received_624715286095824

Rose – One Shot Story

 

Napapailing si Carlota habang nakapangalumbabang nanonood sa telebisyon. Kasalukuyang ibinabalita ang nangyaring pagpatay sa kanilang Mayor at ini-interview ang ina nito. Nanghihinayang ang dalaga dahil bata at binata pa ang kanilang Mayor na nasa edad tatlumpu’t tatlo. Napakabrutal ng pagkamatay nito. Laslas ang leeg at pinutol pa ang ari, mukhang pinahirapan itong mabuti ng sino mang may galit dito. Pinaniniwalaang kalaban sa pulitika ang maygawa sa krimen dahil matagal na ring nanunungkulan ang pamilya ng alkalde sa bayan nila. Katunayan ay ang ama nito ang pinalitan nito sa pwesto. Marami ang nanghinayang dahil sa pagiging mapagkawang-gawa ng mayor bukod sa guwapo ito at wala pang asawa. Isa na nga si Carlota sa lihim na humahanga sa nasabing mayor.

“Napakabait ni Mayor para gawin ito sa kan’ya,” maluha-luhang komento ni Carlota. Inagaw naman ni Jhun ang remote control at kaagad na pinatay ang T.V.

“Nakasisiguro ka ba na tunay ang kabutihang ipinakikita niyan?” asik niya sa kaibigang dalaga.

“Ano ba, Jhun! Nanonood ang tao eh!” Akmang aagawin ulit ni Carlota ang remote sa kan’ya ngunit agad niya itong nailayo.

“Doon ka manood sa bahay mo. Kung makaiyak ka naman d’yan akala mo close kayo ni Mayor,” napaismid siya rito kaya agad itong napangisi.

“Jhun, nagseselos ka ba?” natatawang tanong nito kaya agad niyang sinamaan ng tingin ang kaibigan.

“Aminin mo na kasi na type mo ako.” wika pa nito. Umusod pa ito palapit sa kinauupuan niya kaya napasinghal siya sa inis.

“P’wede ba Carlota, bumalik ka na sa apartment mo.”

Kaibigan niya si Carlota. Isang compound lang ang kinatitirikan ng apartment nila, pero mas madalas itong naglalagi sa apartment niya. Maganda si Carlota, mabait at malambing. Aaminin niya na gusto niya ang babae pero hindi pa ngayon ang tamang oras para umamin. Marami pa siyang kailangang gawin at ayusin sa buhay bago ang pag-ibig.

“Pakipot ka pa! D’yan ka na nga!” Padabog itong tumayo at naglakad patungo sa pinto pero agad ring tumigil at lumingon habang nakausli ang nguso dala ng pagkakasimangot.

“Hindi mo ba ako pipigilan?” asik nito kaya hindi niya napigilang matawa.

“Good night, Carlota,” tugon niya bago tumayo upang palabasin sa pinto ang dalaga. Lalong namang nanghaba ang nguso nito na parang nagtatampo.

“Sige na nga. Good night!” singhal nito bago binirahan ng alis. Isasara na sana niya ang pinto pero agad itong bumalik at bahagyang ipinasok sa pinto ang ulo. Napaatras tuloy ang binata dahil dito.

“Jhun, ang dami nang namamatay na kalalakihan dito sa atin. Tambay, mayaman, mahirap, estudyante o professional. Mukhang may serial killer na gumagala kaya mag-iingat ka,” babala nito at mabilis na umalis.

***

Sa isang madilim na eskinita, hindi kalayuan sa apartment nila Carlota ay pangisi-ngising naglalakad ang isang adik. Dahan-dahan ang ginagawa nitong paghakbang na tila natatakot malaman ng babae na sinusundan niya ito. Mukhang wala namang kamalay-malay ang naturang babae dahil patuloy lamang ito sa mabagal na paglalakad.

