Momma’s Boy (Chapter 31) – Pasayawin na Iyan!

Author's Note

――*☆*――*☆*――*☆*――

CLINT AND CLYDE’S POV

“ANO’NG PANGALAN mo?” tanong ko sa bata.

“Clyde po,” sagot niya na nakangiti pa rin.

Hindi ko alam bakit parang nahy-hypnotize ako dahilan kaya ayoko siyang lubayan nang tingin. Hanggang sa…

“May kausap pa po kayo sa phone,” sabi niya sabay turo sa hawak kong cellphone.

Napatingin tuloy ako sa cellphone, oo nga nagsasalita pa ang kausap ko sa kabilang linya. “Ah! Rems, call back ako okay, may— may kausap lang ako,” sabi ko tapos pinindot ko na ang end call.

Nanatiling nakatayo lang ang bata sa harapan ko na nakatingin sa akin. Pakiramdam ko sa mga oras na iyon parang matagal na kaming magkakilala na ngayon lang nagkita, iyung pakiramdam na sa sobrang weird ay hindi ko na maipaliwanag bakit nakatitig lang ako sa mukha niya? At kumakabog ang dibdib ko, kinabahan ako bigla. Hanggang sa hindi na rin ako nakatiis.

“Ah… Clyde?” tanong ko.

Mabilis siyang sumagot, “Opo…”

Hindi pa rin ako makapagsalita nang maayos. At hindi ko talaga maintindihan bakit ganito ang pakiramdam.

“Puwede pa po ba akong mag-audition?” tanong niya. “Nasira po kasi ang number ko kaya nahiya ako.”

“Aah… Oo naman! Kaya lang—- nasa final evaluation na kasi kami, naka-mark down na ang mga hindi nakapasok,” sagot ko.

Biglang nalungkot ang mukha niya.

“Oum… Bakit—- bakit naman kasi wala ka kahapon? Pinatawag ko ang number mo pero wala ka naman daw sabi ng kasama ko.” Napamulsa na ako. Medyo nakampante na. Hindi na rin kumakabog ang dibdib ko na tulad kanina nang una ko siyang malapatan nang tingin.

“Talaga po? Ti—- Tinawag po ang number ko?” sabi niya.

Mas lalong guwapo ang mukha niya kapag nakangiti.

Nangiti rin ako. “Oo! Isa ako sa mga magiging koryo n’yo.”

Namilog lalo ang mga bilugan niyang mata. “Talaga po?” Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa. “Kaya po pala ang ganda ng porma n’yo! Ang pogi n’yo po!”

Napahagikgik ako sa sinabi niya, pati sa reaksyon ng mukha niya na parang gulat na gulat. Naka-sweatpants lang naman ako tapos simpleng white shirt na naka-slide on lang na tsinelas, nagwapuhan pa siya sa akin. Sasagot na sana ako nang biglang nag-announce si Nick sa mic na sabay pa kaming napatingin.

“Okay, dancers! Be ready,” sabi nito sa mic. “Warm up na! This is the final evaluation and the results will be annouced as the official dance troupe members of the university. So goodluck sa inyong lahat! To God be the glory!” Nag-flying kiss pa si Nick sabay turo sa itaas.

Nakita rin ako ni Ben at sinenyasan na lumapit sa kanya. Sumenyas naman ako pabalik na sandali lang.

“Ah! Clyde, may— may kagrupo ka ba?” tanong ko sa bata.

Umiling lang siya bilang sagot.

“Anong grade ka na?”

“Three po.”

Stock up na naman ang mundo ko nang matitigan siya. Putang ina! Ano ‘to? Starstruck? Sandali pa at nilapitan na ako ni Ben. At…

“Clint, we need to—-”

Nagkatinginan sila ng batang si Clyde.

“Clint!” Kalabit ni Ben. “Saan—- Saan mo nakuha ‘yan?” simpleng bulong niya sa akin na sa bata nakatingin.

“Sa kanya ‘yung bakanteng slot kahapon,” sagot ko sa tulalang si Ben.

Pati si Ben natulala sa kaguwapuhan ng batang ‘to.

“Ang guwapo siguro ng tatay mo?” tanong ni Ben sa bata.

