Paano Ba Ang Magmahal (Chapter 8)

NI HINDI pa man nakakalayo si Beatriz sa building ng Max ay tumirik na si Bash. She shook her head. Napatanaw pa siya sa labas ng bintana ng kotse bago siya lumabas. Hindi na niya ininda ang ulan.

Binuksan niya ang hood ng sasakyan. Napaubo siya sa usok na sumalubong sa kanya. Kaya naman naisara din niya iyon agad. Napapalatak siya. Bakit ngayon pa uli nasira si Bash? Wala pa naman din siyang dalang payong. Babalik na sana siya papasok ng kotse para magpatila pero biglang nawala ang ulan.

“Help?”

Ah, hindi pala. Pinayungan lang pala siya ni Ashton. He was now towering her. Nasa likuran niya ang binata. Pumihit siya paharap dito na siya namang abante nito. Ang ending, napasubsob tuloy siya sa matipuno nitong dibdib! Mabilis namang sinapo ng kamay nito ang baywang niya.

Napalunok pa muna siya bago nagawang umatras at kumawala sa bisig nito. “I’m okay. I will just take a cab. Hahayaan ko na lang muna si Bash dito. Tutal nasa gilid naman siya ng Max. Ipapaalam ko na lang kay kuyang security.”

“Sumabay ka na sa akin, please. Bumabagyo. Mahihirapan kang mag-commute,” he insisted. “Kukulitin at kukulitin lang kita. So please, sumabay ka na.”

Napabuga siya ng hangin. “Okay. Aabisuhan ko lang si kuya tungkol sa kotse ko.”

Sinamahan naman siya nito papunta kay manong guard. Pagkaraan ay walang imikan silang lumulan ng sasakyan nito. Mahaba-haba na rin ang nababiyahe nila nang basagin ni Ashton ang katahimikan.

“I’m so sorry sa pagiging makulit ko, Beatriz. And about last night…”

Sinawata niya iyon. “It’s okay…” She suddenly felt awkwardness. She blew out a breath. Hinamig niya ang sarili. Hindi niya maaaring ipakita rito ang epekto niyon sa kanya. She turned her gaze at him. “Kapag nakalabas ang sinabi ko sa ˋyo, pipilipitin ko ˋyang braso mo!”

Sumulyap ito sa kanya. Ang buong akala niya ay matatawa ito katulad ng reaksyon kapag nagsasabi siya nang ganoon pero seryoso ang anyo nito nang saglit na bumaling sa kanya. “Hanggang ngayon pa rin ba iniisip mo na dumidikit ako sa ˋyo at inaalam ko ang lahat sa ˋyo dahil gusto kitang patalsikin sa posisyon mo? That’s very lame, Beatriz!”

She was startled. “Why are you shouting at me?”

Mula sa daan ay saglit siya nitong tinapunan ng tingin. “I’m sorry. I just don’t know what to do with you, Beatriz.” Narinig pa niya ang pagbuga nito ng hangin. “Another sorry because I’m still not giving up.”

Minabuti na lang niyang hindi tugunin ang sinabi nito. Tumingin siya sa labas ng bintana ng kotse. Nagtanan siya ng buntong-hininga. Sumagi kasi sa isip niya ang naging engkuwentro nila kagabi ni Ashton. Sa lahat ng tao na mapagsasabihan ng madilim na parte ng pagkatao niya, hindi niya akalaing kay Ashton pa niya iyon pangalawang maisisiwalat. Nakakatawa lang isipin. Sa anak pa pala ng una niyang pinagsabihan ng kanyang buhay ang sunod ding makakaalam ng pinakatatago niyang lihim.

Mayamaya pa ay nagulat si Beatriz nang biglang ihinto ni Ashton ang sasakyan. Napatingin siya rito. “Bakit ka huminto?”

“May mga humaharang kasi sa atin, eh,” sabay naman ng sinabi nito ay may lumapit sa kanilang dalawang lalaki. Kinatok ng mga ito ang bintana ng sasakyan.

