Momma’s Boy (Chapter 25) – Nasaan Ka?

Author's Note

――*☆*――*☆*――*☆*――

TWO WEEKS… AFTER TWO WEEKS…

Dalawang linggo ako nag-trabaho sa Japan. Umalis ako sa Pilipinas na masayang-masaya, umaapaw sa kaligayahan ang damdamin dahil sa naging maayos kami ni Mama Cha sa buong dalawang linggo bago ako umalis.

Napakalambing niya sa akin. Araw-araw, halos oras-oras ay hindi niya ako nakakalimutang yakapin. Walang minuto na hindi niya hahawakan ang mukha ko kahit pa nandoon si Trina wala siyang pakialam.

Kaya naman pala…

“Clint tama na! Umuwi na tayo!” Awat sa akin ni Ben.

“Nasaan siya, Ben? Nasaan si Mama Chaaaa?” Sigaw ko.

“Clint tama na iyan, dami na sobrang tao,” sabi ni Nick. Nilapitan niya pa ako para pakalmahin.

Hindi ko na kaya pang pigilan ang sarili. Wala akong pakialam kung nasa ibang lugar man kami o kung sino pa ang nakapaligid! Nasa isang park kasi kami na malapit sa paborito naming puntahang lugar ni Mama Cha. Galing kami sa gawi ng lugar na iyon dahil nagbakasakaling makita siya roon.

“Baka naman nasa malayong mga kaibigan lang, Clint… Bukas maghahanap uli tayo.” Alo sa akin ni Nick. “Brad, pramis bukas, maghahanap tayo ule.”

“Paano mo ipaliliwanag ang coffee shop? Kung nasa mga kaibigan lang siya Nick! Bakit niya ibinenta ang coffee shop na hindi man lang sinasabi sa akin! Tapos lahat pa yata ng pinagbentahan inilagay niya sa account ko! Ano’ng ginawa niya? Hmmmmmn…”

Hindi ako lasing sa mga oras na iyon. Nasa katinuan ako at normal na normal. Naninikip ang dibdib ko sa labis na pag-iyak. Magkahalong galit at lungkot ang nararamdaman.

Pangalawang araw na kasi naming hinahanap si Mama Cha. Walang kahit sino ang makakontak sa kanya na maging mga malalapit na kaibigan ay napuntahan ko na. Nawala rin lahat ng mga social media accounts niya. Kahit pa si Trina ay hindi alam kung paano siya umalis ng bahay.

“Kaya siya naging ganoon kalambing sa akin… Kaya pala, pinadama niya lang ako… Hmmmmn… Brad! Ano ba’ng nagawa ko? Sobrang laki ba ng kasalanan ko para ganituhin niya ako? Haaaa? Sabihin niyo ngaaa! Napakalaki ba ng kasalanan ko? Aaaaah!” Sigaw ko uli.

“Clint tama na… Hanapin na lang natin ulit siya bukas, o baka naman may pinuntahan lang siya, maghintay tayo… Alam mo naman si Tita Cha, unpredictable…” sabi ni Ben.

“Ben! Alam ko hindi ako perpekto! Pero kaya kong gawin lahat para sa kanya! Heto!” Inilabas ko ang isang maliit na kahon. “Binili ko ‘to para sa kanya! Itong singsing na ‘to! Pakakasalan ko siya! Hindi ba alam n’yo iyan, kaya nga pinaayos ko sa’yo lahat, susurpresahin ko sana siya e!” Muling sigaw ko. “Dalawang linggo ako nag-trabaho sa Japan! Tiniis ko na hindi kami nag-uusap dahil alam ko na okay na kaming dalawa! Pero! Pero—bakit! Nasaan siya ngayon? Hmmmm..” Malakas na boses ko habang umiiyak.

“Kaya nga rin hindi ko naiayos eh, dahil hindi ko siya makausap,” sabi ni Ben. “Halata ko na umiiwas siya sa amin mula nang umalis ka na.”

Napa-upo na lang ako sa damuhan. Wala akong pakialam kahit na maraming nakatingin sa akin na napansin ko na ang iba ay simpleng kinukunan pa ako ng video.

