Ang Manunulat (Chapter 3) – Misteryo

“RED, hindi ka ba bibisita sa ospital? Malamig ba talaga ang puso mo?” bulalas ni Drew sa binata habang kausap ito sa cellphone. Tahimik lang na nakikinig si Red.

“Magsalita ka, ikaw lang ang wala dito.”

“Pag pumunta ba ako diyan, may magagawa ba ako? P’wede ko bang pagalingin si Zer?” suplado nitong tugon.

“Ayan ka na naman! Ayaw mo ba talaga kaming makasama? Simula nung nabuo ang grupo nating apat at nakilala tayo ng mga tao, halatang ayaw mo sa amin—“ Hindi na natapos ni Drew ang sasabihin niya nang biglang naputol ang linya.

“Red! Red! Anak ng—”

“Hayaan mo na si Red. Alam mo namang hindi pupunta ‘yan dito. Hindi talaga siya sang-ayon sa grupo natin,” pagsingit ni Zer habang busy si Drew sa cellphone niya. Si Briana naman ay nakatulog dahil sa hindi maipaliwanag na mga nangyari sa kanya. Namumugto ang kanyang mga mata. Pagod ang kanyang katawan.

“Nag-iisip ka ba? Hindi tayo sisikat kung wala siya, kung kulang tayo. Nilamon na ba ng pantasya ang utak mo, ha?” Pagmamaktol ni Drew at napailing na lang si Zer.

Samantala, kilala si Red sa kanyang talento sa larangan ng misteryo at katatakutan. Maging ang kanyang pagkatao ay misteryo sa lahat ng nakakakilala sa kanya. Laging nakatikom ang bibig niya. Hindi siya masyadong nagsasalita pero importante siya. Pinagmamasdan lang niya ang paligid. Mas gusto niyang mapag-isa sa tahimik na lugar.

Gayunpaman, tinanggap niya ang alok mula sa isang publishing house dahil, nangangarap din siya at doon niya naging kasama sina Zer, Drew, at Briana. Napailing na lang si Red sa inasta ng mga kasamahan niya. Napatigil siya sa ginagawa dahil nawala ang konsentrasyon niya nang tawagin siya ni Drew. Inilapag niya ang kanyang cellphone sa mesa at inabot ang kanyang panulat. Nahulog ito sa sahig at gumulong sa ilalim ng mesa.

Biglang hindi makagalaw si Red nang yumuko siya para kunin ang kanyang panulat. Napabuntong-hininga siya at pinagmasdan ang nakita ng kanyang mga mata— mapuputing mga paa na nakatapak sa makintab na sahig. Napapikit ang kanyang mga mata.

“Nadala lang ako sa sinusulat ko,” bulong niya sa sarili. Nang muli niyang imulat ang kanyang mga mata, wala na ang mga binti. Mabilis siyang kumilos at kinuha ang kanyang panulat. Ngunit, sa kanyang pagtayo ay naagaw agad ang kanyang atensyon sa salamin ng bintana sa kanyang kwarto.

“Tulong!” isang salitang nakasulat sa tinta ng dugo. Tumutulo pa ito sa sahig. Sariwa. Nanghina ang katawan ni Red at napahawak sa tiyan. Naamoy niya ang amoy ng dugo at nakaramdam siya ng sakit ng sikmura.

Gayunpaman, hindi siya nakagalaw nang maramdaman niyang may tumama sa likod niya. Biglang sumikip ang bewang niya. Malamig. Tumindig ang balahibo niya sa katawan. Lumalaki na ang ulo niya. Parang may yumakap sa kanya. Dahan-dahang gumagalaw ang kanyang mga mata sa paligid.

“Imposible! Dalawang hakbang na lang ang kaya ng mga paa ko para sumandal sa pader,” bulong ng isip niya. Hanggang sa kumabog ang dibdib niya, nang maramdaman niya ang malamig na hangin sa leeg niya. Parang hininga ng tao.

