HINDI na siya mapakali sa kinauupuan pero hindi naman niya magawang magtanong. Nakainom na si Uly at kapag ganitong may halo na ng alcohol ang isip nito ay nagiging makulit at unreasonable na ang lalaki.
Naiisip niya si Add. Tiyak na sa mga oras na iyon ay nag – aalala na ito para sa kaniya. Pupuntahan naman niya ito talaga kanina pero nang magpaalam siya kay Uly ay umalsa ang boses nito. Nabigla siya dahil sa unang pagkakataon ay nagawa nito sa kaniya ang ganoon. Pero wala na siyang panahong mag – isip dahil agad na siya nitong pinasakay sa kotse at pinasibad ang sasakyan palayo sa unibersidad.
Dinatnan na nila sa bahay nito si Macia at Rina. Pero bukod sa mga ito ay wala nang ibang tao roon. Wala ang mga kagrupo nilang inaasahan niyang makakasama sa pag – eensayo. Si Luke naman daw ay maaatraso ng dating dahil may importante pa itong nilakad. Agad siyang kinabahan lalo nang magsimulang maglabas ng inumin si Uly. Hindi niya inaasahan iyon. Ang alam niya ay practice ang sadya nila roon gaya ng sabi ni Luke at Macia, hindi kung ano pa man. Nang magkaroon ng pagkakataon ay tinanong niya si Rina.
“Nasaan ang iba? Akala ko ba ay magpa – practice tayo?” bulong niya rito.
“Practice? Sino ang nagsabi niyan sa’yo?” tila nagtatakang tanong nito.
“Si Luke. Saka ‘yang si Macia. Dito raw tayo matutulog dahil magpa – practice tayo buong gabi.”
“Birthday ni Uly ngayon, nalimutan mo na ba? Akala ko pa naman ay may sorpresa ka sa kaniya. Baka inaasahan din niya iyon?” Tila bigla itong nag – alala. Sabagay ay ganoon rin ang naramdaman niya.
Birthday nga pala ni Uly. Paano niyang nalimutan iyon samantalang noong kaibigan pa lang niya ito ay hindi naman siya pumapalyang alalahanin ang okasyong mahalaga para rito? Lalo na siyang kinabahan nang malaman mula kay Rina na may kani – kaniya palang regalo ang mga ito para kay Uly. Ano ngayon ang ibibigay niya para sa binata?
Kasabay ng pag – aalala sa bagay na iyon ay sumingit sa kaniyang balintataw ang imahe ni Add. Paano niya paliliwanagan ito pag – uwi? Tiyak na magagalit ito dahil hindi siya dumating sa oras ng kanilang usapan. Hindi pa alam ni Add kung saan ang bahay ni Uly kaya paano siya nitong susunduin?
Nasa ganoon siyang pag – iisip nang biglang may yumakap mula sa kaniyang likuran. Nang pumihit siya ay nakita niya ang nakangiting mukha ni Uly. Ngumiti siya rito at binati ng ‘happy birthday’ ang nobyo. Yumuko naman si Uly upang hagkan siya sa mga labi. At hindi na niya nagawang tumutol nang marinig ang malakas na kantiyawan ng grupo.
SIGURADO siya. Iyon ang numero ng bahay na nakasaad sa papel na ibinigay ni Luke. Iyon dapat ang address ni Uly. Kaya hindi siya makapaniwala sa naririnig sa matandang kausap.
“Walang Ulysses rito. Ramon ang pangalan ng nakatira diyan at babae naman ang anak niyon. Kung gusto mo ay magpa – tao po ka para masiguro mong tama ang sinasabi ko.”
Tumanggi siya dahil naniniwala naman siya sa matanda. Tumalikod na siya matapos magpasalamat dito at agad na tinawid ang tindahang hindi kalayuan sa lugar na iyon. Nagbakasakali siyang tanungin ang tinderang naroon at kagaya rin ng sinabi ng una niyang napagtanungan ang naging tugon nito. Wala raw Ulysses Cabalquinto na nakatira sa kalyeng iyon. Baka namamali raw siya ng lugar na ipinagtatanong.
Agad na kumuyom ang kaniyang mga palad sa matinding galit. Hindi niya sukat – akalaing ganito kababa ang pagtingin sa kaniya ng mga kaibigan ni Thea. Paanong naatim ng mga ito na iligaw siya habang alam naman ng mga itong nag – aalala siya nang husto para sa dalaga? Binigyan niya ng laya ang nadarama niyang emosyon nang mapadaan sa isang matandang punong nasa gilid ng kalye. Ilang beses niya itong sinuntok hanggang sa magdugo ang kaniyang mga kamay.