Halos maglaway ang lalaking adik dahil sa nakikitang itsura ng babae. Naka-mini dress ito ng kulay pula, nakasuot ng sandalyas na may mataas na takong kaya mas lalo itong tumangkad. Hindi man pangmodelo ang katawan nito ngunit napakaganda ng mukha. Nakita niya ito kanina sa bar na pinanggalingan at hindi na ito nawaglit sa isip niya. Isa lang ang nasa isip niya ngayon–ang mapasakan’ya ang babae.

“Ayos,” wika ng lalaki ng sa wakas ay nasa likuran na siya ng babae. Agad niya itong hinaklit sa bewang at tinakpan ng hawak niyang panyo ang ilong nito. Alam niya na ilang saglit lang ay mawawalan na ito ng malay. Ngunit ang hindi niya nakita ay ang pagngisi ng babae na tila ba inaasahan na nito ang mga pangyayari.

***

Sa karinderyang malapit sa kompanyang pinagtratrabahuan ay sabay na kumain ng tanghalian ang magkaibigan.

“Jhun, nagdadiet ka ba?” Napalingon siya kay Carlota dahil sa tanong nito.

“Hindi porke nauna akong matapos ay nagdadiet na ako. Matakaw ka lang talaga.” biro niya dito. Nainis naman ito at hinampas siya. Nakasanayan na nilang dalawa ang laging sabay kumain. Sabay rin silang pumasok at umuwi galing trabaho kaya madalas silang mapagkamalang magkasintahan.

“Ang payat mo. Nahiya ang katawan ko sa ‘yo.” sabi nito. Para sa kan’ya ay wala namang problema sa katawan nito. Mas maganda rin kasi sa babae ang medyo may laman.

“Mas seksi na ako sa ‘yo,” tukso niya rito kaya agad nanlaki ang mga mata nito.

“Jhun, bakla ka ba?” Muntik na niyang maibuga ang tubig na iniinom dahil sa tanong nito. Pero agad niya ring nahamig ang sarili.

“Gusto mo lang yatang halikan kita,” tukso niya habang nakangisi. Namula naman ito sa sinabi niya.

“H-hindi a-ah! Ano kasi… Basta! Ikaw lang yata ang hindi nahuhumaling sa alindog ko!” nabubulol na depensa nito. Lalo naman siyang napangisi kaya pinalo siya nito sa balikat. Minsan ay gusto niya talagang iniinis ang dalaga dahil namumula ng makinis nitong pisngi. Mas lalo itong gumaganda sa kanyang paningin.

“Hoy, Jhun! Tigilan mo ako!” singhal nito kaya napahalakhak siya.

***

Kalagitnaan ng gabi ay mapapansin ang isang babae at lalaki na papasok sa loob ng isang motel, magkaakbay pa ang mga ito at pahalik-halik naman ang lalaki sa pisngi ng babae.

Pumasok sila sa isang k’warto, halata ang pananabik sa bawat kilos ng lalaki.

“Teka, sandali.” mahinhing pag-awat ng babae ngunit lalo lamang naging agresibo ang lalaki, natumba sila sa kama at nakaibabaw ito sa kan’ya. Makikita ang pandidiri sa mukha ng babae sa bawat paghalik na ginagawa sa kan’ya. Pasimple niyang binuksan ang bag na nakasabit pa sa balikat niya at inilabas ang nakatagong baril. Ubod lakas niyang itinulak ang lalaki na agad tumilapon sa sahig at gulat na nakatingin ngayon sa mukha niya.

“Hayup kang b–” natigilan ito sa pagsasalita habang nanlalaki ang matang nakatingin sa baril na ngayon ay nakatutok dito.

“Sige subukan mong lumapit!” nakangising tinutukan niya ito ng baril kaya agad itong napaatras.

“B-bitawan mo ‘yan!” ninenerbiyos na utos ng lalaki pero nginisihan lang niya ito.

