TULAD ng inaasahan, masayang-masaya si Lola Merced nang ikuwento ni Gael dito ang pangyayari nang nagdaang gabi. Hindi na mawala ang ngiti sa mga labi ng matanda.
“Sinasabi ko na nga ba at effective ang gayuma natin, Gael,” maluwang ang ngiting sabi nito. “Maalala ko nga pala, may ibabalita ako sa `yo tungkol diyan kay Luisa. Kagabi, nakausap ko si Lorenzo at tinatanong kung nagkikita pa raw ba si Philip at ang babaeng `yon.”
“Po? Ano naman po ang sagot n’yo?”
“Aba natural na nagalit ako. Bakit ako tatanungin ng ganoon, eh, alam naman niyang kasal na kayo?”
“Tapos po?”
“Huwag daw akong mag-alala at kung sakali namang nakipagkita pa si Luisa sa asawa mo ay para lang magpaalam dahil babalik na raw `yon kung saang lupalop man galing. Ewan ko. Siguro naman natauhan na rin sa wakas at naisip ng babaeng `yon na wala na siyang hahabulin pa.” Tumawa si Lola Merced.
“Salamat naman kung gano’n, Lola. Natutuwa ako, lalo ngayong okay na kami ng apo ninyo. Naku, hindi ko po talaga ine-expect `yong nangyari kagabi, eh! Pakiramdam ko tuloy, hindi magtatagal at… at mangyayari na rin ang sinasabi ninyo!”
“I like that! Sige, ituloy mo lang ang mga ginagawa mo. Heto, marami akong biniling gayuma para tuloy-tuloy na ang pagkahulog ng apo ko sa `yo.” Inilabas ni Lola Merced mula sa isang maliit na pouch ang mga sachet ng juice powder at inilapag sa mesa.
“Naku, Lola, simulan na nating mag-ipon ng marami nito. Baka mamaya, biglang matauhan ang asawa ko at iwan niya—” Hindi natapos ni Gael ang sinasabi nang biglang pumasok si Phil sa kusina.
“Good morning, ladies!” bati nito, sabay lapit sa kanila.
Pareho silang natigilan ni Lola Merced dahil sa pagkagulat. Lalo na silang natameme nang mapansin ni Phil ang mga juice powder na nakalapag sa mesa. Kumuha ito ng isang sachet at saka iyon pinakatitigan.
“What’s this?” tanong nito.
“Errr…”
“Powdered juice?” muling tanong ng lalaki habang titig na titig sa hawak.
Agad na binawi ni Gael ang sachet at inilagay sa pouch ni Lola Merced. “Tawas `to! F-first time mo bang nakakita ng ganito?” nauutal niyang sabi.
“Tawas? Yours?” kunot-noong tanong ni Phil.
“Of course! Alangan namang kay Lola!”
“Naku, tigilan n’yo akong mag-asawa! Allergic ako sa mga ganyan kaya hindi ko `yan gagamitin. Ito kasing asawa mo, hijo, nagpabili kay Cita ng tawas powder. At dahil nasa likod-bahay siya kanina ay ako na ang nagbigay sa kanya.”
Tumango-tango si Phil. “Sure kayong tawas `yan? Bakit colored?”
Agad na parang tinambol ang dibdib ni Gael sa sobrang kaba. Bakit ganoon ang klase ng pagkakatanong ni Phil? Naghihinala na ba ito?
Masigla siyang tumango. “Tawas ito, promise! Saka `yan na ang uso ngayon, may kulay. Look at my underarm, so puti, `di ba!” Itinaas niya ang kanang braso para i-stress dito ang sinasabi. Hindi naman nakaligtas sa kanya ang pag-ingos ni Lola Merced.
Natawa si Phil at humakbang ito papunta sa likod ng kanyang upuan. Naramdaman ni Gael ang mga kamay nitong humaplos sa kanyang balikat. “Okay. So, paano? Iiwan ko muna kayo rito? I need to go to the hospital,” paalam nito, sabay pisil sa balikat niya.
“Hindi ba mamaya pa ang schedule mo?” tanong ni Gael. Alam niyang ala-una pa dapat ang pasok ng asawa.
“Emergency, eh. Hindi makakarating ang isa naming kasama sa ER dahil may importanteng lakad. I’ll be the one to relieve.”
Napatango si Gael. Medyo nagulat pa siya nang yumuko si Phil at halikan siya sa pisngi. Pagkatapos, lumapit ang asawa kay Lola Merced at hinalikan din sa noo saka nagpaalam sa kanila. Nakahinga sila nang maluwag ng matanda nang tuluyang makalabas ng kusina si Phil.
“HELLO? Who’s on the line, please?” tanong ni Gael sa caller. Nag-uusap sila ni Lola Merced sa veranda nang tumunog ang telepono sa living room. Sinenyasan niya si Cita na siya na ang sasagot sa pag-aakalang si Phil ang nasa kabilang linya.