“Tulungan mo ako,” bulong ng hangin sa kanyang tainga. Nanginig ang mga tuhod ni Red. Hindi niya kinaya ang takot na nararamdaman. Sinubukan niyang igalaw ang katawan at nagtago siya sa ilalim ng mesa. Niyakap niya ang sariling mga tuhod at ibinaon ang mukha sa mga iyon. Nakapikit ang kanyang mga mata habang nanginginig ang buong kalamnan. Lalo na, kahit nakapikit ang kanyang mga mata ay may malakas na presensya ng isang nilalang na gumagalaw sa kinaroroonan niya. Naramdaman niyang nasa harapan na niya ito.

“Ano bang nangyayari sa akin? Hindi p’wede! Hindi ako dapat matakot. Imahinasyon ko lang ang lahat!” Sinubukan ni Red na pakalmahin ang sarili. Ngunit, hindi nawala ang lamig na nararamdaman niya sa kanyang katawan. Ayaw niyang buksan ang kanyang mga mata. Hindi rin siya mapakali sa pwesto niya.

“Kung totoo ka, kung sino ka man, umalis ka na!” pakiusap niya.

Inaamin niya sa sarili niya, alam niya sa sarili niya na may kasama siyang ibang nilalang. Gumalaw siya kahit nakayuko ang mukha niya. Gusto niyang maramdaman ang init ng kanyang katawan. Hindi niya alam kung ano ang gagawin. Ang tanging nasa isip niya ay ang lumabas ng kanyang silid. Nag-ipon siya ng lakas ng loob. Hanggang sa nagmulat siya at lumabas sa ilalim ng mesa para tumakbo papunta sa pinto.

Ginawa niya ito, ngunit nang mahawakan niya ang nakabukas na pinto, nanlaki ang mga mata niya habang ang isa pang kamay ay nakapatong sa kanya. Napasigaw siya nang malakas at bumagsak siya sa sahig. Niyugyog niya nang niyugyog ang kanyang kamay.

“Hindi p’wede, kailangan kong lumabas ng kwarto ko!” Hindi pa rin maalis sa isip niya ang pagnanais niyang makalabas sa kanyang silid. Matapang siyang tumayo muli, ngunit bigla siyang natigilan sa babaeng nakatayo sa harapan niya.

“I—Ikaw?” tanging nasambit ng kanyang bibig. Biglang nanigas ang katawan niya nang haplusin ng babae ang pisngi niya. Bumalik lamang ang kanyang pakiramdam nang mapansin ang mga luha sa mga mata ng babae.

Biglang nagkaroon ng ingay sa kwarto niya. Tumilapon ang mga gamit niya sa sahig sa likuran niya. Itinaas ng babae ang kamay at itinutok ang hintuturo sa likod niya. Tumigil ang ingay. Napalunok si Red. Hindi niya alam kung bakit kusang gumalaw ang leeg niya, para lingunin ang itinuturo sa kanya ng babae. Hindi pa nasusulyapan ni Red ang imahe, nang bigla siyang inatake nito. Bumagsak siya sa sahig. At nasaksihan ng kanyang mga mata ang isang babaeng putikan habang sinasakal nito ang babaeng nagpakita sa kanya.

“Hindi mo magagawa ito,” sabi ng babaeng putikan sa babae na nasa loob ng silid ni Red.

Naluluha ang mga mata ng dalagang sinasakal at pilit niyang iniabot ang kamay kay Red. Humihingi ito ng tulong. Gayunpaman, tulala ang binata. Kumukurap-kurap lang ang kanyang mga mata, habang nakatuon ang atensyon sa kanya ng babaeng putikan. Hindi siya makilala ni Red dahil nababalot ng putik ang buong katawan nito. Napansin din ni Red ang mga uod na lumalabas sa katawan nito. Nakakapangilabot. Nakakasuka. Pulang-pula pa ang mga mata nito.

“H—Huwag kang lalapit sa akin,” utos ni Red. Mabilis siyang gumapang pabalik sa ilalim ng mesa. Sa pagkakataong iyon, sinundan ng kanyang mga mata ang mga paa ng babaeng putikan patungo sa kanya.

