Pinakamaraming Tagahanga (One Shot Story)

NABABALOT ng makapal na hamog ang paligid. Hindi mawari ni Jennica ang kinaroroonan niya at tila hinihila siya sa bandang unahan pa. Sa suot niyang sleeveless na loose jersey shirt at maigsing sports shorts, ramdam niya ang basang ere at malamig na temperatura na sumusuot sa kanyang kalamnan.

Hirap din siyang huminga. Tila ba may nakadagan na mabigat sa kanyang dibdib at nababalutan ng cellophane ang kanyang ilong. Ang isipan niya ay nagugulo kasabay ng paggalaw at pag-ikot ng makapal na hamog sa palibot. Sa bawat paghakbang, alam niyang may nakaantabay na hindi maganda sa unahan.

Bigla, may lumabas na kamay mula sa hamog! Maputla, kita ang buto, gutay-gutay ang laman at balat—pilit siyang dinadala sa unahan.

Napaatras siya at napasigaw. Subalit walang boses na lumabas sa kanyang lalamunan. Hanggang nahawakan nito ang kanyang braso.

Nagpumiglas siya. Ginamit ang mga paa upang masipa ang nilalang at makalayo.

“Aww!” Napabalikwas siya at awtomatikong dinama ang kaliwang paa. Sandaling sumirit ang sakit sa parteng iyon. Tumama kasi iyon sa sinasandalan niyang pader ng bleacher ng sports arena nang manipa siya.

“Panaginip pala,” aniya habang sapo ang noo. Unti-unti na ring nagsu-subside ang sakit sa paa niya. `Buti’t  nasa pinakasulok siya ng naturang bleacher at hindi matao. Baka napagtawanan pa siya sa ginawa niyang paninipa sa pader.

Kanina, habang nagwa-warm up siya, nakaramdam siya ng hirap sa paghinga. Kaya namahinga siya roon sa bleacher. Hindi niya inakalang makatutulog siya at mananaginip pa. Gayunpaman, tila konektado ang naramdaman niyang hirap sa paghinga kanina at ang panaginip, lalo pa’t hindi niya suot ang kanyang kuwintas.

`Di nagtagal, bumalik na muli si Jennica sa oval running track. Sumabay siya sa pagdya-jogging ng ilang teammates niyang kapapasok ng oval.

“Nakikita mo ba ang mga babaeng `yon?” sabi ng ka-teammate niyang si Nancy. Itinuro nito ang ilang freshmen sa bleacher. “Gusto nilang magpa-picture kasama ka.”

Nangiti siya. “Sige, mamaya siguro pagkatapos natin dito.”

“At kapag naisipan nilang magpa-picture din sa `min, sabihan mo lang kami, ha?” biro ni Nancy. “Naka-ready lang kami.”

“Ako na lang ang maging libero at ikaw ang captain ball,” natatawang pasok din ng isa pang ka-teammate at team leader nila na si Beth.

Lumuwang lalo ang mga ngiti ni Jennica at nailing. Isa iyon sa mga hindi niya maiwasan minsan. Hindi man siya ang captain ball ng koponan nila, siya ang may pinakamaraming tagahanga. Bukod kasi sa mabait, maganda, malakas ang karisma, at hindi pa mayabang, puro pag-aaral lang ang inaatupag niya kung hindi nag-eensayo.

Ensayo. Madalas niyang ginagawa iyon tuwing hapon pagkatapos ng klase kahit hindi schedule ng practice ng kanilang team. Hindi lang dahil isa siyang varsity player ng pambabaeng junior volleyball team, kundi dahil kailangan niyang ipakita pa lalo ang galing at determinasyon sa paglalaro. Kailangan niya iyon upang makapasok sa women’s varsity team ng unibersidad at makuha ang inaasam na scholarship sa kolehiyo.

Katunayan, nang dahil sa scholarship kaya siya nakapag-high school. `Di katulad ng ka-teammates niya, galing siya sa mahirap na pamilya sa malayong probinsiya. Huling taon na niya ngayon sa high school. At ang volleyball ang pag-asa niya upang makapagkolehiyo.