“Dumapa ka sa kama!” utos niya sa mariing boses pero umiling-iling ang lalaki habang nakangisi. May balak na lansihin siya kaya agad niyang pinaputok ang baril. May silencer na nakakabit sa dulo nito kaya hindi lumikha ng ingay. Tila natakot naman ang lalaki dahil pinahagingan niya ito ng bala. Dali-dali itong dumapa sa kama. Agad niya namang sinalaksak ang sarili nitong T-shirt sa bunganga nito upang hindi makasigaw at makahingi ng saklolo. Iginapos niya ang mga kamay nito patalikod habang ang mga paa ay nakagapos ng magkadikit. Hindi ito makapanlaban dahil sa nerbiyos sa baril na nakatutok dito.

“Nagtataka ka ba kung sino ako?” tanong niya. Nakaupo siya paharap sa kama kung saan naroon ang lalaki. Hindi naman makasagot ang lalaki dahil sa busal nito sa bibig.

“Naaalala mo ba si Rose?” muli niyang tanong dito. Nanlalaki ang mga mata nito dahil sa tanong niya. Mukhang naalala nito kung sino ang tinutukoy niya.

“Labing anim na taong gulang siya ng pagkatuwaan ninyo ng mga kabarkada mo,” mariing bigkas niya habang tila nanariwa sa kan’ya ang nakaraan.

“Saklolo! Tulungan n’yo po ako!” halos maputol ang litid na sigaw ni Rose. Hawak ito ng isang lalaki habang ang apat na kasama nito ay nagtatawanan.

“Walang makakarinig sa ‘yo dito. Pag-aari nila Mayor ang bakanteng lote na ito,” natatawang sabi ng isa habang humihithit ng marijuana.

“M-maawa k-kayo…” halos hindi na maunawaan ang binibigkas ni Rose dahil sa tindi ng paghagulhol. Pilit siyang kumakawala sa anak ng kanilang mayor ngunit napakahigpit ng pagkakahawak nito sa kanya.

“Huwag ka na kasing manlaban, masisiyahan ka rin,” nakangising wika ng isa pang lalaki habang nagsisimulang maghubad. Lalong lumakas ang pag-iyak ni Rose ng makita niya ang iba na nagtatanggal na rin ng kanilang sinturon. Takot na takot siya at sobrang nanginginig ang katawan dahil sa labis na pag-iyak.

“M-maawa na po kayo,” sumisigok na pagmamakaawa ng dalagita sa mga kabataang lulong na sa droga. Labis ang nadarama nitong takot lalo na at walang nakakarinig sa mga palahaw niya maliban sa mga lalaking naroon na lulong sa droga.

“Ihiga n’yo na ’yan para masimulan na,” nakangising wika ng isa sa pinakamalaking katawan. Napatili ang dalagita ng sapilitan siyang ihiga ng mga ito sa damuhan. Sinubukan niyang sipain ang mga nagtatangkang lumapit ngunit nahawakan ng mga ito ang paa niya. Mayroon ding pumipigil sa kanyang mga kamay kaya wala siyang magawa kung hindi ang humagulhol at magmakaawa, ngunit kahit anong pakiusap niya ay nanatiling bingi ang mga hayok sa laman. Napuno ng palahaw at pagtangis ang bakanteng loteng iyon na saksi sa karumal-dumal na kinahantungan ni Rose.

“Napatay ko na ang apat sa inyo. Ihuhuli ko sana si Mayor ngunit mas nauna akong nakalapit sa kan’ya. Mabuti na rin ‘yon dahil ikaw ang mas magdadanas ng hirap. Ikaw na kumitil sa buhay ni Rose!” singhal ng babae matapos magbalik tanaw.

Pinipilit ng lalaking iluwa ang damit na pilit niyang pinasubo rito habang ang mga kamay ay nagpupumilit baklasin ang tali.

Lumapit siya rito at agad sinikmuraan gamit ang baril. Napauklo ito sa kama, namimilipit sa sakit habang ang mga mata ay nanlilisik na nakatitig sa kan’ya. Tila may gustong sabihin ngunit hindi magawa.

