Sa Aking Kaarawan

Sa Aking Kaarawan (Kabanata 8)

 

KADILIMAN. Ito ang tanging nakikita ni Beatrice. Pakiramdam niya siya ay nakalutang sa isang blankong lugar na kahit manipis na sinag ng araw ay hindi makakadapo. Naririnig niya ang mga daing ng mga nasasaktan, ng mga inaapi, at ng mga hindi matahimik. Hindi niya maigalaw ang katawan at kahit ang mga mata niya’y hindi niya kayang ipikit.

Nakagapos ang kanyang mga paa sa mainit-init na kadenang animo’y baging na tumubo sa lupang nadiligan ng dugo. Nais niyang sumigaw subalit tanging halinghing ang lumalabas sa kanyang bibig.

Sa kanyang pagtangis, unti-unting naglalaho ang madilim na usok at nakikita niya ang isang bahay na gawa sa kawayan. Mula sa kanyang kinatatayuan, dinig niya ang sigaw ng isang babae.

“Pakiusap huwag mong idamay ang anak ko. Nagmamakaawa ako sa ‘yo.”

Tanging sigaw ng babaeng iyong ang kanyang naririnig. Gustuhin man niyang puntahan at tulungan, pero hindi niya magawa.

“Wala kaming ginagawang masama sa inyo. Bakit ninyo kami ginaganito? Pakiusap huwag n’yo kaming patayin.”

“Nay! Nay!”

Mas lalo siyang napaiyak nang marinig ang boses ng isang paslit. Bago pa man niya maigalaw ng kaunti ang kanyang mga braso, narinig niya ang pagsigaw ng mag-ina habang tinataga ng paulit-ulti ng isang lalaking kahit sa anino’y puno ng kasamaan.

Ilang minuto ring nagsigawan sa loob ng kubo hanggang sa magliyab ito. Dumilim ulit ang kanyang paningin at bigla na lang bumungad sa kanya ang mukha ng isang babaeng animo’y pinaliguan ng kumukulong tunaw na kandila. Lapnos ang balat nito at halos lumuluwa na ang mga mata. Tadtad ng taga ang katawan at nakabukas ang mga sugat na animo’y pinamumugaran ng mga insekto.

“Magaling siyang magtago.”

Nang hawakan siya nito, naramdaman niya ang nakakapasong init at kahit anong pilit niyang kumawala ay mas humigpit lang ang pagkahawak nito sa kanya. Naramdaman niyang may ibang presensiya sa paligid – presensiya na hindi niya lubos mawari kung masama ba o napakasama. Tiniis niya ang sakit ng pagkakapaso hanggang sa nagpakita na naman ang isang nilalang na nagkabali-bali ang buto at hinablot ang babaeng humahawak sa kanya.

“Nakikita ka niya. Sinusundan ka niya.”

“Biyang! Biyang!”

Naidilat ni Beatrice ang kanyang mata nang maramdaman ang pag-alog ng kanyang katawan. Hirap siya sa paghabol sa kanyang hininga nang bahagyang makabangon sa hinihigaang hospital bed. Umiikot ang kanyang mga mata na tumitingin sa paligid at parang nasa ilalim pa ng halusinasyon.

“Doc?! Doc?!” sigaw ni Jared na hindi alam ang gagawin. “Biyang, okay ka lang?”

Naramdaman niya ang paghawak sa kanya ni Jared at kahit papaano’y nahimasmasan siya at napagtantong wala siya kanyang silid.

“J-jared?” wika niya nang makita ang kaibigang nasa tabi. Niyakap niya ito at naluha na lang dahil sa wakas nagising siya mula sa isang bangungot na hindi na niya gustong balikan. “Natatakot ako.”

“B-bakit? Ano ba ang nangyayari sa ‘yo? We saw you unconscious last night sa bahay n’yo. You should have told us na pupunta ka pala roon para naman nasamahan ka namin.”

“S-sa bahay?” pagtataka niyang tanong at kumalas mula sa pagkakayakap. “Ano ang ibig mong sabihin?”

“We were looking for you the whole night. At naisipan namin na baka bumalik ka sa bahay n’yo kaya pumunta kami roon. Then we found you lying on the floor sa kuwarto ng mommy mo. You were burning with fever kaya dinala ka namin dito sa hospital.”

Natulala siya nang marinig ang sagot ng kaibigan. Sa kanyang pagkakaalala, pinagsamantalahan siya ng kanyang mga kaklase at itinapon sa sementeryo. Nasapo niya ang bibig nang maalala kung paano siya halos patayin ng mga iyon. Nang bumalik sa kanyang isipan ang mga nakangiting mukha nila na tila mga impaktong nagtatago sa pinakamadilim na sulok ng mundo, hindi niya mapigilang maluha. Subalit, mas naging magulo ang kanyang isipan nang mapansin niyang wala na ang mga pasa sa kanyang katawan at normal na ulit ang kanyang mga binti.

Madrigal Residence, Magallano Street

“SON, I and your dad will be leaving. Sa susunod na araw pa ang balik namin. Ikaw muna mag-isa ngayon sa bahay dahil day-off si Yaya ng two days, okay?”

Parang kantang paulit-ulit na lang naririnig ni Noel ang ganitong palusot ng kanyang ina. Kahit kailan, hindi niya ito nakasama ng matagal dahil mas inuuna nito ang negosyo kesa sa sariling anak.

“Mom, it’s already nine in the evening. Huwag n’yo sabihing may meeting pa kayo up to this time?” may diing wika ni Noel.

