PARANG KANINA lang, nae-enjoy ko pa ang normal kong mukha. Walang kolorete, walang mantsa. Mahimbing din ang tulog ko sa loob ng apartamento na siyang kasalukuyan kong tirahan. Pero ngayong gabi, balik na naman ako sa dating gawi. Kailangan kasing kumayod. Wala rin namang magpapakain sa akin. Nakakasawa din naman ang saging.
Nilagyan ko ng pulang-pulang lipstick ang nakanguso kong labi. Kinagat ko ito saka nakakaakit na tumingin sa salamin. Sa wakas, handa na ulit ako.
“Magda, ikaw na ang susunod!” sigaw ng kasamahan kong si Rhian mula sa pintuan ng kuwarto.
Binalingan ko siya ng tingin sa malaking salamin. Naka-bra lang siya at maiksing palda. Bumagay ang heavy makeup sa kaniya na minsan lang niyang gawin sa sarili. Ngumisi ako at tumayo. Hinayaan kong ilugay ang sariling buhok saka muling pinasadahan ng tingin ang buong katawan. Umikot ako para harapin siya.
“Tara na,” pag-aya ko at huminga nang malalim.
Pumunta kami sa backstage. Dito pa lang, maririnig na ang ingay ng buong lugar. Puro sexy songs at ungol din ang nangingibabaw. Mausok, na siyang humahalo sa amoy ng alak. Tinawag ang pangalan ko para ipakilala. Nang tumungtong ng stage ay lalong lumakas ang hiyawan. At sa pagkakataong iyon, wala na naman akong kawala sa kapalarang kinabagsakan ko.
“Woo! Solid `to!”
“Igiling mo nang maayos, beybe!”
Ilan lang iyan sa mga naririnig kong kababuyan nila. Bilang trabaho ko ito, kailangan kong mas igihan pa. Tumalikod ako at marahang ibinababa ang strap ng suot kong bra. Tinanggal ko ang hook. Dahilan kaya lalong nagwala ang halang na mga kaluluwa ng kalalakihan. Akmang haharapin ko ulit silang lahat nang masalubong ko ang mabatong katawan ng pamilyar na lalaki.
Iniangat ko ang tingin. Tumambad sa akin ang nag-aapoy sa galit niyang mata. Saka ko naramdaman ang telang bumalot sa akin. Saglit kong tinapunan ng tingin ang bagay na iyon saka muli siyang binalingan. Mamahaling coat pala ang ipinangtakip niya sa katawan kong mumurahin lang.
“Ano sa tingin mo’ng ginagawa mo?” pataray kong tanong.
Hindi siya nagpatinag sa inasal ko. Mas mabagsik ang kaniya. Binabalewala rin ang mga nagrereklamong customer nitong bar.
“Tara, iuuwi kita,” biglang saad niya kaya nagtaka ako.
“Hindi mo ba nakikita, Martin? Nagtatrabaho ako!” sagot ko.
“Hindi ganitong klase ng trabaho ang bagay sa iyo, Magda. Bibigyan kita ng posisyon sa kompanya, huwag lang ganito!”
Huminga ako nang malalim at napapikit na lang sa mga sinasabi niya. Nahihibang na siya. Hindi ako bagay sa naiisip niyang ganoong klaseng trabaho.
“Itong trabaho lang ang alam ko. Kaya kung pupuwede sana, tumabi ka dahil baka mapag-trip-an ka rito.” Umiwas ako ng tingin. Dapat sanay na akong nagpapakitang-gilas sa stage. Bakit ngayon pa yata ako tinamaan ng hiya?
“Hoy, ano ba `yan! Huwag mong solohin, pre.”
“Tabi ka, boy! Pare-parehas tayong nagbabayad dito.”
Nakita kong yumuko si Martin. Tiningnan niya ang hinaharap ko saka umangat ang mata niya papunta sa mukha ko. Umiling-iling siya at inayos ang pagkakabutones ng coat na nakasuot sa akin.
