Menace and Morose

Menacled Fates: Menace and Morose (Chapter 4)

KINABUKASAN ay agad na ipinatawag ang mga magulang nina Toni at Erica. Bukod sa three days suspension ay buong buwang cleaners sina Toni at Erica na ipinagpasalamat naman din niya. Dahil para kay Toni ay hindi na mabigat na parusa iyon. Kahit naman din paano’y ayaw na niyang mahuli pa sa mga topic sa lesson nila.

Samantala, galit na galit sa kanya ang nanay ni Erica dahil sa natamong sugat sa mukha nito mula sa kanya. Abot langit naman din ang kanyang ginawang pagpipigil kanina na sagut-sagutin at ipamukha ang mga kalokohang ginawa ng unica hija nito. Naisip kasi ni Toni na kung susubukan pa niyang mangatwira’y hindi rin naman nito paniniwalaan iyon at kakampihan lang din ang anak. Eh, sa asta pa naman nito kanina parang nakukuha na niyang kukunsintihin lang din nito si Erica. Baka siya pa nga ang lumabas na may mali dahil sinira niya ang cellphone ng anak nito.

Kaya ang sumatotal ng paghaharap nilang iyon ay siya ang lumabas na masama at si Erica ang biktima. Ang mga paratang sa kanya’y pinagtibay din ng dalawa pang bruha na kasama ni Erica kahapon. Samantalang sa kanya, wala man lang kumampi. Isa na ring ikinainis niya na nangyari kanina ay ang paulit-ulit na paghingi ng kanyang nanay ng tawad kay Erica at sa mama nito.

“Ano ka ba naman, Antoniette? Ano bang pumasok d’yan sa kukote mo at nagawa mong makipag-away sa mga kaklase mo? Alam mo bang sobra akong kinabahan kanina sa pag-iisip na baka pabayaran sa ’kin ’yong cellphone na sinira mo? Sige nga… paano kung pinabayaran nga nila sa ’kin ’yon? Anak, saan ako kukuha ng twenty-eight thounsand?”

Kasalukuyan na silang naglalakad sa eskinita patungo sa kanilang bagong inuupahang bahay nang magsimula na itong magsermon.

Nanatili siyang walang kibo. May punto naman din kasi ang ina.

“Sayang ang araw ko ngayon, Toni. Sayang ang dapat sana’y sasahurin ko ngayong araw. Anak, sana naman ay ito na ang una at huling ipatatawag ako sa school mo nang dahil sa ganyang problema. Sana rin ay iyan na ang huling pagkakataon na mananakit ka ng kapwa mo at makasira ng gamit ng ibang tao. Pasalamat na lang tayo at hindi na nagdemanda ’yong nanay ng kaklase mo. Anak, dahil menor de edad ka pa, ako ang makukulong sa ginawa mo dahil ako ang nanay mo,” dugtong pa ng kanyang ina.

Hindi pa rin siya nagsalita at nagpatuloy pa rin sa paglalakad. “Naririnig mo ba ako, Toni? Bakit hindi ka nagsasalita?”

“Nay, nakadepende po ’yon sa babaeng ’yon kung ito na nga ba’ng huli. Siya ang nagsimula ng lahat at kitang-kita iyon sa video. Hindi lang ako makapagpaliwanag kanina kasi—”

“Antoniette, alam kong hindi ikaw ang tipo ng bata na magsisimula ng gulo. Pero anak, hindi mo dapat siya pinatulan. Tingnan mo, naabala ang trabaho ko na alam na alam mong hindi puwedeng ipagpaliban. Bago pa lang ako at nakakahiyang um-absent agad ako. Isa pa, bawat piso ng sasahurin ko ay mahalaga at alam mo ’yan.”

Napabuntong hininga si Toni sa sinabi ng ina dahil tama naman iyon. Lalo pa ngayon na kalilipat lang nila ulit sa bago nilang tinutuluyan na studio type na kuwarto. Swerte pa ngang nakakita sila ng maganda ngunit murang upa. Hindi gaya sa huli nilang tinuluyan na daig pa ang kulungan ng manok sa dami ng butas. Ang tangi lamang niyang maipupuna sa bago nilang inuupahan ay medyo malayo iyon sa kanyang paaralan. Pero ayos lang. Ang importante naman ay wala na sila sa tiyahin ng kanyang inang daig pa ang landlady kung makapagbantay sa bawat galaw nila sa bahay nito.

