Sa Aking Kaarawan

Sa Aking Kaarawan (Kabanata 5)

 

“MARAMING salamat po, Father.”

Hindi maipaliwanag ni Beatrice ang tuwa at pasasalamat na naramdaman nang matapos na ni Father Josefino ang pagbasbas sa kanilang bahay. Noong una’y inakala niyang hindi siya paniniwalaan ng pari, ngunit nang marinig nito ang tungkol sa mga kababalaghang nangyayari sa kanilang bahay, agad itong sumama sa kanila dala ang lahat ng pangontra sa masasamang espiritu at demonyo.

“Walang ano man, hija,” wika ng pari habang isa-isang inilalagay sa likod ng sasakyan ang mga gamit na dala nito. Nang mailagay na lahat, humugot ito nang buntong-hininga at humarap sa kanya na tila ba meron itong importanteng sasabihin. “Pero, nakapagtataka lang. Noong dinasalan ko ang bawat kwarto sa loob, wala akong naramdaman na presensiya. Sa tingin ko’y mga kaluluwang gala lang ang nanggagambala sa inyo. Pero kahit na nabasbasan ko na ang bahay n’yo, huwag na huwag ninyong kalimutang magdasal palagi.”

Huminga siya ng malalim at pagkatapos ay tinitigan ang bintana ng kanyang silid, iniisip kung paano nagbago ang lahat mula nang mangyari sa kanila ang mga nakakatakot na pangyayaring iyon. Nang mapagtanto niya kung paano nagsimula ang pagbabago ng katangian ng kanyang ina noong siya ay maliit pa lamang, hindi niya mapigilan ang kanyang sarili at naluha na lang. Para sa kanya, iyon na ang pinakamasakit na bahagi ng pagiging isang anak – ang makitang nawawala sa katinuan ang kanyang ina.

“O-opo, Father,” wika niya habang pinipilit ang ngiti. “Pero, hindi na po ba babalik ang mga kaluluwang iyon?”

“Sa ngayon, hindi pa,” sagot ng pari. Ang boses nito’y malalim at puno ng walang-kasiguraduhan. “Hindi ako sigurado kung iisang kaluluwa lang ang nanggagambala sa inyo. Pero kung may mangyari man ulit, tawagan n’yo lang ako at handa akong tumulong sa inyo.”

“F-father, sa tingin n’yo po, bakit po sila nanggagambala sa amin?”

Nabalot ng katahimikan ang paligid. Tanging pagsipol ng hangin at kaluskos ng mga dahon lamang ang sumagot sa tanong ni Beatrice. Tiningnan niya ang pari sa mukha at nababasa niyang kahit ito ay walang kasiguraduhan tungkol sa mga pangyayaring iyon.

Makalipas ang ilang minuto sumagot na ang pari. “H-hindi ko alam, hija. Pero kadalasan, nanggagambala sila dahil nanghihingi sila ng tulong o di kaya’y nais maghiganti.”

“Maghiganti?” Napakunot ang noo ni Beatrice at ibinalik ang kanyang tingin sa kausap na pari. “Bakit po sa amin?”

“Iyan ay hindi ko kabisado, hija.” Bakas ang lungkot sa mukha ng pari. “O siya, mauna na ako.”

“S-sige po. Maraming salamat po uli.”

TAHIMIK ang gabi kagaya nng nakasanayan ni Beatrice. Ang mga ibon sa mga puno sa likod ng kanilang bahay sa wakas ay nakapagpahinga nang wala ang mga tunog na minsan ay tumakot kay Beatrice. Ang hangin ay banayad at ang paligid ay mapayapa tulad ng dati.

Ang ilaw sa kusina ay hindi ang pinakamaliwanag, ngunit sapat para makita niya ang mga bagay sa loob. Habang naghahanda ng kanilang hapunan, hindi niya mapigilan ang sarili na isipin ang mga sinabi ni Aling Guada at ni Father Josefino. Hindi niya maintindihan ang lahat kahit gustuhin man niya. Ang lahat ng nangyari ay parang mga palatandaan ng isang bagay na kailangan niyang maunawaan. Ngunit paano gayung siya mismo ay walang kaalam-alam sa mga ganitong bagay?

“Anak?”

Ang kanyang tingin ay agad na bumaling sa pintuan kung nasaan naroroon ang kanyang ina na may ngiti sa mga labi.

“O, Nay?” may ngiting bati niya. “Nagugutom na po ba kayo? Huwag po kayong mag-alala, malapit na pong maluto itong gulay.” Matamis ang kanyang ngiti nang makita niyang hindi na naman sinusumpong ang kanyang ina. Habang nakatingin sa magaganda nitong mga mata, hiniling niya na sana bumalik na ito sa katinuan.

“Ang bango niyan, ah? Sigurado akong masarap ‘yan,” sabi nito.

