Menace and Morose

Menacled Fates: Menace and Morose (Chapter 24)

MAGHAPON ang lumipas nang walang Elton ang nagpakita o nagparamdam kay Toni. Maghapon ding halos mabali ang kanyang leeg sa kalilingon sa entrance ng restaurant sa pag-asang magpapakita roon ang lalaki. Pati na ang kanyang cellphone ay hindi rin niya halos lubayan sa pagbabakasaling may maliligaw doon na tawag o mensahe mula rito.

Sa kabilang banda’y pilit ding pinipigilan ni Toni ang mag-isip kay Elton sapagkat iyon ang dapat. Ngunit taliwas iyon sa ikinikilos niya nang maghapong iyon. Isa pa’y siya ang manager ng restaurant na pinapasukan ni Elton kaya dapat ay alam niya kung nasaan ito at bakit hindi nakapasok sa araw na iyon.

‘Ano bang inaasahan mo pagkatapos mo siyang ipagtabuyan?’ pang-iinsulto naman ng kanyang utak.

Sa naisip ay halos pasalya niyang isiniksik sa bag ang cellphone

“Oy, oy, oy! Ano ’yan? Ano’ng meron? Ha?” Cynthia teased suddenly and lifted an eyebrow to her. Hindi niya alam kung gaano na ito katagal na nakamasid sa kanya.

Siya naman ay parang natauhan sa ginawa saka napasulyap nang mabilis sa gawi ni Cynthia.

“Alin?” pagpapatay malisya naman niyang tanong.

Nilapitan siya nito at tinitigan sa mukha. “Kawawa naman ’yong cellphone mo. Pasalya mo na ngang ipinasok sa bag, itinanggi mo pa ’yong pang-aaping ginawa mo sa kanya. ’Wag kang magmaang-maangan d’yan. Hindi epek. May nangyari ba?”

Pinilit naman niyang ngumiti rito upang itago ang iritasyon. “Wala ’yon. Ano ka ba? Kung anu-ano’ng nai-imagine mo, ha?”

Isang nakamamatay na irap ang ibinigay ni Cynthia sa kanya. “Sus, hulaan ko?” Tiningnan siya nito nang puno ng kahulugan. “Mainit ang ulo mo ngayon dahil walang paramdam si Elton mo, ’no?” May halong pangangantiyaw ang tinig nito.

Tumawa muna siya nang pilit bago sagutin ang sinabi nito. “Bakit naman iinit ang ulo ko sa hindi niya pagpaparamdam sa ’kin? Wala siyang obligasyon na gawin ’yon. Alam mo, ikaw. Kung anu-ano na talaga ang nabubuo d’yan sa utak mo.”

Narinig niya ang hindi pagsang-ayong reaksyon ni Cynthia sa kanyang sinabi. “Eh, bakit daig mo pang nag-iinarteng girlfriend d’yan?”

Muli siyang natawa at sa pagkakataong iyon ay nasapul siya sa sinabi ng babae. “Alam mo, ikaw, issue ka. Syempre hindi, ’no! Wala lang ’yon. Ilang beses ko bang sasabihin sa ’yo? Magkaibigan lang kami ni Elton. Sasabihin ko na rin sa ’yong malabo ’yang iniisip mo. Wala akong interes sa kanya.” Idiniin pa niya ang mga huling katagang lumabas sa kanyang bibig.

Nanghaba ang nguso ni Cynthia sa kanyang litanya. “Sus! Wala raw! Talaga ba? Eh, paano kung sabihin ko sa ’yong type ko si Elton. Okay lang sa ’yo?”

Napahalakhak siya. “Ano ka ba? Syempre, okay na okay.” Parang tinusok yata ng karayom ang puso niya sa biglaang rebelasyon ni Cynthia.

Isang mapanuring titig ang natanggap niya mula rito. “Sure?”

Tumango naman siya kasabay ang pagngiti para lang mas magmukhang kapani-paniwala. “Hundred percent sure.”

Unti-unting umabot hanggang tenga ang ngiti ng babae sa kanya. “Okay.”

Napailing siya nang marahan saka inayos ang mga gamit sa sariling mesa. Habang si Cynthia naman ay nagpaalam nang lalabas na muna sa kanyang opisina. Ngunit wala pang minuto ang nakalilipas ay muli itong nagbalik. Nasa mukha nito ang excitement.

“Uy, girl! Nasa labas ’yong tsekwa mo. Hinahanap ka.”

Napakunot naman ang kanyang noo. “Tsekwa? Sinong tsekwa?”

Cynthia’s eyes rolled up to the ceiling. “Sino pa ba? Eh, ‘di si Sir Timothy. May dala pa ngang bouquet of roses.”

Nagtataka niyang sinilip ang sinasabi ni Cynthia mula sa labas ng opisina.

“In fairness, huh. ’Di rin papakabog sa kagwapuhan ’yang si Sir Timothy,” kinikilig na bulong pa ng kaibigan sa kanya.

Hindi niya napigilang matawa sa sinabi nito. “So, mas okay sa ’yo ang tsekwa kaysa sa italyano?” Hindi niya napigilan ang sariling maibulalas iyon.

Sumeryoso itong bigla pero nahaluan din ng ngisi. “Tsekwa ang sa ’yo. Italyano ang sa akin.”

Idinaan niya sa pag-iling ang hapdi sa dibdib sa itinuran nito. “Puro ka talaga kalokohan.”

Humagikgik muna ito saka muling nagseryoso. “Pero seryoso, ha. Kung ako sa ’yo, sasagutin ko na si Sir Timothy. Binata naman si sir at sabi mo nga, lahat handa niyang gawin, mabigyan mo lang ng pagkakataong mapatunayan niya kung gaano siya kainteresado sa ’yo,” pagpapaalala pa nito. Minsan niya na kasing nakuwento rito ang mga nakaraang pag-uusap nila ni Timothy. Naikuwento niya rin iyon kay Cynthia dahil madalas magpunta si Timothy sa restaurant.

