Momma’s Boy

Momma’s Boy (Chapter 3) – Nagseselos ba Ako?

KAUUWI LANG namin.

Past ten na rin, galing pa kasi kami sa dinner with Tita Maggie and Trina. Medyo napainom nang kaunti habang kuwentuhan, discuss about sa dance practice at kung ano pa na related naman sa pagsasayaw kaya hindi talaga ako naboring. Habang sila Mama Cha naman ay naririnig kong may pinag-uusapan na lalake na Jet ang name.

Ewan! Kahit nakatuon ang atensyon ko kay Trina ay sa dalawa naman nakabaling ang tenga ko kaya dinig na dinig ko lahat ng pinag-uusapan nila lalo nang makarinig ako ng pangalan ng lalake.

Tsst! Jet!

“Maligo ka bago matulog! Iinom-inom pa kasi e!” sabi ng Mama Cha.

Nahiga kasi ako sa sofa, hindi ko pa nahuhubad ang sapatos dumiretso na ako. Medyo tinamaan kasi talaga ako sa ininom namin na korean beer daw iyon, masarap siya, mukhang light pero may suntok din pala, nakatatlong bote rin ako e! Saka pagod din! Si Mama Cha na nga nag-drive pauwi.

“Clint! Maligo ka muna! Makakatulog ka na naman niyan!” Sigaw ni Mama Cha.

Napapapikit na kasi talaga ako e.

“Huy!” Sigaw na naman niya.

Nilamukos ko ang mukha, pilit idinilat ang malaki kong mata saka bumangon na. “Ano ba naman ‘yan! Antok na ako eh! Tch!” Pitsi ko pa.

“Peste ka pa! Matulog ka na tapos maligo, kasi maaga pa kayo bukas,” sabi niya.

Nasa kusina na umaalingawngaw pa rin ang bunganga kahit may ginagawa sa laptop niya.

Hahakbang na sana ako paakyat pero huminto muna ako, may naalala kasi akong bigla saka may napansin din. At…

“Ah! Ma, narinig ko pala na pinag-uusapan n’yo si—- Jet ba ‘yun?” tanong ko with matching salubong ng kilay pa.

Hindi siya sumagot, tiningnan niya lang ako kaya ginawa ko, lumapit ako sa kanya. Nang makalapit ay bigla na lang niya tiniklop ang laptop, tumayo at pumunta sa ref para kumuha ng beer.

Nagsalubong lalo ang kilay ko, bakit pakiramdam ko ay may ginagawa siya sa laptop na iniwasan niyang makita ko? Parang napansin ko kasi na may picture ng lalake hindi ko lang nakita lahat kasi nga tiniklop niya agad.

Akmang bubuklatin ko sana ang laptop nang magmadali siya sa paglapit.

“Umakyat ka na nga Clint, may gagawin pa ako!” Kinuha niya ang laptop at inipit sa kili-kili niya.

“Sino iyon?” tanong ko.

“Anong sino?” tanong niya rin.

“Boyfriend mo, Ma?” tanong ko uli, nakatayo ako sa harapan niya na nakalukot ang mukha.

“Huy, Clint tigilan mo ako! Wala akong boyfriend! May tiningnan lang ako!” Umirap pa sa akin sabay simangot.

“Eh, bakit nagmamadali ka sa pagtiklop niyan? Titingnan ko lang naman!” Pilit ko pa ring kinukuha ang laptop niya. Lalapit ako habang siya naman aatras sa akin.

Sinimangutan ako sabay tabig palayo sa kamay ko. “Umakyat ka na nga! Maligo ka na tapos matulog na! Ang dami mo naman inuusisa!” Sikmat niya pa sa huli. Lumayo rin siya talaga sa akin.

“Patingin lang!” Lumapit na naman ako at akmang aagawin na naman ang laptop.

“Tumigil ka nga!” Tinabig niya ang kamay ko sabay distansya na mas malayo. “Akyat na! Ano ba?” Malakas na boses niya.

