PARA sa mga mortal na nilalang, ang kanilang mga kaisipan at damdamin ay mabilis na lumalago sa kanilang mga sarili. Sila mismo ang gumagawa o nagsusulat ng kanilang sariling buhay pagkatapos nilang ipakita ang kanilang mga uri—sa kagalakan man o kalungkutan.
Bagama’t ang mga tao ay nakatira sila sa isang mundo na puno ng karunungan, ang karamihan sa kanila ay lumilikha ng buhay na walang katiyakan at kamalayan. Ang kanilang buhay, samakatuwid ay pinaghalong mabuti at masama. Mula riyan, magsisimulang mabuo ang mga makabag-damdaming kaisipan at mga misteryosong pakiramdam. Katulad ng galit, kasakiman, matinding pagnanais, at iba pa na magiging sanhi ng kanilang sariling kapahamakan.
Kaya naman, mula sa kalangitan ay mayroong isang bulalakaw na may dalang apoy na kulay lila. Ito ay dadapo sa mundo ng mga mortal. Ang tinatayang eksaktong lokasyon ay ang bansa ng Sensa. Kung saan, sa ilalim ng malaking puno na hugis simboryo na naroon ay may nagaganap na isang napakalungkot na sitwasyon. May isang ina na nais isakripisyo ang kanyang buhay para lamang isilang ang sanggol na nasa kanyang sinapupunan.
Ang ina ay napaiyak nang makita niya ang kanyang napakagandang sanggol na babae. Bago ang kanyang huling paghinga, inaasahan niyang mauunawaan ng kanyang anak ang mahiwagang regalong makakamtam nito. Dahil pagdating ng araw, ito ang magsisilbing dalisay at purong mahika na maninirahan sa puso nito. Walang humpay sa pag-iyak ang bata nang kalungin siya ng isang nilalang na walang pagkakakilanlan.
Sumapit na rin ang takdang oras kung saan ang bulalakaw ay babagsak na sa lupa. Inaabangan talaga ito ng lalaking may hawak sa sanggol. Tumakbo siya sa loob ng kuweba at inilapag niya ang sanggol sa lupa. Binalikan niya ang ina ng bata. Kahit wala na itong buhay, para sa lalaki ay kailangan nito ng payapang libingan. Binuhat niya ang katawan ng babae at nagmadali na siyang tumakbo muli sa loob ng yungib. Isinara niya ang pintuan na yari sa malaking bato upang maiwasan nila ang disgrasya na maidudulot man ng bulalakaw.
Isinampa niyang muli ang sanggol sa kanyang mga bisig. Pumikit ang kanyang mga mata at hinihintay niya ang malakas na pagsabog. Subalit, ilang minuto ang lumipas purong katahimikan lang ang namutawi sa paligid. Binuksan niyang muli ang kanyang mga mata at tinitigan ang bata.
“Tama nga ang nasa propesiya, ang batang isisilang kasabay ng bulalakaw na makapangyarihan na dadapo sa mundo ay hindi gagawa ng anumang malagim na delubyo sa lupa.”
Walang anumang ingay na narinig ang lalaki. Binitawan niyang muli ang sanggol sa lupa at nagmadali siyang buksan ang pinto na yari sa bato. Tumambad sa kanya ang makapal na usok. Inubo pa siya dahil nalanghap niya ito. Ngunit, nang unti-unting naglalaho ang usok, sumilay ang ngiti sa kanyang mga labi. Hindi siya maaaring magkamali. Tama ang kanyang pagsasaliksik gamit ang agham. Ito na ang hinihintay niyang mahiwaga at katangi-tanging bulaklak mula sa bulalakaw.
Mataas ito, halos hanggang baywang ng tao. Malalapad ang mga talulot nito na parang nagmistulang katamtamang laki ng isang kampanilya. Kulay puti ito at nababalutan ng kulay lila na apoy. Ito ang kapangyarihan na taglay ng bulaklak, sa labas man o sa loob ng anyo nito.
Ayon sa kanyang pagsasaliksik, ang apoy na bumabalot sa bulaklak ay isang mataas na frequency na maaaring tumagos sa puso at utak ng isang tao. Idagdag na rin ang nervous system. Nagpapadagdag ito ng kalinawan sa kaisipan, tibay ng loob, at kahabaan ng buhay ng mga tao. Kaya niyang baguhin ang mga negatibong umaaligi sa kaisipan at damdamin sa isang positibong disposisyon. Tinatanggal din nito ang mga dahilan sa likod ng epekto ng mga iba’t ibang uri ng sakit. Sa madaling salita, ang bulaklak na ito ay isang pasaporte sa eternal life.