“Napakasarap sanang marinig mula sa ‘yo ang pagmamakaawa. Katulad kung paano nagmakaawa ang mga kaibigan mo. Ang sarap sa pandinig ng mga palahaw nila.” Binuksan niya ang bag at inilabas mula rito ang isang botelya.

“Uhhhmmm!” Napailing-iling ang lalaki ng mapagtanto ang hawak niya. Sinubukan nitong bumangon sa kama upang iwasan siya ngunit nahawakan niya ito sa braso at inundayan ng suntok sa mukha. Mahilo-hilo itong bumagsak muli sa kama.

Binuksan niya ang botelya na naglalaman ng asido at agad isinaboy sa mukha nito. Napapikit ito sa labis na hapdi dala ng pagkasunog ng balat. Umuusok pa ito habang namimilipit sa sakit ngunit hindi magawang sumigaw. Lumapit siya rito at pabiglang tinanggal ang pantalon nito. Katulad ng mga naunang biktima ay puputulan din niya ito ng kaligayahan.

Nanlalaki ang mga mata ng lalaki, napapailing habang naghalo-halo na sa mukha ang dugo, luha na may kasama pang sipon. Mababasa sa mga mata nito ang pagmamakaawa tulad ng mga mata ni Rose noong mga panahong binababoy ng mga hayop na ito.

Ilang saglit pa ay maririnig sa apat na sulok ng silid ang impit na daing at paghagulhol ng lalaki. Daing ng paghihirap at sakit.

Nanginginig ang katawan nito dahil sa labis na paghihirap at naliligo na rin ito sa sariling dugo ng tigilan niya. Nakapikit ito ng mariin habang iniinda ang mga sugat na nagdurugo. Tinanggal niya ang busal sa bibig nito. Akma itong sisigaw ngunit agad niyang hinampas ng baril ang bunganga nito. Tumalsik pa ang dalawang ipin dahil sa lakas ng paghampas niya. Kinuha niya sa bag ang plies at gunting na hinanda niya para dito. Dinukot niya ang dila nito habang kumakawag kawag ito at pabiling-biling ang ulo. Ngunit mahina na ito sa dami ng nawalang dugo, mas malakas siya kumpara dito. Sa huli’y nagtagumpay siyang putulin ang dila nito. Napapaubo ito dahil sa labis na sakit kaya bumubulwak mula rito ang napakaraming dugo.

“Aaah–” agad niyang binalik ang busal nito kaya hindi natuloy ang naudlot nitong pagsigaw.

Lupaypay na ang katawan ng lalaki ng tigilan niya. Kalunos-lunos ang itsura nito ngunit hindi siya makaramdam kahit munting awa. Napaikot nila noon ang batas dahil sa kayamanan ng mga ito pero ngayon ay batas niya ang huhusga. Mabubuhay ito dala ang kaparusahan niya.

Matapos makapaglinis ng katawan ay naghanda na siyang umalis. Ngunit bago ‘yon ay nilingon niya muna ito sabay ng isang nakakalokong ngiti.

“Ako si Rose, ang magiging multo ng bawat kagaya mo. Ako ang magiging batas na uusig sa inyo,” huling mensahe niya bago nilisan ang kwarto.

***
Sa kumpanyang pinaglilingkuran ay sabay na dumating sila Carlota at Jhun. Nagtaka pa sila sa nadatnang nagkukumpulan na mga empleyado. Malakas ang loob ng mga ito dahil wala pa ang boss nila kaya nagagawa pa ng mga itong magtsismisan.

“Napakabrutal ‘yong ginawa sa kan’ya.” Narinig niyang wika ng isang babae.

“Oo nga, ang masaklap ay binuhay pa siya,” sabat naman ng isa.

“Mabuti nga at buhay pa siya eh.”

“Para na rin naman siyang pinatay dahil hindi na siya makapagsalita, sinira pa ang mukha niya tapos putol na rin ang kaligayahan,” Napapailing na kumento ng kanilang officemate.

