MABILIS na nagtago si Gael sa likod ng pinto ng kuwarto nang marinig kay Cita na dumating na si Phil galing Davao. Napangiti siya, sabay hawak nang mahigpit sa shawl. Naalala na naman niya ang inis para sa asawa. Hindi siya mapakali at kung hindi dahil kay Lola Merced ay hindi niya magagawang lumabas agad ng kuwarto. Nagtaka raw kasi ang matanda nang hindi makitang inihatid niya si Phil sa pag-alis kaya agad siyang pinasok sa kuwarto. Inabutan siya ni Lola Merced na may nakabalabal na shawl sa leeg at laking pagkagulat nito nang matuklasan ang itinatago niya.
Malaking kahihiyan ang inabot ni Gael sa harap ni Lola Merced. Kahit anong paliwanag at pang-uuto ng matanda ay hindi nagbago ang pakiramdam niya. Luminaw sa isip niya ang mga kuwento ni Charlotte noon tungkol sa isang maharot na babae sa baryo nila. Abot-abot ang pintas ng mga tao rito at kilala ang babae na hindi maganda ang reputasyon.
Hindi na siya bata at katunayan ay may asawa na, pero hindi iyon sapat para makumbinsi ang sarili na normal lang ang pagpapalagay ng kiss mark. Para kay Gael, hindi kanais-nais ang bagay na iyon kaya isang malaking pagkakamali ang ginawa ni Phil sa kanya. Dahil doon, bumuo siya ng plano habang nasa Davao ang asawa. Matitikman nito ang tindi ng inis niya. Kailangang makaganti siya sa lalaki, kung hindi ay hindi siya matatahimik.
Napapikit nang mariin si Gael nang marinig ang mga yabag ng asawa. Inihanda niya ang sarili at mahigpit na hinawakan ang magkabilang dulo ng shawl. Nang bumukas ang pinto ng kuwarto, narinig niya ang pagtawag ni Phil. Hinintay niyang tuluyang makapasok ang asawa at saka sinunggaban. Mabilis niyang ipinulupot sa mukha nito ang hawak na kapirasong tela.
“Oh, wait—” sigaw ni Phil habang pilit na inaalis ang telang nasa mga mata.
“Akala mo, ha! Tingnan natin ngayon ang husay mo!” Gamit ang alampay, mabilis na piniringan ni Gael ang mga mata ni Phil at sunod na hinawakan ang mga kamay nito. Inilagay niya ang mga iyon sa gawing likuran nito at saka pinagsalikop.
“Lakad!” utos niya habang inaalalayan ang asawa.
“Teka lang… Wala akong makita!” Pilit itong kumawala sa pagkakahawak niya para kapain ang dinaraanan.
“Basta lakad lang! Bilisan mo!” Inilalayan niya si Phil hanggang makarating sa kama. “Higa!”
“Higa?” ulit nito na parang nagulat.
“Oo, higa! Bilisan mo naman kasi!”
Natatawang sumunod si Phil kaya hinampas niya ito sa balikat. “Ano ang itinatawa mo diyan? Tingnan natin kung makatawa ka pa pagkatapos ko sa `yo.”
“Wait, ano ba ang gagawin mo? Don’t tell me may kaugnayan pa rin ito sa nangyari bago ako umalis?”
“Oo, kaya huwag ka nang maraming tanong. Hubad!”
Napasipol si Phil habang nakapiring pa rin. “Gael, are you sure?”
“Dami namang satsat, eh! Basta hubad!”
Sumunod ang asawa at agad na hinubad ang damit. Inalis na rin nito pati sapatos at medyas. Nang makatapos, agad niya itong itinulak sa higaan.
“Easy, honey…” nangingiting sabi ni Phil.
Napangiti si Gael. Yumuko siya para kunin mula sa bulsa ang plastic ng pang-ipit ng damit at saka kumuha ng ilang piraso mula roon. Inilapit niya ang isang pang-ipit sa leeg ng asawa at saka ito binulungan. “Gusto mo ng kiss mark, honey?” pilya niyang tanong.
