Kasalukuyang nagbabasa ng librong SI na isinulat ni Bob Ong si Jasmin nang maka-receive ng text message mula sa kapatid na si Joshua. Nasa balkonahe daw ang nakatatandang Ignacio at pinapapunta siya nito doon. Kaagad namang nilagyan ng bookmark ng bunso ang librong binabasa at saka na siya pumunta sa may balkonahe.
Nadatnan niya doon si Joshua na nakaupo sa comforter na inilatag sa may sahig ng balkonahe. Meron ding mga throw pillows doon, at sa may harapan ay may isang wooden tray kung saan naroon ang isang bilog na chocolate cake at ilang platito. Meron din doong isang maliit na teapot at dalawang tasa.
“Andiyan ka na pala,” ani Joshua pagkakita sa kanya. “Halika, tabihan mo ako dito.” Tinapik pa nito ang espasyo sa may tabi nito kung saan siya nito pinapaupo.
Tumalima naman siya sa kuya niya. “Anong meron, Kuya?”
“Anong meron? Heto.” Kinuha ni Joshua ang tray. “Chocolate cake. ‘Di ba, paborito mo ito? At saka tsaa, kasi bawal nang magkape at baka hindi ka makatulog mamaya. May pasok pa tayo bukas.”
Ipinag-slice ni Joshua ng cake ang kapatid. Pagkatapos ay ang tsaa naman ang inasikaso nito.
Jasmin is starting to get amused. “Ang ibig kong sabihin, bakit meron nito? Anong meron at naghanda ka nito?”
“Wala lang. Gusto ko lang maka-bonding ang kapatid ko.”
Jasmin looked at him intently. Pinilit iniyang inarok ang totoong isinasaloob ni Joshua.
“Bakit ganyan ka makatingin? Bawal na ba sa atin ang mag-bonding? The last time I checked, you’re still my sister.”
“Meron ka bang pabor na hihingin sa akin?”
Natigilan si Joshua. “Ha?”
“Meron kang favor na hihingin kaya mo ito ginagawa, ano?”
“Wala, ah! Ang sama naman ng iniisip mo sa akin! Hindi na ba ako pwedeng maging sweet sa kapatid ko? Porke meron akong chocolate cake at lemon tea, ibig sabihin meron na akong pabor na hihingin? Ang sakit mo namang magsalita!”
Natawa si Jasmin sa reaksiyon ni Joshua na parang hurt na hurt ito sa sinabi niya. Na lalong nagpasimangot kay Joshua.
“Nakakasakit ka na ng damdamin, ah!” Nakasimangot pa ring nagsimula nang kumain ng cake si Joshua.
“Sorry na,” ani Jasmin. Pero hindi siya pinansin ng kapatid. “Sorry na, Kuya.” Hinawakan niya ito sa braso.
“Ayoko na. Tampo na ako,” ani Joshua na parang nagtatampong bata.
Natawa ulit si Jasmin sa reaksiyon ito. “Sorry na, Kuya,” ulit niya sabay yakap sa kapatid. “Kasi naman, nakapa-unusual nitong gimmick mo ngayon… Come to think of it.” Hinarap niya ang kapatid. “Ngayon mo pa lang yata ginawa ito, eh.”
“Ngayon pa lang ba?” Napaisip naman si Joshua.
“Oo!” Muling natawa si Jasmin. Kinuha niya ang cake at nagsimula nang kumain. “Ano na nga ba kasi ang meron, Kuya? Bakit bigla-bigla kang nagpapakain ng chocolate cake?”
“Naisip ko lang kasi… ‘Di ba kaninang lunch, napag-usapan na naman iyong tungkol sa panliligaw ko kay Alex Martinez?”
“Correction, Kuya. Tangkang panliligaw,” natatawang wika ni Jasmin.
“O sige na. Hindi nga natuloy kasi umiwas siya,” sang-ayon naman ni Joshua. “Tapos dahil doon, pati ikaw iniwasan ka na rin niya. Nawalan ka tuloy ng best friend.”