“Ang tagal naman! T*ngina, ipapatapon na kita–“
Sa isang iglap lang ay nawala na siya sa harapan ko. Bumaba siya at sinugod ng suntok ang sumigaw na customer na iyon. Natumba ito sa kinauupuan kaya nagkagulo sa bar. May mga iilan na ring kalalakihan ang sinusugod siya pero mabilis siyang nakakaiwas.
Nagkalat ang mga nabasag na bote ng alak. Pati mga mesa, nagkandabali-bali na rin ang paa. Nakakainis talaga si Martin!
“Ser, tama na `yan.” Maluwag akong nakahinga nang may umawat na ring mga bouncer. Mayamaya pa ay tinawag ako ng manager naming si Gerald kaya nilapitan ko siya sa gilid ng stage.
Hindi ito magkanda-ugaga kakautos sa ibang staff ng club. Pinapatigil niya ang rambulan na sinimulan ni Martin.
“Jusko naman, Magda! Nakakaloka iyang fafabels mo. Ditetch pa naisipang mang-jombag sa bar. Juskooo! Umuwi ka na nga muna at baka lumaki pa ang gulo.”
Napayuko ako. “Sorry, manager. Hayaan mo, pagsasabihan ko `yang si Martin.”
“Dapat lang! Mabuti at nabayaran na niya ang working time mo sa akin. Dahil kung hindi, nakuuu!” Napasabunot siya sa sarili at tinalikuran na ako.
Napairap ako. Buwisit. Pasalamat talaga ako dahil may bayad pa ako. Baka nakanganga na naman ako sa susunod na araw nito.
Matapos ang ilang oras na kaguluhan ay hinila na ako ni Martin papuntang parking lot. Pinasakay niya ako sa passenger seat. Saka siya umikot at pumasok sa loob ng Mercedes niya. Sinimulan na niyang buhayin ang engine.
“Hindi mo naman kailangang gawin `to. May sarili akong buhay, mayroon ka ring sa `yo,” panimula ko at tumingin sa kaniya.
Gumagalaw ang panga at adam’s apple niya. Napapalunok na rin tuloy ako. Ang ganda rin ng labi niya, natural ang pagkapula at naaayon pa sa hugis. Pati ilong niya, parang ang sarap tuloy patakan ng halik. Ganoon din ang tsokolate niyang mga mata. Lahat-lahat ng tungkol sa kaniya, talagang makalaglag-panty.
Huminga ako nang malalim. Isinandal ko ang ulo sa bintana ng sasakyan. Ang tahimik na ng gabi. Nakabukas na ang ilaw sa mga poste at labas ng kabahayan. Pero hindi ibig sabihin no’n, nagpapahinga na ang lahat. May mga iilan na kailangang mag-ingay at magbanat ng buto para magkaroon ng laman ang tiyan. Kahit pa na, hindi masikmura ang naging kapalaran.
“Tama na, Martin. Huli na `to, please,” muling pagbubukas ko ng usapan.
Sandaling huminto ang sasakyan sa gilid ng isang hotel. Binalingan ko siya ng tingin. Nakatulala lang siya.
“Inaalok naman kita ng magandang trabaho, Magda. Tanggapin mo na, saka ko titigilan ang panggugulo sa bar na `yon.” May kung anong kislap ang nakita ko sa mata niya nang nadaanan ako nito.
Uminit ang pisngi ko. Pakiramdam ko, kahit ang sulyap niya, mahirap bayaran. Masiyado siyang mamahalin kaya mahirap ding angkinin. Sobrang layo ng isang tulad ko para sa kaniya.