Halos magulo na ang mahaba kong buhok sabay napakarumi na ng dilaw kong t-shirt kapupunas sa mukha kong patuloy nababasa ng luha.

At muli…

“Ma… Ma, nasaan ka? Ano’ng kasalanan ko! Sabi mo hindi mo ako iiwan… Hmmm… Ma, paano na ako ngayon? Hmm… Ma… Ma… Paano na ako? Hmmm… Chari… Nasaan ka…”

Kinapitan ko na lang ang buhok, yumuko at humagulgol. Mahal na mahal ko si Mama Chari, sobrang mahal na mahal ko siya.

“Uwi na tayo brad… Wala ka pang maayos na pahinga mula dumating ka..”

Narinig kong sabi ni Ben.

“Pahinga? Pahinga pagpatay na brad. Parang ganoon nararamdaman ko… Ayokong umuwi dahil wala naman akong dadatnan…” sagot ko na parang bata na humihikbi pa.

“Brad, iyan ang huwag mong gagawin! Nandoon si Trina at magkaka-anak ka na!” sabi ni Nick.

“Wala akong pakialam kay Trina!” naiinis na sabi ko.

“Brad, hindi mo ba na-gets? Baka kaya umalis si Mama Cha dahil ayaw niyang magulo kayo… Siya na lang siguro ang nag-paubaya,” sabi ng Nick.

“Lagi na lang ba siya ang magpapa-ubaya? Bakit lagi na lang niya sinosolo lahat… Napaka- selfish niya talaga pagdating sa problema e! Hmp! Mula nang napunta ako sa kanya ganyan na siya, ayaw niya na tinutulungan ko siya…” malungkot na sabi ko. “Saka—- buntis siya eh…”

Nagkatinginan ang dalawa. At sabay pa, “Buntis?”

Hindi na ako kumibo pa tapos noon. Itinuloy ko na lang ang pag-iyak. Gusto kong ibuhos lahat dahil sa sobrang bigat.

Napakamanhid ng buong katawan ko ng mga oras na iyon. Walang pumapasok sa isip ko kung ‘di paano na ako ngayon… Hindi ako sanay na wala si Mama Cha sa tabi ko, hindi ko alam kung ano na ang mangyayari sa akin ngayon.

“Buntis siya… Buntis si Mama Cha,” paulit-ulit na bulong ko. “Paano kung—- kung sa akin ang bata? Nagui-guilty ako dahil pinag-isipan ko pa siya na niloko niya ako, paano ko ipaliliwanag na si Jet ang—eh—nandito siya?”

“Baka totoo ‘yung sinabi ni Trina na madalas daw may kausap sa phone si Tita Cha?” sabi ni Ben. “Hindi kaya—- sumama siya sa ibang lalake tulad ng sinasabi ni Tita Maggie at Trina?”

“Hindi niya gagawin ‘yun Ben! Mahal niya ako! Mahal ako ni Mama Cha!” Iyak ko na naman.

“Eh—paano mo naman nasabing buntis siya?” tanong ni Ben.

“Kung mahal ka niya Clint—- nasaan siya? Bakit ka niya iniwan? Sige nga?” sabi naman ni Nick.

Hindi na ako kumibo. Iniyukyok ang mukha at humagulgol. Gulong-gulo ang isip ko.

Gumuho lahat ng pangarap ko. Nasira lahat ng plano ko. Lahat nang pinagpaguran ko ay balewala. Nasira lahat sa akin…

Mas lalo na ang buhay ko…

Hindi ko alam at nararamdaman ko na hindi ko na siya mahahabol pa, hindi ko alam kung bakit ko nasasabi ang mga ito pero ramdam na ramdam ko.

“Wala na… Wala na siya…” bulong ko. “Wala na si Mama Cha… Paano ang bata?”

CHARI’S POV

Paalam Clint…

Paalam mahal ko…

Ayoko sanang magpaka-martir pero kailangan ko. Pinilit kong paniwalain ka na ayos na tayo, na pumapayag na ako na ituloy ang nakatago nating pagkakaintindihan para hindi ka maghinala sa mga gagawin ko. Habang nasa Japan ka ay inaayos ko na ang lahat, pati na rin ang paghahanap ng bahay na matitirahan.

