Paslit (Chapter 32) – Ang Pagtugis sa Salot

MABILIS ang pagtakbong ginawa ng dalawang paslit.

“Hah!”

Sa kakahuyan sila gumawi at hindi tinahak ang diretsong daan na kung para sa makakakita ay maililigaw nila.

At pagdating sa pinakadulo na malapit na sa dagat ay huminto muna ang dalawa.

“Pahinga muna tayo Elena, ang sakit na ng mga paa ko dahil sa init ng buhangin.” Hingal na hingal si Abel.

Lumingon pang muna ang Elena bago naupo.

Naupo ang dalawa sa dalampasigan.

Sa tapat ng nakahulmang bato na hugis tatlong krus.

“Paano mo nagawa iyon Abel?” usisa ni Elena.

“Ang ano Elena?” tugon ni Abel.

“Ang salungatin ang bulong ng tiya Amelita?”

“Nakalimutan mo na ba Elena?”

Napasimangot si Elena. “Ang alin?”

Nangiti naman si Abel. “Na ang pagsalungat sa bulong ang pangunahing ginagawa namin, ng aking ama!”

Hindi nakasagot si Elena.

Para sa kanya kasi ay mas mahusay at epektibo pa ang bulong na ginamit ng dalawa kaysa sa mga bulong na kinakailangan pang makakuha ng pag-aari ng isang tao na nais mong bulungan. At hindi niya iyon napag-aralan. Walang nakasaad na ganoon sa kanyang librong nagamit.

“Paano mo natutunan iyon Abel? Maari ba nating magamit iyon sa kanya na kahit pa wala tayong kahit anong bagay na mula sa kanya?” muling usisa ni Elena.

Ngunit taliwas naman pala sa kanyang mga naisip ang sagot ni Abel. “Hindi pwede Elena, pangontra lamang iyon at hindi maaring maipanakit, umeepekto lamang iyon sa mga aktuwal na pangyayari tulad nang nangyari sa iyo kanina, hindi ka niya masasaktan ngunit ginamit niya iyon upang ika’y patigilin, sa gayon ay makapilas ng iyong buhok, alam niya kasi na ‘di siya sa’yo makakalapit,” saad nito.

Napayuko si Elena sabay buntong hininga. “Bakit ikaw Abel, kanina ay nasakal siya gamit ang bulong mo?”

“Ito ay dahil sa ibinabalik ko sa kanya ang lahat, alam mo ba na ang inuusal ko kanina ay kapareho ng inuusal niya?” tugon ni Abel.

“Ibig sabihin—may alam si tiya Amelita sa kulam panggamot…”

Muling napangiti si Abel. “Oo Elena, at ang pinakamahirap pag-aralan pa ang alam niya… Ngunit hindi niya makakayang salungatin ang sa amin, iyon lamang ang ipinagkaiba Elena!”

Napaisip nang malalim. Nanaig sandali ang katahimikan. Natitigang bigla ni Elena ang nakatanaw sa malayong si Abel.

May paghanga sa kanyang mga tingin, at sa isip-isip niya ay… “Napakahusay pala nito… Ang batang dati rati ay tinitingnan ko nang maliit na ngayo’y ako na ang nakararamdam nang pangliliit… Napakagaling ng ginawa niya kanina… Ito na ang pangalawang beses na iniligtas niya ang aking buhay, na hindi man lamang ako makapagpasalamat.” Sumungaw ang kapirasong ngiti sa labi.

Sandali pa munang nagpalipas ng oras at nagpahinga ang dalawang kakaibang paslit.

Ang mga paslit sa paningin; ngunit kung susumahin ay sampu ng edad nila kung gumalaw ang mga utak.

Mga paslit na hindi malaman; kung ano ang kanilang ipinaglalaban.

“Uwi na tayo, Abel…”

 

ALAS-SYETE na ng gabi.

Sa ilang linggo na ring pagtigil ni Abel sa tahanan nila Elena ay ramdam niya na rin ang matabang na pakikitungo ng mag-asawa.

Kung dati ay may pagkain pa sa hapag, ngayo’y kahit pa kaning panis ay wala.

Nang sulyapan ni Elena si Abel mula sa kanyang kuwarto ay nakita nitong nakaupo ito sa bangko na nasa tapat ng kanilang hapag.

