GAYA ng inaasahan ay nanalo ang SPUDS team. Nakuha rin ni Migo ang best speaker at best debater awards. Nagbunyi ang lahat ng estudyante, professors at staff ng SPU na naroon. Talagang nag-hire ng dalawang bus ang SPU administration para sumuporta sa SPUDS.
Matiyagang naghintay si Michelle sa labas ng bulwagan dahil napakaraming gustong kumamay at bumati kay Migo. Si Elyza ay nauna nang umalis dahil may gathering na pupuntahan ito kasama ng parents nito. Inihatid ito ng driver patungo roon at hinintay na ring matapos ang event. Siya ay sumabay sa bus kanina patungo roon kasama ang ibang estudyante pero ngayong uwian ay umaasa siyang makakasabay kay Migo sa kotse nito. Tutal ay madaraanan naman nito ang bahay nila pauwi sa bahay nito.
Napakaraming beses na siyang naihatid ni Migo pero alam niyang dahil lamang iyon kay Elyza kaya nito siya inihahatid. Madalas din na inuuna siya nitong ihatid kaysa kay Elyza kaya hindi sila nabibigyan ng pagkakataong makapag-usap.
Nang sa wakas ay nahawan ang mga nakapaligid kay Migo ay lumabas na rin ito kasabay ang mga kasama nito sa grupo. Hawak na nito ang dalawang medalyang iginawad para sa best speaker at best debater awards. Ang trophy para sa best team ay hawak ng humalili kay Atty. Gil na si Professor Malyn.
Sabik niyang nilapitan ito para batiin. “Hi…” Halos mahiklat ang mga labi niya sa luwang ng pagkakangiti. She wanted more than a handshake. She wanted to give him a hug and a kiss, if possible, pero naunahan siya ng hiya kaya itinaas na lang niya ang kanang kamay. “Congrats.”
Migo nodded and naccepted her hand. His expression was blank. “Thanks.” Luminga ito. “Where’s Elyza?” Hinila nito ang kamay.
Agad na nahalinhan ng antak ang init na dumaloy sa palad niyang napalob sa kamay nito. Ano ba naman ito? Si Elyza pa rin ang hinahanap samantalang siya ang naroon. “Ahm…nagmamadaling umalis. May pupuntahan kasi sila ng mommy at daddy niya. She should be home before three in the afternoon.” Alam naman niyang alam ni Migo ang nararamdaman niya kaya marahil ganoon na lamang ang indifference nitong ipinapakita. Hindi lang siya nito lubusang maipahiya.
Tumango-tango ito. “So…I’ll go ahead. Pinapapunta kami ng Presidente ng Divine College sa opisina niya. Thanks sa suporta,” anito bago tinalikuran na siya at sumunod sa mga kasama nito.
Para siyang binuhusan ng isang timbang tubig na may yelo. Ganoon na lang? Iniwan siya nitong parang basahan porque hindi niya kasama si Elyza? Nakadama siya ng pag-iigting sa munting bahagi ng kanyang puso. Nag-init din ang sulok ng kanyang mga mata habang sinusundan ng tingin ang papalayong grupo.
Pero saglit lang nanatili ang hapdi. Agad din iyong napawi nang tumimo sa isip niyang si Migo ang kanyang ultimate crush na naging love na at hindi siya basta susuko. Marami namang nagsasabing maganda siya at matalino. Hindi man siya kasing sexy, kasing-ganda at kasing-talino ni Elyza, hindi rin naman siya gaanong nahuhuli. In fact, siya nga ang nanalong Miss College of Arts and Sciences noong nakaraang buwan at magre-represent sa gaganaping Miss St. Patrick University sa susunod na semestre.
Kaya alam niyang nag-pay off ang kanyang ilang buwang pagda-diet. Kahit nagki-crave siya sa fries, pizza at isang katerbang ulam at kanin kapag vacant period gaya nang matagal niyang nakasanayan, nagtitiis siya sa Skyflakes at mineral water. In four months time, just before the pageant, she was able to reach a 26 inches waistline from her normal 29 inches. Hindi man siya ang pinakamaganda sa mga kandidata, nag-stand out siya dahil sa mahusay niyang sagot sa question and answer portion. She was very natural according to the board of judges.
Ang malungkot lang, ni hindi man lang nasaksihan ng kanyang ultimate crush ang event na iyon. Nang tanungin niya ito kung bakit hindi ito nagpunta ay simpleng ‘I was busy’ lang ang isinagot nito. Gabi kasi iyon ginanap. Nalaman na lang niya pagkalipas ng ilang araw na dumalo lang ito sa birthday party ng pinsan nito sa Antipolo.
Marami pang mga pagkakataon na ipinahiya siya nito. Hindi man hayagang pagpapahiya ay ramdam niya ang pagbabalewala nito. Alam naman niya ang dahilan kung bakit nagsimula ang pag-iwas nito sa kanya. He was being gentle and nice to her because it was not his attitude to hurt women’s feelings.
Nang nasa unang semestre sila sa second year ay pinadalhan niya ito ng private message sa Facebook account nito. Inamin niya rito ang kanyang nararamdaman. Huli na para pagsisihan niya ang nagawa. Nang nai-send niya iyon ay saka lang niya napag-isip-isip ang malaking kagagahang nagawa. Pero sa halip na panghinaan ng loob ay lalo pa niyang pinagpursigihan ang pakikipaglapit dito. Kasama na nga ang pagpapaganda niya at pag-aaral na mabuti.
Pero mukhang wala pa ring epekto ang mga ginagawa niya. Napahugot siya nang malalim na buntong-hininga. Walang ganang binagtas niya ang hallway sa ikalawang palapag ng building. Ang mangilan-ngilang kakilala na taga Divine College ay tinatanguan niya kapag binabati siya. It took her a while bago narating ang parking lot.
Nanlaki ang mga mata niya nang makitang palabas na ng gate ng Divine College ang dalawang bus na inarkila ng SPU. Luminga-linga siya. Wala nang taga-SPU sa paligid.
“Ayyie…naiwan ako. Kainis,” bulong niya sa sarili. Kailangan niyang magbiyahe mag-isa pauwi. Kung bakit naman kasi nagpahinay-hinay siya sa paglalakad sa kaka-ermote sa pag-deadma ni Migo sa kanya. Ayun tuloy, mukha siyang tanga ngayon na uuwing mag-isa.
Namahay na naman ang lungkot sa kanyang puso. Kanina lang ay nag-i-imagine siyang mapapagsolo sila ni Migo sa kotse dahil wala nga si Elyza. Naglayag din ang isip niya na yayayain niyang mag-snack si Migo. Nagsuot pa naman siya ng sexy sa araw na iyon. Denim skirt na kalahati lamang ng hita ang haba ang suot niya na tinernuhan ng body hugging white Guess shirt at sneakers na walang suot na medyas. Ilang beses pa kaya siyang mag-e-effort para mapansin lang ni Migo?
Pinilit niyang ibalik ang sigla. Hindi ang pagkaunsiyami ngayong araw ang magpapahinto sa kanyang makuha ang atensiyon at eventually ay ang pagmamahal ni Migo! Hindi ngayon at hindi kailanman siya titigil hangga’t may pagkakataon siyang makausap ito at makasama.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.






One Response
Below the belt ginawa ni migo tsk