Psalms 46:5 (Chapter 10)

FIVE YEARS LATER. . .

“Hello, Asher?” Sinagot agad ni Alya ang tawag ng binata sa kalagitnaan ng pagda-drive. Mabuti na lang at nakahinto ang mga sasakyan sa highway dahil naka-red pa ang traffic light. “Napatawag ka. . .”

Kasalukuyan kasi siyang nasa biyahe dahil mamimili siya ng ingredients sa kaniyang lulutuin malapit sa supermarket sa kanilang village. Espesyal kasi ang okasyon sa araw na iyon. Fourth anniversary nila ni Asher at maghahanda siya dahil pupunta sa kaniyang bahay ang mga kaibigan. Isa pa, bibili rin siya ng regalo para sa kasintahan.

Oo, naging sila ni Asher. At hindi iyon malabong mangyari lalo pa at nangyari ang lahat ng bagay na mag-uugnay sa dalawang nilalang. Nagsimula ang panliligaw ng binata nang minsang dalhan siya nito ng bulaklak pagtapos ng hearing sa kaso ng kaniyang pamilya. Napangiti tuloy siya nang maalala iyon.

“Oh, Asher. Bakit ang dami naman yata ng bulaklak ng nabili mo? Baka matakpan na ‘yong lapida nina mama’t papa niyan. Pati kay kuya, baka matabunan din,” sita niya rito nang dumating si Asher sa sasakyan dahil ito mismo ang nagpresintang bumili nang minsang mapadaan sila sa Divisoria.

Ipinasok muna ni Asher ang bitbit na pumpon ng mga bulaklak sa backseat bago tumungo sa passenger’s seat. Hindi pa kasi ito marunog mag-drive kaya siya na muna ang nagmamaneobra sa sasakyan. Tutal naman ay siya rin ang may-ari niyon.

Sisimulan na niya sanang buhayin ang kotse nang tinawag siya ni Asher.

“Ah, Alya. . .” Napatingin naman siya sa gawi nito at saka napakurap nang tumambad sa kaniya ang tatlong puting rosas. “Para sa ‘yo. . .”

Kumunot naman ang noo niya at tumango nang isang beses. “T-Thanks.”

“Paborito mo ‘yan, ‘di ba?”

Tiningnan niya nang may halong pagtataka ang binata. Magtatanong na sana siya kung paano nito nalaman ang tungkol sa bagay na iyon, nang maalala niyang pinanonood nga pala siya nito mula sa itaas noon. Kaya wala sa sariling napatango siya. 

“O-Oo,” utal at nakangiti niyang tugon sa kausap. 

At doon na rin nga nagsimula ang pagpapaalam o paghingi ng kamay ni Asher mula sa mga namayapa niyang pamilya. Not the typical guy. But Asher is a man who can be your wall, your best friend, happiness, and angel at the same time. 

Naputol lang ang alaalang iyon ag magsalita ang kausap ni Alya sa kabilang linya.

“Mahal, puwede bang tagalan– este, puwede bang ano, ah. . .”

Napakunot ang noo ni Alya sa sagot ng binata. Ano ba talaga ang gustong sabihin nito? Biglang nagkagulo sa kabilang linya kaya hindi niya mapigilan ang pagtitig sa sariling phone. Bago muling inilapit sa tainga iyon.

“Ano ba ‘yon? May ipapabili ka ba?” Ilang segundo na lang at malapit nang mag-go signal ang traffic light. Pero medyo masikip pa rin ang daloy ng trapiko dahil siguro linggo ngayon. May time na para mag-grocery ang iba dahil nga weekend.

“Ah, y-yes. Bili ka lang ng Stick-O, bayaran ko na lang pagdating mo rito.”

“Huh? Are you sure?” takang tanong niya. Ang wirdo talaga ng lalaki. Saka isa pa, kailan pa ito nahilig sa ganoong klaseng pagkain?

“O-Oo, oo. Sige, ingat ka. I love you,” nagmamadaling saad nito at sakto ring limang segundo na lang bago nag-go ang signal ang traffic light.

“I love you–” Hindi na niya natuloy pa ang sinasabi nang babaan na siya nito. Pinagmasdan niya ang phone bago napailing. Inilapag na niya iyon sa dashboard.

