Paano Ba Ang Magmahal (Chapter 15)

HOUSE for sale.

Kuyom ang palad ni Ashton habang pinagmamasdan ang karatula sa bahay ni Beatriz. Seriously, ganoon ito kadesperadong iwasan siya? Hindi niya ito maintindihan. Kailan lang ay akala niya ay wala itong ka-sweet-sweet sa katawan pero niyaya siya nitong mag-dinner doon. Hindi nga ba’t sumang-ayon din ito nang kulitin niya itong doon niya gustong matulog?

Kaya ba nito nagawa iyon dahil may balak na ito noon pa man na iwan siya nang ganoon? “Argh!” ungol niya. Nasipa pa niya ang paso roon sa inis na nararamdaman niya. Kahit anong isip ay hindi niya maintindihan, eh. Ano ba ang nagawa niya?

Muli niyang binalikan ng tingin ang karatula. Kinuha niya ang cell phone sa bulsa at s-in-ave ang numerong nakapaskil doon. Talagang nagbago pa ito ng number. Handa na sana niya iyong i-dial nang may maisip. Hindi na muna dapat niya ito tawagan. May suspetsa siyang nilista o baka nga kabisado pa ni Beatriz ang number niya. Sa huli, s-in-ave na lang niya ang contact number.

Pumasok na siya ng kotse at dumeretso ng Max. Walang siyang nakasabay sa elevator. Mag-isa lang siya. Mas lalo niyang naramdaman ang kahungkagan.

Bumati pa ang team sa kanya pero hindi niya iyon pinansin. Pagkapasok niya ng opisina ay magkahalong inis at pagkahungkag ang bumalot sa kanya. Nagtuloy siya sa executive chair. Sumalimbay sa alaala niya kung paanong buong confident umupo roon si Beatriz. Sumandal siya sa kinauupuan na para bang nadarama niya mula roon ang presensiya ng dalaga.

Nang mapapikit siya ay nakita naman niya ang mapang-arok na tingin ni Beatriz. Late pa man din siya ngayon. Paniguradong makakaani na naman siya ng mala-tigreng tingin dito kung sakali. Kaya lang ay wala na ito…

Nagmulat siya ng mga mata nang makarinig ng sunud-sunod na katok. It was Lindsay. Nagpasa ito ng layout proposal para sa El Nova Project. Pinasadahan niya iyon at pagkuwa’y tumingin sa creative executive. “Ito na ˋyon?”

Naramdaman niyang nahintakutan ito sa tono niya. Nagsalita siyang muli. “These are sh*t!” Ibinagsak niya ang folder sa harapan nito. “Revise it!”

“Pero Sir Ashton, ilang beses na naming ni-revise ˋyan.”

His brow arched. “Then revise it again.”

Nakita niyang napatiim-bagang ito. Nagngingitngit ang loob na kinuha nito ang folder sa desk niya. Nang tumalikod ito ay narinig pa niya ang bulong nito, kung bulong pa nga bang matatawag iyon kung narinig naman niya.

“Nakaiwas nga kami sa tigre, pero may pumalit namang dragon,” sabi nito.

“Are you saying something, Lindsay?”

Napakislot pa ang balikat nito bago napaharap sa kanyang muli. “Wala po, Sir. Ire-revise na po namin ˋto. We will submit the revision before the end of the day.”

“I want the revision before 3p.m.” aniya.

The creative executive faked a smile. “We will do, Sir.” Iyon lang at mabilis na ito ng opisina na tila gusto pang ibalibag ang pinto ng silid.

Bumuntong-hininga siya. “How could you leave me like this, Bea?”

Hindi pa man nakakatagal nang makalabas si Lindsay ay iba naman ngayon ang kumakatok sa opisina niya. Ipinatuloy niya iyon at nang mabuglawan ang iniluwa ng pinto ay mas lalong hindi naipinta ang mukha niya.

“Why are you here again, Megan?” matigas niyang tanong.

“Galit ka na naman? I just have another photoshoot for Luxxe so naisipan kong dumaan muna dito. How are you, sweetheart?”

That was the keyword. Umakyat ang dugo sa kanyang ulo. “Ilang beses ko bang uulitin Megan na hindi mo na dapat ako tinatawag ng ganyan? You are not my girlfriend anymore!”

Nasaling niya ang damdamin nito. “Bakit ba ganyan ka sa akin?”

“Magpa-presscon ka,” sabi niya.