“H—Hindi!” Nanginginig ang mga labi ni Red. Ramdam ng kanyang kalamnan ang takot. Parang may malakas na boltahe ng kuryente na dumadaloy sa kanyang mga ugat. Naninikip ang dibdib niya nang lumapit sa kanya ang babaeng putikan. May ahas din. Hindi niya alam kung ano ang mangyayari sa kanya hanggang sa tumigil sa paglalakad ang mga paa ng babaeng putikan at bigla itong nawala.

“Red! Red!” tawag ng kanyang ina mula sa labas ng kanyang silid. Narinig niya ang isang malakas na katok.

“Buksan mo ang pinto!” sigaw ng kanyang ina. Mabilis siyang tumakbo papunta sa pinto. Binuksan niya ito ng walang pag-aalinlangan kahit na bakas pa rin sa mukha niya ang takot.

“Ano bang nangyayari sa iyo, anak? Narinig ko ang sigaw mo. Narinig ko ang ingay sa loob ng kwarto mo,” paliwanag ng kanyang ina. Tumingin lang siya sa paligid. Wala na ang nakasulat sa bintana. Wala ring kalat.

“Anak! Anak!” sigaw ng kanyang ina.

“Ah— Binabangungot lang po ako,” simpleng sagot niya at niyakap siya ng kanyang ina.

“Sa susunod, huwag mong i-lock ang pinto ng kwarto mo. Para madali kong mabuksan. Sige, magpahinga ka na.”

“Ma,” tawag ni Red sa kanyang ina.

“Bakit?”

“Wala. Punta lang muna ako sa kusina. Magpahinga ka na. Huwag mo na akong alalahanin,” paliwanag ni Red.

“Sigurado ka ba?”

“Opo.”

Tinapik lang siya ng kanyang ina sa balikat at iniwan siya. At dumiretso na siya sa kusina para uminom ng isang basong malamig na tubig. Sumandal siya sa lababo. Habang umiinom siya ng tubig sa baso, hindi maiwasang mapaisip ni Red. Iba ang kanyang damdamin.

“Nasaan na siya? Bakit ko siya nakita? Sigurado akong hindi ako nananaginip. Siya yung nakita ko. Ano ang nangyari sa kanya?” Maraming katanungan ang gumugulo sa kanyang isipan. Nang bigla niyang nabitawan ang baso.

“P—Patay na ba siya? Kaya ba siya biglang nawala? Kaya ba hindi ko na siya nakikitang nagsusulat online? Kaya ba hindi ko na nakikita ang maganda niyang mukha kapag may meet-up sa isang book fair?” Paulit-ulit na pumasok sa isip niya ang mga tanong. Nanlambot ang kanyang mga paa. Umupo siya at ipinatong ang mga kamay sa mesa. Kinuyom niya ang mga ito.

“Patay ka na ba? Kaya ka ba humihingi ng tulong? Sino ang babaeng putikan na kasama mo? Bakit mo ako hinihingan ng—“ Hindi na natapos ni Red ang ibinubulong ng kanyang isip, nang may biglang pumasok sa kanyang memorya.

“Kahit tahimik ka, alam kong maganda ang puso mo. Kahit suplado ka, ramdam ko ang totoong nararamdaman mo. Iba ka sa kanila. Alam kong hindi mo magugustuhan ang sasabihin ko sa ‘yo. Gusto kita, Red! Pero hindi ko naman hinihiling na pansinin mo ako. Hindi ko naman hinihiling na magustuhan mo ako.”

Kahit gabi na. Tumutulo ang pawis sa gilid ng mukha ni Red. Maging ang kanyang mga mata ay hindi naiwasan na lumuha.

“Ano ang gusto mong gawin ko para sa ‘yo?” tanging nasambit ng kanyang bibig.

 

Next to: Ang Manunulat (Chapter 4) – Sorpresa


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Ang Manunulat (Chapter 3) – Misteryo

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

3 Responses

  1. Hahaha writer ng mistery-horror pero takot Ng may Makita sa personal di ba dapat mas naexcite ka hahaha Lalo Kilala mo Ang babaeng nahingi Ng tulong sino siya ayyyiii pogi mo Red🤣 kaso matatakutin ka bwahahaha naexcite Ako sa babaeng putikan sa totoo lang hahahaha ano ba drama niya sa Buhay Gaga na Yan hahahaha okay next chap

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.