Sa Aking Kaarawan

Sa Aking Kaarawan (Kabanata 6)

 

LUTANG ang isip ni Beatrice habang nakaupo sa sala ng kanilang bahay kung saan naroroon sina Ramon at Jared kasama ang ibang mga pulis. Habang abala ang iba sa mga pulis sa pag-iimbistiga sa pagkamatay ng kanyang ina, hindi niya maiwasang isipin kung saan nagpunta ang kanyang ama.

“Biyang. Ano ba talaga ang nangyari?”

Hinawakan siya ni Ramon sa balikat dahilan para mapalingon siya nang dahan-dahan.

“H-hindi ko alam, Ramon,” sagot niya. “Kausap ko lang siya sa kusina, pero pagtalikod ko ganoon na ang nangyari.”

“What?”gulat na sambit ni Jared. “That’s impossible. You mean, kausap mo pa siya and then pagtalikod mo nakarating siya agad sa kuwarto niya and then died?”

Pumatak ang kanyang mga luha nang maalala niya ang mga huling sandali na nakausap niya ang ina. Mahirap man para sa kanya na paniwalaang isa na namang kababalaghan ang dahilan ng pagkamatay ng kanyang ina, pero kitang-kita niya sa kanyang mga mata na hindi normal ang naging kamatayan nito.

“Hindi kaya patay na siya bago mo pa siya nakausap?” seryosong tanong ni Ramon.

“Parang imposible naman ‘yan, par,”wika ni Jared.

Pinunasan niya ang kanyang luha gamit ang kanyang palad at huminga nang malalim. Sa pag-iisip tungkol sa sinabi ni Ramon, hindi niya mapigilan ang sarili kundi maniwala. Sa sandaling nakausap niya ang ina, ito ay kalmado at normal na tila ba walang iniindang sakit o kapansanan.

“Sa tingin ko rin kaluluwa ni Nanay ang nakausap ko,” sagot niya sa mahinang boses. “Noong nakausap ko siya, matatamis ang kanyang mga ngiti na parang wala siyang iniindang sakit o kapansanan. Kaya pala maaliwalas ang kanyang mukha.”

“What the! For real? Now this sounds a bit scary.”

Napayuko na lamang si Beatrice dahil sa sobrang kalungkutan at pangamba. Subalit, nang akma na sana siyang tatayo para lumabas at magpahangin, tinawag siya ni Nestor na nasa hagdanan.

“Biyang, puwede ba kitang makausap sandali?”

“KAILANGANG mailibing na agad ang bangkay ng Nanay mo.”

Tila hangin na lumalagpas lang sa kabilang tenga ni Beatrice ang mga salitang lumabas sa bibig ni Nestor. Bagama’t alam niyang may kasama siya sa loob ng silid, pakiramdam niya ay mag-isa siyang nakatayo sa madilim na sulok habang tumigil sa pag-ikot ang mundo. Nakatitig lamang siya sa bangkay ng ina na tinakpan ng puting tela.

“Biyang?” ulit na sambit ni Nestor.

“Ah, p-po?” pautal-utal niyang sagot nang mahimasmasan na siya.

“Kailangang mailibing na agad ang bangkay ng Nanay mo?”

“Ha? B-bakit po?” pagtatakang tanong ni Beatrice.

Humakbang si Nestor papunta sa isang lamesang may nakapatong na mga papel at kinuha ang nasa pinaka-ibabaw. Bago ito humarap kay Beatrice, bumuntong-hininga muna ito at napakamot sa kanyang batok.

“Naaagnas na ang mga laman ng iyong ina. Sa pagsusuri ng aming mga kasamahan, mukhang ilang araw na ang bangkay niya. Alam kong mahirap paniwalaan, pero parang nailibing na siya at hinukay ulit.”

“P-paano po nangyari ‘yon? Nandito pa po siya kaninang umaga. Ako ang nagpakain sa kanya at nag-alaga bago ako nagsimba. Kahit sina Ramon at Jared nakita nila si Nanay na buhay pa kaninang umaga,” pangangatuwiran niya. “H-hindi ko po maintindihan.”

Nanginginig ang kanyang mga kamay nang maupo siya sa silya katabi ng isang maliit na altar. Hindi na niya naintindihan ang mga pangyayari at mas naguluhan pa siya sa sinabi ni Nestor.

“Alam ko, Biyang. Naniniwala ako sa ‘yo. Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit ganito ang naging kahinatnan ng nanay mo.” Ibinalik ni Nestor ang bitbit na papel sa lamesa at umupo katabi ni Beatrice. “Huwag kang mag-aalala. Hindi namin titigilan ang imbistigasyong ito hangga’t may sagot na tayo sa lahat. Sa ngayon, kami na lang muna ang bahala sa kasong ito. Kung gusto mo, sa bahay ka na muna mamalagi habang sinasagawa pa namin ang imbistegasyon.” Tumayo ito at tinungo ang aparador.