Maluwang namang ngumiti si Phil. “Feel free.”
Ibinuka ni Gael ang hawak na pang-ipit at saka iyon inilagay sa leeg ni Phil. Napadaing ang lalaki at nang akmang hahawakan ang leeg ay inunahan niya ang kamay nito.“Teka lang, hindi pa `ko tapos.”
“Gael, masakit! Ano ba `to? Ipit ng—oh, shit!”
“Masarap ba ang kiss mark ko?” Muling nilagyan ni Gael ng pang-ipit ang isa pang bahagi ng leeg ni Phil. Nang kumilos ang isa pang kamay ng asawa para tanggalin ang mga nakakabit sa leeg, agad niyang dinaganan ng tuhod ang kamay nito. Gayundin ang ginawa niya sa kabilang kamay ng asawa. Nakaupo na siya sa tiyan ni Phil habang nakadiin sa magkabilang kamay nito ang kanyang mga tuhod. Patuloy sa pakikipag-usap ang asawa pero patuloy din siya sa pagdadagdag ng ipit sa leeg at katawan nito.
“Gael, hindi na nakakatuwa ang ginagawa mo… Ouch!”
“Bakit? Sino ba ang nagpapatawa? Ngayon, makikita mo ang totoong hitsura ng kiss mark!” Sinundan niya ng tawa ang sinabi.
Pilit na inalis ni Phil ang mga kamay nito sa pagkakadagan ni Gael. Ilang sandali lang, nagawa nitong alisin ang piring at ang mga ipit na nakakabit sa leeg at katawan habang bumubulong ng kung ano-anong expletives na ang ilan ay halos hindi na niya naunawaan.
“My goodness, Gael! Look what you’ve done to me!” inis na bulalas ni Phil habang pinagmamasdan ang ilang mapupulang bahagi ng katawan nito.
“O, bakit?” mataas din ang boses na balik niya, hindi pinansin ang pagkakalilis ng suot na pantulog.
“Do you really need to do that?” namumula ang mukhang tanong ng asawa. Pero sandali lang iyon dahil agad na nawala ang inis nito nang mapagmasdan ang paraan ng pagkakaupo niya sa tiyan nito. “Jeeessss…”
“Ha? Anong cheese?” kunot-noong tanong ni Gael. Nagulat siya nang hawakan ni Phil nang mahigpit sa baywang. Sa isang iglap, madali nitong nabago ang posisyon nila. Walang ka-effort-effort na naihiga siya ng asawa sa kama habang ito naman ngayon ang nakaupo sa pagitan ng kanyang mga hita.
“Gael, hindi mo alam kung ano ang ginagawa mo…” Iyon lang at bumaba na ang mukha ni Phil sa kanyang leeg. Kiliting-kiliti ang pakiramdam niya nang halikan siya nito roon. Ilang sandaling nagtagal si Phil sa ginagawa at natuklasan ni Gael na nakapulupot na rin sa katawan ng asawa ang kanyang mga braso.
“Phil…” mahina niyang daing, parang may kailangang habulin na halos hindi niya maabutan.
“Honey… You missed me, huh?” sabi ng asawa nang sandaling tunghayan ang kanyang mukha. Pagkatapos, muli na namang bumaba ang bibig nito at ang mga labi naman niya ang pinagdiskitahan.
“Teka lang… Phil!”
“Ano na naman?” tanong nito na parang nauubos na ang pasensiya.
“Ano, eh… Puwede bang… P-puwede bang ano?”
“Ano?” malakas at humihingal na tanong ng lalaki.
“Puwede ba tayong magpalit? Mas gusto ko yata `yong kanina. Nangangawit ako nang ganito, eh.”