Natigilan si Jasmin sa narinig. Hindi niya inaasahan ang sinabing iyon ni Joshua. May malalim palang dahilan ang biglaang pagiging sweet nito sa kanya.
“Ikaw naman kasi, eh! Bakit kasi si Alex lang ang kaibigan mo? Masyado ka naman kasing mahiyain.”
Jasmin smiled. Hindi talaga kayang magdrama ng matagal ng kuya niya. Pero parang mas lalo pa ngang nakaka-touch iyong pilit nitong pagiging palabiro kahit seryoso na ang usapan.
“Kasi feeling ko noon, sapat na iyon. Andiyan si Alex, pati na rin si Ate Garee. Tapos si Kuya Vic pa. At siyempre, ikaw, Kuya. Siyempre nalungkot din ako nung unti-unting umiwas sa akin si Alex. Kasi siya lang ang friend ko sa school. Pero, dumating naman si Nick. Kaya okay na.”
“But still, hindi ko mapigilang ma-guilty. At one point in your life, you became lonely; and that was because of me. Dahil sa maloko mong kapatid.”
Tinitigan ni Jasmin ang kapatid. Mukhang nalulungkot nga ito sa biglaang pagdaloy ng mga ala-ala ng mga lumipas na panahon.
“Okay lang iyon, Kuya! Tapos na iyon kaya huwag mo nang isipin. Isa pa, masarap naman itong chocolate cake na binigay mo sa akin.” She took a piece of the cake and chewed it cheerfully. “Hmm…”
“Masarap talaga iyan. Kasama ko pa si Garee na bumili niyan.”
Biglang may naisip si Jasmin. May bigla siyang naisip na gustong itanong kay Joshua. Humanap siya ng tiyempo para masabi dito ang iniisip.
“Kuya, matanong ko lang. Curious lang kasi ako.”
“Ano iyon?” tanong naman ni Joshua na kasalukuyan na ring kumakain ng chocolate cake.
Pilit niyang isinantabi ang awkwardness na bigla niyang naramdaman at nilakasan ang loob na magtanong. “Kahit minsan ba, hindi mo naisip na magkagusto kay Ate Garee? I mean, iyong higit pa sa isang kaibigan.”
“Ano namang klaseng tanong iyan?” tanong ni Joshua.
“Wala lang. Naisip ko lang naman.”
Ang totoo, naitanong iyon ni Jasmin dahil gusto niyang malaman kung pwede ba silang magkaroon ni Nick ng chance para maging more than friends din. Kung nangyari kasi iyon kina Joshua at Garee, posible ding mangyari iyon sa kanila ni Nick.
Pero parang hindi talaga iyon mangyayari.
“Never!” ani Joshua.
“As in, never?”
“Sa mahigit 14 years naming magkaibigan, hindi ako na-attract sa kanya. Alam mo ang tingin ko sa kanya? Tropa. Best friend lang. Ganun.”
“Ganoon ba?” Nakaramdam ng lungkot si Jasmin sa narinig.
“At tsaka, pag-aaksayahan ko ba ng panahon na magkagusto ako kay Garee? Eh hindi nga iyon marunong magsuot ng palda.”
“Nagpapalda naman si Ate Garee, ah.”
“Oo, uniform. Pero bukod doon, hindi na. At saka, ang ibig kong sabihin, walang bahid ng pagiging babae sa katawan iyon. Nakita mo na ang kuwarto noon? Kulay itim!”
“May yellow and pink din namang accent.”
“Oo, pero ang punto doon, may pagka-boyish pa rin. Alam mo namang hindi ganoon ang mga type ko.”
“Eh ano? Iyong mga tulad ni Gina Aguilar?”
Tinitigan siya ni Joshua. “Ming, alam kong hindi mo gusto si Gina. Pero sobrang maa-appreciate ko kung susuportahan mo ako sa gusto ko.”
“Meron pa ba akong magagawa? Eh, you had me by this chocolate cake.”