Ngumiti lang ang bata.

“Ah! Pasayawin natin Ben, sayang naman ang effort niya,” sabi ko sabay kuha sa number na hawak ng bata. “Kaya ba?” Sinenyasan ko pa siya ng aprub.

Muling lumabas ang maganda niyang ngiti.

“Itapat mo na lang sa isa ‘yan, final evaluation na Clint,” sabi ni Ben.

Napaisip ako. “Sabihin natin representative ng grade three, wala tayong nakapasok sa kanila.”

“Sige, subukan natin…” sagot ni Ben na napakamot pa sa ulo.

“Halika na Clyde, kaya ba?” Hinagod ko pa ang likuran ng bata.

“Kaya po!” matatas na sagot niya. Bumilib ako sa lakas ng loob niya.

Isinama na namin siya sa loob ni Ben. Si Ben na halos mabali ang leeg dahil sa hindi maalis ang titig sa batang si Clyde.

AFTER 30 minutes…

“So no chance na raw?” tanong ko kay Ben.

“Ayaw pumayag ng mga admins, puwede raw kung isasalang siya sa wild card,” sagot ni Ben.

Napasulyap ako sa batang si Clyde na kasalukuyang nakaupo sa isang tabi akap-akap ang backpack niya. Mag-isa lang siya at wala man lang kahit sinong kausap. Naawa ako sa bata, pero hindi ako papayag na hindi siya makakapasok dahil sa tingin ko determindo siya at gustong-gusto niyang sumayaw. Nakita ko na parang wala siyang kaibigan o kasama man lang na sumusuporta sa kanya sa mga oras na ito. Isang malaking event ang nagaganap sa campus, marapat lang na may kasama siya kahit isa sa mga magulang.

“Wild card?” Napamulsa ako at tiningnan ang paligid. “Nasaan ang wild card Ben?”

Simpleng itinuro ni Ben ang may katangkarang bata, payat at guwapo rin, medyo mayabang nga lang sa obserba ko. Nakaterno siyang sweatpants at sweatshirt na gray.

“Ilan tinalo niyan ah!” bulalas ko. Natatandaan ko na siya ang pinakamagaling sa elementary division.

Sandali pa at biglang dumating si Nick.

“Asaan na Clint? Tawagin mo!” sabi niya agad.

Nilapitan ko kaagad ang batang si Clyde. “Ah… Clyde, tara!” Aya ko sa kaniya.

Tumayo siya akap-akap pa rin ang backpack. Nang makalapit na kami kila Ben ay…

“Aray!”

Siniko ni Ben si Nick at itinuro ang bata.

Katulad ng reaksyon ni Ben, gulat na gulat ito.

“Siya si Clyde,” pakilala ko.

Hindi pa rin nakibo si Nick. Napatakip pa sa bibig niya.

“Aah… Okay…” sabi ni Ben. “Nick!”

“Ah! Okay! Aah… Clyde.” Nilapitan ni Nick ang bata at niyayang maupo sila sa kahabaan ng upuang di-tiklop.

Sumunod kaming lumapit ni Ben.

“Ah… Clyde, nag-praktis ka ba?” tanong niya sa bata.

Umiling lang si Clyde. Nagkatinginan tuloy kaming tatlo.

“Aah… Clyde, marunong ka ba mag-freestyle?” tanong ulit ni Nick.

Hindi kumibo ang bata na kahit pa tango. Muli na naman kaming nagkatinginang tatlo.

“Aah… Clyde, kaya mo ba ‘yun?” Turo ni Nick sa batang wild card na tinatawag nila.

Nakita ko na tumingin din si Clyde sa batang itinuro ni Nick.

“Si Rico po?” sabay sabi nito.

“So kilala mo siya? Kaya mo ba?” tanong ni Nick.

Hindi na naman siya kumibo. Nakita ko sa mga mata niya ang pagiging seryoso. Nakatitig lang siya sa Rico na sinasabi niya habang sumasayaw na nagyayabang pa sa mga kaklase. Ako na ang lumapit para kausapin siya.

“Aah… Clyde, gusto mong sumayaw hindi ba?” tanong ko sa kanya.

Ibinaling sa akin ang tingin. “Opo,” mabilis na sagot niya.