Hindi niya talaga binitiwan ang laptop. Parang nainis ako, lalo tuloy nagsalubong ang medyo makapal kong mga kilay. Hinawi ko ang mahabang buhok, ngumiwi saka malalim na hininga ang inilabas. Alam ko na may iniiwas talaga siya. Tapos…

“Huwag kang magbo-boyfriend, Ma! Ayoko! Hindi puwede!” sabi ko, “Akin na nga iyang beer na ‘yan! Hindi ka pa ba nagsawa?” Agaw ko sa boteng hawak niya matapos ay lumakad papunta sa likod bahay saka ibinato ko ang bote sa pool.

Hinampas ang likuran ko. “Ikaw Clint!” Sigaw niya. “G*go ka! Lasing ka ba?” Habol niya pa sa akin at tulak ulit.

Hindi ko na hinintay kung ano ang magiging reaksyon niya sa ginawa ko, hindi ko na rin siya pinansin. Umakyat na ako diretso sa itaas.

CHARI’S POV

Sorry!

Bakit parang feeling ko na-offend si Clint sa ginawa ko. Nakita ko sa mga mata niya na namungay tapos nagsalubong ang dalawang may kakapalang kilay. May masama ba sa nasabi ko?

Bakit naman kasi pati pag-stalk ko pinakikiaalaman pa niya e! Ano ba naman kung may lalake akong tinitingnan! Ano’ng pakialam niya, single naman ako! Saka—- wala akong jowa checking lang! Tinitingnan ko lang ang account ni Jet kasi matagal na rin na hindi kami nag-connect.

Actually, last month ko pa napansin na parang weird ang mga reactions niya pagdating sa mga guys na pinag-uusapan namin minsan ng mga kaibigan ko, then after, medyo parang tumatahimik siya at hindi ako kinikibo. Like today, narinig niya siguro kanina ang pangalan ni Jet na binanggit ni Maggie.

Kinakamusta raw ako! Kunwari pa siya, kilala naman niya si Jet, eh inis na inis siya sa kahambugan noon dati pa! Galit talaga siya do’n kahit nang boyfriend ko pa ‘yun! Ano ba nangyayari sa kanya?

May mga ilang chances na rin na parang feeling ko nagseselos siya minsan. Napapansin ko rin na medyo madalas niya akong bakuran kapag may mga guys. Ayaw niya rin na pumupunta ako doon sa fishball stand ni Manang Paz na kaharap ay gay bar, dami kasing gwapo do’n eh!

Ayoko mag-isip ng kung ano kasi—- kasi normal naman na sa aming dalawa talaga ang sweetness at super closeness e! Isang dekada na rin kami halos magkasama. Lahat na yata ng mga baho namin sa katawan ay alam na ng isa’t isa. Wala na halos kami itatago, ultimo kung kailan siya nauubusan ng brief na isusuot sinasabi pa sa akin! Gagano’n pa ‘yun— “Ma, maglalaba ka? Sabay mo ‘ko ng brief, ah!” Tapos, sasagot naman ako, “Letse ka, Clint! Kung alam lang ng mga admirers mo na nauubusan ka ng brief sa katamaran mo maglaba! Naku! Ewan ko lang ‘di ma-turn off!”

Ganoon na pala kami katagal na magkasama, ganoon katagal na nagsasama na masaya. Sa pagkakatanda ko, hindi pa kami nag-away eh! Sa pagkain lang yata kami nag-aaway nito eh! Pero kahit dati pa, kapag may ipinakikilala ako sa kanya—- hindi man lang siya nangiti o nabati! Hindi niya rin talaga kinakausap o hinaharap.

Fifteen siya nang mapunta sa akin na twenty-five naman ako ng mga panahon na iyon. Fresh HRM graduate, lumuwas ng Maynila dahil sa produkto ng pagtataksil, in short— anak sa labas!

Kasalukuyang nagtatrabaho na sa isang resto bar na pagmamay-ar* ng mga parents niyang nasira.

Naging mabuting kaibigan ko ang mga iyon at sila ang tumulong sa akin para makapag-umpisa. Nakakalungkot nga lang at maaga silang nawala, mabuti na rin at mabait ang kapatid niya na siyang humahawak ng resto bar nang mawala sila kaya ayun! Tuloy-tuloy ang trabaho ko.

Inampon ng mag-asawa si Clint, ten years old daw siya nang mapunta sa kanila. Wala raw pagkakakilanlan sa mga tunay na magulang ni Clint, iniwan na lang daw ito basta sa bahay ampunan.