Nawawalan na siya ng pag-asa. Pakiramdam niya isinumpa siyang maghirap ng ganito sa buong buhay niya. Ang pangarap niyang mabigyan ng magandang buhay ang ina ay naglaho na parang bula. Sa kanyang pakiwari, kakambal ng kanyang pagkakaroon ng ibang anyo ang pagkakaroon ng magulong buhay.

Niyakap niya ang sarili ng maramdamang lumamig ang hangin, ngunit bumalik din naman ang maligamgam na simoy ng hangin nang bumalik din si Nestor sa tabi niya bitbit ang isang kahon.

“Siya nga pala, nahanap namin ito,” wika ni Nestor habang iniabot sa kanya ang kahong bitbit.

“Ano po ito?”

“Mga liham,” mahinang sagot ni Nestor. “Para sa ‘yo ang lahat ng iyan.”

Binuksan niya ang maliit na kahon at tumambad sa kanya ang mga liham na may nakasulat na pangalan niya. Gamit ang liwanag mula sa lamparang nakalagay sa katabing altar, binasa niya ang ilan sa mga ito at naluha na lang.

“Mahal kong anak, patawarin mo ako at hindi kita nabigyan ng magandang buhay. Labis akong nalulungkot sa tuwing nakikita kitang nahihirapan. Maraming salamat dahil sa kabila ng ating kahirapan at magulo nating buhay, hindi mo ako iniwan. Sa ika-labing-walong kaarawan mo, sana’y maging masaya ka. Kahit na ano ang mangyari, nandito lang ako para sa ‘yo. Mahal na mahal kita.”

TANGING pagtangis na lang ang nagawa ni Beatrice habang nakatitig sa puntod ng kanyang ina. Hindi niya alintana ang ulan at patuloy pa rin sa pagtitig sa nakaukit na pangalan ng ina sa lapidang gawa sa kahoy. Katabi ng puting kandila na nabalot ng putik dahil sa pagtalsik ng bawat patak ng ulan, nakalagay ang larawan ng inang hindi na maaninag dahil sa sobrang pagkabasa.

“Sa sasakyan ka na lang namin hihintayin,” wika ni Jared.

Hindi kumibo si Beatrice at hinayaang umalis ang kaibigan. Lumakas ang bugso ng ulan at ang payong na kanyang bitbit ay tumagilid dahil sa hanging may katamtamang kalakasan.

“Maraming salamat, Nay. Hindi na kayo maghihirap dahil kasama mo na ang Panginoon,” bulong niya at pagkatapos ay tumalikod para pumunta na sa mga kaibigang naghihintay.

Sa kanyang pagtalikod, nahagip ng kanyang mga mata ang pagsindi ng mga kandilang babad sa ulan. Ang mga apoy nito ay kalmado na tila ba hindi tinatamaan ng hangin at tubig-ulan. Ibinalik niya ang tingin sa larawan ng ina na kumupas dahil sa ulan at laking gulat niya nang naging itim ito lahat na tila ba sinabuyan ng itim na tinta.

“Wala kang pupuntahan.”

Napabalikwas siya ng tingin nang marinig ang bulong na iyon at pilit hinanap kung saan iyon nanggaling ngunit wala siyang nakitang ibang tao sa paligid maliban sa mga kaibigang nasa loob ng sasakyan.

“Sinusundan kita. Nakikita kita.”

Hindi siya mapakali ngunit nilalabanan niya ang takot na naramdaman. Dumapo ang kanyang tingin sa lapidang ngayo’y may mga patak ng putik. Dahil sa nakita bahagya siyang napaatras habang nakatingin pa rin sa puntod ng ina.

“Biyang, okay ka lang?”

Bumalik siya sa tamang huwisyo nang mabangga niya si Ramon sa likuran. Nang tingnan niya ito, bakas sa mukha nito ang pag-aalala. Ibinalik niya ang tingin sa puntod at hindi na niya nakita ang mga nakita niya kanina. Hindi na nakasindi ang mga kandila, malinis na rin ang lapida at ang larawan ng ina ay bumalik na rin sa kupas na kulay nito.

“O-oo.”

“Tayo na, baka gabihin pa tayo rito,” wika ni Ramon at bumalik na sila sa sasakyan.

Bago pa man umandar ang sasakyan, sinulyapan ni Beatrice ang puntod ng ina at nakita niya ang isang babaeng nakatayo sa gilid nito na nakatalikod at balot sa putik ang katawan. Sa pagkurap ng kanyang mga mata kasabay ng pag-andar ng sasakyan, agad din naman itong nawala.


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Sa Aking Kaarawan (Kabanata 6)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

One Response

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.