Nang akmang ibaba na ni Ashton ang bintana ay pinigilan niya ito. “Bakit mo pagbubuksan? Paano kung budol-budol gang ˋyan?”

Noon ito natawa sa kanya. “Seriously, Beatriz?”

“O, bakit? Nangyayari naman talaga ˋyon.”

Pinakalma siya nito. “I’m here, Beatriz. Alam kong hindi ka nagtitiwala sa akin pero sasabihin ko pa rin ˋto.” He paused for a second before he spoke. “Hindi ko hahayaang may mangyari sa ˋyo, Beatriz.”

Pagkasabi niyon ay ibinaba na nito ang bintana ng kotse. Bumungad sa kanila ang dalawang lalaking humarang sa kanila. “Pasensya na po, Sir. Aabisuhan lang po namin kayo. Hindi na po kasi kayo makakaraan. Malalim na po ang baha sa bahagi pa roon.” Turo pa ng lalaki sa direksyong tinutukoy.

Napalinga naman si Beatriz sa paligid. Kaya pala wala na masyadong sasakyan doon. Nakita niya rin ang ibang sasakyang hinarang ng ilang mga taong nandoon.

“Ganoon ba?” ani Ashton. “Maraming salamat po.” Pagkuwan ay bumaling ito sa kanya. “What do you plan?”

Nag-isip siya. Ngayon lang iyon nangyari sa kanya. Bagong lipat lang din kasi siya sa tinitirhan ilang buwan pa lang ang nakakaraan. Alam niyang hindi babahain ang bahay niya, ang hindi lang niya na-assess ay iyong daan patungo roon.

Tiningnan niya si Ashton. “Can we check ˋyong malalapit na hotel dito?”

Tumango naman ito. Nilibot nila ang lahat na yata ng hotel na malapit doon pero sa kasamaang palad lahat ay fully-booked dahil marami ring biyahero ang na-stranded sa daan.

“Sa Max mo na lang ako dalhin, doon na lang ako magpapalipas ng gabi,” saad niya kay Ashton.

“Huh?”

“Just please do as I say.”

Ibinuwelta na nito ang kotse sa kabilang direksyon. Sa pag-aakalang tinutumbok nila ang daan papunta sa Max building ay tahimik na lamang siyang tumanaw sa labas ng bintana. Pero ganoon na lang ang gulat niya nang biglang iliko nito ang sasakyan sa ibang direksyon.

“Hey, where are we going?”

“To my condo,” plain nitong sabi.

“What?! Bakit mo ako dadalhin sa condo mo? Ihinto mo ang kotse, ngayon na! Ashton, kapag hindi mo hininto ˋto, tatalon ako!”

Tumawa ito. “Do it. The door is locked.”

“Ashton!”

“I will not do anything to you. You can sleep peacefully to my room. I-lock mo ang pinto at masaya pa kong iaabot sa ˋyo ang susi ng kuwarto.”

She smirked. “ˋYong doorknob nga ng bahay ko nagawa mong sirain, ˋyong sa kuwarto mo pa kaya?”

“Beatriz, my God! Kung gusto mo, iiwanan na lang kita sa condo. Baguhin mo pa ˋyong code ng unit ko. May CCTV around the condo, so kapag may nangyaring masama sa ˋyo sa loob, wala ng ibang masisisi kundi ako.”

Nang akmang magsasalita siya ay pinigilan siya nito. “Ayoko ng makarinig ng protest, Beatriz. I’m tired.”

Wala na siyang nagawa kundi ang magpatianod dito.

 

SIMPLE and cozy. Ganoon mailalarawan ni Beatriz ang pad ni Ashton. Sinuyod niya ng tingin ang paligid.

Hinubad naman ni Ashton ang suot nitong coat saka inililis ang panloob na sleeve hanggang siko. Napalunok siya nang lumingon ito sa kanya. Bakit ganoon? Why did her heart pound so hard?