Muling pinaandar ni Alya ang sasakyan. Kahit traffic ay nagpapasalamat pa rin siya dahil hindi naman ganoon kalayo ang supermarket sa kanila. Kaya naman wala pang ilang minuto nang makarating na siya sa patutunguhan.

P-in-ark niya ang sasakyan sa parking lot ng gusali saka pinatay ang makina ng kotse. Bago kinuha ang pouch niya at phone. Ganoon din ang susi ng kaniyang kotse.

Hinangin ang suot niyang dress na lagpas tuhod saka bahagyang iniyuko ang ulo dahil natatamaan siya ng sikat ng araw. Masiyadong masilaw at mainit lalo pa at alas diyes na ng umaga. Pagpasok niya sa loob ng supermarket ay mabilis siyang kumuha ng push cart at hinanap na ang mga ingredients na kakailanganin sa ilulutong handa para mamaya.

Hanggang sa matapos na siyang mamili at magbabayad na lang sa may counter nang makakita siya ng magkasintahan sa kaniyang unahan. Ang lalaki na mismo ang nagbayad sa mga pinamili ng mga ito. Pagkatapos ay hinawakan sa baywang ang babae bago parehas na nakangiting lumabas ng supermarket.

Napahinga siya nang malalim. Nakakasama rin niya si Asher sa pagsho-shopping o paggo-grocery pero ni minsan ay hindi ito nagbayad para sa kanila. Naiintindihn naman niya iyon lalo pa’t nangangapa pa ang binata sa moderno na mundong ginagalawan nila. Naisip niya lang na hanapan ng trabaho ang binata dahil nagtapos na rin naman ito sa ALS. Hindi kasi habang buhay na siya ang magtatrabaho gayong magkasama sila sa iisang bubong. At alam din naman niya sa sariling kahit ano man ang pagkatao nito ay tanggap niya. Iyon nga lang, minsan, kailangan niya ring turuan si Asher na maging praktikal sa buhay.

Matapos mamili ay dumaan din siya sa isang malapit na boutique. Naisipan niyang bilhan si Asher ng T-Shirt dahil mahilig ito sa ganoon. Relo sana ang ibibili niya para sa binata. Ang kaso ay hindi naman ito mahilig sa alahas. Naalala nya pa noong isang beses na regaluhan niya ito ay hindi nito tinanggap dahil may wall clock naman daw sa bahay niya. Napailing tuloy siya saka bumalik sa sasakyan para umuwi na at nang maluto na ang mga handa para mamaya.

Wala pang isang oras ay nakarating din siya sa village. Pero nang bumusina siya sa tapat ng gate ng bahay niya ay nakabukas na ang entrada kaya hindi na niya kailangan pang bumusina para lumabas ang nasa loob ng bahay at nang pagbuksan siya. Pagkaparada niya ay mabilis niyang kinuha sa backseat ang mga pinamili.

“Asher?” Iyon ang una niyang bungad pagkapasok na pagkapasok sa loob ng buong kabahayan.

Hindi niya pa mapigilan ang pagkunot ng noo nang mapansing sobrang dilim ng bahay niya. Tahimik din. Parang kinukutuban tuloy siya. Pero ayaw naman niyang magtamang hinala.

“Asher?” muli pa niyang tawag sa kasintahan habang bitbit ang mga ingredients patungo sa dining area ng kaniyang bahay. “Asher, nasa’n ka ba?”

Hanggang sa makarating siya sa dining area ay nakarinig siya ng bungisngis at pamilyar na amoy na pabango ng babae. Lalo tuloy siyang kinutuban. Pero hindi naman siguro iyon magagawa sa kaniya ng binata, hindi ba?

Magsisimula na sanang sumikip ang dibdib at magbara ang lalamunan niya dahil sa pinipigilang emosyon nang mapatalon siya sa gulat. May humawak kasi sa magkabila niyang balikat. Nabitiwan niya tuloy nang hindi oras ang mga sangkap na lulutuin.

“Alya. . .”

Pumihit siya patalikod para mapagmasdan ang binatang gumulat sa kaniya. May kadiliman ang buong lugar pero may liwanag na nanggagaling sa bintana ng dining area kaya kahit papaano ay naaaninang si Asher.

“I-Ikaw pala. Bakit ang dilim ng bahay?” takang tanong niya sa kausap. Pero nawirduhan siya nang masuyo lang siya nitong nginitian.