Alam niya na kumakalam na ang sikmura nito dahil mula pa kaninang umaga ay wala silang kinain, at umalis ang mag-asawa ng wala man lamang sabi-sabi.

Hindi na nakatiis pa si Elena nang makitang diniinan nito ang kanyang sikmura at mula rin sa kanyang kinatatayuan ay dinig ang kalam.

Lumabas na ito ng kanyang kuwarto at nilapitan ang kawawang Abel.

“Huh?! Elena!” Gulat nito nang tapikin siya ni Elena.

“Abel, alam ko gutom ka na…”

Tumingin lamang si Abel. Malamlam ang mga mata.

“Gusto mo, humanap tayo ng pagkain sa dagat?” Mabait namang turan ni Elena.

“Huwag na Elena, matulog na lang tayo… bukas siguro wala na ito…” Malungkot na tugon nito.

Wala ng nagawa pa si Elena nang tumayo na si Abel at damputin ang kanyang nakabilot na banig upang ilatag na.

“Matulog ka na Elena… Alam ko nagugutom ka na rin, pero sabi mo sanay ka naman ‘di ba?” Napapangiti pang sabi ni Abel. “Ako kasi—hindi,” bulong na nito.

Hindi na muling sumagot si Elena kahit pa narinig niya rin ang bulong ni Abel. Pumasok na lamang ito sa kanyang kuwarto, at itutulog na lamang din ang kanyang gutom.

Sadyang napakalupit ng naging kapalaran ni Abel. Naulila nang maaga, ngunit sa mga nararanasan niya ay siya namang nagiging tibay ng loob niya.

Na isa sa pinagkukunan nito, ay si Elena.

 

SA KUBO ni Amelita…

May ilang mga bisita si Amelita. Tila may pagpupulong na nagaganap at napakahalaga ng kanilang paksa.

“Kailangan na nating gumawa ng hakbang upang burahin ang salot na si Elena…”

“Si Mandong naman ang kanyang isinunod! Napakalapastangan na talaga ng batang iyon! Hindi pa nakuntento sa paggalang na ating ipinakita!”

Sari-saring opinyon.

Kanya-kanyang mungkahi.

“Ang inang at itang niya ay lumisan na upang hindi natin mahingan ng tulong! Sadyang mga wala silang pakialam!”

Nananatiling tahimik si Amelita.

Musika sa kanyang tenga ang mga galit na kanilang binabanggit.

“Kanina nga ay pinagtangkaan din nila si Amelita, at hindi lamang pala siya nag-iisang gumagawa ng lahat, kasama niya rin ang batang manggagamot! Dalawa silang nakita ko kaninang humahangos papalabas sa kubo ni Amelita!” galit na saad ng kaanak na nakakita sa dalawa. “Natatakot ako na baka ako na ang susunod! Alam naman nating ang lahat ng nakakasaksi sa ginagawa niya ay isinusunod niya!” pahabol pa nito.

Lihim na napangisi naman si Amelita.

Hanggang sa ito nga ay nagsalita na.

“Kailangan na nating tugisin ang salot na iyon at saka sunugin, o maaring ipakain lamang natin sa ating mga alaga at pagmasdang unti-unting malusaw! Haha!”

Sabay-sabay na nagsagutan ang magkakaanak. Ang lahat laban sa isang paslit na walang kaalam-alam sa lahat.

Paslit na nagiging marahas na sila mismo ang nagtutulak.

Muling nagsigawan ang lahat ng…

“Sunugin! Sunugin ang salot! Sunugin ng hindi na makapaminsala!”

 

ELENA’S POV

Huh?

Bakit tila naririnig ko ang aking pangalan?

Tila may tumatawag dito at binubulong sa akin ng hangin?

Kailangan kong magmadali…

Paparating na ang unos na aking kahaharapin…

(Habang umuusal ay patuloy lamang sa pananahi ng kanyang mga obra, isang katerbang manika ang kanyang inihahanda.)

 

Next to: Paslit (Final Chapter) – Ang Araw ng Paniningil


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Paslit (Chapter 32) – Ang Pagtugis sa Salot

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

2 Responses

  1. Astig nasa pagitan na 5-6 na taon SI Elena Anu otor Kasi di pa Naman lumipas Ng taon Ang time frame sa kwento niya well magbasa nalang hahahaha

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.