“Kailangan mo siyang labanan para makapasok ka, sila ang magju-judge sa ‘yo, sorry Clyde pero nahuli kasi tayo pero gagawa tayo ng paraan okay?” sabi ko sa kanya. Ginusot ko pa ang may kahabaan niyang buhok.

Nagkatinginan kaming tatlo. Hindi ko alam sa sarili pero gusto ko talaga siyang tulungan. Alam ko ang pakiramdam dahil sa galing ako sa sitwasyong ito. Sandali pa at…

“Gusto ko po kasi maging scholar para makatulong kay nanay,” sabi niyang bigla kasunod ang isang malungkot na titig sa akin.

“Ugh! Ga—- Gano’n ba?” Naupo ako sa tabi niya. Na-touch ako sa sinabi niya. “Ano’ng alam mo?”

Mabilis siyang sumagot, “Breaking po.”

“Yown!” malakas na boses ni Nick. “Malupet naman pala ‘to eh!”

“Marunong ka ba ng freestyling? Mabilis na judging lang mangyayari sa inyo kaya gano’n lang ang gagawin mo, kailangan mo lang talunin ‘yung batang ‘yon.” Itinuro ko ang batang sinasabi. “Pinagbigyan lang tayo ng club, isang chance lang, either siya o ikaw ang makakapasok kaya galingan mo, Clyde, okay?” Tinitigan ko siya. Hindi ko alam pero parang gusto ko siyang yakapin nang mahigpit. Napailing na lang ako dahil sa nangyayari sa akin ng mga oras na iyon. Parang gusto kong awayin lahat ng staff para lang makapasok siya.

Muli niyang ibinaling ang tingin sa kalaban matapos ay tumango-tango. Nakita ko na determinado siya kaya at ginanahan ako.

Nangiti naman ang Nick at Ben.

“Okay! All set!” Umalis na si Nick para umpisahan na ang dance battle.

“Goodluck, Clyde!” sabi ko sa kanya. Kinuha ko ang backpack niya at itinuro na pumunta na siya sa gitna katapat ng makakalaban niya. Inayos ko pa muna ang maong na pantalon niya dahil sa sobrang gusot, pati tshirt niyang plain white lang. Bagay na bagay sa kanya ng simpleng porma na tinernohan ng high cut red Chuck Tay. May naalala tuloy ako bigla nang makita ang sapatos na suot niya, napangiting bahagya.

Nag-announce na si Nick, “Okay! Let’s begin the final evaluation, first set are—- 15 and 12!” Itinuro niya ang dalawang bata na nasa gitna na. “Okay! 30 seconds each!” Tumingin pa sa akin si Nick.

Sinenyasan ko siya na alam niya kung ano’ng klaseng music ang isasalang. Tumango ang loko.

“Okay! DJ! Give us some beat please!” ngiti pa ng loko sabay senyas sa DJ na kasamahan din namin.

Kasunod ay…

♪⁠~♪⁠♪♪♪⁠~♫⁠♬ (Tipsy song music beats)

Pumasok na ang intro. Nagsigawan ang lahat nang umindak na ang kalaban ni Clyde. Inangasan pa siya nito.

“Mukhang tagilid Clint,” bulong sa akin ni Ben na napailing pa na parang dismayado.

Napatingin ako sa kanya. “Hindi, tingnan mo ‘yung paa niya, pati bibig, nagbibilang,” ngiti ko sa kanya.

Tumango-tango ang Ben, napailing pa.

Nakita ko sa batang si Clyde na aral siya. Parang matagal nang sumasayaw ang batang ito.

Sandali pa at mas lalong umingay ang paligid. Halos magwala na ang mga nanonood, maging teachers at organizers ay nakita kong napatayo at napalapit sa harapan.

Dahil sa…

“Bata ba ‘yan?” bulalas ni Ben sabay tulak sa balikat ko.

Napangiti rin tuloy ako nang makita kung paano mag-double arm popping ang batang Clyde na sabay na sabay sa beat ng tugtog.

“Sabi ko sa ‘yo Ben eh,” bulong ko sabay sulyap kay Ben.


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Momma’s Boy (Chapter 31) – Pasayawin na Iyan!

One Response

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.