“What?”

“Gusto kong liwanagin mo sa kanila na wala tayong relasyon.” Baka sakaling sa paraang iyon ay makapag-isip-isip si Beatriz. Naisip niya na baka iyon ang dahilan nang biglaang pagkakaganoon nito. Baka sakaling bumalik na ito sa kanya.

Napapikit siya. Puro na lang “baka”! “I wanna know the truth!”

“What truth?”

Napamulat siya. Hindi niya akalaing naisatinig na pala niya iyon. “I-I mean, let the people know the truth between us.”

“You’re crazy, Ashton. Alam mo, masyado ka lang na-challenge kay Beatriz. ˋDi ba ikaw na rin ang may sabi na walang babae ang hindi madadala sa charm mo not until you met Beatriz. Iyang nararamdaman mo, it will subside soon. Ako pa rin ang una at magiging huling mamahalin mo.”’

Lumapit ito sa kanya at hinaplos ang kanyang kaliwang pisngi. “Let’s just start all over again.”

Napatitig siya sa mga mata ni Megan. Bigla ay nanumbalik sa kanya kung ano ang naging buhay niya sa nakaraang tatlong taon. Ang pagpapali-palit niya ng girlfriend. Ang pagwasak niya sa puso ng mga ito. Ang pag-inog ng mundo niya kay Megan…

Tila ba bumalik siya sa nakaraan.

“Meg, kinausap ako ni Mommy. Gusto niyang ilipat sa akin ang pagma-manage ng Max.”

Iniangat nito ang ulo mula sa pagkakasandig sa balikat niya. “Ikaw na ang magma-manage ng Max? Wow, that’s good news!”

Bahagya pa siyang natigilan nang makita ang pagkislap ng mga mata nito. “Pero Meg, hindi ko tinanggap ang offer ni Mommy.”

“What?!” gulat na gulat nitong sabi. “Bakit hindi mo tinanggap?”

“Ayokong iburyo ang buhay ko sa Max. At saka, ayoko naman na magkaroon lang ako ng posisyon doon dahil kay Mommy. Paano na lang ang magiging empleyado ko kung hindi ko magampanan ang posisyon ko? Saka, hindi naman ˋyon ang gusto ko…”

“Eh, ano bang gusto mo?” Ramdam niya ang pagkairita sa boses nito.

Nagpamulsa siya. Nakapa niya ang isang kahitang nandoon. “Gusto ko? Gusto kong makasama ka habambuhay.”

Tumayo ito at humarap sa kanya. “Ganito na lang ba tayo Ashton, ha? Kung gusto mo pala akong makasama habambuhay, anong balak mo sa buhay mo? Ang sumandal na lang din habambuhay sa magulang mo? O i-insist mo na naman sa akin ang pagpa-farm? Ano ang mapapala mo sa pag-aalaga ng hayop, Ashton?!”

Nagulat siya sa reaksyon nito. “Hey…”

“Pagod na ko sa ganito, Ashton. Kung ikaw walang pangarap, ako meron! Kung ganito lang din, pupunta na lang ako sa Korea. Magkakaroon ng saysay ang buhay ko doon kaysa dito.”

Hindi yata matapos-tapos ang pagkagulat niya sa mga sinasabi ng kasintahan. “You’re going to Korea? Are you breaking up with me?”

“Yes. I cannot endure this anymore, Ashton,” deretsahang sabi nito.

Sandali niyang nalunok ang dila. Napailing-iling siya. Nangyayari ba talaga iyon? They’ve been in a relationship for six damn years! Paano nito nagagawang sabihin iyon sa kanya nang ganoon kadali lang?

“I’m leaving next week,” sabi pa nito.

Tiningnan niya ito. “Hindi ako papapayag na umalis ka. No, you won’t go to Korea. Dito ka lang.”

“Hindi mo na ko mapipigilan,” matigas nitong ani. “Not unless, i-accept mo ang offer ng Mommy mo, sige baka magbago pa ang isip ko.”

Umiling-iling siya. “I can’t…”

“Then end of the story.”

Nang akmang tatayo na ito ay hinila niya ito. Lumuhod siya sa harap nito. Nagsimulang mamasa ang mga mata niya. “Don’t do this, Meg. I can’t. Please don’t leave.”

Marahas nitong tinanggal ang kamay niya sa braso nito. “Babalik ako, Ashton. Babalik ako oras na malaman kong naayos mo na ang sarili mo. Kapag m-ina-nage mo na ang Max.”