“Hello? Sino `to?” ulit ni Gael. Nakarinig siya ng tunog mula sa kabilang linya kaya alam niyang may kausap pa siya. Pero nakapagtatakang hindi sumasagot ang caller. Ibababa na sana niya ang telepono nang biglang may nagsalita.
“Hello! Can I talk to Phil James?” sabi ng malambing na boses.
Napakunot ang noo ni Gael. “Wala siya rito, eh. Nasa ospital. Sino po sila?”
“Ah, okay. I’ll just try to call him later. Thank you.” Iyon lang at ibinaba na ng caller ang telepono.
Napaismid si Gael. Tama ba namang basta na lang siya babaan nito ng telepono nang hindi man lang nagpapakilala?
“Sino raw?” tanong ni Lola Merced nang balikan niya sa veranda.
Nagkibit siya ng mga balikat. “Hindi nagpakilala, Lola. Ang sabi lang, tatawag na lang siya uli.”
“Lalaki?”
Umiling siya. “Babae po. Mukhang maganda.”
Napangiti si Lola Merced. “Ikaw talagang bata ka! Boses lang ang narinig mo, nasabi mo nang maganda!”
“Maganda po ang boses, eh.”
“Pangit `yon kapag gano’n!”
“Sino kaya `yon, `La?” nagtataka pa rin niyang tanong.
“Ewan! Baka naman pasyente ni Phil.”
“Sa pagkakatanda ko, sinabi ni Phil na hindi raw po siya nagbibigay ng numero sa mga pasyente. Isa pa, ‘Phil James’ ang tawag sa kanya ng caller, hindi naman ‘Doctor Phil’ o ‘Doctor Cerdan’.”
Sandaling natahimik si Lola Merced na parang may pinag-iisipan.
“Hindi kaya girlfriend niya `yon, `La?”
Muntik nang hindi masalo ni Gael ang isang piraso ng ubas na inihagis ng matanda sa kanya.
“Anong girlfriend ang sinasabi mo diyan? Kasal na kayo ng apo ko kaya wala nang girlfriend-girlfriend! Isa pa, mabait `yang si Philip, bukod pa sa sobrang abala…”
“I am a very busy person kaya huwag mo akong pag-isipan ng kung ano-ano.” Umalingawngaw sa isip ni Gael ang sinabi ni Phil. Oo nga naman. Busy nga naman ito at walang oras para mambabae kaya wala siyang dapat ipag-alala.
“Oo nga po. Mabuti naman at busy siya,” wala sa loob niyang sabi.
“Ha?”
“Ang ibig ko pong sabihin, kumain na lang kayo ng ubas. Huwag n’yo akong pasahan dahil hindi ako marunong sumalo.” Kinuha ni Gael ang kinalalagyan ng prutas at kumuha ng isa. Ngumiti siya nang matamis kay Lola Merced pagkatapos isubo ang isa.
“HELLO! I’m home!”
Napangiti si Gael nang halikan siya ni Phil sa pisngi. Mukhang sinasanay na talaga nito ang sarili na maging tunay niyang asawa. Kinikilig naman siya sa ideyang iyon. Isipin pa lang na ginagampanan ni Phil ang mga tungkulin nito bilang asawa ay nanlalamig na siya.
“Hello! Kumusta ang araw mo?” nakangiting tanong ni Gael. Sinikap niyang gawing kaswal ang pagtulong sa asawa na hubarin ang jacket na suot. Tinanggal din niya ang butones ng polo nito. Pero nasa ikalawang butones pa lang siya ay pinigilan na siya ni Phil.
“Sa loob na ng kuwarto ako magpapalit ng damit, honey.”
“Okay,” nakangiting sabi ni Gael. Tumalikod siya sandali para kunin ang slippers ni Phil. Nang magbalik, nakaupo na ang asawa sa sofa at nakangiting nakamasid sa kanya.
“Something has changed with you,” puna nito habang nakakunot ang noo, gayunman ay nakangiti habang nakamasid sa kanya.
“Ano naman ang magbabago sa akin?”
Umiling ito. “I can’t figure it out right now… Pero may nagbago talaga.”
Lihim siyang napangiti. Umeepekto na kaya ang gayuma ni Lola Merced?
Iniabot niya ang slippers ni Phil, saka tumabi rito. “Nasa isip mo lang `yon. Kumain ka na ba?”
“Yes. Tapos na. How about you and Grena?”
“Tapos na rin.”
Tumayo si Phil pagkatapos makapagpalit ng tsinelas at inalalayan siyang tumayo. Mayamaya pa, nasa loob na sila ng kuwarto.
“Gael, we’ve been married for almost a month, right?”