Joshua smiled. “Kaya nga love na love kita, eh… Ming-ming Kuting…”
Napasimangot si Jasmin. “Ming-ming Kuting ka diyan!”
Natawa si Joshua.
“Alam mo, ikaw na lang ang tumatawag sa akin ng Ming,” ani Jasmin. “Para ka tuloy iyong mga bully na tumatawag sa akin na Ming-ming Kuting. Kaya nga binago ni Alex iyong palayaw ko kasi nabu-bully ako dahil doon.”
“Kaya nga hindi ko binabago, eh,” ani Joshua. “Kasi, kapag tumigil akong tawagin kang Ming, ibig sabihin nag-give in ako doon sa pagbu-bully sa iyo. Eh hindi ka naman totoong Ming-ming Kuting, so bakit ako magko-concede?”
“You and your reasoning,” ani Jasmin. Pero naintindihan din naman niya ang dahilan ng kapatid.
“Tsaka, mas cute iyong Ming,” ani Joshua. “Mas bagay sa iyo. Kaysa naman sa Jas.”
“Dahil ba mas sosyal at chic iyong Jas kaya hindi bagay sa akin?”
Napakunot ang noo ni Joshua. “Bakit mo naman naisip iyon? Hindi ka naman jologs, ah.”
“Pero hindi attractive tulad ng ibang babae.”
“Sino’ng may sabi?” Parang biglang na-high blood si Joshua.
“Ako lang,” sagot ni Jasmin. “Para kasing hindi ako kasing-classy at elegant ng ibang babae… Katulad ni Ate Carol.”
“Hindi totoo iyan,” ani Joshua. “You’re beautiful as you are, Ming. You don’t need those flashy clothes and make up because you’re pretty without even trying. At hindi nga siguro iyon napapansin ng iba, pero just like a hidden treasure, it takes a patient and persistent man to unravel your treasured beauty.”
Na-touch naman si Jasmin sa sinabing iyon ni Joshua, lalo na at napaka-serious ng kuya niya nang sabihin nito iyon.
“Tsaka wala akong kapatid na pangit, ano! Ang gwapo ko kaya!”
And in a split second, Joshua Ignacio is back. Natatawang napailing na lamang si Jasmin.
“At kaya Ming, because that’s you. It’s very you. Innocent, kind, sweet… At huwag kang mag-alala na wala pang nanliligaw o nagkakagusto sa iyo. Darating din iyon. Isa pa, hindi ka pa pwedeng magka-boyfriend. Baby ka pa.”
“Sixteen na ako.”
“Basta! Baby ka pa. Bawal muna ang boyfriend. Pwera na lang kung si Nick iyon.”
Bigla ang dagundong ng kaba sa dibdib ni Jasmin.
“Bakit mo naman nasabi iyon, Kuya?”
“Eh kasi, si Nick, kilala ko na siya. Alam kong mabuti siyang tao. Tsaka kilala na siya nina Mommy at Daddy. Siguradong okay din sa kanila kung si Nick ang maging boyfriend mo. Alam namin na hindi ka niya sasaktan dahil kung gagawin niya iyon, hindi na siya makakatapak dito sa Moonville.”
“Grabe ka naman!” Natawa siya sa ka-OA-an nito.
“Totoo! Kaya huwag lang maisipan ng mga lalaking iyon na saktan ang Ming-ming ko. Mananagot sila sa akin.”
Na-touch naman siya sa sinabing iyon ni Joshua, kahit alam niyang punong-puno ng exaggeration iyon. “Thanks, Kuya.” Niyakap niya ito.
“Okay lang iyan, Ming-ming Kuting.” Ngumisi si Joshua.
“Ang sama mo, ha!” ani Jasmin sabay hampas sa braso nito.
Nginitian lang ito ni Joshua. “Kumain na nga tayo.”
Nagpatuloy na sa pagkain ng chocolate cake ang magkapatid habang ipinagpatuloy rin nila ang masayang kuwentuhan.