Ang Manunulat (Chapter 1) – Ang Babaeng Putikan

SUMABAY ang katawan ni Zer sa malakas na musikang tumutugtog sa kanyang laptop. Paikot-ikot siyang sumayaw sa kwarto niya habang nakataas pa ang mga kamay. Natuwa siya sa himig ng kanta. Ganyan ang istilo niya sa paggawa ng magandang kabanata o eksena sa kanyang mga naisulat na kwento. Isa siya sa mga kilalang manunulat sa lipunan. Kilala siya sa kanyang talento sa mundo ng pantasya. Malawak ang kanyang imahinasyon na para bang may sariling portal na nakatago mismo sa kanyang katawan.

Habang abala siya sa pag-iisip at pagsasayaw, biglang huminto ang musika. Kusang sumara ang bintana sa kwarto niya dahil sa malakas na hangin. Tumigil si Zer sa gulat at lumapit sa bintana. Sa pagsilip niya, isang malakas na kulog ang sumabay sa langit at muli ay nagulat siya. Hinawakan niya ang kaliwang dibdib, huminga siya nang malalim at tinawanan ang sarili.

“Hindi ako duwag!” bulong ni Zer at sumilip siya ulit sa bintana.

“Walang bituin sa langit. Mukhang babagsak ang malakas na ulan,” dagdag pa niya. Madali para sa kanya ang tanawin ang labas ng bahay nila dahil nasa ikalawang palapag ang kwarto niya.

Hinaplos ng palad niya ang kurtina, kinalas niya ito at tuluyang tinakpan ang bintana. Lalo na ang kulay ng telang ito ay itim. Wala siyang napansin na imahe ng tao sa labas ng kanilang bahay habang pinagmamasdan siya nito. Sumunod ang paglapag ng isang itim na uwak sa bubong ng kanilang bahay.

Humakbang muli ang mga paa ni Zer palapit sa kanyang laptop. Naramdaman din niya ang malakas na patak ng ulan mula sa labas. Bago pa pindutin ng daliri niya ang keyboard ng laptop niya para muling magpatugtog ng kanta ay may kumatok sa pinto ng kwarto niya.

Nagdikit ang dalawang kilay niya. Ayaw niyang magambala kapag nag-iisip siya, kapag ginagamit niya ang kanyang imahinasyon, at kapag gumagawa siya ng isang sulatin.

Mabigat ang mga paa niya habang papalapit sa pinto. Binuksan niya ito, ngunit walang lumabas sa harapan niya. Bahagya siyang naglakad palabas ng hallway. Pinagmasdan niya ang paligid. Lumapit siya sa hagdan at sinilip ang unang palapag. Wala siyang nakitang tao. Wala man lang siyang narinig na ingay.

“Zai! Huwag na huwag mo akong lokohin o paglaruan. Kapag nahuli kita, kamumuhian mo talaga ako!” sigaw niya sa kapatid.

Madalas kasi siyang asarin ng nakababatang kapatid niya. Lalo na kapag nagpapansinan si Zai o may kailangan sa kanya ang dalaga. Kakapasok lang ulit ni Zer sa kwarto niya at itinulak ang pinto pasara. Lumikha ito ng malakas na kalabog habang nagsara ito.

“Aahh… Nawawala tuloy ang konsentrasyon ko,” muling wika ni Zer sa sarili at tinapik ang kanyang noo. Habang papunta na siya sa laptop niya, isang hakbang pa lang ang paa niya, may kumatok na naman sa pinto.

“Zai!” gigil na sabi ni Zer. At dahil hindi pa siya nakakalayo sa pinto ay mabilis niya itong nabuksan. Nahagip ng kanyang mga mata ang isang anino na pumasok sa silid ni Zai. Mabilis itong nawala sa kanyang paningin.

“Zai!” sigaw ni Zer. Susundan na sana niya ang kapatid para pagalitan, nang bigla siyang madulas at bumagsak ang katawan sa sahig. Basa ang mga palad niya. Nagtaka si Zer at napaisip siya. Hindi na bata si Zai para maglaro ng tubig.

“Aray!” bulong niya lang habang hinahaplos ang balakang.

“Humanda ka sa akin,” bulong niya ulit at tumayo mula sa pagkakaupo sa sahig.