Nanlamig siya. Ito na ba iyon? Nagpaparamdam na kaya si Phil? Baka naman… Hindi nga kaya gusto na rin nito?
“Oo. One month and sixteen days na, actually,” sagot niya.
“What are your plans? How do you think this marriage will work out?” Pinaupo siya ni Phil sa gilid ng kama. Napatingala siya habang nakatayo naman ito sa harap niya at unti-unting inaalis ang butones ng suot na polo. Hindi niya naiwasang mapalunok habang nakamasid dito.
“Plants? Ang sabi ni Lola, mas sumigla ang hardin niya mula nang—”
“Gael, I said ‘plans’ and not ‘plants.’ Ano ang mga plano mo para sa ating dalawa?”
Natutok ang mga mata ni Gael sa kabuuan ng magandang pangangatawan ni Phil. Mukhang kahit batuhin siya ng bola ay hindi niya magagawang alisan ng tingin ang tanawing iyon.
“Ikaw… Ako… Paano mo nakikita ang sarili natin bilang mag-asawa?” nakangiti pa ring tanong ni Phil. Tuluyan na nitong nahubad ang suot na damit at inihagis iyon sa paanan ng kama. “Nanlalamig ka. May sakit ka ba?” tanong nito nang haplusin ang isang pisngi niya.
“Ah… eh… Paano ko ba makikita?” Puro naman kasi abs ang nakikita ko.
Natawa ang asawa nang makita ang pagkalito sa mga mata niya. “I mean, wala ka bang planong magkaroon ng anak? Do you imagine yourself having one or two children, of course, with me as the father?”
Good Lord, ito na nga `yon. Bakit naman maiisip ng lalaking ito ang tungkol sa baby kung hindi kami pareho ng naiisip?
“S-siyempre naiisip ko rin naman. Ikaw, naiisip mo rin ba?”
Lumuwang ang pagkakangiti ni Phil. “Siyempre naman. Gusto ko ng isang malaking pamilya. Katunayan, limang anak ang pangarap ko.”
Napadilat si Gael. “Sa akin?!” Nabigla pa siya nang muling tumawa si Phil.
“Ikaw ang asawa ko, kanino pa ba?” Inilahad nito ang isang kamay. Nanginginig man ay inabot niya iyon. “Honey, I need to ask this to you… Are you ready?”
Bumilis ang tibok ng puso ni Gael sa kaba. Parang mahihimatay na siya anumang sandali. Hindi yata niya kaya ang emosyong bumabalot sa buong pagkatao niya nang mga sandaling iyon.
“Teka…”
Napahinto si Phil nang akma na siyang ihihiga sa kama. “Yes?”
“Phil… Hindi ko pa yata kaya…Time out muna, puwede?” Itinukod niya ang mga braso sa hubad nitong dibdib.
Sandali siyang tinitigan ni Phil, mayamaya ay napangiti ito. Hindi alam ni Gael kung bakit napahugot ng malalim na paghinga ang asawa. Pero mayamaya, nakangiti na itong tumingin sa kanya. “Sure!” Ibinagsak nito ang sarili sa kama.
“Sorry…” nakayuko niyang sabi.
Sinulyapan siya ng asawa at hinaplos ang kanyang pisngi. “It’s all right. Hindi naman kita minamadali. It just happened that…” Napatigil ito.
“Na ano?”
Umiling si Phil at bahagyang pinisil ang kanyang baba. “Wala. Pagod lang ako at maraming stress sa work. I was just trying to… You know, look for an outlet.”
Ano raw? Outlet? Ganoon lang ba ang tingin ni Phil sa kanya? Outlet ng stress nito?
Napilitang tumango si Gael. “Okay. Malay mo, bukas o sa susunod na araw, kaya ko na. Sorry talaga. Para akong mahihimatay sa takot, eh,” apologetic niyang sabi.
“Tulad ng sinabi ko, ayos lang `yon. I’m fine, okay.” Tumalikod na si Phil.
Hindi naman mapakali si Gael. Hindi siya makakilos sa pagkakatitig sa likod ng asawa. Parang may kung anong bumubulong sa kanya. “Errr… Phil?”
“Yes, honey?”
Napapikit siya sa kilig. Talagang pinangangatawanan na nito ang pagtawag ng honey sa kanya. “Gusto mo ng massage?” malambing niyang tanong. Hindi pa man sumasagot si Phil, hinaplos na niya ang likod nito. Napapitlag siya. Nakakapaso ang balat ng asawa.
“Sure, basta walang liniment, ha.” Sinundan nito iyon ng maikling tawa.
“Wala. Kamay na kamay lang.”
Tumango si Phil kaya sinimulan na ni Gael ang ginagawa. Hinagod niya ang hubad na likod ng asawa. Pinagbuti niya ang pagmamasahe sa pinakamahusay na paraang alam niya. Napapaungol si Phil kaya alam niyang nagugustuhan nito ang kanyang ginagawa.
