Matagal na nanatili doon si Py. Walang ano-ano’y nakatanggap siya ng tawag mula sa mommy niya. Walang ganang sinagot niya iyon.
“Where are you? Kanina pa kita hinahanap pero hindi kita makita dito sa loob,” agad na wika ng ina.
“House na, ‘My. Masakit kasi ang ulo ko, eh. Inaatake yata ako ng migraine. Sorry po hindi na ako nakapagpaalam,” pagsisinungaling niya.
“Bakit hindi mo ‘ko sinabihan kaagad? Uminom ka na ba ng gamot? Teka, uuwi na lang ako’t—”
“I’m okay, Mom,” mabilis na putol niya sa sinasabi ng ina. “Uminom na po ako ng gamot. Gusto ko na pong matulog. And Mom, ayaw ko po ng istorbo. Baka guluhin na naman ako nina Kuya, eh. Good night, Mommy,” sagot ni Py, pagkatapos ay ini-off na ang cellphone.
Muli siyang napabuntong-hininga. She placed his head on the rope and closed her eyes habang patuloy na gumagalaw ang duyan.
“Kailan pa naging extension ng kuwarto mo ‘tong greenhouse ni Mama?”
Ang may kalakasang tinig na iyon ang nagpamulat ng mga mata ni Py. Napaismid siya nang makitang si Christoff iyon. Nakapamulsa ito habang nakatayo ilang dipa lang mula sa duyang kinalululanan niya. Heto na naman ang kontrabidong asungot sa buhay ko! Kailan ba ako tatantanan nito?
Mabilis na tumayo si Py at nagmartsa pabalik sa kabahayan. Lalampasan na sana niya si Christoff pero maagap siyang nahawakan nito sa braso.
“Hey!” pigil nito sa kanya.
“Ano ba?” may kalakasang saad ni Py, sabay piksi ng brasong hawak nito. Ngunit ‘di man lang natinag ang binata.
“Hindi ka puwedeng bumalik sa bahay. Nasa room mo na ikaw, ‘di ba?” mariing pahayag ni Christoff.
“So? Wala ka ng pakialam doon. Bitawan mo nga ako! Kalalaki mong tao, pero napakatsismoso mo. Nakikinig ka sa usapan ng may usapan.”
“Nagsisinungaling ka na naman,” sa halip ay turan ni Christoff na mas lalong hinigpitan ang pagkakahawak sa braso niya.
Natigilan si Py sa tinurang iyon ni Christoff. Tiningnan niya ang lalaki at nagtama ang kanilang mga mata. Bakit may naaninag siyang galit doon?
Napakunot-noo si Py. Muli na namang sinalakay ng kakaibang sensasyon ang katawan niya dulot ng pagkakadikit ng mga balat nila. Some things never change, huh, Princess Yiannis? kantiyaw ng isang bahagi ng utak n iya.
“J-just let me go,” pakiusap ni Py, ngunit tila bingi si Christoff na lalo pang hinigpitan ang pagkakahawak sa kanya at bahagya siyang hinila palapit dito. Napasinghap siya.
“Hanggang ngayon, hindi mo pa rin kayang sambitin ang pangalan ko,” mahinang wika ni Christoff.
Lihim siyang napalunok. “A-ano’ng sinasabi mo?” balik-tanong niya rito, saka nag-iwas ng tingin.
“Tama ako, hindi ba?” Unti-unting lumuwang ang pagkakahawak nito sa braso niya hanggang sa tuluyan na siyang bitawan.
Hanggang ngayon ba naman, isyu pa rin iyon? I was just fifteen that time! Erset talaga! iyon ang itinatakbo ng isip ni Py.
“I don’t know what you’re talking about.”
“When will you grow up, Princess?” seryosong pahayag ni Christoff habang matamang nakatingin sa kanya. “Narinig ko ang pakikipag-usap mo kay Tita Ysabel. Binuksan ko na iyong maliit na lagusan papunta sa likod-bahay n’yo. Doon ka na dumaan para ‘di ka na nila makita dito,” mahinang wika ni Christoff.