“Sorry po, nay. Hayaan po ninyo. Hindi na po ito mauulit. Susubukan kong mas pahabain pa ang pasensya sa babaeng iyon at iiwas na lamang.”

Saktong nasa tapat na sila ng kanilang bahay nang may lumapit na lalaki sa kanila. Bahagyang namilog ang kanyang mga mata nang makilala niya ang taong nakatayo ngayon sa kanyang harapan. Walang iba kundi ang kanyang ama!

“Tay…”

Ngunit hindi pa man siya nakakabawi sa biglang pagsulpot ng ama’y hinila na siya ng ina upang pumasok sa loob ng bahay.

“Halika na, anak. Pumasok na tayo sa loob.” Hindi rin kaila sa boses ng ina ang galit nito.

Nang nasa loob na sila ng bahay ay tuliro pa rin siya. Gustung-gusto niyang balikan ang ama sa labas upang papasukin sa loob ng kanilang bahay. Saglit na nilingon ni Toni ang inang abala na sa pagtatakal ng bigas na sasaingin saka walang sabi-sabi niyang tinawid ang pagitan niya sa pinto ng kanilang bahay.

Nang buksan ang pinto ay agad niyang nabungaran ang amang nakatayo roon. At bagaman may tampo siyang nararamdaman para sa ama’y nagawa pa rin niyang ngitian ito. Hindi niya maitatangging sobra niyang na-miss ang ama. “Tay, pumasok na po kayo.”

Habang pinapapasok ni Toni ang ama ay nagkaroon siya ng pagkakataong suriin ang anyo nito. Wala namang nagbago sa pangangatawan nito maliban na lamang sa napakalagong bigote at balbas sa mukha nito. Nakasuot din ito ng cap at itim na jacket habang nakasukbit sa likod ang isang back pack.

“Antoniette! Bakit mo pinapasok dito ang lalaking ’yan?!” Isang naniningkit na reaksyon naman mula sa ina ni Toni ang sumalubong sa kanila kasunod ang pagbaling sa gawi ng kanyang ama. “At bakit ka naman nandito, Antonio?” Isang maiksi at nang-iinsultong tawa ang pinakawalan nito.

“May gana ka pa talagang magpakita sa amin pagkatapos mong sirain ang buhay naming mag-ina? Saka, paano mo nalaman ’tong tinitirhan namin?”

Kinuha niya ang bag pack mula sa ama upang maginhawaan naman ito kahit paano. Pagkatapos ay kumuha siya ng tubig na maiinom nito. Sa pagbabalik ng kanyang ama ay hindi niya maiwasang makaramdam ng tuwa. Sa kabila kasi ng mga ipinagtapat sa kanya ng ina patungkol sa problemang kinakaharap ng ama’y hindi pa rin siya nawawalan ng pag-asang mabubuong muli ang kanilang pamilya.

“Ah, anak. Maari mo ba kaming iwan ng na—”

“Hindi, Antonio. Hayaan mong marinig din ng anak mo ang lahat ng sasabihin mo. Total ay sinabi ko na rin naman sa kanya kung ano’ng klase kang tao. Alam mo ba? Inakala ko ngang patay ka na, eh! Dahil wala kang paramdam sa amin ni anino mo!”

“Nay…” nag-aalala niyang saad.

“Criselda, ’wag ka namang magsalita ng ganyan sa harap ng anak mo—”

“At ano’ng gusto mong marinig ng anak mo? Mga kasinungalingan na manggagaling sa ’yo?” Mas lalong tumindi ang galit sa mukha ng kanyang ina. “Para sabihin ko sa ’yo, Antonio. Hindi mo alam kung gaano ako— kami ng anak mo takot na takot sa tuwing nakikipaghabulan kami sa kamatayan. Kahit dis oras na ng gabi, nag-aalasa balutan kami mailigtas lang namin ang mga sarili namin mula sa mga lalaki ’yon!”