Oo… Masakit…

Masakit para sa akin na ipaubaya ka pero alam ko na mas magiging masaya ka sa kanya. Isa pa, may edad na ako para sa iyo at darating ang araw na huhulas ang itsura ko at baka maghanap ka ng ibang ipapalit sa akin.

Mas magiging masaya ka kay Trina na kaedad mo lang at mahal na mahal ka pa. Hindi ko kakayaning makipagsabayan sa kanya dahil sa ayoko ng gulo.

Nakikita ko naman na grabe siyang magselos dahil sa mahal na mahal ka niya. Hindi kami magkasundo at ilang beses ding nagkaroon ng sagutan nang nasa Japan siya. Madalas niya ako sabihang lumayas na sa bahay mo at hindi niya kayang magkasama kami.

Pero wala naman talaga akong balak makisama sa inyo.

Ibinenta ko ang coffee shop at ibinigay sa kanya ang pera dahil sa kanya naman talaga iyon, para sa magiging anak nila ni Trina, may sarili naman akong ipon para sa amin ng magiging anak niya. Mas kailangan niya iyon dahil sa hindi naman laging maganda ang takbo ng pagiging koryo.

Bumili ako ng maliit na bahay sa isang maliit lang at malayong probinsya na nais ko talagang mapuntahan. Lugar na madalas naming pag-usapan dati na nais naming marating. Heto na ako ngayon at nandito.

Inasikaso ko ang lahat habang wala si Clint.

Malungkot man pero kakayanin ko…

Sigurado akong nakauwi na siya ng Pilipinas.

Sana ay mapatawad niya ako… Darating naman ang panahon, ito na rin ang magsasabi kung magkikita pa kaming muli. Mas minabuti ko na rin na ako na ang umiwas.

Wala siyang alam sa sitwasyon ko.Hindi niya alam na dinadala ko ang anak niya. Mas mabuti na siguro ‘yun, para na rin sa ikatatahimik ng lahat.

Malayo na ang lugar na ito at sigurado akong hindi niya na ako matatagpuan pa… Na ang ibig sabihin ay hindi na kami muling magkikita…

CLINT’S POV

LUMIPAS ANG ilang araw… Ilang linggo… Ilang buwan… Ilang taon…

Hindi naging madali para sa akin ang lahat. Halos napabayaan ko ang sarili pati na rin ang negosyo. Sa loob ng ilang taon ay nawala ako sa tamang linya ng buhay. Madalas akong uminom, matapos ay magwawala, iiyak hanggang sa makatulog.

Nawalan ako ng gana sa lahat na pati pagbubuntis ni Trina hanggang sa nanganak na siya ay wala pa ring dating sa akin… Madalas pumapasok sa isip ko na ano kaya ang naging anak niya… Kung sino ang napangasawa niya…

Sa panahong nagdaan na iyon ay masasabi kong, isang tao lang talaga ang nasa puso ko. Isang tao lang talaga ang mahal ko… Hindi madaling kalimutan ang lahat. Hindi madaling kalimutan ang taong nagparamdam sa’yo na mahalaga ka talaga… Ang isang taong bumuo sa pagkatao mo.

Pero… Pinilit ko, dahil sa alam kong wala na siya. Hinanap ko siyang pilit, kung saan ako nakarating ngunit sawi pa ring talaga.

Nakakalungkot isipin dahil sa hindi ko na alam kung ano na ba ang lagay ng buhay niya ngayon, pero sumasagi rin sa isip ko minsan na siguradong may pamilya na rin siya…

Napaka-suwerte ng lalaking napangasawa niya. Iyon na lang ang madalas kong isinasaksak sa isip para malimutan siya. Gumagawa ako ng sariling galit na sa huli ako rin ang naapektuhan at nagsisisi.