He flashed a smile. “Are you not hungry? Ipagluluto kita.”

“Really huh?” Kapagkuwan ay may naalala siya. “Ahm, may nakita akong laundry sa baba. Ipapa-laundry ko itong damit ko dahil wala akong susuotin bukas. At saka, puwede bang makahiram ng damit?”

“No problem,” anito. “My room is unlock. Just open my cabinet. Ikaw na ang bahalang pumili kung ano ang susuotin mo. Ako na lang ang magdadala sa laundry ng damit mo mamaya.”

Pagkasabi niyon ay tinungo na niya ang silid nito. Maayos naman ang kabuuan ng kuwarto nito. Naglakad na siya palapit sa cabinet. Napangiwi siya dahil salan-salan ang mga damit doon. Naiirita pa naman siya kapag ganoon. Umiral ang pagiging O.C. niya. Inayos niya ang loob ng cabinet. Pinagsama-sama niya ang dapat na magkakasama.

Nang matapos ay pinagpag pa niya ang dalawang kamay. “Done!” Napangiti pa siya sa nagawa na para bang malaki iyong achievement. Oo nga pala, talagang malaking effort ang ginawa niya dahil hindi naman cabinet niya ang inayos niya.

Now, mas maayos na siyang makakapamili ng susuotin. Kumuha siya ng isang T-shirt. Dahil malaking tao si Ashton, umabot hanggang tuhod niya ang damit. Nanghiram na lang din siya ng boxer shorts nito. Noon niya na-realize na may problema pa pala siya. Ano na lang ang susuotin niyang undies bukas?

Parang may bombilyang sumindi sa isip niya. Nang maiayos na niya ang mga damit na ipapa-laundry ay inilagay niya iyon sa isang paperbag.

Lumabas na siya ng kuwarto nito. Natanaw niya ang lalaki sa kusina. May hinihiwa ito. Tila hindi ito magkandatuto sa ginagawa. Pinanood niya ito di-kalayuan sa kinapupuwestuhan nito. Mahina siyang natawa sa mabagal nitong paghihiwa ng sibuyas.

She walked near him. “Tabi. Ako na d’yan.”

Iniangat nito ang tingin patungo sa kanya. “Huh?”

Sinamantala niya ang pagkatameme nito. Kinuha niya rito ang kutsilyo. She chopped the onion in one instance. Napabilib naman ang binata sa kanya.

Tiningan niya io. “Nagpresi-presinta kang magluto, hindi ka naman pala sanay. What are you planning to cook?”

“Pork Adobo sana. Would it just be okay with you?”

“No problem. Ako na lang ang magluluto. Baka maging sinigang ang adobo kapag ikaw ang nagluto, eh. Just sit and relax.”

“Yabang,” bulong pa nito.

Napailing siya. “Sino kaya itong nagmamayabang kanina na magluto?”

Tumahimik naman na ito. Nagsimula na siyang gumalaw ng kusina nito. Nakaramdam siya ng ilang dahil imbes na magpunta ang lalaki sa sala at manood na lang ay siya ang ginawa nitong TV at pinanood siya sa ginagawa. Hindi na lang niya ito pinansin dahil kapag pinansin niya pa ito ay magtatalo lang silang dalawa.

Nagsimula na siyang maggisa. Nagsasalang na siya ng baboy nang magsalita si Ashton.

“I’m just wondering, meron ka pa bang hindi kayang gawin, Beatriz?” tanong nito.

“If you became independent as early as twelve, wala ka na yatang hindi kayang gawin.” Huli na ang lahat bago na-realize ni Beatriz ang sinasabi. Napapikit siya nang mariin. Mabuti na lang at nakapatalikod siya sa lalaki.

“Really? Twelve years old?” hindi makapaniwalang tanong nito.

“Yeah,” sagot na lang niya. Sinubukan niyang ilihis ang usapan. “Paabot naman ako ng vinegar at soy sauce.”