Inabot nito ang mga kamay niya. Saka hinalikan ang likod ng magkabila niyang palad habang masuyong nakatingin sa kaniya. Hindi tuloy maiwasan ng kaniyang dibdib na kumabog nang malakas. The eyes of the man that made him fall in love again and again, was staring directly at her. Ni hindi ito ganoon tumingin sa ibang babae, sa kaniya lang.

Kaya hindi niya tuloy mapigilang mainis sa sarili dahil naghinala siya rito. Pagtapos nitong ialay sa kaniya ang puso nito simula pa lang nang mapanood siya nito sa itaas hanggang sa apat na taon nilang relasyon, pag-iisipan niya pa nang ganoon si Asher? That’s so not her. Nagiging paranoid na siya.

“Alya, I’ll promise you everlasting love and faith. Ikaw lang hanggang dulo. You don’t know how much I love you. Iyong nakikita mo ngayon sa akin, wala pa ‘to sa kalahati sa kung gaano kabigat ang nararamdaman ko para sa ‘yo. You are the first woman who made me fall so hard.”

“A-Asher–”

“Hindi mo alam kung gaano ako nahihiya sa ‘yo kasi, parang pabigat lang ako rito. Ni hindi kita matulungan sa trabaho mo–”

“You’re wrong. Alam mo bang noon, napapabayaan ko na ang sarili ko dahil babad ako sa work? Pero simula nang dumating ka, lagi nang may nag-aalala sa akin sa tuwing nagpupuyat ako. At hindi mo alam kung gaano ko kagusto na pagtimplahan ako ng kape  sa tuwing paggising ko, sa tuwing pinaglulutuan ako. Kasi Asher, sa simpleng mga bagay, masaya na ‘ko, e. I’m happy with you. So stop doubting about how you can make me happy.”

“I studied for you. Gusto kong magkaroon ng matinong trabaho para kahit paano, may maipagmalaki nama ako–”

“Hush,” Alya cut him off. “Asher, hindi mo na kailangang patunayan pa ang sarili mo. Saka anong pabigat ba kasi ang sinasabi mo? E, ikaw nga itong dumating sa buhay ko at naging instrumento para mabigyan ng pagkakataong bumiyahe sa ibang panahon. Sa panahon na nakakilala ako ng pangalawang mga magulang, ng mga taong nagmalasakit sa akin nang tunay. Ikaw ang naging dahilan kaya nagbago ako para sa ikabubuti ko. Nang dahil din sa iyo kaya nakamit ko ang hustisyang matagal ko nang inaasam.”

Maluha-luha na si Alya Zion nang sunud-sunod na banggitin ang mga katagang iyon. Totoo naman kasi, malaki ang naging ambag ni Asher sa buhay niya. Inaamin niya rin sa sarili na minsan, gusto niyang maging praktikal sila ng kasintahan. Pero kung tutuusin, kung susundin nila ang standard ng mundong kanilang ginagalawan, hindi ba parang hindi na sila nagpakatotoo sa kanilang sarili? Na para bang umaayon na rin sila sa dapat na standard ng mga tao? E, ano ngayon kung mas mataas ang sahod niya kaysa sa binata? Pangit na ba agad ang imahe nito sa mga tao dahil lang doon? Mabuting tao naman si Asher at nasaksihan niya iyon nang ilang taon.

Hindi naman kasi iyon nasusukat sa sahod o sa pinag-aralan. Kung hindi sa pagiging makatao.

“Hindi ako matalino, Alya.” Napataas tuloy ang kilay niya sa sinabi ng binata.

“Hindi naman ako naniniwala,” birong sagot niya.

“Hindi ako mayaman. Ni hindi nga kita mabigyan ng alahas. Kung kaya ko man, kailangan ko pang pag-ipunan nang matagal.”

“Ano ba, Asher? Hindi naman ako mahilig sa mga materyal na bagay. At wala akong pakialam kung hindi ka mayaman. Hindi naman iyon ang naging sukatan ko para mahalin ka.”

“Madaming better na mga lalaki kaysa sa akin, Alya. Hindi ko sila kayang pantayan.”

Hinampas niya sa balikat ang lalaki. “Ano ba’ng nangyayari sa ‘yo? Baka sila ang hindi ka mapantayan. Kasi sa dami ng nagtangkang manligaw sa akin, ikaw lang sinagot ko. Can’t you see? Magkasama tayo ngayon, no.”