“Meg… No…” Pero hindi siya nito pinakinggan. Nagtuluy-tuloy itong naglakad… at bawat hakbang nito ay parang bubog na tumanim sa dibdib niya.

Nagbalik sa kasalukuyan ang isip ni Ashton nang maramdaman ang pagdampi ng mga labi ni Megan sa kanya. Mabilis niya itong kinabig.

“Yeah, you’re right” tumangu-tangong sabi niya. “Ikaw nga ang unang minahal ko, Megan. Pero hindi ikaw ang babaeng huli kong mamahalin. At tama ka nga rin siguro, nababaliw na ko. Dahil masisiraan ako ng bait kung tuluyang mawala sa akin si Beatriz. Itong nararamdaman ko, it will not subside. I love Beatriz, Megan. Can’t you understand that?”

“Oo, hindi ko naiintindihan, Ashton! Ang tagal-tagal mo kong minahal. Ako pa nga ang dahilan ng mga pambabae mo, hindi ba? Sa mahabang panahon, ako lang ang nand’yan sa puso mo. Kaya paanong nabura iyon ng panandaliang pagmamahalan ninyo ni Beatriz? I cannot understand! I cannot!”

“Dahil itong nararamdaman ko for Beatriz ay hindi ko naramdaman noong maging tayo, Meg,” he paused briefly before continuing. “I have loved you, Meg. Ang tagal-tagal kitang minahal. Pinaglaanan kita nang mahabang panahon pero panahon na para naman mahalin ko ang sarili ko at magmahal ako ng taong hindi ako tatalikuran. Matagal na panahon na ang ipinagkait mo sa akin kaya please…palayain mo na ko.”

“Pero tinalikuran ka na ni Beatriz, Ashton,” pagpupumilit pa rin ni Megan.

He was astounded. Tinalikuran na nga ba siya ni Beatriz?

 

IPINASOK na ng taxi driver ang mga maleta ni Beatriz sa trunk. Bago pumasok ng sasakyan ay muli pang tinanaw ni Beatriz ang bahay na saksi sa naging buhay niya sa mga nakalipas na taon. Napatuon ang mga mata niya sa isang parte sa labas ng bahay.

Hindi na niya napigilan pa ang pagdaloy ng alaala.

“Hey, trying hard na nga ako magsampay, pinagtatawanan mo pa ko!”

“Hindi naman ˋyan ang pinagtatawanan ko,” tawa pa rin niya.

“Ano?”

“Ang hitsura mo! Isa kang mayamang labandero,” sabi niya.

Lumapit ito sa kanya at pinisil ang tungki ng kanyang ilong na ikinagitla niya. “Ngayon lang kita nakitang tumawa ng ganyan. And I’m glad na ako ang dahilan n’on.”

“Ma’am?” untag sa kanya ng driver.

Noon siya bumalik sa kasalukuyan. Bumaling siya kay manong driver. “Tara na po,” aniya, sabay pasok sa back seat. Natutop pa niya ang dibdib dahil bumalangkas na naman ang hapdi roon. Talaga bang ganoon? Siya na nga itong nabiktima pero siya pa itong kailangang lumayo. Gusto niyang matawa pero hindi naman makuhang gawin ng mga labi niya.

Humigpit ang hawak niya sa dala-dalang shoulder bag. Napatingin siya roon. Regalo pa iyon ni Madam P sa kanya noong nakaraang kaarawan niya. Bakit ba lahat na lang may nakaraang ipinapaalala sa kanya?

“I cannot accept this, Beatriz.” tukoy nito sa inabot niyang resignation letter. “You cannot leave Max just like this.”

“I understand if you cannot accept this but Miss P my decision is already final. Whether you would not approve of it, aalis pa rin po ako. I really am sorry, and thank you for all your help, Miss P.”

Mula sa matigas nitong anyo kanina ay lumamlam ang mga mata nito. “Why, Beatriz? Can’t you tell me the reason of this sudden resignation? Anong problema ninyo ni Ashton?” deretsahang tanong nito. Ni hindi nito tinanong kung may problema ba sila bagkus ay in-assume na nitong mayroon.

Napatitig siya rito. Napaisip siya kung sasabihin dito ang sitwasyon pero sa huli ay umiling siya. “Pero partly, tungkol po ito kay Ashton. I just think that I have spent a good amount of time with Max, that it’s about time na ipasa ko na kay Ashton ang pagiging VP.