Sandaling natulala si Phil sa pagkakatingin sa kanya, hanggang sumilay ang maluwang na ngiti sa mga labi. “By all means, honey…” sabi ng asawa, sabay tayo. Muli itong nahiga sa puwesto kanina at hinintay ang gagawin niya.
Pero isang ideya ang pumasok sa isip ni Gael pagkatapos pakawalan ng asawa. Bitbit ang damit ni Phil, mabilis siyang nagtatakbo palabas ng kuwarto.
“Gael!” malakas na tawag ng asawa pero hindi niya ito pinansin.
NAGMAMADALING tumakbo si Phil palabas ng kuwarto para sundan si Gael. Hindi niya inaasahang tatakbo ito, hindi tuloy niya alam kung matatawa o maiirita. Nakahubad man ng pang-itaas, agad niyang sinundan palabas ang asawa habang tinatawag ang pangalan nito. Nang makababa, napangiti siya nang makita itong umikot sa likod ng sofa.
“Gael, it’s not funny. Come on, halika sa itaas at mag-usap tayo,” pakiusap ni Phil habang ang tingin ay sumusuyod sa kabuuan ng bahay sa pangambang marinig sila ng mga kasama.
“Sure, pero habulin mo muna `ko!” sagot nito habang hawak at nilalaro ng hintuturo ang damit niya.
“Gael, stop that! Para tayong bata sa ginagawa mo!” mariin niyang sabi.
“Talaga namang bata pa ako, eh! Ikaw ang matanda na. Katunayan nga, hindi ka na makahabol!” Muling lumigid si Gael sa isang panig ng sofa palapit sa pinto. Sinundan ito ni Phil pero madaling nakaikot ang asawa at ngayon ay siya na ang nakatayo malapit sa pinto. Natigilan siya nang bigla iyong bumukas at bumungad ang isang hindi inaasahang bisita.
“Phil James?”
Napamaang si Phil sa pagkakatitig sa bagong dating. May kung ilang sandaling bumuka ang bibig niya pero hindi nagawang magsalita. Para siyang ipinako sa kinatatayuan.
“Ano ang ginagawa mo rito, Carmilla?”
Napalingon silang tatlo sa puno ng hagdan nang marinig ang dumadagundong na boses ni Grena.
MASAKIT na ang mga dulo ng kuko sa daliri ni Gael pero hindi pa rin niya magawang kalmahin ang sarili. Nasa loob ng bahay ang babaeng kailan lang ay topic ng pag-uusap nila ni Lola Merced—si Carmilla, ang babaeng unang minahal at sineryoso ni Phil.
Nagalit si Lola Merced nang makita ang babae. Bahagya pa ngang sumikip ang dibdib ng matanda kaya may ilang sandaling nagkaroon ng tensiyon sa loob ng bahay. Nang sulyapan si Gael kanina ni Phil, agad siyang lumapit para ibigay ang damit ng asawa. Hindi pa tuluyang nakakapagbihis ay nilapitan na nito ang bisita at narinig niya ang usapan ng dalawa.
“What are you doing here, Carmilla? Look what you’ve done to Grena!” Galit ang boses ni Phil at bahagya pang sumulyap sa lola na noon ay katabi na ng mga magulang nito.
Ikinagulat ni Gael ang paghakbang ng babae palapit sa kanyang asawa. Hinawakan nito si Phil sa braso at buong pagmamakaawang nagsalita. “Phil, I’m so sorry. Alam ko ang lahat ng kasalanan ko sa `yo… sa pamilya mo. Pero hindi pa naman huli ang lahat, `di ba? Handa akong pagbayaran lahat ng nagawa ko.”
“What are you talking about? Kung magsalita ka, parang kahapon lang nangyari ang mga `yon. Matagal nang natapos ang lahat sa atin, Carmilla! Gumawa ka na ng sarili mong buhay kaya hindi ka na namin kailangan.” Malamig ang boses ni Phil. Marahan nitong inalis ang mga kamay ni Carmilla pero naging mapilit ang babae. Patuloy lang nitong niyayakap si Phil at sa huli ay nagawa pang lumuhod sa harap ng lalaki.