Nakakaawa si Clint nang mga panahon na iyon. Walang may gustong umangkin sa kanya dahil sa hindi naman siya tunay na kadugo. Dalawang araw siyang nasa resto bar, naglilinis-linis at doon na rin natutulog.

Hanggang sa isang araw, nagkasakit siya. Nakita ko siya sa stockroom nakahiga, nilalagnat. Nandoon na rin ang mga gamit niya sa school pati mga damit.

Naawa ako sa kanya, naalala ko ang mabait na mag-asawa. Naawa ako kay Clint. Kinausap ko ang kapatid nila na manager ng bar na kukunin si Clint na fifteen years old naman na noon at hindi naman na siguro alagain sobra.

Walang dalawang isip at binigay nila si Clint. Kinupkop ko siya, malaki naman na siya at kaya na rin ang sarili niya sa mga ilang bagay kaya at naging madali naman. Nahirapan nga lang kami dahil sa nakikitira lang ako sa mga tiya ko noon na kapatid ng nanay ko at idinagdag pa siya.

Ang hirap! Ang hirap makisama…

Two years, medyo okay naman na ang sahod ko at may mga sidelines na rin kaya naghanap kami ni Clint ng bahay na uupahan kahit maliit lang, basta maalis na kami sa mga tiya ko.

Naalala ko pa! Wala kaming gamit, tanging maliit na kalan lang, mga plato, baso, unan at kung ano lang!

Nakakatawa talaga! Sabayan pa na nagkalat ang mga libro ni Clint at mga gamit ko naman pang-baking. Tapos, wala kaming kuwarto. Sa sahig lang kami nahihiga, may kutson naman. Wala kaming tv pero may laptop na ipinahiram si Ben na kaibigan ni Clint nang mag-college na siya.

Ang dami na rin pala naming pinagdaanan. Sa totoo lang, hindi ko alam kung paano ko nakayang pagtapusin ng college si Clint, halos mabaliw ako sa sobrang dami ng utang noon!

Pero magaling si Lord… Hindi niya kami pinabayaan.

Nagbunga ang kakabulakbol ni Clint para lang makapagpraktis ng breakdancing.

Nag-champion sila sa unang dance battle na pinasukan nila. Ayun! Parang sa isang iglap lang nagbago ang lahat!

At heto! Nandito kaming dalawa pa rin ngayon, magakasama sa hirap at ginhawa. Ako na 35 na at wala pa ring asawa at si Clint na walang inatupag kung ‘di ang sumayaw, wala rin siyang lovelife, tamad kasi manligaw ang animal!

Ewan ba!

Kahit ako, sa tuwing papasok sa isip ko na maghanap ng mapapangasawa…

Si Clint ang nauuna. Lagi ko sinasabi na, paano na siya kapag wala na ako… Sino na kasama niya? Paano kapag may sakit siya? Ah basta! Ayoko muna siyang iwan ngayon, gusto ko masiguro na maayos siya at ang babaeng mamahalin niya bago siguro ako bibitiw sa kanya.

Mahal ko si Clint… Mahal na mahal ko siya. Iniisip ko pa lang na magkakahiwalay kami at mapupunta siya sa iba ay nalulungkot na ako, napapaluha pa nga minsan.

Pero bakit ganito? Tama pa ba ang nararamdaman ko sa kanya?

CLINT’S POV

Naiinis ako kay Mama Cha! Pwede naman niyang ipakita sa akin kung sino ang tinitingnan niya, papahabulin pa ako! Kilala ko naman si Jet eh! Kunwari lang hindi, paano ko makakalimutan iyung hayup na iyon eh niloko siya noon! Hindi ko na lang sinabi sa kanya dahil ng mga panahon na iyon baliw na baliw siya sa gwapo na iyun!

Ano ba nangyayari sa akin? Sa amin? Bakit nagtatago na siya sa akin ngayon na hindi niya ginagawa dati! Naiinis talaga ako sa kanya!

Nagseselos ba ako?

Oo, siguro nga. Hindi ko naman itinatanggi na mahal ko si Mama Cha! Hindi ko nga lang alam kung paano ko ba masasabi… Mahal na mahal ko siya at nahihirapan na akong pigilan pa.


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Momma’s Boy (Chapter 3) – Nagseselos ba Ako?

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.