Naging trending topic ang pagbabagong-anyo ni Garee sa CPRU. Nagsimula iyon nang magkaroon ng post sa Silent Thoughts tungkol sa kanyang makeover.
Well, well, well! Nakita na ba ninyo ang latest? May bagong mag-aaral sa CPRU. But no, she’s not a new student. She’s just a brand-new version of herself…
At ang matinde, dalawang araw na ang post na iyon ay hindi pa rin natatabunan ng panibagong post. Puro mga comments at react lang ang update sa page ng Silent Thoughts. Parang wala nga silang balak na mag-post ng iba, o wala lang talagang mai-post sa ngayon na interesting para sa mga estudyante ng CPRU.
O kaya naman, sobrang laking balita lang siguro talaga ng pagbabagong-anyo ng star player ng badminton team ng university.
“Eh kung mag-post kaya ako dito?” tanong ni Garee kina Jasmin at Terrence. Magkakasama sila ngayon sa canteen at katatapos lang nilang mag-lunch, kaya sa Silent Thoughts na nakatuon ang kanilang pansin.
“Ano namang ilalagay mo, Ate?” tanong ni Jasmin. “Baka mamaya alisin lang din iyon ng admin.”
“Para lang kasi matabunan na iyang post na iyan,” inis niyang wika. “Para naman kasing big deal itong transformation ko.”
“Sikat ka nga kasi, Ate,” ani Jasmin. “Star player ka nga kasi, ‘di ba?”
“Eh CPRU Idol ka rin naman, ah,” ani Garee. “Bakit ikaw, hindi ka na-post?”
“Siguro kasi, mas drastic yung change sa iyo, Ate.” Napabungisngis si Jasmin.
Si Garee naman ay napasimangot.
“Jas is right, Ate Ga,” ang sabi naman ni Terrence na hindi pa tapos sa kinakaing fruit salad. “Jasmin just had her hair cut, then some very light make up. You, on the other hand, your hair has highlights and it’s now wavy. Anyone would notice the change.”
“Isa ka pa, eh. Amin na nga iyan!” Inagaw ni Garee ang kinakain nitong fruit salad at siya naman ang kumain noon.
“Do you want me to ask Kuya Phillip to remove the post?” tanong ni Terrence sa kanya.
“Huwag na,” tanggi ni Garee. “Keri lang naman din. Hindi naman ito yung tulad ng dati na scandalous talaga. Tsaka, baka isipin nila may something na. Baka maghinala na yung admin ng Silent Thoughts. Baka madamay pa kayo.”
Siya namang paglapit ng grupo ng apat na kalalakihan. Mga estudyante din ang mga ito, pero sila yung mga estudyante na sisiga-siga ang datingan.
“Aba! Totoo nga pala ang chismis, ah!” ang sabi nung isang long hair pa.
“Ano na namang problema mo, John?” tanong ni Garee doon sa nagsimula.
“At totoo nga! Ikaw nga si Garee!” ani John. “Aba, kung hindi ka lang nagsalita ng ganyan, maniniwala na sana akong ibang babae ang kaharap ko ngayon, eh.”
“Gumaganda yata tayo, Garee?” tanong naman nung isang kasama ni John.
“Baka may nagpapaganda na, Pare,” ang sabi naman nung isa.
Tinignan ng matalim ni Garee iyong nagsalita, na natawa lang kasama noong isang kasama nila.
Medyo nag-alala si Jasmin pagkakita sa mga lalaking dumating. Kilala kasi ang grupo nina John na mahilig manggulo. Hindi nga lang sa loob ng campus kaya hindi sila nae-expel dahil walang grounds para doon. Ang gagawin nila, aabangan nila iyong nakursunadahan nilang estudyante sa lugar na medyo malayo na sa school. Doon nila gagawin ang kung ano mang gusto nilang gawin doon.
Kilala rin ni Terrence ang grupo nina John. Pasimple iyang hinawakan ng mahigpit ang kanyang telepono para kung ano man ang mangyari, makatawag siya ng tulong. Aminado siyang kahit trained siya sa martial arts – isang requirement ng pagiging isang dela Rosa – ay hindi niya kayang suwayin ang apat nang siya lang.
Tiwala naman din si Garee na kahit basagulero ang mga lalaking dumating, hindi manggugulo ang mga ito sa loob ng CPRU. Kapag kasi na-expel ang mga ito ay wala nang tatanggap na school sa mga ito. At hindi iyon gugustuhin ng mga magulang ng mga ito na allergic sa kahihiyan. Siguradong papatalsikin ang mga ito sa kanilang angkan kapag nagkataon.
“Hoy, Garee! May boyfriend ka na?” tanong ni John sa kanya.
“Ano namang pakialam mo kung meron?” mataray na tanong ni Garee.
“Aba! Meron na nga yata!” ang sabi ni John. “Isa lang ang ibig sabihin niyan.”
Napakunot ang noo ni Garee.
“Amin na iyong panalo ko,” ani John sa mga kasama.
Napapakamot na binigyan ng pera nung tatlong kasama si John.
“Sabi ko na kasi sa inyo, eh. Ayaw pa ninyong maniwala,” ang sabi pa ni John habang binibilang ang tatlong isandaang piso.
“Pinagpustahan ninyo ako?” tanong ni Garee sa apat.
“Eh ayaw nilang maniwala sa akin,” ani John. “Kako, paano ka naman gaganda ng ganyan kung wala kang dahilan para magpaganda? O di tama nga ako.”
Bigla na lang kinuha ni Garee sa kamay ni John ang tatlong daang piso. Saka niya ito dinistribute sa talong kasama nito.