“Ilang beses ko bang sasabihin na tigilan mo na `ko, ha? Sandali, baka gusto mo lang ng magpapa-init din sa `yo kaya–“
“That’s bullsh*t!” putol niya. Hinampas niya ang manibela at lalong bumigat ang timbang ng tingin niya sa akin. Parang hindi niya ako binibigyan ng pagkakataong makahinga. “Kung alam mo lang, lagi kong tinatanong ang sarili ko kung bakit araw-araw kitang pinipili. Kung bakit ganito ako kabaliw sa `yo! Kung alam mo lang, high school pa lang tayo, sobrang mahal na kita. Na hinayaan kong magparaya dahil iba ang mahal mo noon. Kung alam ko lang, na mapupunta ka sa ganitong sitwasyon, ipinaglaban sana kita noon. Kahit ayaw mo sa akin.”
Umiling ako at umusog palayo sa kaniya. Diring-diri ako sa sarili ko pero bakit nagawa niya pa rin akong tanggapin?
“Hindi tayo bagay, Martin. Sorry. Wala akong halaga sa mundo. Isa akong sakit na pilit isinusuka.” Paunti-unti, nararamdaman ko na ang pagpatak ng mga luha sa pisngi ko. Nakitaan ko siya ng malambot na ekspresyon na iginawad para lang sa akin. Pupunasan niya sana ang mukha ko pero agad akong umiwas.
Kahit haplos niya, hindi ko deserve `yon. Marumi na ako. Ayokong madaplisan ng mantsa ang mamahalin niyang kamay.
“Nasabi ko na ba sa `yo kung gaano ka kahalaga sa akin?” tanong pa niya. “Bakit ba sobrang baba ng tingin mo sa sarili mo, gayong sobrang hirap mong abutin?”
“Tama na–“
“Sshhh. . .” Hindi ko namalayang humihikbi na rin siya. Halata sa mata niyang namumula na. Pero hindi iyon naging dahilan para mabawasan ang kaguwapuhan niya. “Mahal kita, Magdalene Rafa. Sobrang mahal kita. Sana hayaan mo akong maging baliw sa `yo. Pangako, hindi kita hahayaang magdusa sa kawalan. Lagi kitang sasaluhin, tandaan mo `yan.”
“Martin–“
“Sshhh,” muling putol niya. “Gusto mo pa bang makarinig ng kuwento?”
Pabiro ko siyang inirapan. “Ano ba, nagda-drama ako rito, e.”
Nagtawanan kami.
“Makinig ka, Magda. Sa isang mall, may magkasunod na babae ang nagbabayad sa counter. Nauna iyong isang gusgusin ang damit, nasa likuran naman niya ang babaeng naka-uniform. Halatang mataas ang posisyon sa lipunan.”
“Ano’ng gusto mong palabasin?” pabalang na tanong ko. Parang nananakit ito ng pride, e.
Ngumiti siya. “Patapusin mo muna ako.” Tumingin siya sa malayo at sumandal sa kinauupuan. “Puro barya ang dala ng babaeng gusgusin ang damit. Samantalang buong five hundred peso bill naman ang dala ng babaeng naka-uniform. Pero kung tutuusin, mas madami ang pinamili ng naunang babae kaysa sa kasunod niyang isang galon ng ice cream lang naman. Natagalan sa pagbibilang ang nagca-cashier.”
“Siyempre, puro barya `yon.”
“Oo, kaya nagrereklamo ang kasunod niya. Bakit hindi raw binilang agad bago pa dumating sa counter. Without thinking na barya nga kasi ang dala niya. Kaya kailangan ulit bilangin just to make sure.”
Napahikab ako. Sobrang detailed niyang magkuwento. Ang alam ko, nagda-drama kaming dalawa dito, e.
“Panay ang reklamo ng babaeng naka-uniform. Sinabi niyang nakisingit nga lang siya dahil baka matunaw ang binili niyang ice cream, `tapos, matatagalan din pala sa counter. Hanggang sa lait-laitin na niya ang nauna sa kaniya sa sobrang inip.”
“E, shunga naman pala. Dapat sa 7/11 na siya bumili ng ice cream para hindi agad matunaw. Mabilis pa ang transaction. Kapal, ha. Nakikisingit na nga lang.”
