni ng kasinungalingan para lamang saktan siya?! Sumagot ka!”
Nahihintakutan na si Ariana sa bangis na nakikita sa mga mata niya subalit patuloy pa rin ito sa pagtanggi. “Wala akong alam sa mga sinasabi mo! At puwede ba, kalimutan mo na ang babaeng iyon dahil hindi siya nababagay sa iyo! Pera lang ang habol niya sa pamilya mo…gumising ka nga!”
Tinutop ni Conrad ang mukha ni Ariana at mahigpit na pinisil iyon sa panggigigil. “Sino ka para sabihin kung sino ang babaeng nararapat para sa akin?! Hindi mo ba alam na ang taong sinaktan mo ay ang tanging babaeng pakakasalan ko?!”
“Conrad!”
“Huwag kang mabigla dahil iyan ang totoo! Si Elmira ang nag-iisang babaeng pagbibigyan ko ng pangalan, Ariana! Hindi gaya mo ay alam kong iingatan niya iyon dahil matinong babae si Elmira. Hindi mo kayang pantayan man lamang ang klase ng pagkataong mayroon siya! Ngayon, aamin ka ba sa mga kasalanan mo o susubukan mo kung kaya ko ngang pumatay ng tao?!”
Muli pa sanang tatanggi si Ariana subalit biglang bumukas ang pinto at mula roon ay pumasok ang mga bisitang hindi nito inaasahan…
“Laurice?” nasambit nito na ang panggigilalas ay hindi maikakaila.
“Matagal na akong umatras sa usapan natin pero dahil tinakot mo akong ipapapatay ay hindi ko nagawa ang magsalita. Mali ito, Ariana, at nagsisisi ako ng malaki na naging kasangkapan mo pa ako sa pananakit sa aking kaibigan.” Nangingilid ang luha sa mga mata ni Laurice.
Hindi pa man nakakasagot si Ariana ay pumasok naman sa bahay si Joaquin kasunod sina Mr. Perez at Mang Nilo. Nang mapadako ang mga mata ni Ariana sa hawak na recorder ni Mang Nilo ay lalo na itong nagngitngit sa labis na galit. Lumarawan sa anyo nito ang labis na pagkabigo at poot bago ubod lakas itong napasigaw.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.