Pagkasabi noo’y mabilis na siyang iniwan ng kaibigan dahil may dumating na mga kostumer. Naiwan siyang nakatulala lang dito habang papalayo. Napaisip si Toni sa mga huling sinabi ni Cynthia. Hindi ba’t ganoon ang mindset niya noon sa dating boss? Una pa nga sa listahan niya ang dahilang mayaman ito. Yamang mag-aahon sa kanya sa hirap sa impyernong buhay.

“Hi, Toni!”

Agad siyang napalingon kay Timothy nang tawagin nito ang kanyang pangalan. Nilapitan niya ang binata upang kausapin.

“Kanina ka pa ba rito?”

Matamis na ngumiti ang binata sa kanya. “Hindi naman. Halos kakarating ko lang din. Para pala sa ’yo,” saad nito kasunod ang pagbibigay sa kanya ng hawak nitong bulaklak.

“Thank you.” Pasimple niyang inamoy ang mga bulaklak. And as she expected, the flowers looked expensive. Araw-araw din ang pagbibigay nito ng bulakak. Mapupuno na yata ang kuwarto niya ng mga bulaklak na ibinibigay ni Timothy.

“One hour ka na lang ba rito sa work?” tanong ng binata na sinagot naman niya ng pagtango.

“Oo. Bakit?”

“Aayain sana ulit kitang kumain sa labas at sana this time, matuloy na.” Affection glowed in his eyes.

Matipid siyang ngumiti. ‘Ito na ’yon…’ “Sure.”

Mas lalong umaliwalas ang mukha ng kanyang kausap. “Thank you, Toni. I’ll just wait for you here then. O-oder na lang ako ng maiinom para hindi naman nakakahiyang tumambay rito,” pagbibiro pa ng binata.

Bilang tugon ay tinanguan na lamang niya si Timothy saka bumalik na sa trabaho.

Ang isang oras na lumipas ay naging mabilis. Pagka-out sa trabaho’y agad nang nagligpit si Toni ng kanyang mga gamit saka pinuntahan na si Timothy kung saan ito naghihintay.

Agad naman siyang inalalayan nito sa siko patungo sa isang pulang Ferrari. Pinagbuksan pa siya ng pinto ni Timothy at nang akmang sasakay na siya sa loob ay isang pamilyar na boses ang umagaw sa kanyang atensyon. Boses ng taong maghapon niyang inisip. Boses ng taong ayaw man niyang aminin ay kinasasabikan niyang marinig muli.

“Toni…”

Agad na hinanap ng mga mata ni Toni ang nagmamay-*ri ng tinig na iyon at isang seryosong Elton ang natagpuan niya. “Elton, ikaw pala,” pinilit niyang maging kaswal ang tinig.

Bagama’t humahakbang palapit si Elton sa direksyon nilang dalawa ni Timothy ay nananatili namang nakapako ang paningin nito sa kasama niya. “Pauwi ka na ba? Ihahatid na kita.”

Narinig niya ang pagtikhim ni Timothy mula sa kanyang gilid. “May lakad pa kami ni Toni, pare.”

Isang blangkong tingin lamang ang naging sagot ni Elton saka muling nagbalik sa kanya ang paningin nito. “Ihahatid na kita sa villa.”

Pagkasabi noo’y hinawakan siya ni Elton sa kanang braso upang marahang dalhin sa sasakyang dala. Hindi agad siya nakapag-react sa nangyayari kaya napasunod na lamang siya. Subalit hindi pa man sila nakakalayo ay hinablot din ni Timothy ang kabilang palapulsuhan niya. Kapwa naman silang napahinto ni Elton sa ginawa ng huli. Halos tumimbuwad na rin siya sa kanyang kinatatayuan dahil doon.

“Ano’ng ginagawa mo, pre?” seryosong tanong ni Timothy kay Elton. Tagus-tagusan ang mga tingin nito kay Elton na para bang si Elton lamang ang nakikita ni Timothy nang mga sandaling iyon. “Hindi mo ba ako narinig nang sabihin kong may pupuntahan pa kami ni Toni?”

Bilang sagot ay marahas din siyang hinila ni Elton, bagay na nakapagpangiwi sa kanya. Bawat daliri kasi nito’y halos bumaon na sa kanyang laman. Pero hindi rin nagpatinag si Timothy sa pagkakahawak sa kanyang kaliwang pulso.

“Iuuwi ko na si Toni sa tinutuluyan niya. Siya nga pala. Itigil mo ’yang kakatawag sa ’kin ng pare dahil hindi tayo magkumpare,” walang emosyong turan ni Elton kay Timothy.

Ngunit sadyang binalewala ni Timothy ang sinabi ni Elton na balak na siyang iuwi nito sa kanyang tinutuluyan at sa halip ay hinili pa siyang muli.

“Walang problema.” Ngumisi si Timothy. “Ayaw ko rin namang tawagin kang pare. I don’t call my enemies with such an address. Pero dahil mataas ang respeto ko para kay Toni, pinipili kong maging maayos sa ’yo. Pero hindi naman yata tamang basta mo na lang hihilahin si Toni sa kung saang lugar mo gusto. Don’t be such an *ss, man.”

“Hindi sa kung saan ko lang dadalhin si Toni. Ihahatid ko siya sa tinutuluyan niya—”

“Na tinutuluyan ko rin.” Tinapos ni Timothy ang iba pang sasabihin ni Elton.

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Menacled Fates: Menace and Morose (Chapter 24)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.