“Hmmm…it feels good,” paungol na sabi nito.
“Talaga?” Ipinuwesto ni Gael ang mga kamay nang magkasalubong sa gitnang bahagi ng likod ng asawa. Pagkatapos, halinhinan niyang idinidiin ang magkabilang hintuturo pababa. Para siyang may sinusunod na imaginary line habang nagtatrabaho ang mga kamay. Muling napaungol si Phil. Tumihaya ito mayamaya.
“Please massage me here,” hiling ng asawa habang nakapikit at isinisenyas ang tagiliran nito.
Ngiiii…
Nanlaki na naman ang mga mata ni Gael. “Puwede bang sa… likod na lang?” Nanlamig na naman siya. Hindi yata niya kayang magmasahe ng taong nakaharap sa kanya.
“Please, Gael… Do it.” Iginiya ng asawa ang kanyang mga kamay sa hubad nitong katawan. Mabuti na lang at nakasuot pa ito ng pantalon, kung hindi baka mapatalon na siya sa nerbiyos.
Sinimulan ni Gael na hagurin ang bahagi ng katawan na sinasabi ni Phil. Maya’t maya siyang napapasinghap dahil sa emosyong kumikiliti sa kanyang sistema. Kahit kailan, hindi niya naisip na magiging torture ang pagmamasahe.
“Dito pa, please…” Inilagay ni Phil ang mga kamay niya sa dibdib nito.
Oh, my…
“Kaya mo na siguro `yan…” hindi napigilang sabi ni Gael, sabay bawi ng kamay. Pero maagap si Phil at agad na nahawakan ang isang kamay niya. Napasubsob siya rito at kaunti na lang ay maglalapit na ang kanilang mga mukha.
“Easy, Gael… Wala naman sigurong masama sa masahe, hindi ba?”
“Oo nga pero… naiilang ako, eh,” bulong niya, ni hindi matingnan ang asawa sa mga mata.
“You also feel it, right?”
“Huh?”
“You want it as much as I do, Gael. Tell me, honey. Am I right?” Umangat ang ulo ni Phil at pinaliguan ng mumunting halik ang pisngi niya.
Pakiramdam ni Gael ay dinadaluyan siya ng bolta-boltaheng kuryente sa ginagawa ng asawa. Nagpapatayo sa kanyang mga balahibo ang mainit na hininga nito.
Kinabahan si Gael. Naalala niyang dalawang beses nga pala niyang binigyan ng juice si Phil kagabi imbes na isa lang gaya ng dating ginagawa. Na-overdose kaya ito? Baka iyon ang dahilan kung bakit nagkakaganoon ngayon ang asawa.
“Phil… Kailangan ko munang… mag-shower…”
“Sure, honey… But let me finish.”
Sa pagkakataong iyon, tinotoo na ni Phil ang paghalik. Inilapat nito ang bibig sa kanyang mga labi at sinalo pa ng kamay ang kanyang ulo, dahilan para magkaroon ng tamang anggulo para sa kanilang dalawa. He kissed her deeper than she could imagine. Pakiramdam niya ay nangingilo siya. At nagiging mapusok ang mga halik ng asawa habang tumatagal.
Nang ilayo ni Gael ang sarili, hinabol pa ni Phil ang kanyang mga labi. Wala siyang nagawa kundi ilagay na lang ang mga kamay sa malalapad nitong balikat. Kailangan niyang gawin iyon, kung hindi ay manlalambot siya.
Napasinghap siya nang kumilos ang mga kamay ni Phil at pumailalim sa suot niyang blusa. Dahil doon, lalong lumalim ang halik ng asawa. Lalo ring humigpit ang pagkakayakap niya rito. Pataas ang mga haplos ng lalaki… pataas nang pataas…
“Teka!” Bigla siyang napabangon at agad na inilayo ang sarili.
Nagtatanong naman ang mga mata ng asawa nang tumunghay sa kanya. “Gael?”
“Huwag mo naman sana akong madaliin. Hindi ko talaga kaya… I’m sorry, Phil…” nanginginig niyang sabi.
Tinunghayan ni Phil ang kanyang mukha at siguro, natuklasan nito na totoo ang sinasabi niya. Kinabig siya nito at hinalikan sa ibabaw ng ulo. “Okay. I’m sorry, honey… I can’t help it. You’re very beautiful,” bulong nito sa kanyang tainga.
“Alam ko naman `yan. Pero teka lang, ha? Diyan ka muna dahil naiihi na talaga ako!” Mabilis na kumalas si Gael sa pagkakayakap ni Phil at tumakbo papunta sa rest room ng kuwarto.
Next to: Love Potion (Chapter 13)
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.





