My Heartless Husband (Chapter 2)

“LOLA, aalis na po ako. Si Noel, na po ang bahala dito sa bahay,”

“Teka, Apo. Hindi ba’t sabado ngayon? Wala kang pasok sa trabaho, bakit aalis ka?”

“Lola, kailangan ko po umextra ng trabaho ngayon sa bakery na pinapasukan ni Erika. Para po dagdag sa pang maintenance n’yo,” aniya na umupo pa sa harapan ng matanda.

Si Lola Nita, ang nakagisnan niyang nag-alaga sa kanilang dalawa ng pinsan niyang si Noel. Tanging pagtitinda lang ng isda ang ikinabubuhay nila. Gaya kasi niya ay highschool lang ang natapos ni Noel, kaya hirap makahanap ng magandang trabaho. Hindi na kasi siya nakapag-aral pa ng college, dahil sa biglaang pagkakasakit ni Lola Nita, kaya sabay sila ni Noel na maagang kumayod para mabuhay at may pambili ng gamot ni Lola Nita sa araw-araw.

Hindi rin natupad ang pangarap niya na maging isang chef, hindi gaya ni Erika, na nakapagtapos sa kursong culinary. Kaya mayroon na itong sariling bakery shop ngayon. Hindi lang ito basta bakery dahil dinarayo na ito ng mga tao, dahil para na rin itong mini cafe dahil sinamahan na rin niya ito ng iba pang menu maliban sa cakes, and pastries, kaya naman mabilis itong lumago at ngayon nga ay isa na sa pinakamatatag na business sa kanilang lugar na pumatok naman.

“Mela, pasensya na kayo sa akin ni Noel. Kung hindi lang sana ako nagkasakit eh, ‘di sana kayo nahihirapan magtrabaho ngayon at, sana ay nakapag-aral pa kayo sa kolehiyo.” malungkot na turan ng matanda.

“Lola… ‘wag po kayo magsalita ng ganyan, saka hindi naman po kayo naging pabigat sa amin ni Noel eh. Saka dapat sa ngayon kami naman ni Noel ang mag-aalaga sa inyo dahil kayo ang nag-alaga sa amin simula ng bata pa kami. Kung hindi lang sana ako iniwan ni mama sa inyo eh di sana…”

“Salamat sa inyo ni Noel, napakapalad ko dahil kayo ang ibinigay na mga apo sa akin. Pero Mela, apo. Kung ano man ang nagawa ng mama mo, kahit anong mangyari ‘wag na ‘wag kang magtatanim ng sama ng loob sa kaniya. Dahil kahit bali-baliktarin mo man ang mundo si Mercedes pa rin ang Mama mo,” malumanay na paliwanag ni Lola Nita.

Napabuntong-hininga naman si Mela, bago napatingin sa matanda at nagsalita. “Lola, alam ko naman po ‘yon, nagtatampo ako oo. Pero hindi ako nagtanim ng sama ng loob sa Mama ko kahit kailan, alam ko naman po Lola na may dahilan si Mama kung bakit iniwan niya ako sa inyo noong bata pa ako.”

“Mabuti naman kung gano’n, napakabuti mo Hija, oh siya sige na. Baka mahuli ka pa sa papasukan mo, ayos lang ako dito.”

“Sige po, Lola. Mag-ingat po kayo ni Noel.” aniya saka humalik sa noo ng matanda bago tuluyang umalis.

SAMANTALA, si Joaquin, ngayon ay isa ng ganap na abogado gaya nang kaniyang nais sa simula pa lamang. Baguhan man ngunit naipamalas niya ang kaniyang husay sa pakikipagtalastasan at pagtatanggol sa kaniyang mga kliyente. Ilang kaso na rin ang kaniyang naipanalo sa korte.

Sa araw din na ito ay inilalaban niya ang isang kaso kung saan na ang kaniyang kliyente ay kaanak ng biktima. Nagawa niyang maipanalo ang kaso at muli ay nakapagbigay siya ng panibagong hustisya sa mga taong nagtiwala sa kaniya.

Matapos labanan sa korte ay agad siyang pinuri ng mga kasamahan niyang abogado at ilang prosecutor na kasama niya sa paglutas nang krimen.

“Congratulation, Mr. Joaquin Montecarlos, naipanalo mo ang unang kasong hinawakan mo! Ang husay mo talaga!” puri ni Janelle, na isa sa mga kasamahan niya na gaya niya ay isa ring abogado.

“Salamat, Janelle. Pero mahusay ka rin naman. Iilan na rin naman ang mga kasong naipanalo mo.” aniya.

“Nagkataon lang siguro na madali lang lusutan ‘yung mga kasong nahahawakan natin. Oh paano, aalis na ako, congrats ulit ah!” paalam ni Janelle. Ilang sandali lang ay sumunod na rin si Joaquin na lumabas ng opisina.

KASALUKUYAN lulan si Jaoquin ng kotse niya at inaabangan na lang na mag green light ang mga signal lights. Mahuhuli na kasi siya sa usapan nila ni Brigette. Dalawang minuto nalang at male-late na siya sa uspan nila.

Nakahinga na lang siya ng maluwag ng makitang umilaw na ang ‘GO’ signal. Ililiko na niya pakanan ang kotse ng biglang mapahinto siya ng malakas dahil sa babaeng muntikan na niyang masagasaan. Mabilis na bumaba si Joaquin ng kotse para tingnan ang babae.

“Miss? Miss, okay ka lang ba?” agad niyang nilapitan ito para tulungang maitayo.

“Ah–aray~ okay lang naman ako, konting galos lang naman ‘to,” tugon ng babae.

“Pero miss, malaki ang galos mo, dalhin na lang kaya kita sa hospital?”

“Hindi na, ayos lang naman. Malayo ‘to sa bituka,” wika ng babae.

“Okay sige,” ani Joaquin na dumukot sa wallet niya ng pera.

“Oh ito, konting halaga lang ‘to. Kahit pambili lang ng gamot.” Abot niya ng pera sa babae.

“Naku hinda na! Ayos lang naman ako, okay lang kahit hindi mo na ako bayaran. Salamat nalang–” natigilan ang babae sa pagsasalita ng mapatingin ito sa mukha ni Joaquin.

Maging si Joaquin ay natigilan din at napatitig sa babaeng kaharap. Pamilyar ito sa kanya.

“J-Joaquin? Joaquin Montecarlos?” turo ng babae sa kanya.

“Melanie Vergara?”

Hindi makapaniwala si Mela ng mga sandaling iyon na muli niyang nakaharap si Joaquin.


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

My Heartless Husband (Chapter 2)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.