“Kaibigan pala ‘yon ni mayor,” sabat ni Carlota kaya napatingin sa kan’ya ang mga ito.

“Ang killer daw ay babae,” kinikilabutang bulalas naman ng isa.

“Rose daw ayon sa balita, sobra namang babae ‘yon. Halang ang kaluluwa,” u

miiling na wika ni Carlota.

“Buti nga at kahit putol na ang dila ay naikwento niya pa ang mga pangyayari sa pamamagitan ng pagsulat. At naiguhit pa niya ‘yong mukha ng killer.”

“Maganda ‘yong babae pero ano kaya ang motibo niya?”
Kan’ya kan’yang opinyon ng mga ito ng biglang may tumikhim sa likuran nila. Dumating na pala ang boss nila ng hindi nila namamalayan kaya naman nagpulasan sila pabalik sa kanya-kanyang pwesto.

***

Nang gabing iyon ay nanonood ng balita si Jhun. Kanya-kanyang opinyon ang mga tao tungkol sa nangyari sa negosyanteng kaibigan ng kanilang Mayor nang biglang bumukas ang pinto ng apartment niya.

“Jhun?” mula doon ay pumasok si Carlota, nanginginig ito at tila galing sa pag-iyak. Agad siyang napatayo sa nakitang anyo ng kaibigan.

“Bakit? Anong nangyari sa ‘yo?” Sinapo niya ng dalawang kamay ang mukha nito at iniangat upang maiharap sa kan’ya. Kung kanina ay nagpipigil ito ng luha, ngayon ay tuloy-tuloy na ang pagbagsak nito. Humahagulhol na napayakap ito sa kan’ya.

“Sabihin mo sa akin kung ano ang nangyari?” Damang dama niya ang takot nito sa bawat pag-iyak kaya hinagod niya ang likuran nito upang iparamdam na hindi na ito nag-iisa. Iba ang kutob niya base sa itsura nito. Magulo ang buhok at gusot ang suot nitong uniporme, nakayapak rin ito. Wala siyang pasok sa ngayon kaya hindi siya nito kasama sa pag-uwi.

“Iyong lalaki… H-hinila niya ako… Jhun, takot na takot ako!” humahagulhol na humigpit ang pagkakayakap nito sa kanya. Ramdam niya ang labis na panginginig ng katawan nito dahil sa labis na takot. Agad niya itong binuhat ng tila nauupos itong dumausdos pababa mula sa pagkakayakap sa kanya. Marahan niya itong iniupo sa sopa.

“Buti nalang nakatakbo ako. Kung hindi… Kung hindi…” muli itong pumalahaw ng iyak. Saglit niya itong iniwan para kumuha ng tubig.

“Uminom ka muna.” Iginiya niya ang baso sa bibig nito para makainom. Halata sa mga kamay nito ang panginginig dahil sa labis na traumang dinanas.

“Tahan na. Nandito na ako. Hindi ka na nila masasaktan.” Kinabig niya ito payakap habang nagtatagis ang mga bagang.

Ilang sandali ay nakatulog na si Carlota sa mga bisig niya. Halata sa mukha nito ang pagkabalisa kahit nakapikit na ang mga mata. Binuhat niya ito at inilipat sa k’warto.

Matapos ayusin sa pagkakahiga si Carlota ay tinitigan niya ito. Mahal niya ang kaibigan at walang sinuman ang maaaring manakit dito. Hinaplos niya ang mukha ng dalaga na ngayon ay medyo napanatag na sa pagkakatulog. Dumako ang paningin niya sa mga labi nito at agad kumuyom ang mga kamao ng makita ang pasa nito doon.

“Hindi kita pababayaan, Carlota. Hindi ko hahayaan na may mga halang ang kaluluwa na nabubuhay dito sa mundo. Igaganti kita,” bulong niya bago tumayo.