“Anak, kailangan naming magsikap ng daddy mo. Para rin naman sa ‘yo ito.”

“Para sa akin? O para sa inyo dahil masyadong mataas ang mga pangarap ninyo? Mom, I never want this life kung para lang din naman akong walang magulang. Alam niyo, mas naiinggit pa ako sa mga kaklase kong mahirap dahil kasama nila ang mga magulang nila.”

“Noel, lower your voice! Mommy mo pa rin ako!”

“Stop showing me your fucking drama! Umalis na kayo!” Umalingawngaw ang boses ni Noel sa sala. Matapos sigawan ang ina, nagmadali siyang umakyat sa kanyang silid at sinipa ang pigurin ng isang anghel na nakatayo sa gilid ng hagdan.

“Noel Madrigal, kinakausap pa kita! Bumaba ka rito! ‘Yan ba ang natutunan mo sa paaralang iyon? If I know better, sa Allison Academy ka nalang sana namin in-enrol. Wala ka ng modo! Hindi ganyan ang pagpapalaki namin sa-”

Isinara niya ang pinto at malakas na bumuntong-hininga nang naging tahimik na ang lahat. Kinuha niya ang iPad at nagsindi ng pulang sigarilyo. Binuksan niya ang bintana at sumandal sa bakal na brace nito.

“Putangina!”bulong niya.

Sumilip siya garahe at nakitang sumakay na ang kanyang ina kasama ang assistant nito. Nang nasa loob na sila lahat, bumusina ang driver nila at humarurot na ang sasakyan paalis.

“Huwag na sana kayong bumalik!” sigaw niya sa labas ng bintana.

Nang maubos na ang sigarilyong sinindihan, kinuha niya ang tuwalya at tumungo sa banyo para maligo na. Agad namang tumugtog ang bluetooth speaker niya na kanina’y kanyang itinakda gamit ang iPad.

Ramdam niya ang malamig na tubig na yumakap sa kanyang buong katawan na mula sa shower. Kasabay ng musikang alternative rock, umaasta rin siyang tumtugtog ng gitara hanggang sa marinig niya ang pagkurap-kurap ng tunog at pagpatay-sindi ng ilaw. Pinatay niya ang shower at lumabas sa banyo para tignan kung ano ang nangyayari.

Nang makitang ayos lang naman ang lahat at bumalik na sa pagtugtog ang musika, bumalik siya sa banyo upang tapusin ang pagligo. Sa pagbukas niya sa shower, halos mapatalon siya nang makitang putik ang lumabas dito.

“Shit!” Napamura siya nang ang putik ay unti-unting nagiging dugo.

Dahil sa takot, lumabas siya ulit ng banyo at aksidenteng nadulas dahil sa putik na nasa kanyang paa. Natumba siya sa sahig at nauntog ang ulo sa sulok ng kanyang kama dahilan para dumugo ang kanyang noo. Bagama’t nahihilo ng kaunti, pinilit niyang tumayo upang makababa ng kuwarto. Subalit nang iangat niya ang paningin, tumambad sa kanya ang babaeng nasa sulok ng kisame na nagkabali-bali ang katawan.

“What the fuck?!” nanginginig niyang mura.

Hindi siya makagalaw habang nakatingin sa nilalang na nanlilisik ang mga mata at nakatitig lang sa kanya. Tumutulo ang putik sa katawan nito at dumagayday  sa dingding at ang dugo na mula sa mga mata nito’y tumulo sa sahig.

“S-sino ka?! Anong klaseng nilalang ka?!” Napaluhod siya dahil sa takot.

Tanging angil nito ang kanyang narinig. Hindi niya maalis ang tingin sa nilalang na nakatingin pa rin sa kanya na kahit paminsa’y hindi kumukurap. Dahan-dahan siyang gumapang paatras at ang nilalang naman ay bumababa upang lapitan siya.

Nang makasandal na siya sa pader, binuksan niya ang drawer na nasa gilid at kinuha ang baril na ninakaw niya mula sa kwarto ng kanyang ama. Nilabanan niya ang takot at pinagbabaril ang gumagapang na nilalang. Ngunit, lumalagpas lamang ang mga bala sa katawan nito at tinamaan niya ang ilaw. Tanging lampshade na lang ang nagbibigay liwanag sa silid, at maliban sa kanyang paghingal, naririnig pa rin niya ang angil ng nilalang na ngayo’y nasa kanyang harapan na.

Nang makita niya ito sa malapitan, halos masuka siya sa mukha nitong may mga uod na lumalabas mula sa mga butas na nasa mukha nito. Nang mas lumapit ito sa kanya, narinig niya ang mga bulong na tila ba nanggagambala sa kanyang utak.

“Wala ka ng kawala. Wala ka ng kawala.”

Inikot-ikot niya ang kanyang mga mata at nagbabakasakaling makita kung saan nanggaling ang mga boses, ngunit dumapo ang kanyang paningin sa salaming ngayo’y nakaharap sa kanya at nakita niya ang mga mapuputik na kamay na dahan-dahang nagsilabasan. Napasigaw siya ng malakas at humarap sa nilalang na nasa kanyang harapan.

Ngumanga ito na abot sa tenga at umatake sa kanya dahilan kung bakit dumilim ang kanyang paningin at hindi na niya maramdaman ang sarili.

“Nakikita kita.”


Discover more from Quattro Tagalog Online Stories

Subscribe to get the latest posts sent to your email.

Sa Aking Kaarawan (Kabanata 8)

•───────•°•❀•°•───────

AUTHOR'S NOTE

•───────•°•❀•°•───────

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.