Agad na nahagip ng kanyang mga mata ang mga footsteps patungo sa silid ng kanyang kapatid. Malalaking hakbang ang ginawa ni Zer palapit sa kwarto ni Zai. Ngunit bago pa man niya ito maabot ay sumara na ang pinto. Hindi mabuksan ni Zer ang pinto.

“Zai, buksan mo! Diba sabi ko sayo, ‘wag mo akong asarin kapag may ginagawa ako. Buksan mo!” galit na utos ni Zer. Pero hindi bumukas ang pinto ng kwarto ni Zai. Wala ring sumagot kay Zer.

Walang tigil si Zer sa pagkatok sa pinto hanggang sa mapagod siya. Bumalik siya sa kwarto niya na inis na inis. Binalibag niya ang pinto. Pagsara nito, may babaeng nakaitim na nakatayo sa likuran niya. Hindi nakikita ang mukha.

Hinaplos ni Zer ang kanyang dalawang braso. Bigla siyang nakaramdam ng lamig. Pero hindi niya ito pinansin at dumiretso sa laptop niya. Umupo siya sa upuan at saktong may message sa cellphone niya na nasa tabi mismo ng laptop niya. Agad niyang nakita ang pangalan ng kapatid. Binuksan niya ito, dahil alam ni Zer na trabaho ni Zai ang humingi ng tawad sa kanya sa pamamagitan ng text message kapag may ginawa itong kalokohan sa kanya.

“Kuya Zer, anong gusto mong pasalubong? Tanong ni Mama. Alam naming hindi ka pa naghahapunan.”

Nang mabasa ni Zer ang mensahe ng kanyang kapatid ay tila nanigas ang lahat ng kanyang kalamnan. Sa hindi niya malamang dahilan, gumapang ang takot sa kanyang katawan. Naramdaman niyang tumindig ang balahibo niya. Ang kanyang batok ay kumapal. Parang mabigat ang balikat at ulo niya.

“P—Pasalubong?” nauutal na sabi ni Zer sa sarili. Pero, umiling siya. Iniisip niya na niloloko pa rin siya ni Zai.

“Hoy, Zai! Wag mo akong lokohin. Tinatakot mo ba ako? Lumabas ka sa kwarto mo at harapin mo ako!” Nagreply si Zer sa message ni Zai. Mabilis din niyang natanggap ang tugon ng kapatid.

“Huh? Kuya Zer, tulog ka pa ba, ha! Hindi ba niyaya kitang mag-mall kanina? Ayaw mo kasi gusto mong matulog tapos sabi mo magsusulat ka. Ikaw lang mag-isa sa bahay.”

Nabitawan ni Zer ang kanyang cellphone nang mabasa niyang muli ang mensahe ni Zai at sabay namatay ang ilaw sa loob ng kanyang kwarto. Nanlaki ang mga mata niya habang nakatitig sa laptop niya, nang maramdaman niya ang malamig na simoy ng hangin na humahaplos sa batok niya. Lalo na’t ang tanging liwanag na nakikita ng kanyang mga mata ay mula sa kanyang laptop. Parang may narinig din siyang patak ng tubig mula sa likuran niya. Napalunok si Zer, nang maalala niya ang sinabi sa kanya ni Zai. Totoong niyaya siya ng kapatid niya.

“Ano’ng gagawin ko? Wala silang lahat. May kasama ba akong ibang nilalang sa loob ng bahay namin?” tanong ng isip niya.

Nagsimulang manginig ang kanyang mga paa. Unti-unting nanikip ang kanyang dibdib dahil tila sumikip ang kuwadradong kwartong kinaroroonan niya. Nabingi ang tenga niya sa katahimikan. Parang may bumubulong sa kanya. Dahan-dahan niyang ibinaling ang paningin sa paligid.

Tumingin siya sa kaliwa. Kasabay ng malakas na kabog sa kanyang dibdib.

Tumingin siya sa kanan. Huminga siya nang malalim.

Tumingin siya sa itaas. Lalong lumakas ang kaba sa kanyang dibdib.

Tumingin siya sa ibaba. Bahagyang nabawasan ang takot na nararamdaman niya dahil wala siyang nakita.

Ang tanging bagay na hindi niya magawa ay tumalikod. Pilit niyang pinapakalma ang sarili. Pumikit si Zer. Sinubukan niyang patayin ang takot na nabuhay sa kanyang katauhan.