Walang lingon-likod na tinungo ni Py ang maliit na gate na sinasabi nito nang muli siyang tawagin ni Christoff.
“Princess,” tawag ng binata na mabilis na nakasunod sa kanya.
“Ano na naman?” naiiritang tanong ni Py, sabay lingon dito.
“Hindi totoo ang mga signs,” seryosong turan nito.
Hindi na napigilan ni Py ang sarili. Mabilis na hinarap niya ang binata. “When will you grow up?” sita ni Py na ginaya ang sinabi ni Christoff sa kanya kanina. “Look at yourself. Magaling ka pa ring pumuna ng ginagawa ng ibang tao sa paligid mo pero hindi mo nakikita ang sarili mo. Get a life, man. Para naman iyon ang atupagin mo at hindi ang kung anong paniniwala ko.”
“Look who’s—”
“Hep!” pigil niya sa binata. “Hold it right there! You’re not my kuya ‘yet’ so, huwag mo akong masermu-sermunan. Magpaka-bitter ka. The hell I care pero ito’ng sasabihin ko sa iyo. Mahal ko si Patrick at alam kong darating ang araw na mamahalin din niya ako. And when that time comes, kaya ko nang tanggapin ang katotohanan na magkakaroon ako ng brother-in-law na katulad mo,” mahabang turan ni Py.
Naningkit naman ang mga mata ni Christoff. “Ang lakas din talaga ng kumpiyansa mo sa sarili, ano? Sa tingin mo, mangyayari ‘yang ilusyon mong ‘yan?”
Nagsukatan sila ng tingin ni Christoff. Ayaw magpatalo nI Py kahit na ang totoo ay kanina pa nanginginig ang mga tuhod niya.
“You’ll see. Patrick and I are meant for each other. It’ll take time but I know it will happen.”
“Really? Why don’t we have a truce?” nanggigigil na suhestiyon ni Christoff.
Natigilan si Py. Tiningnan niya nang maigi ang kausap at napalunok siya nang makitang seryoso nga ito.
“Ayaw mo talaga sa akin para kay Pat, ‘no?” mahinang wika niya na may bahid ng tampo at disappointment.
“Yes,” anas ni Christoff.
“Bakit?”
“I have reasons.”
“Stupid reasons. Am I not good enough for him? I mean… kilala mo naman ako, ‘di ba? Best friend mo si Kuya Pj, maayos naman ang pakikitungo nina Daddy sa ‘yo—”
“Tama ka sa unang sinabi mo, Princess. Kilala kita kaya nga ayaw ko sa ‘yo para sa kapatid ko. You are the exact opposite ng kung ano’ng gusto ni Pat sa isang babae. Lahat kasi iniaasa mo sa signs. Wake up, Princess! Mas masasaktan ka lang kung ipipilit mo ang mga bagay na alam mo namang hindi puwede.”
“Sigurado kang hindi puwede?” masama ang loob na tila naghahamon na wika ni Py. “Anong hamon ang gusto mo?”
“Tatanggapin mo?”
“Ano nga?”
Unti-unting lumapit si Christoff sa kanya. Just like a while ago, halos isang dangkal lang ang layo nito sa kanya. Pilit na hinagilap nito ang mga mata niya.
Pasimpleng napasinghap si Py. Lintek na pabango. Sakit sa ilong.
“I will give you a month para paibigin si Patrick. Kapag nagtagumpay ka, welcome to the family ka kaagad sa akin. Wala kang maririnig na kahit na ano. Pero kapag walang nangyari sa isang buwan na iyon, alam mo na ang dapat mong gawin.”
“Kalimutan si Patrick?”
“Total disappearance sa buhay niya, Princess,” mahina ngunit puno ng conviction na sagot ng lalaki.
Napalatak si Py. “Dehado naman yata ako doon. Isang buwan lang, ‘tapos ang katumbas ‘pag nabigo ako, maglalaho akong parang bula sa buhay ni Pat—”
Napatawa nang mahina ang lalaki, pagkatapos ay ginulo ang buhok niya na lalo niyang ikinainis.