“You don’t have to worry, Miss P. I have seen Ashton’s potential in handling the company. Hindi naman po ako magre-resign nang hindi sapat ang training na naibigay ko sa kanya. I believe that he can make Max even more successful than I did.”

Inabot nito ang kamay niya at saka iyon pinisil nang bahagya. “Pero hindi ko pa rin afford na mawala ang kaisa-isang taong pinagkakatiwalaan ko sa kompanyang ito. Oras na rin siguro para ikaw na ang humawak ng Max. I’m not getting any younger, Beatriz.”

She was astounded. “Miss P… ako naman po yata ang hindi makakatanggap ng offer na ˋyan.”

“Please don’t leave, Beatriz. If you’ll do that, haharangin ko ang lahat ng application sa mga kompanyang papasukan mo.”

Napahigpit pang muli ang hawak ni Beatriz sa hawak na bag. Sa huli, itinuloy pa rin niya ang pag-alis sa Max. Wala naman din siyang balak mag-apply sa ibang kompanya. Plano na lang niyang magtayo ng business, tutal, malaki-laki na rin ang ipon niya. Hindi pa nga lang niya alam kung anong klaseng negosyo ang gagawin.

Sa nangyari, hindi lang si Ashton ang binitiwan niya. Ang Max, si Miss P, at pati na rin ang bahay niya. Puwede naman niyang hindi isakripisyo ang mga iyon. She could have stayed in the company. Kaya lang, kung mananatili siya roon, hanggang kailan siya lolokohin ni Ashton? At saka, ganoon din naman ang magiging ending…masasaktan din siya.

Kung mag-i-stay lang din siya sa bahay na tinitirhan, bawat parte yata ng bahay na iyon ay may alaala nang minarka si Ashton. Patuloy niyang masasaktan ang sarili at mas mahihirapan siyang makabalik sa dati.

Si Miss P, para na niya itong ina. Pero ina pa rin ito ni Ashton. Hindi niya gugustuhing magkasira ang mag-ina kung malalaman nito ang ginawa ng anak sa kanya. Ang tanging maigaganti niya sa kabutihan nito ay ang mailuklok ang anak nito bilang bagong VP ng Max.

At kinakailangan na talaga niyang lumayo dahil hindi na niya kayang itanggi pa ang lugar ni Ashton sa puso niya. Ibinaling niya ang tingin sa labas ng bintana ng sasakyan. Traffic. Mukhang matatagalan pa bago siya makarating sa pupuntahan. Mayamaya pa ay kumuliling ang kanyang cell phone. Pinindot niya ang call button para sagutin ang tawag.

“Beatriz…”

Sapat na ang pagtawag ng caller sa pangalan niya para magdadamba ang kabayong nasa dibdib niya. Higit niya ang hininga habang hawak-hawak nang mahigpit ang aparato na nasa kanyang tainga.

“Don’t try to hang-up the phone, Bea.” Mas lalo yatang nagwala ang puso niya nang marinig ang huling salitang sinabi nito. “You should have not put your contact number in front of your house. Paano na lang kung may mang-scam sa ˋyo?”

Pinilit niyang hagilapin ang boses. She breathed out. “I don’t need your concern, Mr. Ashton.” Natigilan siya sumandali. Oh Lord, ngayon na lang niya uli nausal ang pangalan nito. She cleared her throat. “Marunong akong kumilatis ng kausap. At hindi ako basta-basta nakikipag-meet.”

“Ganoon lang din ba ang ginawa mo sa akin? Kinilatis mo lang ako at tiningnan kung kaya kong tanggapin kung sino ka? At ang assessment mo, hindi ko makakaya na mahalin ang pagkatao mo nang buo?”

Nakumuyos niya ang kamay sa kanyang dress. “We’re done talking about this, Ashton. Hindi na magbabago ang isip ko.”

“Ikaw lang naman ang nagdesisyon ng lahat, eh. Paano ako? Wala ba akong karapatang tumutol? Just tell me, Beatriz. What did I do wrong? Don’t you think it’s unfair? Ikaw lang ang nakakaintindi, eh,” anito na tila hirap na hirap magsalita. “Ipaintindi mo naman sa akin, please…”

“Ash…ton.” Ipinikit niya nang mariin ang mga mata. “Huwag na natin pahirapan ang isa’t isa. Mas okay nga na hindi mo naiintindihan, ˋdi ba? Magalit ka na lang sa akin para matapos na lahat ng tanong mo.”