Ang hindi niya alam, may hindi nakikita ang mga mata niya kahit nakadilat. Nanatili sa tabi niya ang imahe ng babaeng nakaitim. Habang nakapikit si Zer ay lumapit ang ulo ng babae sa pisngi niya. Puti ang mga mata nito. May ibinubulong ito sa kanya. Itim ang labi nito. Nanlaki ang mga mata ni Zer habang nag-iipon siya ng lakas ng loob. Kasabay nito ay muling bumukas ang ilaw sa kwarto niya. Agad siyang lumingon sa likuran niya, ngunit wala siyang nakita. Napatingin siya sa apat na sulok ng kwarto niya. Wala pa rin siyang nakikita.

Lumapit siya sa kanyang higaan at dahan-dahang yumuko para tumingin sa ilalim ng kanyang kama kahit na nadudurog na naman ang kanyang puso sa takot. Pero wala talaga siyang nakikita. Nang muli siyang tumayo ay sabay ring tumunog ang kanyang Facebook Messenger sa laptop.

“A—Anonymous?” tanong ni Zer sa sarili. Naningkit ang mga mata niya dahil hindi niya ito kilala. Binuksan niya ang mensahe. Napaatras ang mga paa ni Zer, nang mabasa niya ito.

“Sa kabila ng kasikatan mo, darating ang araw na mabubura ka sa mundong ito at malilimutan ka ng mga tao. Abangan!”

Pakiramdam ni Zer ay para talaga sa kanya ang mensahe. Lalong nadagdagan ang kaba at takot sa kanyang puso. Habang ang kanyang mga paa ay patuloy na umaatras palayo sa kanyang laptop, habang nakatitig siya sa message na natanggap niya ay biglang nawalan ng ilaw ang laptop niya. Tumigil sa paggalaw ang mga paa ni Zer, nang makita niya sa screen ang babaeng nakaitim. Nakatingin ito sa kanya at may hawak itong kutsilyo.

Nanghina ang mga paa ni Zer at bumagsak siya sa sahig. Nahirapan siyang huminga. Parang unti-unting tumigil sa pagtibok ang puso niya. Nahirapan siyang igalaw ang kanyang katawan. Mabigat. Parang may pumipigil sa kanya. Sinubukan niyang igalaw ang katawan para makalabas ng kwarto niya. Pero hindi niya magawa dahil hinihila siya ng babaeng nakaitim.

“Sino ka? Layuan mo ako! Bitawan mo ako!” sigaw ni Zer. Pero unti-unting umakyat ang babaeng nakaitim sa paa niya. Walang nakakarinig sa sigaw niya.

“H—Hindi… Huwag!” sigaw ulit ni Zer at biglang nagkaroon ng pakiramdam ang mga paa niya. Nawala din ang babaeng nakaitim.

Nagkaroon siya ng pagkakataong tumakbo. Pero hindi siya makatayo dahil mahina ang katawan niya. Pinilit pa rin niya ang sarili. Para siyang mabagal na uod na gumagapang sa sahig. Kahit napakabagal ng galaw niya ay nakarating pa rin si Zer sa hagdan.

Ngunit bago pa siya makagapang pababa ng hagdan ay sinalubong siya ng maputik na mga paa. Kasama ang mga uod, ipis at ahas. Nataranta si Zer. Sa bilis ng kanyang paggalaw ay hindi niya napansin na nahuhulog na pala siya sa hagdanan patungo sa unang palapag ng kanilang tahanan. Tumulo ang dugo sa bibig ni Zer. Tumigil ang malakas na ulan. Ang uwak na dumapo sa bubong ng kanilang bahay ay nagpakawala nang malakas na huni.

 

Next to: Ang Manunulat (Chapter 2) – Ang Pangalawang Palapag


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Ang Manunulat (Chapter 1) – Ang Babaeng Putikan

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

6 Responses

  1. Hahahaha tawa ko Ng tawa di Ako natatakot naiimagine ko itsura niya Lalo Ang nagmsg na anonymous bwahahaha takte nakakatawa comedy-horror Ang peg hahahaha tragis time check 1038pm mas okay basahin Ng 12am bwisit hahahaha okay next chap hahahaha sakit Ng pagkabagsak niya infernes bulwak Ang dugo sa bibig mataas na hagdanan hahahaha😝

    1. Sana po magustuhan mo ang story ko. Huwag po kayong magugulat sa twist nito, charot! Sana mabasa mo po hanggang sa ending. Again, maraming salamat po. God Bless!

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.