“Oo, lumayo ako… Natakot kasi ako, eh. I was so young that time! Sinabi ko naman sa `yong ako lang ang inaasahan ng mga magulang ko—”
“Pero sinabi ko rin sa `yo noon na hindi kita pababayaan!”
Nasaktan si Gael sa narinig. Bakit sa pandinig niya, nagiging mahina na ang boses ni Phil? Naaapektuhan na ba ito sa mga sinasabi ni Carmilla? Nang yakapin ng babae ang mga binti ni Phil, napahawak si Gael sa sariling dibdib. Pakiramdam niya, gusto niyang tabigin ang mga kamay ni Carmilla na nakayakap kay Phil. Anong karapatan mayroon ang babaeng ito para gawin iyon sa harap niya?
“Can you please stop talking that way in front of Gael? Umalis ka na, Carmilla! You are not welcome here anymore!” Boses iyon ng mama ni Phil.
Inakala ni Gael na tatayo na ang babae para umalis pero sa halip, lalo lang lumakas ang boses nito.
“Hindi totoong ipinalaglag ko ang anak natin, Phil! That was a lie! Binuhay ko siya dahil sa pagmamahal ko sa `yo. Sinabi ko lang `yon dahil pipilitin mo akong magpakasal at hindi pa ako handa noon!”
“What?!” Napataas ang boses ni Phil.
Kumabog naman nang malakas ang dibdib ni Gael sa sobrang tensiyon.
“Tama ang narinig mo. May anak tayo. Buhay siya at nasa bahay namin sa Quezon ngayon. His name is Tom.”
Tumayo si Carmilla at nagniningning ang mga matang tumitig kay Phil. Hindi naman na nakapagsalita ang lalaki at parang natuklaw ng ahas sa narinig. Ang sumunod na eksena ay nagbigay ng sobrang panlulumo kay Gael. Humingi ng paumanhin ang kanyang biyenan at kahit matalim ang tingin ay tinawag si Carmilla para paupuin sa sofa na katapat ng kinauupuan nito. Si Phil ay nanatiling nakatayo sa pinto habang tulala.
Hindi kinaya ng kalooban ni Gael ang eksenang iyon kaya mabilis siyang pumunta sa komedor. Masamang-masama ang loob niya. Ni wala man lang nakaisip na ipakilala siya kay Carmilla bilang asawa ni Phil. Ang focus ng lahat ay nauwi na sa batang tinutukoy ng babae na anak ni Phil.
Parang biglang namanhid ang pakiramdam ni Gael at humapdi ang mga mata. Gusto niyang umiyak pero nahihiya naman siya sa sarili. Ano ba ang karapatan niyang gawin iyon? Oo at siya ang asawa, pero ano ba ang dahilan ng lahat ng iyon? Bakit ba siya pinakasalan ni Phil? Hindi ba para pagbigyan lang naman ang lola nito?
Hindi siya dapat masaktan. Hindi dapat umasa na tutugunin din ni Phil ang damdamin niya dahil lang kasal na sila. Nagkataon lang na isa itong mabuting anak at apo dahil kung hindi, wala sana siya sa bahay na iyon. Hindi rin sana siya Mrs. Philip James Cerdan ngayon.
Napayuko si Gael. Sinikap niyang pigilan ang pagpatak ng mga luha. Hindi siya dapat umiyak. Kung dumating man si Carmilla, may karapatan naman ito sa kanyang asawa, lalo at may anak pala ito kay Phil. At siya, isang malaking panggulo ang tawag sa kanya.
Sa puntong iyon, hindi na niya napigilan ang emosyon at tuluyan nang napaiyak.
Next to: Love Potion (Chapter 15)
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.