Sa pagkakataong iyon ay magkakasunod na ang pagbagsak ng mga luha sa mata ng kanyang ina. “Antonio… hindi mo alam kung gaano kami nagtitiis sa buhay na pinasok mo. Sabihin mo, ganitong buhay ba ang pinangarap mo para kay Toni? Kahit hindi na ako, Antonio. Kahit sa anak mo na lang, maawa ka!”

Ngunit ang lahat ng sinabing iyon ng kanyang ina ay walang tugon mula sa ama niya. Nakayuko lamang ito na tila roon lamang makikita ang sagot.

“Ano, Antonio? Sumagot ka! Sabihin mo sa amin kung ano ang gagawin namin para lang makaiwas sa letseng problemang ginawa mo! O kung ang tanong ay makakaiwas pa nga ba kami ng anak mo?”

Mabilis siyang tinapunan ng tingin ng kanyang ama at nagtapos iyon sa mukha ng ina niyang ngayon ay hilam na ng luha. “Gusto kong humingi ng tawad sa pagkaladkad sa inyo sa gulo. Hindi ko gustong—”

“Naibalik mo na ba ang pera?” putol ng kanyang ina sa sasabihin pa ng kanyang ama. Halatang hindi na interesado sa paghingi nito ng tawad.

Sa narinig ay mas lalong bumagsak ang balikat ng kanyang ama. “Criselda…”

Marahan ngunit mapait na napailing ang kanyang ina. “Pera lang ’yan, Antonio. Mabubuhay tayo kahit wala ang perang ninakaw mo sa kanila. Ang perang ’yan ang magiging kapalit ng buhay ng anak mo. Naiintindihan mo ba ’yon?”

Napilitang lapitan ng kanyang ama ang ina niya kasunod ang paghawak nito sa parehong braso ng huli. “Hindi gano’n kadali ’yon, Criselda. Gustuhin ko mang ibalik na lang sa kanila ang pera ay wala rin namang magiging silbi. Papatayin pa rin nila ako.” Nabasag ang tinig ng kanyang ama sa huling sinabi nito.

Muling napailing-iling ang kanyang ina habang marahas na inaalis ang mga kamay ng ama niya sa pagkakahawak sa braso nito. “Hindi ako naniniwala sa ’yo. Ang perang ’yan ang naging puno’t dulo nitong lahat. Kaya bakit ka nila papatayin kung maibabalik mo naman sa kanila ’yan nang walang labis at walang kulang?”

“Pero—”

“Tapos na ’tong pag-uusap na ’to. Umalis ka na lang, Antonio. Bago ka pa nila masundan dito.” Itinulak nito ang kanyang ama.

Sa halip na makinig ay kinuha ng ama niya ang bag na dala saka dinukot sa loob ang isang sobre. Kinuha nito ang kamay ng kanyang ina saka pilit na iniligay doon ang sobre.

“Ito, Criselda. Kunin mo ’to. Idagdag niyo sa pang-araw-araw na gastusin.”

Ngunit imbes na tanggapin ay malakas na inihampas ng ina niya ang sobre sa dibdib ng kanyang ama.

“Hindi namin kailangan ’yan, Antonio! Ang kailangan namin ay maayos at tahimik na buhay. Pero dahil sa ginawa mo, araw-araw akong kinakatok ng takot na baka nariyan lang sa tabi-tabi ang mga taong humahabol sa iyo. Na baka isang araw ay mabalitaan ko na lang na wala ka na, na baka napatay ka na ng mga kaaaway mo. Tapos pagkatapos? Sinong isusunod nila? Kami ng anak mo!” Muling gumaralgal ang boses ng kanyang ina. “Antonio… hindi ito ang buhay na ipinangako mo sa akin at lalong hindi ito ang buhay na pinangarap ko.”

“Sobra akong humihingi ng tawad sa inyo, mahal ko. Pero maniwala ka, hindi ko sinasadya ito. Naipit lang ako sa sitwasyon.”

“Umalis ka na lang.”

Pagksabi noon ay tinalikuran na ito ng kanyang ina habang siya ay tila napako sa sariling kinakatayuan. Sobra siyang naguluhan sa ideyang wala na pala talagang pag-asa na mabuo at maging maayos ang pamilyang mayroon siya.

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Menacled Fates: Menace and Morose (Chapter 4)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.