Natawa naman ang binata sa isinagot niya. Saka marahang hinawi ang iilang hibla ng buhok na tumabing sa kaniyang mukha. “Higit sa lahat, Alya, hindi rin ako guwapo.”

Nagulat siya. “What? Paanong hindi? Sa tuwing lumalabas tayong dalawa, halos mabali na nga ‘yong leeg ng mga babaeng nakakakita sa ‘yo. Ano? Humble lang, gano’n?” Natawa siya. Naloloka na siya sa mga sinasabi ng lalaki.

“Then, I need assurance. Answer me, Alya. Oo lang o hindi. Mahal mo ba ako?”

“Are you okay–”

“Oo lang o hindi. Mahal mo ba ako?”

“Siyempre naman. Oo, mahal na mahal kita, ‘no!” Pagkasabing-pagkasabi niya ay bigla na lang lumuhod si Asher sa harapan niya. Dinalaw siya ng matinding kaba. Ano ba ang nangyayari?

Mayamaya pa ay may dinukot ito sa bulsa ng suot na pantalon at inilabas doon ang isang bagay. Noong una ay hindi niya gaanong maaninag dahil nga madilim pa ang buong kabahayan. Hanggang sa isa-isang bumukas ang ilaw ng buong bahay. Pero bukod sa puti ay humalo rin ang mga kulay pulang ilaw. Doon lang siya nagkaroon ng pagkakataong suriin ang bawat sulok ng dining area. Madaming pulang mga lobo ang nasa kisame na may tali at nasa dulo ang bawat pictures nila ni Asher na magkasama. Mayroon ding pulang mga lobo sa lapag.

At nang tangkain niya pang ilibot ang paningin ay nagulat siya dahil nasa likuran pala niya ang mga kaibigan. Sina Florence, Felicia, Erin. Mas lalo pa siyang nawindang nang masilayan ang itinuring na magulang sa makalumang panahon. Hawak-hawak ng mga ito ang tarpaulin na may mga katagang “Pakasalan mo ako at magpapasakal ako sa ‘yo habang-buhay, mahal ko.”

Ano’ng klaseng event ba ang napasukan niya?

Saka ibinalik ni Alya ang tingin sa lalaking nasa harapan niya. Naroon pa rin ito. Nakaluhod at masuyo siyang tinitingnan. Habang hawak-hawak ang maliit na box na may lamang singsing. Napaawang ang bibig ni Alya. Unti-unting nagproseso sa kaniyang isipan ang mga nangyayari. Ang pag-amin ni Asher na hindi siya perpektong lalaki, ang paniniguro nito sa kaniya kung mahal nga ba talaga siya at ang mga lobo, ilaw at ang nakasulat sa tarpaulin na ikinatawa niya. Iisa lang ang ibig sabihin. Gusto ni Asher na pakasalan siya!

“Alya, oo at yes lang ang isasagot mo. Please, marry me,” pukaw ng binata sa kaniyang atensyon.

Bahagya siyang natawa at nagpunas ng ilalim ng mata dahil namumuo na ang mga luha roon. Hindi na rin niya napigilan pang suminghot.

“Alyaaa, oo na ‘yan, girl!” tili ng mga kaibigan niya.

“Na kay Asher na ang tiwala ko, anak,” rinig niyang saad ni Seniorita Leticia.

At alam rin niya sa sariling kahit hindi siya tanungin o wala man sa choices ang salitang hindi kahit hindi rin mismo ito nagtanong, ay nanaisin niya pa ring maikasal sa kauna-unahang lalaki na inibig niya at siyang nagpabago sa kaniyang buhay. Kaya naman huminga siya nang malalim at lakas loob na binanggit ang mga katagang nagpalakas ng hiyawan sa mga taong nanonood sa kanila.

“Ano pa nga ba? Siyempre, oo para sa anghel ko,” seryoso pero may halong biro niyang sagot.

Pero akala ng lahat ay tatayo na si Asher at susugurin siya ng yakap matapos niya itong sagutin. Dahil nang tapikin niya ito ay bigla itong nagsalita.

“S-Sinagot ako ni Alya,” huling katagai nito bago hinimatay.

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Psalms 46:5 (Chapter 10)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.