“O, kunin ninyo itong mga pera ninyo.” Tsaka siya humarap kay John. “Ikaw ang dapat magbayad sa kanila. Wala akong boyfriend.”
Hagalpakan iyong tatlong kasama ni John.
“Anong…! Kasasabi mo lang na may boyfriend ka na!”
“Ang sabi ko, wala kang pake kung may boyfriend man ako. Pero hindi ibig sabihin noon na meron na!” ang sabi ni Garee dito. “Umalis na nga kayo! Natatakot na itong kasama ko dahil sa inyo.”
Napatingin ang apat kay Jasmin, na lalo yatang kinabahan. Si Terrence naman ay napatayo na at handang humarang kung ano man ang gawin nila kay Jasmin, o kahit kay Garee man.
“Relax lang! Para nakikipagbiruan lang, eh,” ani John sabay tingin kay Terrence. “Takot ko na lang sa tito mo.”
Umalis na rin naman si John at ang mga grupo nito.
“Hayaan mo na iyon,” ang sabi ni Garee kay Terrence bago muling umupo. “Mayabang lang ang mga iyon, pero hindi naman manggugulo ang mga iyon.”
“Still, nakakatakot pa rin, Ate Ga,” ani Terrence na umupo na rin. Saka niya tinignan si Jasmin. “Okay ka lang?”
Tumango naman si Jasmin. “Ate Ga, huwag ka nang makikipag-usap sa mga iyon. Baka makursunadahan ka nila.”
Tumango na rin si Garee. “Promise.”
Nang hapong iyon ay muling sinundo ni Joshua si Garee. Ikinuwento niya dito ang pagiging viral ng makeover niya sa buong CPRU.
“Alam mo iyong naging celebrity ako bigla? Kakaloka!” ang sabi pa ng nakasimangot na si Garee.
Natatawa naman si Joshua sa reaksiyon nito. Kasalukuyan sila ngayong naglalakad papunta sa my parking lot.
“Dati ka naman nang celebrity sa CPRU, eh,” ang sabi nito.
“Eh pero, at least noon, dahil sa badminton. Hindi tulad ngayon, tungkol lang sa bago kong hairdo.” Napahawak pa siya sa kanyang buhok.
“Hindi lang sila makapaniwala na behind those baggy clothes and boyish demeanor lies a beautiful and enchanting woman.”
Pinigilan ni Garee ang mapangiti dahil sa kilig.
“Grabe ka namang maka-beautiful and enchanting,” ang sabi pa niya dito.
“It’s true.”
Huminto si Joshua sa paglalakad. Dahil doon ay napahinto na rin si Garee at napaharap dito.
“I was enchanted by you.”
And she was lost in those eyes of his again. Iyong tingin ni Joshua, parang pilit siyang hinihila papunta sa kung saan man na hindi niya mawari. Basta gusto lang niyang sumunod at magpahilala pababa sa mga matang iyon.
“Hindi ka nga tomboy, Ga… Isa kang mangkukulam.”
Unti-unting bumukas ang bibig ni Garee.
“Anong sinabi mo?” Tsaka niya ito sinuntok sa may braso.
“Aw!” reklamo ni Joshua.
Dali-daling nag-walk out si Garee. Natatawang sumunod na lamang si Joshua.
“Pagkatapos kong magpagupit ng ganito? Magpakulay at magpakulot ng buhok? Tapos, tatawagin mo akong mangkukulam?”
“Ga, saglit!”
Nahablot naman ni Joshua ang kamay nito, thereby stopping her.
“Let me explain,” ang sabi ni Joshua nang harapin siya ni Garee.
“Your explanation better be good,” ang sabi ni Garee sa kanya.
“Mangkukulam…” umpisa ni Joshua. “Kasi parang nagayuma mo iyong puso ko…”
Iyong ngiti ni Joshua, iyong parang nahihiya na kinikilig sa sinabi niya. Nahawa na rin lang si Garee.
“Patawa ka,” ang sabi nito na kinikilig din naman. “Halika na nga! Marami pa akong assigment na gagawin, eh.”
Bago tuluyang makalayo ay nagawang akbayan ni Joshua si Garee, na pinayagan na rin naman nito.
Hindi napansin ng dalawa na iyong kotse palang malapit sa kanila ay kay John, at tiyempong nang mga oras na iyon ay nakasakay ito doon kasama ang tatlo niyang kaibigan.
“Amin na,” ang sabi ni John sa tatlong kasama sabay lahad ng kamay.
Tutol man ay muli na lamang ibinigay ng tatlo iyong tig-isang daan nila kay John.
“Dedeny-deny pa iyang Garee na iyan,” ani John. “May boyfriend naman pala talaga siya.”
“Baka naman kasi secret lang muna, John,” ang sabi nung isa nitong kasama. “Eh di ba, si Gina Aguilar ang girlfriend niyang si Joshua?”
“Paanong hindi ipagpapalit ni Joshua iyong si Gina, eh ipangalandakan ba naman sa buong CPRU na si Bryan de Vera ang mahal niya,” ang sabi naman nung isa.
“Ang sakit noon, Pare,” gatong pa nung isa.
“Alam mo iyang si Gina, confused lang iyan, eh,” ang sabi ni John. “Hindi pa kasi niya natitikman ang pagmamahal ko kaya akala niya, wala na siyang ibang mamahalin kundi si Bryan de Vera.”
“Eh John, meron ka nang chance ngayon. Wala na sila ni Joshua,” ang sabi nung isa niyang kasama.
Napangisi si John.
“Manliligaw na ba tayo, John?” tanong nung isa.
“Pag-iisipan ko,” pakipot pang wika ni John.
Pero deep inside him, inuumpisahan na niyang imagine-in kung ano ba ang gagawin niyang panliligaw kay Gina Aguilar.