“Gusto mo bang gumawa pa ng isang ikaw? Gusto mo rin bang gawin kong bato ˋtong puso ko?”

How could he do this to her? Siguro alam na nitong may nararamdaman na siya para rito kaya gumaganti ito sa ganoong paraan—ang pasakitan ang damdamin niya. Hindi marahil nito matanggap na siya ang dumispatsa rito dahil ito ang dapat na didispatsa sa kanya katulad ng mga ginagagwa nito sa mga nali-link dito. Pero paano kung… Ikiniling niya ang ulo. Hindi puwede.

“Kapag pinagpatuloy n’yo pa ˋto, hindi ko na alam ang magagawa ko pa sa sarili ko, Beatriz. Hindi ko na kaya ang ginagawang pagkukunwari ni Ashton. Nasasaktan ako sa tuwing nakikita ko kayong masaya. Baka bago pa niya makuha ang VP position ay mabaliw na ko.”

Huminga siya nang malalim. “Do you wanna know the truth? Tama ka. Gusto ko maramdaman mo kung paano ang masaktan. Una pa lang, pinlano ko na, na bibigyan kita ng leksyon sa mga ginawa mo sa mga babaeng pinaiyak mo. Matitikman mo kung paano ang dispatsahin na parang isang basura. Kaya kung wala ka nang ibang sasabihin, ibababa ko na ˋto.”

Handa na sana niyang putulin ang linya nang pukawin pa nito ang atensyon niya.

“I already found him,” sabi nito. “Hindi ka ba interesadong malaman kung nasaan na siya ngayon?”

Nakuyom niya ang palad. Muli siyang napapikit nang mariin. “I’ll find him myself.” Iyon lang at tinapos na niya ang pag-uusap, kasabay naman niyon ay ang sunud-sunod na pagpatak ng luha niya.

Kailan lang ay ipina-open na niya uli ang kaso sa nangyari sa Mama niya. Magkasabay pa nga sila ni Ashton na nagpunta sa polisya. Nangako din itong gagawin ang lahat para mahanap ang naging dahilan nang pagkasira ng buhay ng Mama niya. Pero heto ngayon…

“Dito ba, Ma’am?” tanong ng driver, sabay himpil sa tapat ng isang malaking gate.

Napakislot si Beatriz. Napatanaw siya sa labas. Kahit sandali ay nakaramdam ng pagkapanatag ang puso niya.

“Opo. Patulong na lang po uli sa mga dala ko,” sabi niya.

Nang maibaba ang mga maleta ay inabot na niya ang bayad sa driver. Napatitig pa siya sa malaking gate bago nakuhang mag-doorbell. Ilang sandali ay pinagbuksan na siya. Kunot ang noo nang bumungad sa kanyang madre.

Bumilis ang tibok ng kanyang puso. Napatitig siya sa madre. Tumanda man ito gawa ng labing-pitong taong lumipas ay hindi pa rin niya makakalimutan ang mukha nang nagpalaki sa kanya.

“Mother Lourdes…” sambit niya.

“Siguro ikaw ˋyong tumawag na mag-aampon ng bata. Pero…” Napatingin ito sa mga maletang dala niya. “Ang dami mo yatang dala-dala?”

Inabot niya ang kamay ng madre at saka dinala sa kanyang pisngi. Kaysa ang magmano ay iyon ang kadalasang ginagawa niya rito.

Nakita niya kung paano ito natigilan. Namasa rin ang mga mata nito. “Ang tagal ka nang hinihintay ng tahanang ˋto.”

Tuluyan na siyang yumakap dito. Napahagulgol siya sa dibdib nito. “I’m sorry, Mother… I’m sorry sa pagtalikod ko.”

Bahagya nitong nilayo ang katawan niya rito para makita siya. “Hindi mo naman kami tinalikuran. Akala mo ba hindi ko alam ang ginagawa mong pagdo-donate dito sa foundation?”

Natigagal siya rito. Ngiti naman ang iginanti nito sa kanya. “Huwag tayo rito sa labas mag-iyakan. Tara sa loob.”

 

Next to: Paano Ba Ang Magmahal (Chapter 16)


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Paano Ba Ang Magmahal (Chapter 15)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

One Response

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.