Tumalima naman ito sa iniutos niya. Tila naramdaman din nito na ayaw na niyang palawakin pa ang pinag-uusapan nila kaya hindi na ito nagtanong pa ng ukol doon. Tinuon naman niya ang atensyon sa pagluluto ng kakainin nila. Habang hinihintay na maluto ang adobo ay nagsalang naman siya ng bigas sa rice cooker.

“Puwede bang dito ka na lang matulog araw-araw?” bigla’y sabi ni Ashton.

Tiningnan niya ito. “Can you pay me a million each night, Mr. Ashton?”

“Para lang maging kusinera ko, isang milyon ang fee kada araw? What the!”

“Tigil-tigilan mo na kasi ang pag-iisip ng mga imposibleng bagay. Ang mabuti pa, i-prepare mo na itong mesa. Kawawa ka naman, eh. Gutom na gutom ka na siguro,” she said sarcastically.

Ilang sandali pa nga ay magkasalo na silang kumakain. Ilang beses nitong pinuri ang luto niya. Magana itong kumain. Umulit pa nga ito ng kain mapatunayan lang na nasarapan talaga ito sa luto niya.

Matapos kumain ay nag-insist ang lalaki na ito na ang maghuhugas ng pinagkainan. Napapailing siya habang pinapanood itong maghugas ng mga kubyertos.

“Unahin mo kasi ˋyong mga baso at kutsara. Ihuli mo ˋyang mga mangkok at plato,” asiste niya rito.

“Yes, boss.” anito.

Napailing-iling na lang siya rito.

 

“SOBRANG LAKAS ng ulan,” untag ni Ashton kay Beatriz. “Okay lang ba kung dito na lang ako matulog? Swear, hindi ako papasok sa kuwarto. Dito lang ako sa sala.”

Kinunutan ni Beatriz ng noo ang lalaki. “Bakit ba nagpapaalam ka sa akin? It’s your unit after all.”

“Inaalala lang kasi kita. Mamaya magprotesta ka na naman. Hindi naman ako gobyerno para pagprotestahan mo.” Iniling-iling pa nito ang ulo. “Matutulog ka na ba niyan o gusto mo munang manood ng movie? Or… I have some wine here. Would you like to drink with me?”

Tiningnan niya ito ng masama. “Anong binabalak mo, Mr. Ashton?”

“Hayan ka na naman, eh. Hindi kita lalasingin. Iba naman kasi ˋyong nangyari noon sa hangout natin with the team. Paano ba naman sinunod-sunod mo ˋyong ten shots. Ni hindi ka man lang nag-chaser. Grabe ka!”

Natamilmil siya. Kailangan pa ba talaga nito ipaalala ang kaengotan niyang iyon?

“Game?” untag nito.

Napaisip siya. “Okay, I wanna give it a try again.”

Agad naman itong pumunta sa kusina at mula sa cabinet ay nilabas nito ang isang bote ng wine. He also prepared bucket of ice cubes. Inilapag nito sa mesita ang mga iyon. Kapagdaka ay inabutan siya nito ng kopita.

Nilagyan nito ng ice cubes ang goblet niya bago nilagyan ng alak. He invited for a toast. Pinagbigyan naman niya ito. Tahimik lang silang uminom. Imbes na makaramdam yata siya ng tapang sa iniinom ay nakaramdam pa siya ng uneasiness. Wala kasing nagsasalita sa kanila.

“Ahm…”

“Beatriz…”

Magkapanabay pa silang nagsalita.

“You go first…”

“Go ahead.”

Sa pagkakataong iyon ay pareho silang napatawa. Pinauna na niya si Ashton na magsalita dahil sa totoo naman ay hindi naman din niya alam ang sasabihin. Sinusubukan lang naman talaga niyang tanggalin ang pagkailang na nararamdaman kanina kaya siya nagsalita.