Hinila niya ang bag na nasa ilalim ng kama kung saan naroroon ang mga gamit niya.

Inilabas niya mula roon ang make-up at prostetics habang isa-isang dumadaloy ang mga alaala.

“Magtago ka. Kahit anong mangyari ay huwag kang lalabas.” Pinasiksik siya ni Rose sa naroong mga halaman. Ginabi kasi sila sa pagtitinda ng sampaguita para pangtustos sa baon nila araw-araw. Hinarang sila ng mga lalaki at ngayon ay nasa isang malawak na bakanteng lote sila na pag-aari ni Mayor.

“Ate, magtago ka rin,” pigil niya ng akmang aalis ito.

“Jhun, hindi tayo magkakasya. Ipangako mo sa akin na huwag kang lalabas. Please, mangako ka!” mariing wika nito kaya napatango-tango siya. Bumuhos ang mga luha ni Rose, halata ang labis na takot sa mga mata nito ngunit pilit na nagpapakatatag sa harap ng kapatid.

“Rose! Yuho! kahit saan ka magtago, mahahanap ka namin!” sigaw ng mga nagtatawanang lalaki kaya’t natatarantang tumakbo palayo si Rose habang humihiyaw ng saklolo. Naiwan naman ang bata sa halamanan pero nasisilip nito ang mga pangyayari. Naharang ng mga lalaki si Rose, hindi pa man ito nakakalayo. Gusto niyang lumabas pero nakita niya ang pag-iling ni Rose habang nakatingin sa direksyon niya.

Naputol ang pagmumuni-muni niya at inilabas ang mahabang wig. Sinuklay niya ito hanggang sa kumintab at dumulas habang ang isipang ay patuloy sa pagdaloy sa nakaraan.

“Huwag! Maawa ka! Huwag mo akong papatayin!” Hubo’t hubad na gumagapang paatras si Rose habang ang lalaki naman ay dahan-dahang lumalapit sa kanya. May hawak itong patalim na kumikinang tuwing matatamaan ng liwanag na galing sa buwan. Bakas ang takot sa mukha ni Rose pero kahit ganoon ay pilit nitong sinesenyasan ang kapatid na huwag lalabas sa pinagtataguan. Tiyak na papatayin din ito kapag nakita ng mga adik. Takot, awa at galit naman ang nararamdaman ni Jhun. Wala siyang magawa para tulungan ang kapatid. Pinangunahan na rin siya ng takot kaya hindi siya makalabas. Nang makitang umalis na ang mga lalaki ay mabilis niyang nilapitan si Rose. Marami itong saksak sa katawan pero buhay pa ito. Nilapitan niya ito at niyakap habang humihingi ng tawad dahil hindi niya ito natulungan.

“J-jhun… M-mahal na m-mahal kita.” Habang naghihingalo ay pinilit ni Rose na abutin ang luhaang mukha ng kapatid.

“Ate, huwag mo akong iiwan! Ate Rose!” luhaang hiyaw ng batang si Jhun subalit lumungayngay na ang ulo nito.

Nangako siya sa kapatid na paglaki niya ay ipaghihiganti niya ito. Natupad na niya iyon pero hindi pa rin nauubos ang mga halang ang kaluluwa.

Humarap siya sa salamin at tuluyang pinutol ang mga alaalang patuloy na sumusugat sa kanyang puso. Ang kanyang mukha na kinahuhumalingan ng mga hayok sa laman ang magsisilbing multo na uusig sa kanila.
Babae ang inalipusta nila at siya bilang isang babae ang uusig sa kanila.

Sa madilim na bahagi ng eskinita kung saan walang tao ay tinanggal niya ang suot na jacket na may hood. Lumugay ang mahaba niyang buhok. Walang bakas ng pagiging isang lalaki. Wala ang guwapong si Jhun bagkus ang naroon ay ang napakagandang si Rose.

Katapusan

 


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Rose – One Shot Story

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

2 Responses

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.