Samantala, nakalilimang ikot na sila sa oval nang mapansin nila ang inihahandang podium sa gitna. Sa harap ng stage ay may napakalaking litrato ng maganda at mestisahing babae na napapalamutian ng mga bulaklak.

“Diyan daw gagawin mamaya ang memorial service para kay Clarisse,” saad ng captain ball na si Beth habang tumatakbo sila.

“Kawawa naman. One week na siyang naililibing pero wala pang naaarestong suspect,” sabi ni Nancy.

Tatlong linggo na ang nakararaan ngunit hanggang ngayon ay usap-usapan pa rin kung paano natagpuang patay sa kanilang unibersidad ang nagngangalang Clarisse. Nabulabog ang buong campus noon, nangamba dahil may teorya ang mga pulis na hindi outsider ang kriminal. Na maaaring isa itong empleyado o estudyante ng nasabing unibersidad. Kaya hanggang ngayon, mahigpit ang seguridad sa buong campus. Maya’t maya ang pagroronda ng ilang security guard.

Nang matapos sila sa jogging, tinungo nila ang damuhan sa gitna ng oval upang makapag-cool down. Nandoon ang duffel bags nila na may logo ng kanilang team at unibersidad. Eksaktong padaan sa harapan nila ang isang popular na estudyante at nasagi ng paa nito ang bag ni Nancy. Pero hindi ito namansin at nagpatuloy lang sa pag-jogging.

“Antipatika talaga `yang Rachel na `yan,” ani Nancy. Pasalampak itong naupo sa damuhan. “Komo maganda, matalino, at pambato ng school natin sa beauty pageant!”

“`Yaan mo na,” pang-aalo ni Jennica. “Pagpagin mo na lang `yong dumi.”

“Kung bakit kasi dito pa siya nadaan sa `tin, sa lawak nitong oval,” nakasimangot na dagdag ni Nancy.

Makalipas ang ilang sandali, nararamdaman ulit ni Jennica na unti-unting sumisikip ang kanyang dibdib. Nahihirapan siya sa paghinga. Hanggang sa makita niya ang manipis na hamog na tulad sa panaginip kanina. Hindi niya alam kung saan iyon nanggaling, ngunit pakiramdam niya ay lumalapit iyon sa kanya.

Awtomatikong umangat ang kamay ni Jennica sa kanyang leeg, pero hindi niya pala suot ang kanyang kuwintas. Hindi niya iyon makita kahapon pa.

Nakaramdam na siya ng kaba! Pinigilan niya ang sarili na mag-panic.

“Guys, magsi-CR lang ako,” aniya. Mabilis siyang lumayo sa kanilang umpok sa pag-asang makalalayo rin sa gumagapang na hamog.

Nanlalamig ang mga kamay niya dahil sa tindi ng kabog ng kanyang dibdib. Nang lingunin niya kasi ang hamog, umiwas iyon sa mga kaibigan niyang nakaupo sa damuhan. Nagpalit ng direksiyon ng paggapang. Patungo sa kanya!

Nahigit niya ang hininga at dumoble ang mga hakbang papalayo.

Hanggang sa naging manhid ang kanyang pakiramdam. Feeling niya ay lumulutang ang diwa niya. Tila ba nasa katawan siya ng ibang tao, at wala siyang lakas para magsalita o kumilos.

Namalayan na lang niyang inaakyat niya ang hagdanan papunta sa rooftop ng isang lumang gusali. Gugustuhin man niyang bumalik, wala siyang sapat na enerhiya upang kontrahin kung ano man ang nagtutulak o gumigiya sa kanya papunta sa itaas ng gusali.

Pagdating niya sa pintuan ng rooftop, mabilis na nawala ang hamog. Para iyong pinaypayan upang maglaho. Luminaw na muli ang kanyang paligid at kinaroroonan at tila nawala na rin ang manhid niyang pakiramdam.

Ngunit naiwan siyang curious sa kung ano’ng meron sa kabilang bahagi ng pintuan. Kaya kahit alanganin, dahan-dahan niyang pinihit ang seradura ng pinto. At dahil kalawangin, lumikha iyon ng ingay.

Pagbukas, natuod si Jennica sa nakita!

Isang estudyanteng babae ang nakahandusay roon sa gitna ng rooftop at duguan ang ulo.