“Siyempre naman, Nay.” Kinuha niya ang sandok at tinimplahan ang niluluto niyang monggo. Nang ibudbod niya ang mga pampalasa sa kumukulong sabaw, biglang nahulog ang lagayan ng asin dahilan para magkalat ito sa sahig. Bago pa man siya makayuko upang pulutin ito, umihip ang katamtamang lakas ng hangin na siyang pumatay sa apoy ng kalan. Tinungo niya ang bintana at isinara ito.

“Saglit lang, Nay, ha. Hindi ko yata nalagay nang maayos ang lagayan ng asin kaya nahulog.”

“Maligayang kaarawan, anak,” wika ng kanyang ina na may malambing na boses.

Hindi niya naigalaw ang kanyang mga kamay nang marinig ang sinabi ng kanyang ina. Kahit pinipigilan niyang maiyak, bakas pa rin sa kanyang mukha ang tuwa. Kahit sa simpleng pagbati, ramdam niya ang pagmamahal ng kanyang ina.

“Nay naman, eh. Sa susunod na araw pa po ang kaarawan natin pero pinapaiyak mo na ako.” Gamit ang kanyang mga palad, pinahid niya ang mga luhang muntik nang pumatak sa sahig kung nasaan ang asin.

“Mahal na mahal kita, anak.”

“Mahal na mahal din kita, Nay. Kahit hindi magarbo ang kaarawan natin, masayang-masaya pa rin po ako dahil buo tayo,” wika niya habang nakatingin sa inang nakangiti. Nilapitan niya ito at niyakap. Nang kumalas na siya mula sa pagkakayakap nito, pinahiran niya ang mga luha nito at inayos ang suot na damit. “Sandali lang, Nay, ha. Kakain na po tayo.”

Habang abala sa pagkuha ng mga kutsara at pinggan na ilalagay sa mesa, narinig niya ang pugbukas ng pintuan sa harapan ng kanilang bahay na nangangahulugang dumating na ang kanyang ama. Gumuhit ang ngiti sa kanyang mga labi nang hindi niya akalaing magkakasama silang maghahapunan ngayon.

Dahil sa trabaho ng kanyang ama bilang isang construction worker, minsan lang sila nagsasalo sa hapunan dahil madalas itong inaabot ng alas nuebe ng gabi. May ginagawang kalsada sa Sta. Monica na tatlong oras ang biyahe mula sa kanilang barangay.

“Tay!” sigaw niya. “Maghahapunan na po. Andito na po si Nanay.”

Hindi ito sumagot at tanging yapak lang ng mga paa nito ang maririnig mula sa kusina. Ilang segundo pa’y umalingawngaw ang halinghing nito na nagpapahiwatig na ito’y pagod sa trabaho.

“Dito ka lang, Nay, ha. Pupuntahan ko po si Tatay para sabay na tayong kumain.” Nang tumango ang ina bilang pagsang-ayon, agad na niyang tinungo ang ama na nasa ikalawang palapag na ng kanilang bahay.

Bago pa man siya makaapak sa unang baitang ng kanilang hagdanan, ginulat siya ng malakas na sigaw ng kanyang ama na punong-puno ng tako at galit.

“Dalya!”

Agad niyang binilisan ang mga hakbang hanggang sa marating niya ang kuwarto ng ina na nakabukas at naroroon sa loob ang ama.

“Tay, b-bakit po kayo sumigaw? Ano pong nangyaya–”

Nasapo niya ang bibig at halos mapaluhod nang makita ang inang nakahandusay sa sahig at naninigas ang mga binti at braso. Maputla ang balat nito at ang mga mata’y sumisigaw ng pighati at sakit. Nabalot na ng itim ang sclera ng mga mata nito at may tumutulong dugo sa magkabilang dulo. Sa kabila ng maamo nitong mukha, bakas ang mga nangingitim na ugat na binabaybay ang kanyang pisngi hanggang sa noo. Ang kanyang buhok ay balot sa mabahong putik. Ang kanyang mga labi ay kulay abo at may mga nagsilabasang bulati sa bibig. Nakadipa ang mga braso nito na tila ba’y ipinako ito sa sahig, pantay ang mga paa na parang nakagapos sa isang kahoy at naging baliktad na krus ang posisyon.

Hindi siya makagalaw at halos masuka sa kanyang nakita. Ngunit nang itaas niya ang kanyang paningin, bumungad na naman sa kanya ang baliktad na krus na nakahiga sa paanan ng kanyang ina.

Dinig niya ang paghagulhol ng kanyang ama at nang tingan niya ito, nanlilisik ang mga mata na para bang may kung anong sumapi rito. Bagama’t hindi ito nakatingin sa kanya, naramdaman niyang hindi siya ligtas kaya agad siyang tumakbo palabas upang humingi ng tulong.


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Sa Aking Kaarawan (Kabanata 5)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.