MASAKIT ang ulo niya dahil sa labis na puyat. Halos lahat ng trabaho sa opisina ay natapos na niya. Iniuwi niya kasing lahat iyon ng nagdaang araw sa kagustuhang maokupa ang kaniyang oras sa buong magdamag. Kinatatakutan niya ang oras na makapag – isip. Kagaya ngayon na hindi niya maituon ang kaniyang oras sa pagmamaneho ng kaniyang kotse at sa halip ay kung anu – anong alalahanin ang sumasagi sa isip niya.
Dalawang baryo na lamang at nasa San Simon na siya at tinatahak pa lamang niya ang San Sebastian ay kinakabog na siya ng samu’t saring emosyon. Ito ang pangalawang beses niyang pag – uwi sa kinalakhang probinsiya mula nang binyagan ang anak niyang si Yul. Kung hindi pa itinawag ng kaniyang ina na mahina na ang kaniyang Lolo Vito ay hindi niya maiisipang umuwi. Nakaramdam siya ng bahagyang guilt sa alalahaning iyon.
Kalahating oras pa at sa wakas ay narating na rin niya ang tahanan ng pamilya na nakatirik sa mataas na bahagi ng baryo ng San Simon. Isa iyong two – storey house na ipinatayo pa ng kaniyang maternal grandparents maraming dekadang taon na ang nakalilipas. Gawa ito sa pinagsama – samang pawid, de – kalidad na uri ng kahoy at kulay matingkad na pulang mga bricks. Sa harap ng lumang bahay ay ang hardin na naiwan ng kaniyang Lola Mela at pinagyaman ng kaniyang inang si Celeste. Dahil sa nag – iisang anak ito, napahinuhod ang kaniyang ama na doon na rin sila pumisan at maging kasa – kasama ng mga matatanda.
Pagpasok pa lamang ng bahay sa loob ng bakuran ay nag – iba na ang pakiramdam niya. Tila siya napapasong hindi mawari habang pinagmamasdan ang mga halamang bumabakod sa kabuuan ng bakuran. Ipinilig niya ang kaniyang ulo upang maghanda sa pagbaba. Agad niyang natanaw ang papasalubong na ina at dalawang dalagitang tiyak niyang mga apo ng katiwala nilang si Manang Simang. Sa loob na rin ng kanilang bakuran nakatayo ang munting kubong tinitirhan nito noon pa mang bata siya. Kasama ng matanda ang maliit nitong pamilya. Napangiti siya, hindi na biro ang tagal ng panahong ipinaglingkod ng matanda sa mga Almario. Paslit pa lamang siya ay nakagisnan na niya ito hanggang sa siya ay magka – edad.
Nang umibis ng sasakyan ay agad siyang sinalubong ng yakap ng mamang niya. Hindi nalingid sa kaniya ang pangingilid ng luha nito kaya’t pinili na lamang niyang ilayo ang tingin upang hindi mahawa sa emosyon ng kaniyang ina. Hinawakan niya ito sa braso at iginiyang pumasok sa loob ng bahay kasunod ang dalawang dalagitang nasa likuran nila.
“Mabuti at maaga ang naging dating mo, hija. Ang akala namin ay gagabihin ka dahil malayo ang Menila.” bungad nito habang pinapanhik nila ang pitong baitang na hagdan ng bahay.
“Maaga po akong umalis doon, Mamang. Ayokong tanghaliin sa daan, sira pa naman ang aircon ng kotse ko.”
“Sana’y nagsabi kang darating ka ng ganitong oras para nakapaghanda naman kami.” Napansin niyang may kahulugan ang ipinukol na tingin ng ina sa dalawang dalagitang nasa likod pero hindi niya masyadong binigyan ng pansin iyon. Kung anu – ano ang pumapasok sa isip niya samantalang dapat ay makaramdam siya ng tuwa sa muling pagbabalik na iyon sa bayan ng San Simon. Pagkatapos ng humigit kumulang tatlong taon.
“Ano bang handa ang kailangan pa, mamang? Alam niyo naman sa simula pa lang ay hindi na ako mahilig sa mga kasiyahan hindi ba? Isa pa ay hindi ko agad nakumpirmang papayagan ako ni Boss na magleave ngayong linggo kaya hindi na rin ako nakapagpasabi.”
“Naku, kahit simpleng tanghalian lamang sa ating pamilya, anak. Ilang taon ka na ring hindi nadalaw rito at dapat ay magsaya tayo sa muli nating pagkikita – kita hindi ba, Rosa, Rosita?”
Tumango naman ang dalawang dalagitang mula nang siya ay dumating ay pirmis lamang na nakatayo at nakamasid sa kaniya.
“Sila na ba ang mga makukulit na apo ni Manang Simang? Parang bigla yata silang nagdalaga ah. Naku, marami akong mga damit at sapatos na ibibigay sa inyo. Kung okey lang sa inyong gumamit ng mga bagay na hindi na masyadong bago, mayroon akong dala at nasa compartment ng kotse ko. Marami kasi akong damit na hindi na rin maisuot mula nang…nang nagdiyeta ako eh. Pihong kasya sa inyong dalawa, lalo na sa iyo, Rosita.” Higit itong mas mabilog kaysa sa kapatid at na – imagine niyang suot ng mga ito ang damit niya. Napangiti siya nang makita ang sayang lumarawan sa maamong mukha ng dalawa.
“Oo nga pala, mamang, nasa silid ba si Lolo Vito? Gusto ko siyang makita.” Humakbang siya patawid ng sala kung saan ang unang silid na daratnan ay sa kaniyang abuelo.
“Ah, eh, oo anak pero mamaya na kita ihahatid sa kaniya. Halika muna sa kusina at nang magkakuwentuhan muna tayo habang inihahanda ang ating pagkain.” Hinawakan pa siya ng ina at dinala sa kusina ngunit bahagya niyang binawi ang brasong hawak nito.
“Makapaghihintay ‘yan, mamang. Gusto ko munang makita si lolo.” Muli niyang binagtas ang kahabaan ng sala patungo sa destinasyon ng kuwarto ng abuelo pero saglit pa lamang siyang nakahahakbang ay biglang lumitaw sa kaniyang harapan si Rosita na nakababata kay Rosa.
“A – ate, bilin nga pala ni Lola Simang na dalhin kita agad sa kaniya oras na dumating ka. Iginawa ka raw niya ng puto at dinuguan na paborito mo.” Alanganin ang ngiti nito at hindi niya maunawaan ang ibig sabihin noon. Napangunot siya sa iginawi nito pero matamis na nginitian ang dalagita at ipinangako ritong agad na lilipat sa kubong tinitirhan ng mga ito matapos makapagmano kay Lolo Vito. Bubuksan na lamang niya ang pinto nang malakas na napasigaw ang kaniyang ina.
“Anak! Baka gusto mo munang magkape at baka mabalis mo si Tatay!” Kitang – kita niya ang pamumutla ng ina nang lingunin ito. Bigla ang bundol ng kaba sa kaniyang dibdib at nanghina ang kaniyang mga tuhod. May nangyari bang masama sa kaniyang Lolo Vito? Bakit tila ayaw ng mga itong puntahan niya ang kaniyang lolo? Sukat sa naisip ay bigla niyang binuksan nang malakas ang dahon ng pinto.
“Lolo!”
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.