M-Meryl?! sigaw ng kanyang isipan. Singhap lang ang namutawi sa bibig niya.

Namukhaan niya ang freshman. Isa rin itong budding beauty queen, ang nanalong first runner up sa beauty pageant ng kanilang unibersidad.

Hindi namalayan ni Jennica na may gumalaw mula sa likuran niya. Kanina ay naalerto ito sa ingay ng pagbukas ni Jennica ng pinto, kaya nagtago ito sa anino ng nasabing pintuan. Naghintay muna ito ng tamang tiyempo habang pinapanood ang bagong akyat na babae roon sa rooftop.

At sa paglingon ni Jennica, may humampas sa kanyang ulo! Bumagsak siya sa sementong sahig.

Kahit nanlalabo ang paningin, naaninag niya ang nakangising si Rachel. Naka-gloves ito at hawak ang kahoy na ipinampalo sa kanya. Malamang ay iyon din ang ginamit kay Meryl, sa isip-isip ni Jennica.

Malademonya ang talim ng mga mata at lapad ng ngiti ni Rachel. “Hindi na `ko mahihirapan sa `yo. Ikaw na mismo ang lumapit sa `kin.” At sinimulan nitong itali ang mga kamay niya sa kanyang likod.

“Papatayin mo ba kami tulad ng pagpatay mo kay Clarisse?” anas niya, pinipilit na huwag mawalan ng malay-tao.

Natigilan si Rachel, subalit muling ngumisi. “They were right. Hindi ka lang star ng volleyball. Matalino ka rin…” Tumango-tango pa ito. “Pa’no mo nalamang nandito kami ni Meryl?”

“Si Clarisse…” nanghihinang sagot ni Jennica. Dahil kahit itanggi man niya, alam niyang kaluluwa ni Clarisse ang may-ari ng kamay sa panaginip niya kanina at ang nagdala sa kanya roon sa rooftop sa pamamagitan ng hamog.

“Wala na si Clarisse! Hinulog ko s’ya riyan sa water tank!” Tumalim lalo ang mga mata ni Rachel. Biglang nawala ang maganda at maamo nitong mukha. Naging mabalasik ito, na anumang sandali ay gagawa ng hindi maganda.

Nanubig ang mga mata ni Jennica sa takot. Malamig at malapot na pawis ang lumalabas sa kanya. Gusto niyang tumakbo paalis doon, ngunit walang lakas ang buo niyang katawan. Siya na malakas ang pangangatawan at endurance dahil laging nag-eensayo.

Tuluyan nang tumulo ang mga luha ni Jennica. Helpless siya sa mga sandaling iyon. Dahil doon mismo sa water tank na itinuro ni Rachel ay natagpuan ang hindi na makilalang si Clarisse matapos ang tatlong araw na pagkawala nito. Kung hindi pa namaho ang tubig at kumalat ang masangsang na amoy sa ilang area sa campus, hindi pa ito makikita.

“Wala kang awa…” ani Jennica sa mahinang boses.

“Yes. That’s the problem, you see. I don’t feel any remorse.” Sabay tawa ni Rachel.

“B-ba’t mo… ginagawa `to..?”

Lumakas lalo ang tawa ni Rachel. “Simple! Ayokong nalalamangan. Si Clarisse, panigurado raw na magiging queen sa prom night sa Friday. So unfair, you see! Ginawa ko ang lahat para makuha ang boto! Itong Meryl na `to, mas karapat-dapat daw na mag-represent ng school. Akalain mo `yon? Samantalang ako ang nanalo sa pageant! I did everything upang magkaroon ng pinakamaraming tagahanga, pero ano’ng nangyari?!”

“You’re a psychopath….” paos at wala nang lakas na hiyaw ni Jennica. Ramdam niya ang pag-agos ng malapot na likido sa gilid ng kanyang mata.

Kamakailan lang ay nabalitaan niyang nagpo-post si Rachel sa Facebook at Tiktok ng panto-torture sa maliliit na hayop. Tinanggal kaagad ang postings nang magkaroon ng negative impact sa popularity nito. Doon pa lang ay makikitaan na ito ng sintomas ng pagiging psychotic.