“KAILANGAN kong umuwi, Uly.” Bigla siyang kinabahan nang maramdaman ang isang kamay ng binata sa ilalim ng mesa na dumadama sa kaniyang kaliwang hita. Hindi ito tama. At tiyak na higit pa roon ang magaganap kung pababayaan niya ito. Unti – unti nang ginugupo ng kalasingan ang lalaki gayundin ang ilan nilang kasama. Siya lang ang bukod tanging hindi nalalasing dahil bahagya lang ang kaniyang ininom. Ayaw lang niya ng diskusyon kaya niya nagawang tanggapin ang ilang shots na ipinapasa ni Macia.
“Babe, ano bang uuwi? Hindi ba at dito ka matutulog?” Inilapit nito ang sarili nang husto sa kaniya at napapikit siya nang maunawaan ang ipinahihiwatig ng nobyo.
“Hindi puwede. Hindi ako nagpaalam kay Add. Hahanapin ako noon.”
Nabigla siya nang biglang hampasin nang malakas ni Uly ang mesang nasa harap nila.
“Anak ng…Add na naman! Wala na bang ibang sasabihin sa akin na hindi mo mababanggit ang pangalan ng asungot na ‘yan?!”
“Uly…” Napatda siya nang bigla itong tumayo at hawiin ang mga bote ng beer na nasa ibabaw ng mesa. Napasigaw siya maging si Rina. Si Macia naman at si Luke ay maang lang na nakamasid sa mukhang hindi paaawat na lalaki.
“Bakit? Totoo naman ‘diba? Huwag mong sabihing ipagtatanggol mo pa ang lalaking ‘yan?”
“Hindi mo siya dapat pagsalitaan ng ganyan. Kaibigan ko siya at wala kang dapat ipagselos sa kaniya!” Naiiyak na niyang wika.
“Kaibigan mo ang damulag na ‘yon?! Kaibigan mo lang? Eh kulang na lang ay itago ka sa damit niya para masigurong hindi ka mawawala sa paningin niya ah! Anong kaibigan ang pinagsasabi mo?”
Tumingin siya sa mga kasama nila upang humingi ng saklolo pero isa – isang nagpulasan ang mga ito palabas. Marahil ay ayaw makialam sa away nila ng lalaki.
“Please Uly, saka na tayo mag – usap kapag matino ka na. I need to go now.” Niyuko niya ang kaniyang bag na nasa sofa at inihakbang ang mga paa palayo rito pero madali itong lumakad at lumampas sa kaniya. Iniharang nito ang sarili sa pinto at saka siya nito hinawakan sa magkabilang balikat.
“Hindi ka uuwi, Thea. We need to talk. It’s my birthday, remember? Wala ka bang gift sa’kin?” Bigla ay naging mahina ang tinig nito. Gayunman ay naroon ang diin na tila pagbabanta ang konotasyon sa isip niya.
“I’m sorry, Uly. I really need to go.” Muli niyang tinangkang hawiin ito sa pagkakasandal sa pinto pero agad nitong sinunggaban ang kaniyang katawan. Mabilis nitong niyakap ang kaniyang baywang at saka siya nito kinaladkad palapit sa sofa na hindi kalayuan sa kinatatayuan nila. Marahas nitong hinahagkan ang kaniyang leeg at mukha habang patuloy naman siya sa pag – iwas rito.
Napadaing siya sa sakit nang tumama sa matigas na bahagi ng sofa ang kaniyang likod dahil sa marahas na pagtulak ni Uly. At hindi pa man nakatatayo ay dumagan na ang katawan nito sa kaniya. Paulit – ulit nitong tinatawag ang pangalan niya at tila baliw na ibinubulong ang regalong hinihingi nito.
Sisigaw na sana siya nang biglang umangat si Uly sa ere. At napaawang ang mga labi niya nang makitang bitbit na ito ni Add. Sumalya sa gilid ng mesa si Uly nang padapuan ito ng malakas na suntok ng kababata. Napasigaw siya. Gayundin si Rina na humahangos sa pagtakbo mula sa kung saan. Kasunod nito ang mga kasamang tila nawala ang pagkahilo sa eksenang nabungaran.
Agad na lumapit si Luke upang umawat pero nakita ito ni Add at siyang pinagbalingan ng galit. Hindi rin ito nakaligtas sa mapagparusang mga kamay ng kababata.
“Isa ka pang hayop ka!” Muli sana nitong susuntukin ang mukha ni Luke nang yakapin niya ito nang mahigpit. Sinikap niyang mailayo si Add sa dalawa at kasabay ng palitan ng salita ng mga ito ay kinaladkad na niya ang kaibigan palayo sa lugar na iyon.
Discover more from Quattro Tagalog Online Stories
Subscribe to get the latest posts sent to your email.