Lalo na kapag maiisip ko na buntis siya nang umalis, doo’y magsisimulang manikip ang dibdib ko kasunod ang walang patid na pag-iyak. Hindi ko pa rin kasi matanggap na pinag-isipan ko siya ng masama. At hanggang ngayon ay tinatanong ko pa rin sa sarili na; paano kung sa akin ang bata?

Bumibigat ang dibdib ko sa tuwing naiisip ‘yon. Tinatanong ko sa sarili kung ganito rin ba ang buhay niya? Kumakain din ba siya ng higit tatlong beses sa isang araw? Mga tanong na tumutusok sa dibdib ko! Marangya at matiwasay din kaya ang buhay nila ni Mama Cha? Naibibigay niya kaya ang gusto nito? Anong klaseng eskwelahan kaya ang pinapasukan niya? At—-sino kaya ang kamukha niya? Mga katagang dumudurog sa akin hanggang ngayon.

Ibinenta ko na ang studio sa taas ng dating coffee shop ni Mama Cha na ginawa ng Salon ngayon. Nakabili ako ng mas malaking puwesto dahil sa marami na rin akong talents na hinahawakan.

Ibinuhos ko ang oras sa pagsasayaw. Pilit kong kinalimutan si Mama Cha kahit na hirap na hirap ako. Hindi ako pinabayaan nina Ben at Nick.

Hindi naging maganda ang pagsasama namin ni Trina. Ilang beses ko siya nahuhuling may lalake kaya ganoon din ang ginagawa ko. Hindi ako naging tapat sa kanya. Nahilig ako mambabae na hindi ko naman talaga gawain, madalas nagiging karelasyon ay ang mga batang kliyente ko na humaharot sa akin at iba ay mga talents ko pa. Naging pilyo na lang din ako at hindi nagseseryoso dahil alam ko naman na walang pupuntahan ang lahat kahit pa umibig kang tapat.

Alam ko rin naman kasi na hindi ako mahal talaga ni Trina. Mabuti na lang at hindi kami kasal. Para kasing lumalabas na kaya na lang kami nagsasama ay para kay Tejie. Ang anak naming lalake na hindi rin niya inilagay ang apelyido sa akin. Ang anak namin na hindi ko man lang nakitaan ng paglalambing sa akin dahil sinanay ni Trina sa ugali na meron siya.

Naguguluhan man ako pero sinakyan ko na lang ang lahat. Minsan naiisip ko rin na parang hindi malapit ang loob ko sa bata at ganoon din ang bata sa akin. Wala rin itong nakuha kahit pa ano sa itsura ko. Minsan kapag pinagmamasdan ko siya ay pumapasok sa isip ko kung ano ang itsura ng anak ni Mama Cha.

May pagka- singkit at maputi ang balat ni Tejie. Singkit na wala naman sa amin pareho ni Trina at maputing balat sobra na parang sa Intsik ba. Minsan tuloy naiisip ko kung sa akin ba talaga ang batang ito dahil sa wala talaga siyang malakas na dating sa akin o dahil lang sa sinanay ni Trina sa pagiging brat na tulad niya.

Naguguluhan ako…

Alam ko una pa lang na ginagamit lang ako ni Trina kaya at nakipaglaro na rin ako. Pinakikinabangan niya ako at ganoon din ako sa kanya.

Masasabi ko na para lang kaming naglalaro. Walang pakialam sa isa’t-isa na kahit harapan na ang pangangaliwa namin pareho ay wala lang talaga.

Minabuti ko na rin na ganoon…

Parang wala namang kuwenta ang lahat… May asawa at anak ka nga ngunit parang wala rin sila sa piling mo…

Ako lang ba? O—-

Nasasabi ko lang ito dahil sa hindi pa rin talaga ako lubos na nakakalimot?

Halos walong taon na ang nakalilipas mula nang umalis si Mama Cha…

Walong taon… Na ang nakalipas… Walong taong buhay na nasayang lahat…

Masasabi kong… Nasira ang lahat sa akin na hanggang ngayon ay nahihirapan pa rin akong buuin…


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Momma’s Boy (Chapter 25) – Nasaan Ka?

One Response

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.