“Hindi pa tapos. Nakalahad na agad `yong five hundred niya, ipinapaypay pa sa sarili. Na para bang, mas malaki ang dala niya kaysa sa nauna sa kaniya. Pero alam mo ba?”
“Ano?” tanong ko, na sinasakyan din ang kuwento niya.
“Na isang libo ang dala ng babaeng gusgusin? Iyon ang kinikita niya sa araw-araw na pagtinda sa kalye. Habang iyong naka-uniform, five hundred ang kinikita sa araw-araw na pagtatrabaho sa kompanya. Ibig sabihin, wala sa nakikita ng mata ang halaga ng isang bagay. O kahit halaga ng kahit sino. Ikaw, kung papipiliin ka ba, isang libong tagpi-piso o buong five hundred bill?”
Kumunot ang noo ko. “Siyempre, doon ako sa mas malaki ang halaga.”
“Tama, kung ipapabuo mo naman ang isang libo, ganoon pa rin ang bilang. Mas maganda lang tingnan dahil makikita agad na malaking pera iyon.”
“So? Ano’ng gusto mong sabihin?” inip kong tanong.
Tinitigan niya ako. Lumapit siya at hinaplos ang mukha ko. Napapikit ako. Hindi naman ako uminom ng alak pero sobrang nakakalasing ang presensya niya. Parang. . . nakakahilo. Hindi ako makahinga nang maayos sa sobrang lapit niya.
“Gusto kong malaman mo na hindi nababase sa pisikal na anyo ang halaga ng isang tao. Sa salapi, kung hindi mo bibilanging mabuti, magkakamali ka sa halaga nito. Parang sa tao, kung hindi mo siya kikilalaning mabuti, hindi mo makikita ang tunay niyang halaga. Sa mundo man o sa buhay mo. At gusto ko ring sabihin na, madami akong nakitang naka-uniporme pero ni isa, walang tumumbas sa kung gaano ka kahalaga. Hindi ka two hundred fifty pesos, hindi ka rin five hundred lang. Higit ka pa sa daang bilyong dolyar, Magda. At gusto ko, ako ang maging dahilan para makita mo kung gaano ka kamahal sa mundong ito. Na hindi ka basta-bastang mabibili. Dahil una pa lang, sa akin ka na. Nahuli lang ako ng dating.” Natawa siya kaya hindi ko na rin mapigilang sundan iyon ng pagngisi.
Tama nga siya. Hindi nakikita ang halaga ng isang tao sa kabuuan nitong pisikal. Kundi sa kung paano mo siya nakilala. Kung sino ba siya at kung ano’ng naging timbang nito sa buhay mo. Makikita mo rin ang halaga mo kapag may taong kaya kang tanggapin at mahalin sa kabila ng nakaraang mayroon ka. Ito ang hirap kong tanggapin noon. Sa kung ano lang ako sa lipunan.
Pero ngayon, nabigyang-linaw simula nang magkaroon ulit ng isang taong nagpamulat sa totoo kong halaga.
“T-Thank you, Martin. Mahal din k-kita,” utal na pag-amin ko. At parang may malaking tinik na nabunot sa dibdib ko. Nawala `yong bigat. Napalitan ng kakaibang kasiyahan.
Hinalikan niya ako sa noo bago pinatakan ang labi ko. Buong-puso ko naman iyong tinanggap. Walang pag-aalinlangan. Walang bayad.
“From your almond eyes, down to your pointed nose, rosy lips, and delectable cheeks, I love all about you. Sobrang mahal kita, Magdalena. No stains could lessen my love for you. Ikaw ang pinakamalaking halaga sa buhay ko. Keep that in mind.”
Tumango ako at ngumiti. Wala na yatang mas isasaya pa nang malaman ko ang tunay niyang hangarin. At iyon, ang ipakita ang tunay kong halaga.
WAKAS.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.






2 Responses
Dalisay na pagmamahal 🥰
Iloveit what a true and greatest love above all 💓💞❣️