Ang tanging gagawin na lamang niya ay ang pitasin ang malaking bulaklak upang kunin ang katas nito at ipainom sa bagong luwal na sanggol. Ngunit sa kasamaang palad, hindi niya ito magawang bunutin sa lupa. Kaya rumehistro kaagad sa kanyang isipan na—magtatayo siya ng sariling mundo sa lugar na iyon at gawin ang kanyang misyon. Ang tuparin ang pangako niyang baguhin ang anyo ng batang babae, mula sa pagiging mortal sa immortal. Bubuo rin siya ng isang squad para protektahan ang nilalang na ito at ang kanilang bansa sa kapahamakan.
MAKALIPAS ang labing-walong taon. Maraming nagbago sa kanilang bansa nang dahil sa kanyang tulong. Ang pamayanang rural at pamayanang urban ng kanilang bansa ay lalong lumago pagdating sa kalakalan. Naisakatuparan niya ang kanyang mga plano. Naisagawa niya ng maayos ang kanyang misyon. Siya na rin ang Presidente ng kanilang bansa. Kung pagmamasdan ang lugar na dating walang ibang nakatayo kundi ang isang malaking puno at ang kuweba sa gilid. Ito ay parang isa ng paraiso.
Mayroon ng iba’t ibang uri ng halaman, mga bulaklak, at mga puno na nagniningning ang kani-kanilang taglay na kulay na nagbibigay ng buhay sa kapaligiran. Sariwa ang hangin. May isang napakalaking laboratoryo rin siyang itinayo para sa mga siyentipiko na tutulong sa kanya sa pagsusuri sa mga iba’t ibang gamot na kanilang kinakalakal sa iba’t ibang bansa.
Subalit, ito’y nasa panlabas lang na anyo. Hindi alam ng mga siyentipiko na may isang lihim na lugar sa ilalim ng lupain na kanilang inaapakan. Ito ay ang isang headquarters kung saan nanirahan ang kanyang mga espesyal na weapon na kanyang mga pinalaki, ine-eksperimentuhan, at sinanay sa pakikipaglaban. Kasama nila ang sanggol na kanyang ginawang immortal na ngayon ay isa ng dalaga. Tinawag niya ang mga ito na espers.
Sila ang mga nilalang na may extrasensory perception. Mga taong kanyang nilikha na nakatanggap ng kapangyarihan ng apoy na lila mula sa bulaklak. Si Loya ay may kapangyarihan na makita ang nakaraan at ang hinaharap. Si Ignito naman ay kayang manipulahin ang elektrikal at apoy. Si Patte ay kayang maunawaan at mabasa ang laman ng isipan ng isang tao. Si Sion ay kayang pagalawin ang mga bagay. Si Elpo kayang maglakbay sa isang maikling distansiya at kayang ilipat ang kanyang sarili sa bagay, hayop, at sa kanyang kapwa. At ang huling miyembro na si Ero ay kayang manipulahin ang lamig at init. Iba-iba ang kanilang mga abilidad at kapangyarihan.
At sa muli nilang pagpupulong, may isiniwalat ang isa sa kanila bago ito napaluhod sa sahig at tuluyang bumagsak ang katawan.
“Magkakagulo. Darating ang kadiliman. Maraming mamamatay. Walang pinipiling edad, bata man o matanda. Puntirya nila ang sagrado nating lugar kung saan naroon ang imortal na healer na may hawak sa buhay na walang hanggan.” Tatlong kalalakihan ang lumapit sa kanya. Tinulungan siyang makatayo at inupo siya sa malambot na sofa.
“Nasa panganib tayong lahat. Ang ating bansa. Nakikita kong may dalawang bansa ang magsasanib pwersa upang tayo ay sugpuin. May nakikita akong kakaibang nilalang na kasama sila. Hindi siya isang ordinaryong tao,” bulalas muli ni Loya sa kanilang lahat at sa unang pagkakataon lahat sila ay nakaramdam ng kaba. Kahit pa sila ay mga espesyal na nilalang, mayroon din silang kahinaan—ang mawala ang bulaklak na nababalutan ng apoy na kulay lila. Kung saan nasa isang silid ng headquarters nila na kailanman hindi pa nila pinagtangkaan na buksan.
Next to: Boundaries and Barriers (Chapter 2)
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.






One Response
Somehow, may similarity ang story sa real world. May mga bansa o makapangyarihang tao na nais na sakupin talaga ang mundo. 🤔🤔🤔