“You have a good life ahead of you, Princess. Be matured enough para harapin ang totoong buhay. Naiintindihan ko, prinsesa ka ng mga Quilayco but you’re not getting any younger. Malawak ang mundo kung gugustuhin mo lang na tingnan. Mas maganda kaysa sa apat na sulok ng kuwarto mo kasama ang mga pantasya at senyales na walang katuturan na hinihingi mo kung kani-kanino. Act according to your age and you will see na tama ang mga sinasabi ko sa iyo.”
Marahas na hinablot ni Py ang kamay ng binatang nasa ulo niya. “Tingin mo talaga sa akin bata, ano?”
“Hindi, ba?” amused na saad ni Christoff.
Namumula ang mukhang nameywang si Py. “Fine. Tatanggapin ko ang hamon mo. Kapag natalo ako at walang nangyari sa loob ng dalawang buwan, mawawala si Py gaya ng pagkakakilala mo. Pero sinasabi ko sa ‘yo, I will have it my way. Hindi ka manggugulo at wala kang gagawin na puwedeng ikasira ng plano ko,” matapang na sagot niya kahit alam na talo na siya sa kasunduang iyon hindi pa man nagsisimula. But she had to deal with it. For the last time. For a certain reason.
Napahalukipkip ang binata. “Call. Bahala ka sa diskarte mo.”
“Kapag nanalo ako, magiging mabait ka na sa akin. Hindi mo lang ako tatanggapin with open arms as your beautiful sister-in-law kundi aaralin mo rin iyong ginawa kong kanta dati. Tuturuan kitang maggitara for one week. Take it or leave it.”
Sandaling nag-isip si Christoff. He knew nothing about musical instruments. Pero sa nakikita nitong determinasyon ni Py na alam naman nitong matatalo ay napatango ito.
“Game.”
“We have a deal, then. Ite-text na lang kita kung sakaling may mga nakalimutan ako,” nangingiting wika ni Py, sabay lahad ng kanang palad kay Christoff. Nakipagkamay ang binata sa kanya. Mahigpit.
Hindi naman maintindihan ni Py ang nararamdaman nang mga oras na iyon. Well, lagi namang ganoon ang nararamdaman niya tuwing nagdidikit ang mga balat nila ni Christoff, eh. Mabilis na binawi niya ang kamay.
“You still have my number, ha?” nakakalokong wika ni Christoff.
“Kukunin ko pa lang kay Kuya Pj. Sige, aalis na ako. I’ll have it my way. Always remember that,” paniniguro pa niya na nakaangat ang kilay.
“Shoot! Good luck, Princess. Just let me know kung kailan mo gustong magsimula. Don’t worry, kiddo. Ngayon pa lang mag-iipon na ako ng tissue to help you dry up your tears after a month,” malawak ang ngiting pang-aasar pa ni Christoff.
“You wish! Don’t worry, Kuya Christoff. I will buy you drinks and lots of pretty girls after a month. Baka mainggit ka sa amin ni Pat, eh,” ganting pang-iinis ni Py, saka mabilis nang iniwan ang binatang napakamot na lamang sa ulo.
Mabilis na umakyat sa kuwarto si Py pagkaraang sumuot sa lagusang iyon. Inihagis niya sa kama ang sling bag at padapang ibinagsak ang katawan sa malambot na kama.
Pagkatapos ay tumihaya siya at tumitig sa kisame. Napangiti siya nang mapait nang maalala ang eksenang iyon limang taon na ang nakakaraan. Ang tagpong naging dahilan ng paglayo ng loob niya kay Christoff.
Napabuntong-hininga si Py. Wala na iyon, eh. Matagal nang tapos ‘yon pero bakit ganito? Bakit hanggang ngayon ay ayaw pa rin kitang isuko? Last na ‘to. Kapag nabigo pa rin ako, pipilitin ko nang kalimutan ang lahat.
Inis na bumangon si Py at pumunta sa banyo. Matagal na tinitigan niya ang sarili sa malaking salamin at wala sa loob na hinaplos ang mga labi. Mga labing minsan ay… damn!
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.






One Response
Thanks for reading. 🙂