Mariing hinawakan ni Rachel ang kanyang panga. Binusalan. “Did you know na ikaw ang pangatlo sa listahan ko? Nakakairitang marinig lagi kung gaano ka nila hinahangaan dito sa university. Since mas matapang ka kaysa kay Meryl, ikaw na ang uunahin ko diyan!” Itinuro muli nito ang water tank.

Kinuyumos nito ang kanyang jersey shirt upang madali siyang mahila sa ilang steps paakyat sa bunganga ng water tank.

Hindi siya makapalag. Marahil ay napuruhan talaga ang ulo niya sa palo ni Rachel.

Hanggang sa naihulog siya nito sa tubig!

Unti-unti, nauubusan siya ng hangin. Ngayon ay alam na niya kung bakit naramdaman niya kanina sa panaginip ang pagbigat ng dibdib at hirap sa paghinga. Iyon din kasi ang dinanas ni Clarisse.

Walang nagawa si Jennica kundi ang manalangin na sana ay may dumating na tulong….

 

********

 

“Nice dig, Jennica!” sigaw ng nakangiting coach.

Nang dahil sa pag-dive niya upang makuha ang bola, hindi nalayo ang score ng team nila laban sa mga senior sa isang friendly match.

Marahang tinapik ni Nancy ang likod ni Jennica pagkatapos ng rally. “Malala ang injury ng senior libero,” mahinang wika ni Nancy upang hindi marinig ng ibang nandoon sa gym. “Bali-balitang ikaw na ang magiging rookie libero ng team sa second semester para sa UAAP.”

“Nabanggit nga ni Coach sa `kin kanina,” halos pabulong na sagot ni Jennica. “Pero mas malakas ang team natin kung ang senior libero pa rin ang maglalaro. Kaya sana gumaling na siya agad sa injury n’ya.”

“Magaling ka rin naman, ah,” nakangiting kontra ni Nancy. “Kahit ang senior libero ay aminado na magaling ka. Balita ko, inirekomenda ka rin niya kay Coach.”

Sandaling natahimik si Jennica.

“Parang kailan lang, pinangarap nating makapasok sa women’s volleyball team,” sambit niya maya-maya. “Medyo malungkot lang na tayong dalawa lang ang pinalad.”

Wala sa loob na sinalat ni Jennica ang mahabang pilat sa gilid ng kanyang ulo. “Parang kailan lang din na nagkaroon ako nitong maraming stitches. Dininig ng Diyos ang dasal ko three months ago at hindi ako napuruhan ni Rachel… Hindi ko sana nararanasan itong blesings.”

Sandaling hindi nakaimik si Nancy. Rumagasa rin sa kanya bigla ang mga alaalang iyon. “Huling balita ko, sabi ng mga psychologist, isa siyang disingenuous psychopath. Pero hindi na siya makalalabas ng kulungan, lalo pa’t pursigido ang pamilya nina Clarisse at Meryl na mabigyan kayong tatlo ng hustisya.”

Napatango si Jennica. Napakasuwerte niyang hinanap siya noon ng teammates niya nang hindi siya bumalik agad pagkatapos magpaalam na pupunta ng CR. Napakasuwerte niya dahil may nakakita sa kanya na umakyat sa lumang gusali. Nang dumating ang teammates niya sa rooftop, naabutan nila kung paano siya kinaladkad at hinulog ni Rachel sa water tank. Nasagip siya, kasama si Meryl. Si Rachel naman ay naaresto. Sa ospital, ibinigay sa kanya ni Nancy ang hinahanap niyang kuwintas na naiwan pala niya sa shower sa locker room.

Habang papalabas sila ni Nancy ng gym, inakbayan niya ito at sinabing: “Thank you ulit—at ilang ulit ko `yang sasabihin sa inyo. Kung `di dahil sa inyo, wala rin ako rito ngayon sa team natin.”

Mahigpit din siyang inakbayan ni Nancy bilang tugon.

Dinama ni Jennica ang kuwintas niya sa leeg. Ang kuwintas na iyon ay bigay ng lolo niyang albularyo upang pigilin at harangin na gumana ang kanyang third eye.

 

WAKAS


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Pinakamaraming Tagahanga (One Shot Story)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

4 Responses

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.