“Uhm, I’m happy,” sabi nito. “I know it was hard for you to open up yourself to me. Kung sinabi mo man iyon unintentionally, nang dahil sa kakulitan ko, I don’t care anymore. At least, kahit paano nalaman ko kung ano ang pinag-uugatan ng personality mo.”

Napahigpit ang hawak niya sa kopita. Mukhang hindi yata siya dapat pumayag na uminom kasama ito. Sumimsim siya ng alak bago ito tinugon. She tried hard to speak. “Ashton, ayoko na sana pag-usapan pa ˋyon.”

“Iyan kasi ang problema sa ˋyo, Beatriz. Isinasara mo ang tenga mo.”

“Kapag itinuloy mo ˋyan, tatayo na ko.” matigas niyang sabi.

“Beatriz. Just hear me out. After this, I promise hindi ko na ulit uulitin ˋtong sasabihin ko.”

Marahas siyang tumayo at iniwanan ang kopita sa mesita. Nagtuluy-tuloy siya sa kuwarto nito pero bago pa man niya maabot ang seradura ng pinto ay nahaklit nito ang braso niya. Pinihit siya nito paharap dito.

“Let me go,” hindi pasigaw pero mariin niyang sabi.

“I’m sorry.” Kasunod ng mga katagang iyon ay ang pagsiil nito ng halik sa kanya! She felt her knees turned into jelly. Ni hindi niya nagawang makapagsalita nang maghiwalay ang mga labi nila.

“Sorry,” sabi nitong muli. “Iyan lang ang paraan na alam ko para mapatahimik ka.”

Tama naman nga ang strategy na ginawa nito dahil walang lumabas na anumang salita sa mga labi niya.

Hinawakan nito ang magkabilang braso niya. “Beatriz, hindi totoong hindi ka marunong magmahal. Hindi ko man nakita, pero sa ipinakita mong pagpunta sa hospital, I know you love your mom. Masyado mo lang kasing kinulong ang isip mo, ang puso mo sa ideya o sa sitwasyon na meron ka kaya naiisip mong walang may kayang magmahal sa ˋyo. It’s not true.

“Maraming nagmamahal sa ˋyo. You just have to open your heart. Nakakandado kasi ˋyang puso mo kaya hindi makapasok ˋyang pagmamahal diyan ng mga taong gustong mahalin ka.”

Naikuyom niya ang mga palad. No. Hindi niya mapapayagan ang sarili na sa ikalawang pagkakataon ay umiyak sa harap ni Ashton. No.

Mula sa kanyang mga braso ay umangat ang mga braso nito sa kanyang mukha hanggang ikulong ng mga palad nito ang mukha niya. “Hindi mo kasalanan na maging bunga ka ng ginawa ng ama mo sa mama mo.”

There. Tears escaped from her eyes. “It’s not my fault?” may sarkasmong hayag niya. “Ashton, tuwing makikita ko ang Mama ko, nanliliit ako sa sarili ko. Pinapaalala n’on araw-araw sa akin ang dahilan kung bakit nasa mental siya. Kung bakit kahit kailan hindi ko naramdaman ang yakap ng isang ina. Kung bakit sa buong buhay ko, walang ina na umakay sa akin. Na kahit kailan hindi na ako magkakaroon pa ng isang buong pamilya.

“Yeah, it’s not my fault. Kaya bakit kailangan kong maranasan ang lahat ng ˋyon?”

Yumuko siya para itago dito ang pagbuhos ng kanyang luha. Kinabig naman siya nito at niyakap nang mahigpit.

“Just cry, Beatriz. I’m sorry… I’m sorry…”

Sa pagkakataong iyon ay hindi na niya sinikil pa ang sarili. Hinayaan niya ang sariling humagulgol sa dibdib nito.

 

Next to: Paano Ba Ang Magmahal (Chapter 9)


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Paano Ba Ang Magmahal (Chapter 8)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

One Response

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.